NAKA-PARK ang sasakyan ni Alvin malapit sa ilog malapit lang din sa school. Lumilipad ang isip niya. Sa kanilang magkakapatid, siya ang may pinakamalakas na instinct. Bukod pa doon ay mataas din ang analyzation niya sa mga bagay-bagay. Sinasabi ng kalooban niya na may kinalaman si Muriel sa naganap kay Angel.
May kadiliman sa lugar at tanging liwanag lang ng bilog na buwan ang nagbibigay-ilaw sa kapaligiran. Nagrereflect ang liwanag ng buwan sa ilog. Kumikislap ang tubig dahil sa bahagyang pag-alon nito. Hindi matao sa lugar dahil may kalayuan ang mga kabahayan mula sa kinatatayuan niya.
Tuwing may problema siya ay nais niyang mapag-isa katulad sa oras na iyon kaya naman malalim siyang nag-iisip habang nakasandal sa kotse.
Sa ngayon ay nais niyang makausap si Muriel kung ano ang pakay nito kay Angel. Kinausap niya kasi ang gwardiya para kumpirmahin kung may pumasok ba sa Ladies dorm at sinabi nito ang hinala niya.
"Si Miss Muriel ang natatandaan ko na pumasok sa dis-oras ng gabi, Alvin Ang sabi niya ay tinawagan siya ni Ms. Jang para manghingi ng tulong. Nakiusap siya sa’kin na papasok at hinayaan ko na lang dahil nakapasok na rin naman ang Emergency car sa loob," ito ang isinagot sa kanya ng babaeng guwardiya.
Napabuntong-hininga siya. Sa loob ng ilang linggo na nakasama niya si Angel at Muriel, kahit isang palitan ng pag-uusap ay hindi nga nagawa ng mga ito. Angel was protecting herself against Muriel and he doesn't know why.
Ramdam niya na malamig ito sa huli kaya kung sakali man na may maganap na hindi maganda dito, sigurado na si Santa o kaya naman ay isa sa kanilang tatlong magkakapatid ang tatawagan nito.
Nag-ring ang cellphone niya. Kinuha niya iyon at bahagya lang na sinilip. Pangalan ni Simon ang nasa kabilang linya. Binalik niya muli iyon sa ibabaw sa loob ng saakyan.
Hindi niya sinagot ang tawag nito dahil baka bumigay siya sa kapatid. Nais niya muna na makausap si Muriel ngunit hindi niya alam kung saan ito hahanapin. Ayaw kasi nitong sagutin ang tawag niya.
Habang malalim na nag-iisip habang tinatanaw ang tubig. Isang babae ang tumatakbo papalapit sa gawi niya. Nakasuot ito ng jeans skirt at blusang puti na may mantsa ng kung anong putik. Nililipad ng hangin ang bangs nito at bahagyang nagulo ang nakapusod nitong buhok.
Napansin siya nito dahil nag-iisa lang siyang nilalang sa kahabaan ng tabing-ilog kaya lumapit ito sa kanya.
"Kuya, itago mo ako!" hiling nito.
Hinawakan siya nito sa braso. Bigla nitong pinukaw ang atensyon niya dahil doon. Bigla na lang din nanlaki ang mata nito na nakatingin sa gilid saka yumuko. Niyugyog siya nito.
"Let's go, please. Send me to Lloyd University! B-babayaran kita!" bulong nito na may halong pautos habang itinatago ang ulo.
Lumingon siya sa kung saan ito nakatingin. Kita niya ang dalawang lalaki na parang miyembro ng men-in-black. Naka-suit ang dalawa at may salamin na itim. Bahagyang nagtaas ang kilay niya. 'Gabing-gabi ngunit may naka-shades?'
Ibinalik niya ang tingin sa babae na sa tingin niya ay hindi nalalayo ang edad sa kanya.
"Tara na! H'wag nang madami pang iniisip." Binuksan nito ang kotse niya at nauna pa itong pumasok sa pwesto ng driver seat. Umusog ito papunta sa katabing upuan. Saka nito hinila ang braso niya papasok sa loob ng kotse.
"Ang bagal mo! Sumakay ka na dito!"
Bahagya siyang naaliw dito. "Sino ka ba?" tanong niya habang nagsusuot ng seat belt.
"Mamaya na ang question and answer portion, okay! Ihatid mo na ako doon!"
Nilingon niya ito. "Ganyan 'yung mga galawan ng mga nambubudol, e."
"Hindi ako manloloko okay!" napansin nito na malapit na sa kanila ang dalawang lalaki. "Aahhhh! Ayan na sila! Bilisan mo na! Hindi nila ako dapat mahuli!"
Bigla na lang itong napaatras nang bigla niyang paharurutin ang sasakyan. "Ahhhh!"
"Kuda ka ng kuda d'yan, hindi ka pa pala nagsusuot ng seatbelt." Kita ni Alvin sa side-view mirror na napasipa na lang sa sahig ang dalawang lalaki na iniwan nila sa kalsada.
Kumapit ang dalaga na kasama niya sa handle. Agad nitong ini-lock ang belt sa suksukan.
Gumaan naman ang pagmamaneho ni Alvin matapos makarating sa main road. Ilang saglit pa ay nasa tapat ng gate na sila ng LIU.
Sumilip ang guwardiya sa kanila. "Hello Boss Alvin. Malapit na ang curfew. 10 minutes na lang at magsasara na ang school. Sino po ang kasama n'yo?" tanong nito.
"Girlfriend niya," mabilis na sagot ng babae.
NIlingon niya ito at tinitigan ng masama.
"Boss Alvin, bawal magpasok ng girlfriend kapag hindi estudyante," sabi ng gwardiya.
"M-mag-eenrol ako kuya, para maging student!"
Ngumiti ang guwardiya kahit pa nga halata na naiinis na ito sa kanila. "Boss Alvin, bukas na lang po kayo bumalik kapag bukas na ang registration. Bawal ang hindi estudyante."
Napakagat ang babae sa daliri nito. Kinamot ni Alvin ang kilay niya. "Sabi ko na nga ba at nambubudol ka eh!"
"At sinabi ko rin na hindi ako manloloko, okay! Kaya ako nagpunta dito ay para hanapin ang kaibigan ko!"
"Baba na! Inuubos mo na ang oras ko!" reklamo dito ni Alvin.
"Pa-pahiram na lang ako ng cellphone. Hindi ka ba naaawa sa akin. Paano kung mahuli ako ng dalawang lalaki kanina? Paano kung ma-r@pe ako dito sa kalsada? Paano kung bigla akong saksakin ng masamang loob?"
"Yes, at paano pala kung ako pala ang gagawa n'on sa'yo 'di ba?" aniya sa babae.
Nabigla na lang siya nang bigla itong umiyak ng malakas. "Ser, ang totoo po binuntis niya ako! Gusto ko siyang ireklamo sa school kaya ako naparito! Tulungan n'yo ako. Mamang guard! Niloko niya ako! Ayokong maging single parent!" saad nito habang nagkukunwaring ngumangawa.
Kumuha ng atensyon ang babae. Napalingon sa kanila ang iba pang estudyante na pabalik sa loob ng school. Nakilala ng mga ito ang sasakyan niya.
Nanggigigil si Alvin at gusto niyang sakalin ang babae. Kung sana ay umuwi na lang siya ng White Castle, e'di hindi sana siya namomroblema dito.
…..
ISANG babae na naglalaro sa disisyete anyos ang naglalakad palabas ng NAIA. Ngising-ngisi siya dahil nalusutan niya ang mga bodyguard niya mula pa sa Seoul. Isang bag lang ang bitbit niya dahil plano niyang mag-istokwa ng isang buwan palayo sa pamilya nang hindi maaabala.
Kinuha niya ang cellphone mula sa bulsa ng sling bag na nakasukbit sa katawan niya at tiningnan ang oras. Tanghaling tapat.
Nagsimula siyang hanapin sa friends list ang kaibigan na si Angel Jang at saka nagpadala ng mensahe dito.
[Unnie, I am here now in Manila,] ito lang ang ipinadala niyang mensahe kay Angel at saka naghanap ng matutuluyan sa online app. Ayon kay Angel, naroon ito sa Lloyd International University dahil sinundan nito ang kababatang si Khalid.
Wala sana siyang plano na magpunta sa bansang iyon kaya lang ay ipinagkasundo siya ng Daddy niya sa anak ng business partner nito. Napakabata niya pa para doon at hindi pa nga siya nagkaroon ng boyfriend ngunit engaged na agad siya sa murang edad.
Ikinasama niya ng loob ang ginawa nito kaya naman nagplano siya na tumakas.
Habang naghahanap ng lugar sa app kung saang hotel tutuloy, dalawang matipunong lalaki ang huminto sa tapat niya at humarang sa liwanag. Nakasuot ng itim na suit ang dalawa at may shades sa mata.
"Miss Somia," bati ng mga ito.
Nanlaki ang mata niya sa dalawang nilalang at saka napaatras para sana tumakbo ngunit mabilis na nahawakan ng mga ito ang dalawang braso niya. Napakabilis naman yata siyang natunton ng ama! Ito ang nasa isip niya,
Nakita niya kasi ang pin sa dibdib ng mga ito simbolo na bodyguard ang dalawa ng pamilya. Hindi naman nakapagtataka dahil may business din sila sa bansang iyon.
"Ahh! Let go of me!"
"Nakikiusap po kami sa'yo na sumunod na lang po kayo sa amin. Hindi namin kayo sasaktan. Pinapahanap po kayo sa amin ni Master at kapag may nangyaring masama sa inyo dito, kami ang malalagot," sabi nito sa salitang koreano.
"No! I don't want to go back! Ipapakasal lang ako ni Dad sa kung kanino! I don't want to go back! Bata pa ako, madami pa akong pangarap sa buhay!" saad niya.
Kumuha sila ng atensyon sa iba pang mga tao na nasa paligid.
"Miss, nakikiusap po kami na h'wag po kayong gumawa ng eskandalo dito." Sinenyasan nito ang kasama at mabilis siyang isinakay sa van na naghihintay sa tapat.
Sumakay ang isa sa driver seat matapos siyang maipasok at agad siyang hinarang ng isa pa sa pintuan para hindi siya makaalis. Panay ang hiyaw niya at tampal sa katawan ng lalaki ngunit hindi nagpatinag ang mga ito. Masyadong maskulado ang dalawa na para siyang nananampal ng bakal.
Siya lang din naman ang masasaktan kaya huminto na lang siya.
"Pababain n'yo ako! Ayoko sa inyo!" puro ganito ang mga hiyaw niya sa van ngunit hindi siya pinansin ng dalawa hanggang sa mapagod na lang siya pati ang lalamunan niya.
Natraffic sila paglabas ng airport. Napansin niya ang isang gasoline station sa bungad makalipas ang ilang minuto ng pananahimik.
"N-naiihi na 'ko," sabi niya. Nilingon siya ng katabi niyang bodyguard.
"Magpark ka sa isang gasoline station, brother. Ihing-ihi na ako. Awts! Hindi ko na kaya… awts! awts!" hawak niya ang puson at namimilipit sa sakit.
Walang nagawa ang mga ito kung hindi ang pagbigyan siya. Lumiko ang sinasakyan na van papasok sa gasoline station. Sinamahan siya ng isa papuntang ladies room habang nagbabantay sa van ang isa pa.
Nakahawak siya sa puson at parang sasayaw dahil sa kunwaring ihing-ihi. Napansin niya na mahaba-haba ang pila sa ladies room.
"Wooh.. ihing-ihi na ako…" sabi niya habang nakapila.
Nasa likod niya lang ang bodyguard at walang emosyon na makikita sa mukha nito. Halata na matiyagang maghihintay sa kanya. Hindi nakaligtas sa pandinig nito na may pila pa sa loob ng ladies room.
Kaya naman nang makapasok siya sa loob ng palikuran, hindi nito alam na may pinaplano na siya na lumabas sa bintana. Takang-taka ang mga nakapila ng isuot niya ang sarili sa maliit na butas. Palibhasa ay bata pa at may kapayatan, sumakto ang katawan niya sa butas.
Nahulog siya sa mga halaman paglusot ng bintana.
"Ouch!" sumakit ang balakang niya matapos niyang mahulog.
Mabilis siyang nag-isip at mabilis na naglakad palayo sa lugar kahit iika-ika. Isang bus ang papaalis na rin ang mabilis niyang ipinara. Bahala na si Batman! Ang mahalaga ay makalayo siya sa dalawang lalaki.
Palibhasa ay bata pa kaya ganito mag-isip ang dalaga.
Umupo siya sa isa sa mga upuan at saka nakahinga ng malalim matapos lumapat ng likuran niya sa upuan na may balot ng plastic cover. Lumapit ang kundoktor sa kanya saka siya tinanong kung saan siya bababa.
Napakamot siya sa ulo. "Saan po ba patungo ito, Kuya?"
Kumunot ang noo ng kundoktor. "Aba'y ineng, tumakas ka lang ba sa inyo?" paninigurado nito.
"Sino pong nagsabi sa inyo? Hindi ah! Sa bus station po ako," agad na pagsisinungaling niya dito.
Mabuti na nga lang at dala niya ang sling bag. Eksakto ang Philippine money na bitbit niya sa ibinayad sa kundoktor. Puro cards na ang iba pa. Para hindi maligaw, binuksan ni Somia ang maps at sinisilip paminsan-minsan kung saan patungo ang bus na sinasakyan.
Matapos ang isang oras ay nasa bayan na siya ng Santo Tomas kung saan malapit ang Lloyd University. Wala sana siyang plano na i-meet si Angel Jang. Pero ngayon na dinala siya ng tadhana sa kaibigan, wala na siyang choice kung hindi ang kitain ito.
Ngunit nagkaroon siya ng problema matapos makita ang dalawang lalaki na iniikot ang paningin sa bayan. Laking gulat niya dahil natunton siya agad ng mga ito. Iniisip niya na marahil ay nakita siya ng dalawa na sumakay sa bus.
Sinubukan na naman niya na tumakas sa dalawa.