Kinabukasan din ay ilang sasakyan ang paroo’t parito ang umaakyat papunta sa bahay nina Jeffrey.
Napansin iyon ng kanilang mga kapitbahay na nagtataka kung bakit maraming sasakyan ang umaakyat doon.
Dala ng kuryusidad ay may isa silang tsismosang kapitbahay na sinadya pa talaga si Jeffrey sa kanilang bahay para lamang magtanong.
“Magandang hapon, Jepoy.” Bati ng kapitbahay ni Jeffrey.
“Magandang hapon din, Aling Blessy. Napadalaw kayo?” Tanong naman ni Jeffrey na abala sa pagtuturo sa mga lalaki kung saan ilalagay ang mga pinadeliver niyang bato, buhangin at hollow blocks.
“Napansin ko lang na maraming sasakyan ang pumupunta sa inyo nitong nakaraang araw. Bigtime ka na ngayon ah..” biro ni Aling Blessy.
“Magpapagawa ako ng bahay, Aling Blessy. Baka magpatayo na din ako ng ilang negosyo dito. Plano ko nang mag-asawa para mabigyan ko na ng apo sina Nanay at Tatay.” Mayabang na pahayag ni Jeffrey.
“Sanaol naman. Nagpunta ka lang ng Manila, yumaman ka na. Ano… ano Jepoy, single pa ang pamangkin kong si Nene, kababata mo rin ‘yon. Matagal ka nang crush no’n, kaso hindi mo naman siya pinapansin dahil kay Diyosa ka lang nakatutok eh hindi ka naman gusto no’n. Noong wala ka dito, kung kani-kanino lalaki ‘yan sumasama. Pati mga lalaking nanliligaw kay Moring ay inaagaw niya.” Paninira pa ni Aling Blessy kay Diyosa.
Nakaramdam naman ng galit si Jeffrey dahil sa narinig sa kanilang kapitbahay. Tama nga ang kanyang nanay at tatay na hindi si Diyosa ang nararapat sa kanya.
“P-pwede po bang dalawin si Nene mamayang gabi?” tanong naman ni Jeffrey.
“Aba, oo naman.” Nakangiting wika ni Aling Blessy.
“Pwede po bang isama ang kaibigan ko?” Paalam ni Jeffrey.
“Oo naman.”
Pagkaalis ni Aling Blessy ay kaagad na tinanong ni Angelo si Jeffrey kung bakit manliligaw ito sa iba gayong si Diyosa ang gusto nito.
“Boss, ‘wag kang mag-alala at magkaharap lang ang bahay nila ni Kapitan. Malamang kapag dumalaw tayo doon ay malalaman ni Aling Neneng na liligawan ko si Nene. Kapag binigyan ko ‘yon ng regalo, baka mainggit si Aling Neneng at payagan tayong dumalaw sa kanila. Pero siguro ikaw na lang, Boss, ang dadalaw kay Moring kasi tanggap ko na na hindi talaga kami ni Diyosa ang para sa isa’t isa.” Malungkot na pahayag ni Jeffrey.
“Buti naman at natauhan ka. Baka nga nakalaan ka para sa iba at ako para kay Moraine.” Nakangiting pahayag ni Angelo at sa wakas ay nahihimasmasan na din si Jeffrey kay Diyosa.
Kinagabihan nga ay dumalaw si Jeffrey at Angelo sa bahay nina Aling Blessy para manligaw sa pamangkin nitong si Nene. May dala itong bulaklak at chocolate para sa dalaga kaya naman tuwang-tuwa si Aling Blessy at kaagad na pinapasok ang dalawa.
Samantala, ng mga oras na ‘yon ay nasa labas si Aling Neneng at nakatambay sa kanilang terasa. Kitang-kita nito ang dalawang lalaki na dumalaw sa bahay nina Aling Blessy at may dala pang pasalubong.
Nanghihinayang siyang hindi pumayag ang kanyang asawa na ligawan ng dalawa ang kanilang mga dalaga dahil parehong driver at mahirap lamang ang tingin nila sa dalawa. Pero nagbago ang pananaw ni Aling Neneng kay Jeffrey ng malamang ang mga sasakyan na sunod-sunod na nagdedeliver ng mga materyales para sa paggawa ng bahay ay kila Jeffrey.
Kilala niya ang binata simula ng maliit pa ito. Kahit na mayabang ay masipag at matulungin ito sa pamilya kaya nga napagtapos nito ang mga kapatid at nakabili ng lupa sa taas na bahagi ng bundok.
Ilang taon na ring nagtatrabaho sa Manila si Jeffrey kaya alam iyang marami na itong perang naipon para ipagawa ng bahay. Sa isip ni Aling Neneng, kahit hindi naman kagwapuhan si Jeffrey ay okay na kesa naman mapunta pa sa iba ang anak niyang si Diyosa.
May mga nanliligaw din naman kay Diyosa pero hindi bigtime na kagaya ng mga nanliligaw kay Moraine kaya nga galit na galit siya sa panganay na anak ng kanyang asawa. At least, sa mga lalaking may gusto kay Diyosa, mas nakakaangat naman si Jeffrey sa kanila.
Tatlong araw na minatyagan ni Aling Neneng ang dalawa at nakita niyang iba-ibang pasalubong ang palaging bitbit ni Jeffrey para sa pamangkin ni Blessy na si Nene. Sa inggit na nararamdaman ni Aling Neneng ay napag-isipan nitong dalawin kunyari si Jeffrey sa kanilang bahay.
“Oy, Aling Neneng, magangdang tanghali din. Nagawi po kayo?” Nakangising tanong ni Jeffrey kay Aling Neneng.
“Oh, Jepoy, bakit hindi na kayo pumupunta sa bahay? Akala ko ba aakyat ka ng ligaw kay Diyosa.” Magiliw na bati ni Aling Neneng kay Jeffrey. Nilibot pa ni Aling Neneng ang kanyang paningin at nakita niyang may mga taong gumagawa ng bahay sa tabi ng bahay-kubo nila Jeffrey. “Nagpapagawa ka ng bahay?”
“Opo, bali isa sa akin at isa kay Pareng Angelo dahil gusto niya ring manirahan dito.”
Biglang namilog naman ang mata ni Aling Neneng sa narinig. “Kelan ulit kayo dadalaw sa bahay?”
“Pinagbawalan naman kami ni Kapitan na ligawan ang dalaga ninyo kaya naman naghanap na lang ako ng ibang liligawan.” Pahayag ni Jeffrey kay Aling Neneng.
“Ako na ang nagsasabi sa’yo na welcome na welcome kayo sa bahay. Akong bahala kay Eduardo. Sa susunod na araw ay fiesta na dito sa atin. Alam ko namang hindi na kayo naghahanda dahil wala na dito ang mga kapatid mo at matanda na rin ang nanay at tatay mo kaya iniimbitahan ko kayo ng kaibigan mo na maki-fiesta sa amin.”
“Talaga po, Aling Neneng? Welcome kaming pumunta sa bahay ninyo?” naninigurong tanong ni Jeffrey.
“Oo naman.”
“Sige po, asahan ninyong pupunta kami para maki-pista sa susunod na gabi.”
Iyon lamang at ngingiti-ngiting nagpaalam na si Aling Neneng kay Jeffrey.
Narinig naman ni Angelo ang usapan nina Jeffrey at Aling Neneng kaya tuwang-tuwa ito.
Sa wakas ay masisilayan na niya si Moraine. Sa ilang araw na hindi niya nasilayan ang dalaga ay para siyang mababaliw.
Mabuti na lamang at nagbunga ng maganda ang plano niyang ipagpatayo ng bahay si Jeffrey.
Ito na ang pagkakataon na liligawan niya ang dalaga at ipagtatapat ang kanyang nararamdaman.
Mukhang na love at first nga siya sa dalaga. Kakaiba naman talaga kasi ang ganda ni Moraine.
Noong unang kita niya dito sa likod bahay nina Kapitan ay hindi niya ito nabistayan ng maayos pero nung nasa terasa na sila at tinawag ito ni Jeffrey ay gano’n na lamang ang pagkatulala niya ng masilayan ito sa malapitan.
Matangkad ito at balingkinitan ang katawan. Alon-alon ang buhok na kulay mais. At ang nakabighani talaga sa kanya ay ang bilog at mapupungay na mata at malalantik nitong pilikmata. May biloy din ito sa kabilang pisngi kaya lalo itong gumaganda sa tuwing ngumingiti.
Para itong Latina.
Kulay tsokolate din ang balat nito na lalong nakadagdag ng kanyang appeal. Tingin niya ay hindi purong Pilipina si Moraine dahil sa tangkad at hitsura nito.
Kaya naman pala halos bakuran na ito ni Congressman dahil maganda naman talaga si Moraine.
Nung makita niya si Moraine ay bigla namang pumasok sa isipan ni Angelo na ito na ang babaeng gusto niyang makasama habang buhay.
Si Moraine ang babaeng gusto niyang mapangasawa at magdadala ng kanyang supling.