SAVYRAH`s POV:
"Nagbibiro lang naman ako `e. Malay ko ba na totoo pala na kinakain ang mga ito," mabilis nitong pagtatanggol sa kaniyang sarili nang mapansin na hanggang ngayon ay hindi nawawala sa aking mukha ang pagkaseryoso. " Saka ilang taon na rin kong hindi nakakabalik sa lugar na ito kaya wala akong alam sa mga bagong nangyayari. Kaya huwag ka ng maging seryoso r`yan, mas lalong pumapangit ka sa personal he he he!" Sabay dugtong pa nito sa kaniyang sinabi kanina at saka pagak pa itong tumawa kahit na wala namang nakakatawa.
"Tsk. Wala rin naman akong magagawa sa eksenang ito, at hindi ko rin alam kung paano ito nagsimula. Ang kailangan kong asikasuhin ngayon, ay kung paano ako makakabalik sa tunay na katawan ko." Mahina kong sagot sa lalaking si Avies habang pinagmamasdan ang mga taong nagtutulong na ipasok sa loob ng bahay ang walang buhay/malay na babae.
Habang ang magulang ni Reilly ay napapailing na lang sa nakita. Napalingon pa sa aking direksyon ang ama nito. Halata sa mukha ang pagtataka na naman.
'Hindi ba sa kanila mawawala ang gano`ng ekspresyon?'
"REILLY! ANONG GINAGAWA NINYO R`YAN? HINDI BA KAYO TATAAS DITO?!" Malakas na sigaw nito sa amin samantalang ang mga tao ay walang pakealam kung magsinghal pa siya.
They're busy with the unconscious girl inside. Parang katulad lang sa mundo namin, maraming tsismosa't tsismoso. Wala naman silang magagawa o maitutulong sa tao sa loob.
"Hindi pa ba tayo pupunta ro`n? Saka hindi ka ba nababahala sa buhay mo? Kailangan mong magpanggap na si Reilly hanggat nasa poder ka ng Monstreus World. Bago ka pa lang dito kaya wala ka pang alam, kaya tara na at pumunta sa direksyon nila." Tanging naitugon na lang niya sa akin.
"Paano ko magagawang magpanggap bilang Reilly kung wala naman akong alam tungkol sa kaniya. Ikaw ba may alam ka?" Tanong ko sa kaniya na agaran naman niyang ikinailing. "'Di ba? Ang hirap ng lagay ko ngayon. Pero i-ta-try ko pa rin. Huwag ka lang umasa na mawawala ang tunay na ugali ko."
"Alam ko, hmm… Malay ko rin. Basta! Bahala na, kung kaya`t tara na lang kanina pa nagtatawag ang ama mo. Baka mainis na `yon at batukan ka na naman gaya kanina." Nakangising sabi ni Avies at ipinaalala pa talaga ang nangyari kanina.
"Buti pa nga. Hindi rin naman masakit ang pagkakabatok. Parang bola lang," komento ko rito at nagsimula na nga kaming maglakad sa hagdan na ito na gawa sa kahoy lang naman. Hindi siya ganon na inaakala mo na mawawarak agad kung nasa mundo ka nang normal na tao.
Dahil nandito ako sa ibang mundo, normal lang na may mahikang ginagamit.
Nasa pangalawa pa lang kaming palapag. May nakikita akong mga bata na nakatago sa kani-kanilang bahay. Limang bahay lang sa isang palapag. May iilan sa kanila ang napatago pa matapos kong maglakad sa kinaroroonan nila. At nang mapunta na kami sa pinakadulo sa kanang direksyon dahil nandoon ang isa pang hagdan sa pangatlong palapag, may napansin akong binatilyo na nakatitig sa akin nang malalim. May malaking bukol siya sa kaliwang ulo niya at ang kaniyang isang ngipin sa kanang bahagi ng kaniyang bibig ay labas at malaki.
'Nakakain ba siya nang wasto kung ganiyan? Nakakaawa naman ang batang ito. Sana naman may taong makatulong sa kaniya na maging isang normal na nilalang. Hindi ba nila siya ginamitan ng kapangyarihan? Kahit sa magic world man lang sana… ang mga katulad nilang may kapansanan ay maging malaya sa kanilang nararamdaman.' Mahabang tugon ng aking isipan habang pinagmamasdan siya na nakatingin lang sa akin.
Walang makikitaan ng kahit anong emosyon, kalmado lang siya na nakadungaw sa labas ng bintana nila.
"Hello," bati ko rito sa lalaking ito na hula ko ay nasa ikalabing apat na taong gulang pa lamang. Noong nasa mundo ko pa ako, masyadong malapit ako sa may mga kapansanan.
Kasi ramdam ko sa sarili ko na katulad nila ako, kahit na may pamilya kang mapag-aruga… feeling mo naiiba ka pa rin. Ay ewan! Basta malapit talaga ako sa kanila at mas gusto ko pang kasama sila kaysa sa mga taong akala mo perpekto, tao rin naman na nabubuhay nang naaayon sa mundo.
"B-binati mo ako?" Nauutal na tanong niya sa akin at may patayo pa sa kaniyang pagkakaupo sa upuan.
Kiming napangiti naman ako sabay tango, "Oo naman. Masama bang batiin ang isang katulad mo?"
"Na-naninibago lang ako, h-hindi ka ganiyan sa akin noon. Ma—"
"Reilly, ano pang hinihintay mo? Hindi ba't gusto mong magpahinga kasama ng kaibigan mong si Avies? Saka marunong ka nang makipagkomunikasyon sa iba? Akala ko ba natatakot kang makipag-usap?" Nagtatakang tanong sa akin ng ama ni Reilly matapos niyang bumaba sa tatlong palapag at lumapit sa aming direksyon.
Hindi niya kasama ngayon ang ina ni Reilly. Nagpaiwan na lang yata sa itaas. Napagod siguro kakataas at pababa.
"Ah eh—hindi po ba pwedeng naliwanagan lang sa tunay na rason ko sa mundo? Siguro kaya ako inaayawan ng lahat ng tao, ay dahil na rin sa aking ugali. Bawal po bang gawin ang mga hindi ko nagagawa noon, ama?" Painosente kong saad dito na ikinangiti niya nang malawak.
"'Yan ang gusto kong marinig sa iyong bata ka. Akala ko ay nasapian ka na ng masamang espirito dahil sa mga bagay na ginagawa mo." Naiiling na sabi nito sa akin at muli na namang ginulo ang buhok ko.
Napangiti na lang ako nang alanganin sa lumabas sa bunganga niya. Hindi ko naman aakalain na iyon lang pala ang hinahanap niya.
Kabadong-kabado pa ako na baka may makita o manghinala na itong mga magulang ni Reilly sa akin, 'yon pala may hinihintay lang sila na mga kataga kung bakit ibang-iba na ako.
"Hindi naman po totoo ang masamang espirito. Naniniwala lang ako sa masamang tao." Komento ko naman nang maalala ang sinabi niya sa akin.
'Ginawa ba naman akong masamang espirito. Sa ganda kong ito. Hindi ba pwedeng magandang espirito?' Tanong ko sa aking isipan pero gayon na lang ang gulat ko nang may humagikhik nang medyo malakas lang kaya napalingon kaming dalawa roon ng ama ni Reilly.
"P-patawad ha ha ha! M-may naalala lang ako ha ha ha!" Patawa-tawa pa nitong sabi sa amin kaya sinamaan ko siya ng tingin. Dahil sa ginawa ko ay napaubo siya nang mahina.
"Tapos ngayon inuubo ka na r'yan. Haist! Ikaw na bata ka! Tara na nga at makapagpahinga na kayong dalawa. At saka anak, masaya akong malaman na unti-unti mo na ring binubuksan ang sarili mo sa ibang tao. Palawakin mo pa 'yan." Nakangiti nitong turan sa akin sabay tapik pa sa aking braso.
Ginantihan ko naman ang ngiti niya sapagkat nakakadala. Hanggang sa maisipan na nga naming lahat na magsimula ulit na maglakad papunta sa pangatlong palapag.
Hindi ko rin inaakala na sa direksyon na iyon nakasentro ang bahay nila. Kaya pala kanina pa nila kami tinatawag sapagkat nandoon nga lang iyon.
Pero hindi pa rin nawawala sa aking isipan ang nangyari kani-kanina lang. Hindi talaga ako matahimik. Alam kong wala akong magagawa dahil bago pa lang ako rito. At wala rin akong alam sa kapangyarihan ng babaeng hiniraman ko ng katawan.
Kaso hindi rin ba sila nadadala sa nangyari?