Prologue
Bilang na bilang ni Dria ang bawat hiningang dumaraan sa katawan niya kahit na binibingi siya ng t***k ng puso niya. Gusto niyang sampalin ang sarili para magising siya sa bangungot na kinaroroonan niya ngayon ngunit alam niyang hindi isang simpleng masamang panaginip lang ang lahat. Ito ay isang buhay na bangungot.
Napakislot si Dria sa pinagtataguan niya. Itinaas niya ang nanginginig na kamay niya at itinakip iyon sa bibig niya sa takot na makagawa siya ng munti mang ingay. Napapikit siya at isa-isang tumulo ang mga luha niya habang pinapakinggan ang papalapit na mga yabag patungo sa kinaroroonan niya.
"Dria?" malambing na tawag ng boses na iyon. Lalong dumami ang mga luhang umaagos sa mga mata ni Dria. Dati-rati, sabik na sabik siyang marinig ang boses na yun lalo na at may halo itong lambing. Ngunit ngayon, kahit anong lambing pa ang gamit nitong boses sa pagtawag nito sa kanya ay nagdadala ito sa kanya ng takot.
"Dria? Lumabas ka na kung saan ka man nagtatago. Huwag mo na akong pahirapan sa paghahanap sa'yo, love. Ayaw mo akong makitang nagagalit, hindi ba?"
Love?
Ang kapal ng mukha nitong tawagin siyang love!
Sinungaling ka! gustong ipagsigawan iyon ni Dria ngunit nagtiis siya. Tiniis niya ang galit na sumasakal sa puso niya. Kapag hinayaan niya ang emosyon niya, alam niyang magiging katapusan na niya.
"Love, lumabas ka na! Nakakagalit na itong ginagawa mo! Napipikon na ako sa'yo!"
Luhaang umiling si Dria sa kinaroroonan niya. Kahit anong mangyayari, hinding-hindi siya lalabas sa pinagtataguan niya. Hinding-hindi siya magpapakita sa taong tumatawag sa kanya.
"Dria, ano ba?! Lumabas ka na! Sa tingin mo ba, habambuhay kang makapagtatago sa akin?!"
Gusto nang humagulgol ng iyak ni Dria. Bakit? Bakit ba nagkakaganito si Anton? Talaga bang ipinagpalit na nito ang pagmamahalan nila para lang sa pera kahit ang kapalit niyon ay ang buhay niya? Ang buhay nilang mag-ina?
Hinaplos ng nanginginig na kamay ni Dria ang impis pang sinapupunan niya. Sa kailaliman niyon ay ang butil ng buhay na matagal na nilang hinihintay ni Anton. Ang bunga mg pagmamahalan nilang kaytagal niyang ipinagdasal na magkaroon. Ngunit bakit kung kailan ibinigay na ng Diyos ang pinakahihiling niya ay saka nagkakaganito si Anton?
Gusto nang lumabas ni Dria at magmakaawa sa asawa. Ibalita rito na pagkatapos ng tatlong taon na paghihintay nila ay magkaka-baby na sila. Baka kapag nalaman nito ang magandang balitang iyon, baka biglang magbago ang isipan nito. Baka maliwanagan ang nagdidilim na isipan nito.
Magmamakaawa siya na kung ayaw na nito sa kanila ng anak niya ay walang problema. Ibibigay niya rito ang lahat ng natitirang pera niya. Pati ang kayamanan na namana niya sa ama niya ay ibibigay niya, basta huwag lang siyang sasaktan nito.
Tama. Mabait naman si Anton, di ba? Napakasimple nito kahit na sobrang taas ng mga pangarap nito. Maamo ang mukha nito, malambing, at matalino. Mga dahilan kung bakit ito ang pinili niyang mahalin sa kabila ng kahirapan nito. Marahil ay may nang-impluwensiya lang kay Anton. Siguro ay may mga nakilala lang itong masasamang tao kaya ito nagkakaganito ngayon. Tama. Tama. Baka nga ganon.
Mahal siya nito, hindi ba? Palagi nito iyong ibinubulong sa kanya. Nagagalit lang ito dahil ayaw niyang pumirma, di ba? Kailangan lang nilang mag-usap. Kailangan lang niyang magpaliwanag. At kailangan nitong malaman na magkakaroon na sila ng pamilya.
Akmang gagalaw na si Dria para tumayo nang malakas na putok ng baril ang narinig niya. Nanlaki ang mga niya. Naestatwa siya sa kinaroroonan niya. Nanigas at nanlamig ang buong katawan niya.
"Putang-ina, DRIA! Lumabas ka na! Sinabi ko nang lumabas ka na! Ayaw mo pang lumabas?! Ayaw mo?! Sige! Magtago ka hanggang kaya mo! Kapag nakita kita, papatayin kita! Papatayin kitang babae ka!"
Sunod-sunod na putok na naman ng baril ang pumailanlang sa paligid na lalong nagpanginig sa katawan ni Dria kasabay ng pagtanggap niya sa katotohanang wala ng pagmamahal na natitira sa puso ng asawa para sa kanya. Tuluyan na itong nabulag ng pagkaganid nito sa kayamanang iniwan ng mga magulang ni Dria.
Ilang beses na huminga nang malalim si Dria. Kung mamamatay man siya... sila ng anak niya... ay titiyakin niya na hindi iyon sa mga kamay ng asawa niya. Hinding-hindi.
"DRIA! Bibilang ako ng tatlo! Kapag hindi ka pa nagpakita, susunugin ko itong shop mo! Hah! Iyon ba ang gusto mo?! Ang makita ng mga maglalamay sa bangkay mo ang sunog na pagmumukha mo? Sayang lang ang ganda mo kapag namatay kang sunog na ang pagmumukha mo! Gusto mo ba iyon, Dria? Sige! Pagbibigyan kita! Isa!"
Kumilos si Dria. Halos gumapang siya sa sahig, marating lang niya ang lugar na tina-target niya. Kapag nakalabas siya, may pag-asa siyang makatakbo papalayo. Alam niyang kumpara sa lakas at bilis ni Anton, malaki ang tsansa na mahahabol siya nito ngunit ipagsasapalaran niya na ang buhay niya. Hindi siya maghihintay na kusang lumapit ang kamatayan sa kanya.
"Dalawa, Dria!" muling sumigaw si Anton ngunit hindi na siya pinansin ni Dria. Mas binilisan pa niya ang paggapang na ginagawa niya. Nang makakuha ng pagkakataon at puwersa, malakas niyang itinulak pabukas ang pinto sa likurang bahagi ng shop niya.
"Dria!"
Mabilis na tumayo at tumakbo si Dria. Nakipaghabulan siya sa mga bala na pinapaputok ni Anton sa likuran niya.
"God, please! Anything but him, please! Anything!"
Ilang beses na siyang muntikang madapa ngunit pinatatag ni Dria ang sarili niya. Kailangan niyang makalayo. Kailangan niyang makatakas para sa kanila ng anak niya.
Namamanhid na ang mga paa niya. Nanginginig na ang mga tuhod niya. Gusto na niyang sumuko, ngunit ang kagustuhang mabuhay pa sila ng anak niya ang nagbibigay ng konting lakas pa sa kanya.
"God! Hindi!" Napasigaw si Dria nang makitang wala na siyang tatakbuhang ibang lugar. Sa harapan niya ay ang malawak na karagatan at hindi siya marunong lumangoy dahil na-trauma siya sa tubig-dagat noong makidnap siya noon.
Saan? Saan na siya pupunta? Wala na siyang mapupuntahan. Wala na siyang pwedeng pagtaguan.
Ito na ba? Ito na ba awa ng Diyos sa kanya? Ito na ba ang sagot ng Diyos sa kahilingan niyang mamamatay man siya, basta hindi sa kamay ng asawa niya?
Nanginginig ang katawan na humakbang siya hanggang sa marating niya ang gilid ng sementadong kalsada. At higit na dalawampung metro sa baba niyon ay ang malalakas na alon ng nanggagalaiting karagatan.
Sinubukang tumalon ni Dria ngunit hindi niya lubos na maiangat ang nanginginig na paa niya. Ilang beses niyang pinilit ngunit bigo siya. Humahagulgol na siya ng iyak ngunit ayaw talagang sumunod ng mga paa niya sa idinidikta ng utak niya.
"Hahahaha!"
Nakakalokong tawa ang narinig niya sa likuran niya. Nanlalaki ang mga matang hinarap ni Dria ang pinanggalingan ng tawang iyon. Sa di kalayuan, naroon si Anton. Nakapamewang habang pinagtatawanan ang takot na takot na itsura niya.
"Tignan mo nga naman, Dria. Sabi ko naman sa'yo, di ba? Hinding-hindi ka na makakatakas ngayon. Mamamatay ka na talaga ngayong gabi, Alexandria Zaspa. Hahahah!"
"Anton, no. Huwag mo akong patayin please? Pipirma na ako! Pipirma na ako sa papeles!"
"Ngayon pa ba, Dria? Kung kailan ginalit mo na ako nang ganito? Baka nakakalimutan mong pumirma ka man o hindi, sa huli ay sa akin pa rin mapupunta ang mga kayamanan mo kapag namatay ka na! Kaya ngayon, mamamatay ka na. Susunod ka na sa mga magulang mo, mahal kong Dria!"
Ngunit bago pa maiputok ni Anton ang baril ay napatingin silang dalawa sa isang kotseng paparating. Nabuhay ang pag-asa ni Dria nang tumigil ito nang di kalayuan sa kanila. Dumating na ba ang magliligtas sa kanya mula sa kamay ng asawa?
Pero nang tumama ang liwanag sa mukha nito, lalong nanginig si Dria nang makilala ang taong naglalakad papalapit sa kanila.
"S--samantha...?"
Tumigil ito ilang dipa ang layo sa kanya at saka siya pinagmasdan habang nakahalukipkip ang mga kamay nito.
"Dria, buti naman at buhay ka pa. Maririnig mo pa ang mga sasabihin ko bago tuluyang ubusin Ng mga lamang-dagat ang katawan mo," nanunuyang saad nito.
"Ikaw?! Ikaw ang...?!"
Itinaas ni Samantha ang kanyang mukha at nagmamalaki pa ang boses nitong sinabi,
"Tama. Matalino ka talaga, best friend. Pero gaya ng dati, mas matalino pa rin ako sa'yo! Akalain mo yun, pati asawa mo, mas naniniwala sa akin kesa sa'yo? Akala mo ba, basta na lang akong titigil pagkatapos mong kunin ang lahat ng sa akin?"
Sa kabila ng nararamdamang galit para sa dalawang taong nasa kanyang harapan, hindi naiwasang gumanti ng panunuya si Dria.
"Sa'yo? Walang sa'yo, Samantha! Amin ang lahat! Yaman iyon ng pamilya namin na pilit mo lang inaari na sa'yo! Tell me, pinatay mo si Dad dahil doon, hindi ba?!"
Natatawang pumalakpak si Samantha. "Ang galing! Ang galing-galing mo talaga, Dria! Akalain mong nalaman mo 'yun? Oo, nilason ko ang Daddy mo! Unti-unti... dahan-dahan! At wala kang nagawa, di ba? Wala ka nang magagawa kahit malaman mo pa ang buong katotohanan dahil mamamatay ka na rin ngayon! Kaya happy reunion na lang sa inyo ng Mommy at Daddy mo!"
"Napakasama mo! Napakasama mo, Samantha! Pagkatapos ka naming mahalin at ituring na kapamilya, ganito pa ang gagawin mo sa aming lahat?! Demonyo ka, Samantha! Demonyo ka!" Halos magwala na si Dria sa matinding galit na nararamdaman niya ngayon para kay Samantha, ang utak sa lahat ng nangyayari sa kanya.
"Demonyo? Matagal na, Dria. Mula noong ipinamukha ninyo sa akin na mayaman kayo at dukha lang ako! Akala mo, hindi mapupunta sa akin ang lahat ng iyon, hindi ba? Pwes, ngayon, alam mo nang mali ka!" Bumaling ito kay Anton.
"Anton, ano pa ang hinihintay mo?! Barilin mo na ang babaeng 'yan para mapaghatian na natin ang milyones nila!"
Itinaas ni Anton ang baril at itinutok sa kanya.
"Anton, huwag! Buntis ako! Buntis na ako, Anton. Magkaka-baby na tayo! Matagal na nating pangarap ito, di ba?" pagsisiwalat ni Dria sa huling baraha na hawak niya. Iyon na lang ang natitirang pag-asa niya para makaligtas siya sa kamatayan.
At mukhang epektibo Naman dahil nawala ang tusong ngiti sa mga labi ni Anton at tigalgal na napatingin sa kanya sa unang pagkakataon sa gabing iyon.
"Anton, please! Para sa akin! Para sa baby natin! Huwag kang maniwala kay Samantha! Kung ang mga magulang ko na inalagaan siya at itinuring na parang anak na rin nila ay nagawa niyang patayin, magagawa niya rin iyon sa'yo! Papatayin ka rin niya para masolo ang kayamanan ng pamilya ko!"
Seryosong tumingin sa kanya si Anton bago ito bumaling kay Samantha.
"Anton, we have a deal. Hindi ko gagawin sa'yo ang ginawa ko sa kanila dahil naging mabuti kang kaibigan sa akin. Pinatay ko lang sila dahil inaapi nila ako. Alam mo namang lahat iyon, di ba? Sinasabi ko naman sa'yo." Lumapit ito kay Anton at iniyakap ang braso sa katawan ni Anton.
"Anton, please! Ako ang asawa mo. Magkaka...anak na tayo...!" Nagsisimula na namang panghinaan ng loob si Dria ngunit pilit pa rin siyang nagpakatatag. Tumingin siya nang direkta sa mga mata ng asawa. Wala na talaga ang dating bagsik sa mga mata nito at tinititigan na siya nito ngayon gamit na naman ang malamlam nitong mga mata. Nakadama ng munting pag-asa si Dria.
"Anton, magsimula tayo ulit kasama ang baby natin. Kung... kung gusto mong pamahalaan ang Zaspa Incorporated, ibibigay ko ang buong pagmamahalan sa'yo. Wala akong magiging pakialam sa anumang desisyon mo sa kumpanya. Kalilimutan ko rin ang nangyari ngayon. Ipinapangako kong hindi ko kakasuhan si Samantha sa kabila ng mga nalaman ko. Buhayin mo lang ako. Buhayin mo lang kami ng baby natin." Nagmamadali niyang sabi sa kabila ng panginginig ng boses niya at pagtulong muli ng mga luha niya.
"Anton, please! Para sa baby natin, please!" Nagpatuloy siya sa pakikiusap dito nang hindi ito sumagot sa mga naunang sinabi niya, umaasa siyang lalambot na ang puso ng asawa niya sa huling sandali.
"Anton, please?! Ibibigay ko sa'yo ang lahat. Ang lahat-lahat, huwag mo lang akong sasaktan! Ang baby natin... ang baby natin..."
"...ay dapat ding mamatay tulad ng ina niya."
Gitlang-gitla si Dria sa mga salitang lumabas sa bibig ng asawa. Bumalik na rin ang bagsik sa mga mata nito. Nang tignan niya si Samantha ay may ngiti ng tagumpay sa mga labi nito habang nakataas ang isang kilay na nakatingin sa kanya.
"Anton, bakit...? Bakit...?" halos ayaw nang lumabas ng mga salita sa bibig ni Dria.
"Do it, Anton. Kill her now!" nag-uutos na sabi ni Samantha kay Anton.
Mas lalong nanigas sa kinatatayuan niya si Dria nang bumalik ang dating bagsik sa mga mata ni Anton na nakatingin sa kanya. Ni hindi niya magawang gumalaw man lang nang maglakad na ito papalapit sa kanya habang nakataas pa rin sa direksiyon niya ang baril nito.
"Paalam, Dria. At least, kasama mo ang magiging anak sana natin sa impyerno!"
Isang putok ng baril ang bumingi kay Dria kasabay ng isang nakakamanhid na sakit sa gitna ng dibdib niya. Ramdam ni Dria ang paglipad ng katawan niya at habang mulat na mulat ang mga mata niyang nakatingala sa langit, isang mapait na ngiti ang gumuhit sa mga labi niya.
Ang sunod na naramdaman niya ay ang pagbagsak niya sa napakalamig na tubig bago tuluyang nawala ang kamalayan niya.