Bihis na si Dria nang lumabas siya sa kuwarto niya at nang bumungad sa kanya ang itsura ng second floor ng bahay na kinalakihan niya ay napasinghap siya. Na-miss niya rin ang bahay nila na halos isa't kalahating taon niyang hindi natirahan.
Nagsisimula na namang manhapdi ang mga mata niya ngunit pinigilan na talaga niya ngayon ang bugso ng damdamin niya. Hindi ito ang oras para magmuni-muni siya at alalahanin ang mga masasayang pangyayari noong kabataan niya. Kailangan na niyang magmadali dahil bilang na ang oras ng Mommy niya.
Nagtungo siya sa hagdan at maingat na bumaba. Nang makarating siya sa ground floor ng bahay ay saglit niyang pinagmasdan ang pamilyar na lugar na iyon bago siya naglakad patungo sa dining area ng bahay nila. Doon, natagpuan niya ang mga magulang niya habang kasalo na nila si...
Samantha.
Samantha Cortez has been Dria's best friend since elementary. Matagal na ang pinagsamahan nila at matagal na ring napatunayan ni Dria kung gaano siya kamahal ni Samantha. Ito ang protector niya sa mga nambu-bully sa kanya at sa mga unwanted suitors niya. Hanggang ngayon nga ay naaala pa niya kung paano sila nagkakilala ni Samatha. It happened when they were both in 6th Grade. Nadaanan siya ni Samantha na binu-bully ng mga schoolmates niya dahil late na dumating ang sundo niya. Tinutulak-tulak siya ng mga ito nang bigla na lang may tumalon sa harapan nila at pinagtutulak ang mga nambu-bully sa kanya. Nakipaghamunan pa ito ng suntukan noon sa mga lalaking bully niya kahit kababae nitong tao. Isang batang lalaki ang pumatol sa paghahamon nito ngunit isang suntok lang ni Samantha, bumagsak na ito sa lupa na dumudugo ang ilong. Pagkatapos nun, nagtakbuhan na ang mga bullies niya palayo.
Sa unang pagkakataon sa buhay niya, nakatagpo si Dria ng masasabi niyang tunay na kaibigan. Tuwing hapon na uwian nila, dumaraan ito sa school nila para raw i-check kung nabu-bully pa siya. Sa batang puso ni Dria, labis niyang naa-appreciate ang ginagawa nito para sa kanya kaya hiniling niya sa mga magulang na tulungan ang mga magulang nito at ipa-transfer ito sa school nila para may kasa-kasama siya. Sa school kasi nila, halos walang pumapansin sa kanya. Oo, pare-pareho silang mayayaman, ngunit ang ipinagkaiba lang ni Dria sa kanila ay purong Filipino siya. Ang mga kaklase niya kasi ay may ibang lahi kaya naman madalas siyang tina-target ng mga ito o di kaya ay pinagtutulungan dahil isa daw siyang outcast. Ngunit mula nang nalipat si Samantha sa school nila, naging panatag na siya dahil palaging nasa tabi niya si Samantha na laging handang magtanggol sa kanya sa lahat ng oras at sa lahat ng pagkakataon. Nagkaroon din siya ng ibang kaibigan dahil dito ngunit si Samantha talaga ang pinakamalapit sa kanya. Ito pa nga ang nagsisilbing tagapag-alaga niya kapag wala ang Yaya niya. Hindi niya lang kaibigan si Samantha. Naging parang totoong magkapatid din sila.
Mayaman ang pamilya ng ama ni Dria. Ilang businesses ang pag-aari nito sa buong Pilipinas pati na rin sa karatig-bansa. Sa susunod na taon nga ay magkakaroon na sila ng branch sa America. Ngunit kung mayaman ang Daddy niya, mas mayaman naman ang Mommy niya. They are into mining at jewelry making kaya naman lahat yata ng klase ng alahas at gamit na gawa sa ginto ay meron sila.
Kung gaano sila kayaman, ganon naman kahirap ang pamilya ni Samantha. Sabi nga ng kaibigan niya, ang pangalan lang nito ang tunog-mayaman. Sa iba pang bagay, mas mahirap pa sila sa daga. Labandera ang nanay niya samantalang kargador ang tatay niya. Ngunit nang maging magkaibigan sila, pinatira nila sa isang bahay sa subdivision nila ang pamilya ni Samantha nang libre at pagkatapos ay kinuhang messenger sa kumpanya nila ang ama nito. Dahil sa pamilya ni Dria, guminhawa ang buhay ng pamilya ni Samantha na sinuklian naman nito kay Dria ng pag-aalaga at pagmamahal.
Maging noong high school sila, kasama pa rin ni Dria si Samantha. Sagot ng ama ni Dria ang lahat ng tuition nito pati na rin ang allowance nito at pambili ng mga kailangan nito since naa-appreciate din ng mga magulang ni Dria ang presensiya ni Samantha sa buhay ng nag-iisang anak nila.
At ngayon, nasa kolehiyo na sila at graduating na sa business course bilang paghahanda ni Dria sa pag-ako ng business empire nila mula sa kanyang ama. Alam ni Dria na magiging madali lang ang pagha-handle ng negosyo nila dahil magiging kasa-kasama niya si Samantha.
Magaling si Samantha. Maganda ito at matalino. Sa kanilang dalawa, ito nga ang mas mukhang mayaman dahil marunong itong magdala sa sarili at mas simple si Dria sa pananamit kumpara dito. Ito rin ang nangunguna sa klase nila. Hindi rin naman nagpapahuli si Dria. Siya ang pangatlong pinakamagaling sa klase nila. At wala siyang pakialam kung natatalo siya ni Samantha sa tatlong aspetong iyon. Ang mahalaga, mahal niya si Samantha bilang kapatid at mahal siya nito bilang best friend nito.
Nakadama ng paninikip ng dibdib si Dria habang pinagmamasdan itong ngumiti sa Daddy niya. Kung paano ito sumalo sa pagkain ng mga magulang niya na para bang siya ang anak ng mga ito at hindi siya. Wala talagang mag-aakala na sa kabila ng pagmamahal at pag-aaruga ng pamilya niya rito ay magagawa nitong sirain ang buhay nilang tatlo. Hindi lubos na inakala ni Dria na siya ang magdadala ng anay sa buhay nila na siyang sisira sa masayang pundasyon ng pamilya nila.
"Dria!" masayang tawag nito sa kanya nang masulyapan siya nito. Hindi niya ito nginitian. Naglakad siya papunta sa puwesto niya sa mesa at umupo roon.
"Good morning! Mukhang bad mood ang anak ko, ah?" pagbibiro ng Daddy niya dahil hindi niya magawang ngumiti sa mga ito.
"Good morning, Dad. Yeah. You're right. Masama ang naging panaginip ko kaya bad mood ako ngayon. Nanaginip kasi ako ng ahas. Tinuklaw daw tayong tatlo nina Mommy." Nakatingin si Dria kay Samantha habang sinasabi iyon at nakita niya ang ang pagkawala ng kislap ng mga mata nito at ang saglit na pagkawala ng ngiti nito na mabilis din nitong naibalik nang makitang nakatingin siya rito.
"Anong klase ng ahas ang nasa panaginip mo, Dria? I thought na kapag nanaginip ng ahas ang isang tao, suwerte daw iyon. Naks, susuwertehin ka yata ngayong araw, Dria. Baka mapapansin ka na ni Anton!" Masaya pa itong tumawa ngunit hindi ito sinabayan ni Dria.
"Cobra. Cobra ang napanaginipan kong ahas. Iyong pinakatraidor sa lahat ng kauri niya. Natuklaw kami ng mga magulang ko kaya paano mo masasabing suwerte iyon? Isa pa, huwag mong isama si Anton sa pinag-uusapan ngayon. Ayokong marinig ang pangalan niya."
Natigilan si Samantha at napatingin sa Daddy niya at pagkatapos sa Mommy niya. Alam niyang napapahiya ito sa inaasta niya.
"Dria, may... may nagawa ba akong kasalanan sa'yo? Bakit ganyan ka makipag-usap sa akin ngayon?" tila aping-api na tanong nito. Napaismid si Dria. Napakagaling talagang magpaawa nito sa harap ng mga magulang niya lalo na sa harapan ng Daddy niya.
Nanlaki ang mga mata ni Dria nang yumuko pa si Samantha sa harapan ng Daddy niya na tila ipinapasilip rito kung gaano kalaki ang harapan nito. Nagmamadaling tumingin si Dria sa Mommy niya at nakitang abala ito sa pagkain nito kaya hindi nito nakikita ang ginagawa ni Samantha. Muli siyang bumaling sa ama at sa best friend niya at hindi nakaiwas sa kanya ang malagkit na tinginan ng mga ito. Mga walanghiya! Sa harapan pa talaga nila ng Mommy niya ginagawa ang paglalandian ng mga ito!
"What are you doing, Samantha? Alam kong crush mo si Daddy pero huwag mo namang ipasilip 'yang dibdib mo sa kanya!"
Gulat na napatingin sa kanya ang tatlo.
"A--anong sinasabi mo, Dria?" her mom asked. Tumalim ang mga mata niyang nakatingin sa dad niya at kay Samantha bago siya bumaling sa Mommy niya.
"Hindi mo ba alam, Mommy, na crush na crush ni Samantha si Daddy? It made me wonder na kaya siguro siya nagsusuot ng mga revealing na damit ay dahil ipapakita niya kay Dad ang katawan niya." Kitang-kita ni Dria kung paano nagbago ang ekspresyon sa mukha ng Mommy niya at ang pagkabuhay ng galit sa mga mata nito bago ito bumaling sa dad niya at kay Samantha. Tumingin din si Dria sa mga ito.
"Sine-seduce mo ba ang Daddy ko, Samantha?" tanong niya sa kaibigan na sobrang namumula na sa kinauupuan nito.
"Alexandria! Sa harap pa talaga ng pagkain mo pinapairal yang dumi ng isipan mo? Hindi ka na nahiya sa Mommy mo at sa kaibigan mo!" galit na panunumbat sa kanya ng Daddy niya. Nagulat si Dria kaya natulala siya sa ama. It's the first time that she saw that kind of anger from her Dad.
"Dad...?"
Huminga ito nang malalim na tila pinapahinahon nito ang sarili. Nabura na ang galit sa mukha nito nang muli itong tumingin sa kanya.
"Dria, kung may nagawa man si Samantha na ikina-offend mo, pag-usapan ninyo. Hindi iyong nadadamay siya sa pagkabugnutin mo. Linisin mo rin iyang isipan mo. Your mom and I treat Samantha as if she's our daughter... your sister. Hindi ba at iyon ang request mo sa amin ng Mommy mo noon?"
"Dria, totoong crush ko si Tito pero purely admiration lang iyon dahil matalino at magaling siya. Please, huwag mo namang pag-isipan ng masama yung pagiging close ko sa daddy mo. Besides, matagal na akong ganito manamit, di ba? Sabi mo pa nga, bagay ko yung pagsusuot ng mga revealing na damit. Pero kung ayaw mo na akong nagsusuot ng mga ganito... Sige, hindi na simula bukas." Tila aping-api namang sabi ni Samantha na ikinatawa nang pagak ni Dria. At talagang nagkampihan pa ang dalawa para palabasing masama siyang anak at kaibigan.
"Dria, apologize to your Dad and Samantha." Napalingon si Dria sa ina.
"Mom!" pagrereklamo niya. Gusto niyang sabihin sa ina na hindi nito dapat sinasaway ang ginagawa niyang pagpaparinig kay Samantha at sa Daddy niya. Gusto niyang sabihin dito kung ano ang tunay na relasyon ng mga ito at kung ano ang masamang gagawin ni Samantha sa kanila sa hinaharap. Ngunit kung gagawin niya iyon, ano ang ihaharap niyang ebidensiya? Paano niya mapapatunayan iyon sa ina niya? Kung hindi nga lang siya galing sa hinaharap ng mga ito ngayon, hindi niya rin malalaman ang lihim na relasyon ng mga ito.
Sa ilalim ng mesa, mahigpit na ikinuyom ni Dria ang kamay niya. Ilang beses siyang huminga nang malalim para ma-relax siya. Kailangan pa niya ng ilang araw para makakuha ng ebidensiya na magpapatunay ng relasyon ng Daddy niya at ni Samantha. At hindi niya makukuha iyon kung galit din si Samantha sa kanya. Gagamitin niya ang makukuha niyang ebidensiya para malaman na rin ng Mommy niya ang lahat. Pagkatapos, alam niyang gagawa ng paraan ang Mommy niya para matigil ang relasyon ng mga ito. Kung pipiliin ng daddy niya si Samantha sa huli, sasabihin niya sa Mommy niya na umalis na lang sila. They can go abroad and live there peacefully. At least, hindi mamamatay ang Mommy niya. Makakasama pa niya ito nang matagal.
Pilit na ngumiti si Dria kay Samantha.
"I'm sorry, Dad. Mali ako sa mga sinabi ko. And I'm sorry, Samantha. They're right. Sa'yo ko ibinubunton ang bad mood ko na hindi naman dapat," sapilitang paghingi niya ng pasensya sa mga ito.
Her dad nodded and smiled at her. Lumamlam naman ang mga mata ni Samantha at ngumiti rin sa kanya na alam ni Dria na pinipeke lang din nito.
"Okay lang, ano ka ba? Sanay na ako sa pagkakaroon mo ng topak paminsan-minsan. Walang problema, Dria. Alam mo namang mahal na mahal kita, best friend ko. Lahat ng sasabihin mo ay susundin ko," naglalambing na sabi nito na gustong ikaduwal ni Dria.
"I know," maikli niyang sagot habang hinihintay ang magiging reaksiyon nito. Gaya kanina, nawala ang kislap ng mga mata nito ngunit nanatili ang pekeng ngiti sa mga labi nito.
Inabot ni Dria ang baso ng gatas at inilagay niya iyon sa bibig niya at bago siya uminom mula roon, doon niya inilabas ang pag-ismid niya upang maitago iyon sa mga kaharap niya.