Chapter 5: Stalker

2003 Words
“JAZZY?” salubong ang kilay na ulit ni Ronah sa sinabi ng nakabangga sa kanya. “Pangalan ba iyan? Sorry, pero hindi Jazzy ang pangalan ko. Pero may bakery dito sa Palani na Jazz Bakeshop ang pangalan… Teka, teka nga! Tingin mo ba makakaligtas ka sa pagbangga mo sa akin?” Pinmeywangan niya ito. Ganitong kinukulang siya sa tulog at frustrated pa siya sa mga problema niya ngayon, eh. Subalit tinitigan lang siya ng magaling na lalaki! Hindi niya rin maiwasang hindi pagmasdan ito. He looked like a patient in this hospital with that arm sling and a few scratches. Gwapo ito kahit na ba parang kinulang din sa tulog sa maiitim na eyebags sa ilalim ng mga mata. At tila ba pamilyar ito… Napakunot-noo siya. Bakit tila kamukha nito ang isa sa mga lalaking nasa poster na nakapaskil sa silid ng kaibigan niyang si Lanie? And right, she saw him earlier at their mini concert at the plaza. Napagkamali niya pa nga na siya ang tiningnan nito kanina. Bakit ito narito? O baka naman kamukha lang nito ang gitaristang iyon ng sikat na bandang The Rebel Slam? Imposible naman itong mapunta sa ospital gayung tumutugtog lang ito kanina. Napailing siya. Wala siyang mapapala kung kakastiguhin ito sa pagbangga sa kanya. Dadagdag pa ito sa mga problema niya. “Di bale na nga lang.” Bumuntong-hininga siya. May kasalanan din naman siya dahil hindi siya tumitingin sa dinadaanan niya. Aaminin niyang wala siya sa sarili ngayon. “Sa susunod mag-iingat ka na lang at huwag kang biglang hihinto lalo na at alam mong may kasunod ka.” Nilagpasan niya ito at nagpatuloy na sa paglalakad papunta sa entrance/exit ng ospital. Kailangan niyang makauwi ngayon para makatulog kahit sandali. May pasok pa siya mamayang alas syete ng umaga. Naghihikab na lumabas siya sa ospital. Nadaanan niya pa ang natutulog na security guard sa tabi ng pinto. Pumuwesto siya sa gilid ng kalsada para maghanap ng masasakyang traysikel. Wala na kasing jeep na namamasada sa lugar na ito kapag madaling araw. Medyo malayo pa naman ang bahay nila roon. Hindi pa nag-iinit ang mga paa niya sa pwesto na iyon nang maramdaman niya na tila may nakatingin sa kanya. Para bang may tao sa likuran niya. Sinakmal ng kaba ng dibdib niya. Alam niyang payapa ang bayan nila, pero hindi niya masisiguro ang isip ng tao. She didn’t believe in ghosts, she only believed in real things. She gripped her cellphone tight. Wala siyang ibang dala kundi cellphone at ilang perang papel sa bulsa ng jeans niya. Kung magtangka man ang kung sino man na iyon na hawakan siya ay ihahambalos niya rito ang cellphone niya. Teka, sayang cellphone ko! Kaka-fully paid ko pa lang nito! Pero wala siyang choice para ipagtanggol ang sarili. Pwede siyang sumigaw at humingi ng tulong sa guard ng ospital, pero baka nasaksak na siya bago pa ito magising at masaklolohan siya. Huminga siya ng malalim at inihanda ang sarili. Pagkatapos ay pumihit siya paharap sa likuran niya. Nakahanda sa kamay niya ang cellphone na ipupukpok niya sa kung sino mang halang ang kaluluwa na iyon. Pero natigilan siya pagharap niya roon. Standing there was the same man she met at the elevator. “Ikaw…” Hindi maipinta ang mukha ni Ronah. “Ano’ng ginagawa mo r’yan? Sinusundan mo ba ako? May balak ka bang masama sa akin?” “No,” maikling sagot nito. “Eh, bakit ka nandyan? Muntik na akong atakihin sa puso. Akala ko, may sumusunod sa aking masamang tao. O, hindi ka nga ba masamang tao?” “I’m not a bad guy.” “Sure, you are not!” Kung maka-English ito. Kaya niya rin mag-English, ano? “Eh, Bakit ka nga nandyan?” “I followed you.” Naiinis na siya sa maiikling sagot nito. Mas nainis siya sa huling sinabi nito. “So, stalker ka,” she stated matter-of-factly. “Hoy, mister. Kung sino ka man—” “Kyle. My name is Kyle.” “—Kyle…” Natigilan siya pansamantala. May kung ano sa dila niya nang sabihin ang pangalan nito. Ipinilig niya ang ulo at isinantabi ang hindi maliwanag na pakiramdam na iyon. “Alam kong maganda ako. Pero hindi sapat iyon para i-stalk mo ako. Hindi mo ako kilala at mas lalong hindi kita kilala. Pwede kitang ipadampot sa pulis kapag sinundan mo pa ako!” “Did you?” “Ano `ka mo?” “Did you really not know me?” Saka lang napagtuunan ng pansin ni Ronah ang paraan ng pagtitig nito sa kanya. Katulad din iyon ng pagtingin nito kaninang nasa stage ito—kung ito man ang gitaristang iyon. Hindi nagbago ang tinging iyon nang humarap ito sa kanya matapos siyang bumangga rito kanina. That kind of gaze that was full of longing, despair and hope. Bakit siya nito tinitingnan ng ganoon? “Ikaw ba ang gitarista ng The Rebel Slam? As I recall, sabi ng kaibigan ko ay Kyle daw ang pangalan niyon. Ikaw ba iyon?” Now, there was disappointment in his cold eyes. Ang mga matang iyon na tila ba natural na ang pagkawalang emosyon. Pero hindi naman ito mukhang masamang tao. Besides, napakagwapo nito para maging masamang tao. Oo, aaminin ni Ronah na inihahanay niya ito sa mga pinakagwapong nilalang na nakita niya. There was no escape to that truth. He sighed and averted his eyes. Pero saglit lang iyon dahil ibinalik din nito kaagad sa kanya ang paningin nito. “Yes. My name is Kyle Francis Albarda of The Rebel Slam band.” “So?” Ano’ng gusto nito, sambahin niya ito? Was he a narcissist? “What’s your name?” he asked instead. “Ronah. Ronah Cañezo.” “Ronah?” May pagtutol sa tinig na ulit nito sa pangalan niya. Bahagya siyang nainis doon. “Oo. May reklamo ka sa pangalan ko?” asik niya rito. “Yes.” Nagsalubong ang kilay niya. Ngali-ngaling tadyakan niya ito. “Kung hindi mo gusto ang pangalan ko, wala na akong magagawa doon. Akala mo naman maganda rin ang pangalan mo? Kyle? Napaka-generic!” Tinalikuran niya ito at nagmamartsang tumawid sa kalsada. Wala kasing maligaw na traysikel doon. Sa mga kanto sa kabilang daan na lang siya maghahanap ng masasakyan. Pero kahit saan siya lumiko ay nakasunod pa rin ang buwisit na lalaki sa kanya. Galit na hinarap niya ito. Hindi niya alam kung bakit nayanig ang galit niya nang makasalubong ang mga mata nitong ganoon pa rin ang tingin sa kanya. “Ano’ng problema mo sa akin, ha? Bakit sunod ka pa rin ng sunod?” asik niya rito. “It’s late. Hindi ka ba natatakot na mapahamak?” Marunong naman pala itong mag-Tagalog. Sabagay, naiintindihan nito ang mga pinagsasasabi niya kanina. In fairness, ang gandang pakinggan ng pagta-Tagalog nito… Teka, ano ba itong iniisip niya? “Mas mapapahamak ako kung sunod ka ng sunod sa akin. Malay ko ba kung iba ang likaw ng bituka mo?” “As I’ve said, I’m not a bad guy.” “Sabi mo lang iyan. Hindi ba masama ang stalking?” “I just want to make sure…” He trailed off. “Ano?” she impatiently asked. “... That you will be fine.” “Okay lang ako…” Siya naman ang nawalan ng salita. Hindi nga pala siya okay. Nasa ospital ang nanay niya. Oo at nakaligtas ito sa atake nito ngayon pero wala pa rin itong malay at hindi alam kung kailan ito gigising. Ang sabi ng doktor ay kailangan na nitong maoperahan. Subalit dahil kulang ang equipment sa ospital na iyon ay kailangan pa nilang ilipat ang nanay niya sa ibang ospital na mas advance at mas mahal ang pagamot. Kailangan niya ng malaking halaga sa pagpapaopera nito. Namumroblema siya dahil hindi pa rin siya nakakabayad sa mga utang nila noong huling atake nito. Hindi niya alam kung saan siya kukuha na naman ng pera. She sighed heavily. “Alam mo, pagod na ako. Kaya kung pwede lang ay lubayan mo na ako. Gusto kong makauwi ng payapa at makatulog kahit sandali. May trabaho pa ako mamaya,” pakiusap niya rito. Nawalan na siya ng ganang makipagtalo rito. Duda siya kung makakatulog siya mamaya sa dami ng iniisip niya. Tiningnan siya ng lalaking nasa harapan—well, hindi naman siya nito nilulubayan ng tingin. Pero ngayon ay tila ba pinagmamasdan talaga nito ang mukha at kabuuan niya. Kanina kasi, kahit nakatingin ito sa kanya ay tila hindi siya nito nakikita. Magulo pero ganoon ang pakiramdam niya. At medyo nakakairita iyon. “You must be really tired,” wika nito pagkuwan. Pagkatapos ay nilinga nito ang paligid. “Wala bang taxi dito?” “Wala. Hindi Maynila ang lugar na ito.” Sosyal talaga ang hunghang na ito. “Nakarating ka na ba sa Manila?” “Hindi pa.” “Bakit mo alam?” She pursed her lips. Bakit ba ang daming tanong nito para sa mga walang kwentang bagay na iyon? “Nakikita ko sa tv. May tv naman kami kahit paano.” “I see.” The sound of the tricycle came. Ito pa mismo ang pumara doon. Nang huminto ang tricycle sa tapat nila ay iminuwestra pa nito ang isang kamay para ipaalam na pwede na siyang pumasok doon. “Salamat,” walang amor na sabi niya bago pumasok sa loob. Nabigla na lang siya nang pumasok din ito nang makaupo siya at isiniksik ang malaking bulto sa tabi niya. “Ano’ng ginagawa mo?” singhal niya rito. “Sitting with you inside the tricycle.” “I can see that! Bakit sumakay ka rin?” Itinulak niya ito. Pero sobrang sikip sa loob kaya hindi niya ito maitulak palayo sa kanya. Saka nag-aalala rin siya sa naka-sling na braso nito. She tried to push him out, but he remained seated there. “Kyle!” “What?” “Utang na loob. Bumalik ka na lang sa ospital kaysa perwisyuhin ako!” “As I said, I want to make sure that you will be fine.” “I’m fine. Get out!” In-English na niya ito at hindi yata naiintindihan ang lengguwahe niya. “No.” “Why not?” Sabunutan niya kaya ito? “I don’t want to take my eyes off you.” Hindi siya kaagad nakapagsalita. Those sudden words brought a sudden jolt in her heart. Kailangan niyang hamigin muna ang sarili bago makasagot dito. “Siraulo ka ba?” Hindi niya alam kung bakit nagrigodon ang puso niya sa sinabi nito. Kakikilala lang nila kaya bakit siya nakakaramdam ng ganito? Siya yata ang nasisiraan na ng bait! Sisipain na sana niya ito palabas nang biglang sumingit ang tricycle driver. “Ah, Ma’am, Sir, huwag po kayong mag-LQ sa loob ng tricycle ko. Baka po masira. Ito na lang po ang ipinanghahanapbuhay ko. May lima po akong anak na binubuhay.” Sabay silang napalingon dito. Malamang na sa gulo nila ay nauuga ng husto ang tricycle nito. “Pasensya na, Kuya,” wika ni Kyle dito. Pagkatapos ay bumaling ulit sa kanya. “Don’t be stubborn now. Tell the driver where we will go.” “Sino bang matigas ang ulo sa ating dalawa?” Binalingan niya ang driver. “Wala kaming relasyon, Kuya. Pwede po bang pababain niyo ang baliw na ito?” Nakamot ng pobreng drayber ang ulo. “Eh, Miss…” Tumingin ulit ito kay Kyle at napailing. Parang nakikinita na ni Ronah ang iniisip at sasabihin nito. Kyle was too handsome to be some kind of a criminal or stalker. Mas mukha pang siya ang stalker nito o kaya ay kidnapper. “Kuya,” mariing tawag niya rito. “Hindi ko kilala ang ungas na ito.” “Pero, Miss, kasasabi mo lang ng pangalan niya.” Parang gusto niya ring sabunutan ang atribidong driver. Ah! Paano ba ako napasok sa sitwasyong ito? Wala pang isang oras na nakilala niya ang gitaristang ito ay inaatake na siya ng sakit ng ulo at konsumisyon!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD