Chapter 1

1351 Words
"Dria, gising na anak." Nagising ang diwa ni Dria dahil sa boses na iyon. Boses iyon ng Mommy niya. Pero imposible iyon. Magdadalawang taon nang patay ang Mommy niya! "Dria, c'mon! Wake up!" Patay na ba talaga siya? Hindi ba siya napunta sa impyerno noong barilin siya ni Anton gaya ng sinabi nito kaya naririnig niya ngayon ang boses ng Mommy niya? Si Anton, ang traidor niyang asawa. Pagkatapos niya itong mahalin nang buong puso at pagsilbihan sa isang taong pagsasama nila, sa huli ay papatayin lang pala siya dahil sa kayamanan ng pamilya niya. At ngayon, magkakasama na sila ng Mommy niya. Nandito rin kaya sa langit ang Daddy niya? Ngunit parang imposible yata yun dahil pinagtaksilan nito ang Mommy niya dahilan para atakehin ito sa puso at mamatay. "Dria, ano ba, anak? Gising na. Mali-late ka na niyan, sige ka." Nagdikit ang mga kilay ni Dria. Saan siya mali-late kung nasa langit na siya kasama ang Mommy niya? Dahil sa pagtataka, unti-unti niyang iminulat ang mga mata niya. Bumungad sa kanya ang nakangiting mukha ng Mommy niya na halos dalawang taon na niyang hindi nakikita. Ang huling alaala niya rito ay nang saluhin niya ito nang matumba ito at nakita niya ang hindi matatawarang sakit sa mukha nito. "M-mommy?" garalgal ang boses na tawag niya rito. Hindi niya napigilan ang paghapdi ng mga mata niya kaya nagsimulang manlabo ang paningin niya dahil sa mga luhang pumupuno sa mga ito. "Oh, anong nangyari sa'yo? Kagigising mo pa lang, umiiyak ka na. Did you have a bad dream? Dria!" Nagulat ito nang bigla na lang niya itong yakapin at saka siya humagulgol sa dibdib ng ina. Miss na miss na niya ang ina. Lalo siyang napaiyak nang maramdaman niya ang pagsagot nito sa yakap niya at ang kamay nitong humahaplos sa likod niya. "I miss you, Mommy. I miss you so much. I love you. Mahal na mahal kita. I'm sorry. I'm sorry, wala... wala akong nagawa," sumisigok na sabi niya sa ina habang mahigpit pa ring nakayakap dito. "Anak, mahal din kita but you're making me nervous. Ano ba talaga ang nangyayari sa'yo? Bakit ka nagso-sorry? Anong ginawa mo para mag-sorry ka?" Natigilan si Dria nang marinig ang sinabi ng ina. Humiwalay siya rito. "Si D--daddy... Si...si Samantha..." Napatitig sa kanya ang ina. "What about them? Ahh, tinatanong mo kung nasaan sila? Nasa baba na ang Daddy mo. At si Samantha, wala pa pero sinundo na siya ng driver natin kaya bumangon ka na para makapaghanda ka na. Siguradong parating na ang best friend mo." Tumitig si Dria sa ina. Anong sinasabi nito? Nakalimutan na ba nitong…? Wala sa loob na napatingin siya sa likod nito. Napanganga si Dria nang masulyapan ang pamilyar na lugar kung nasaan sila ng Mommy niya. They are in her room sa family house nila! Anong nangyari? Bakit siya naririto? Hindi ba at binaril siya ni Anton? Di ba dapat patay na siya at kasama na niya sa langit ang Mommy niya? "M-mommy..." Tumayo na ang Mommy niya. "Hihintayin ka na namin sa baba, okay? Huwag ka nang matulog ulit." Tulala pa rin si Dria hanggang sa makalabas sa kuwarto niya ang Mommy niya. Umangat ang kamay ni Dria at sinampal niya ang sarili niyang mukha. Biningi siya ng malakas na tunog at namanhid ang pisngi niya sa lakas ng pagkakasampal niya rito. Gising siya. At hindi panaginip ang lahat ng ito. Mabilis na tumayo si Dria at iginala ang mga mata niya sa paligid. Wala nga siya sa langit. Nasa sariling kuwarto niya siya sa mga oras na iyon. Natatarantang nagpunta siya sa banyo at tinignan ang repleksiyon niya sa salamin doon. Siya pa rin iyon ngunit mas bata ang itsura niya. Iyon ang mukha niya two years ago. Alam niya dahil lampas-balikat pa rin ang buhok niya at hindi kagaya ng gupit niya simula noong ikasal sila ni Anton. Nanginig ang mga binti ni Dria kaya napaupo siya sa sahig ng banyo. Nanlalamig ang buong katawan niya. Anong nangyayari sa kanya? Bakit... bakit siya bumalik sa dating buhay niya noong estudyante pa siya? Dapat patay na siya. Binaril siya ni Anton at nahulog siya sa dagat. Dapat patay na ang Mommy niya. Namatay ito sa atake sa puso dalawang taon na ang nakakaraan kaya bakit buhay ito? Bakit buhay sila?! Inabot ni Dria ang lababo at doon kumuha ng lakas para makatayo. Muli niyang pinagmasdan ang sarili niya sa salamin. Binigyan ba siya ng milagro ng Diyos kaya siya ibinalik sa dating buhay niya? Paraan ba ito ng Diyos para itama niya ang mga naging pagkakamali niya sa buhay niya? Umiling si Dria. Hindi. Hindi siya naniniwala sa milagro. Hindi siya naniniwala sa pagbabalik-buhay. Patay na siya. Dapat patay na siya. Pero bakit ganito? Bakit nabuhay siya? Bakit buhay na buhay siya at ibinalik pa sa panahong ito ng buhay niya? Kung hindi iyon milagro, ano ang dapat itawag rito? Nalilitong napatingin siya sa paligid. Ito ang banyong gamit niya simula pa noong bata siya at kahit nakapikit siya, alam niya ang bawat bahagi ng lugar na ito. Lumabas siya sa banyo at iginala ang tingin sa kuwarto. Ito rin ang kuwarto na kinalakihan niya. Walang naging pagbabago. Naroon ang study table niya, nasa puwesto ang mahabang couch sa paanan ng kama kung saan nakaharap sa wooden wall at kung saan naroon ang malaking TV niya. Napatitig siya sa bag niya na nasa paanan ng kama niya. Ang bag niya! Naroroon ang phone niya! Halos takbuhin ni Dria ang distansya mahawakan lang niya agad ang back pack niya. Kaagad niya iyong binuksan at kinuha ang phone niya. Ang dating phone na gamit niya noong nag-aaral pa siya. Gamit ang passcode niya, nabuksan niya iyon. Halos lumuwa ang mga mata niya nang makita niya ang date sa phone niya. May 22, 2023. Pinagpawisan ng malamig si Dria. Tatlong araw bago ang pagkamatay ng Mommy niya! Nagsimulang hingalin si Dria. Nauubusan siya ng hininga! "Hah! Hah! Hah!" Pilit na hinahabol ni Dria ang paghinga niya. Sinusubukang marating ng hangin ang mga baga niya. Bumalik talaga siya. Bumalik talaga siya sa nakaraan niya tatlong araw bago mamamatay ang Mommy niya! Diyos ko, anong klaseng biro ito? Sa lahat ng panahon sa buhay niya, dito pa talaga siya ibinalik ng Diyos! Bakit? Para ba masaksihan niya ulit ang pagkamatay ng Mommy niya? Para ba malaman niya ulit na pinagtataksilan ng Daddy at best friend niya ang Mommy niya? Para ba maranasan niya ulit ang sakit ng pagkawala ng ina niya? "God, why?!" naghihinagpis na tanong ni Dria sa kawalan habang panay ang tulo ng mga luha niya. Isinuntok niya ang kamao niya sa malamig na sahig ng kuwarto niya. Anong klaseng biro ito ng Diyos sa kanya?! Ano ba ang nagawa niyang kasalanan noong nakaraang buhay niya para dalawang beses niyang danasin ang sakit ng pagtataksil at ang pagkawala ng buhay ng mga taong mahal niya? Naging mabait at mabuti naman siyang anak, asawa, at kaibigan kaya bakit nangyayari ito ngayon sa kanya? Anong parusa ba ito...? Parusa? O isang pagkakataon para magbago ang lahat? Natigilan si Dria. Natigil din ang pag-iyak niya. Unti-unting kumalma ang paghinga niya pati na rin ang mabilis na pagtibok ng puso niya. Dahan-dahan siyang bumangon para makaupo siya. Hindi. Hindi siya pinaparusahan ng Diyos. Binibigyan siya nito ng pagkakataon para mabago niya ang kapalaran niya at ang kapalaran ng mga taong mahal niya. Isa itong pagkakataon para itama ang lahat. Dinala na siya rito ng Diyos. Binigyan na siya nito ng bagong buhay kaya bakit siya nagsasayang ng oras sa pag-iyak? Tama. Hindi niya sasayangin ang pagkakataong ibinigay sa kanya. Ililigtas niya ang Mommy niya, ang Daddy niya, at ang buhay niya mula sa kamandag ng matalik niyang kaibigan na ahas. Napalitan ng determinasyon ang pagkalitong nasa mga mata ni Dria. Tumingin siya sa pintuan ng kuwarto niya at saka bumulong, "Hindi ka na magtatagumpay ngayon, Samantha. Titiyakin ko yun sa'yo ngayon." Tumayo na si Dria at saka naglakad pabalik sa banyo niya para maligo at maghanda. Ilang sandali na lang at makakaharap na niyang muli ang taksil niyang kaibigan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD