NAKASIMANGOT na lumabas si Ronah sa tricycle matapos niyong huminto sa kanto nila. Hanggang kanto lang dahil masikip ang daan papasok sa kanila. Isa pa ay sangkaterba ang aso roon. Kapag may narinig na ingay ang mga ito ay malamang na magpaligsahan na ang mga ito sa pagkahol. Dahil lang sa pagdating niya ay mabubulahaw pa ang mga kapitbahay niyang natutulog.
Isa pa, hindi niya gugustuhing makita ng mga ito ang lalaking hanggang ngayon ay nakabuntot sa kanya. Tiyak na pagsapit ng sikat ng araw ay laman na siya ng local tsismis tabloid ng mga ito.
Pero kapag nakita ng mga ito ang lalaki mamayang umaga ay hindi pa rin siya ligtas sa tsismis na iyon.
She grunted in frustration.
Kanina ay hindi talaga naniwala ang driver na wala silang kahit na ano’ng relasyon ni Kyle. Dagdag pa na kung anu-ano rin ang pinagsasasabi ng lalaking ito na nagpapahiwatig na matagal na nilang kakilala ang isa’t isa.
Hindi niya talaga maintindihan kung bakit ito sunod ng sunod sa kanya, eh kakikilala lang nila kanina. Ganito ba kawirdo ang mga miyembro ng pinakasikat na banda sa buong Pilipinas? O baka ito lang?
“Wala bang maghahanap sa `yo?” nakasimangot na baling niya rito. Mas lalo siyang napasimangot nang makitang hindi pa rin siya nito nilulubayan ng tingin. “Just to be clear. Hindi kita k-in-idnap, ha?”
“Sure.”
“So, ano nga? Wala bang maghahanap sa `yo? Alam mo naman siguro ang pabalik sa ospital. Pwede ka pang bumalik doon ngayon.”
“Wala.” Tila may naalala ito. Pagkuwa’y umiling at nagkibit-balikat. “Just my bandmates who have no care in the world. It’s fine if I leave.”
Napakunot-noo siya.
“Ano?” He just stared at her. Those stares were starting to grow into her. “Anyway, bakit nga ba sunod ka pa rin ng sunod sa akin? Sabi mo gusto mo lang na ma-sure na ayos lang ako. Ayos na ako. Ayan na lang bahay ko. Makakaalis ka na.”
“I’m tired.”
“So? Ano naman sa akin iyon? Pareho lang tayong pagod.”
“My arm hurts and I’m tired of going back.”
Bumaba ang tingin niya sa injured na braso nito. “Sino ba kasi ang may sabing sumunod ka sa akin?”
“My mind…?”
“Yeah, right.”
She sighed. Wala talaga siyang mapapala sa pakikipag-usap at pakikiusap rito.
Tinalikuran niya ito at naglakad na papasok sa apartment building na iyon kung saan siya nakatira kasama ng nanay niya.
Her father died two years ago in the sea. Dati silang nakatira malapit sa dagat at sa minsang pagpalaot nito ay, unfortunately, hindi na ito nakauwing buhay. Nagkataon na pinalayas din sila, sampu ng iba pang nakatira roon, ng “may-ari” raw ng dalampasigang iyon. Wala silang nagawa kundi umalis nang maglabas ito ng sangkaterbang dokumento at titulo. Mabuti na lamang at ang lokal na gobyerno na ng Palani ang humanap ng bagong matitirhan nila. Ito ngang apartment building na ito.
“Do you live here?”
Nadinig niyang tanong ng lalaki sa likuran niya.
“Oo. Kakasabi ko lang, `di ba?”
“Hmm…”
Pansamantalang tumahimik ito. Wala na rin siyang energy para kausapin o tarayan ito. Ngayong malapit na siya sa bahay nila ay tila dumoble ang pagod na nadarama niya.
Akala niya ay hindi na ito magsasalita nang marinig niyang muli ang monotone na tinig nito. Kanina niya pa napapansin na katulad ng mga mata nito ay wala ring gaanong emosyon ang mga salita nito. Hindi niya akalaing may mga taong gaya nito.
“Since when?”
“Since two years ago.”
“And prior to that year, where were you?”
“Bakit ba ang dami mong tanong? May balak ka nga bang masama sa akin? FYI lang, ha? Wala akong pera. Ganda lang ang meron ako.”
“Do you know anyone from Manila?”
“Wala.”
Nang makasampa sila sa third floor ay hinihingal na si Ronah. Kahit dalawang taon na siyang akyat-panaog sa building na ito ay hindi pa rin nasasanay ang baga niya.
Pansamantalang huminto siya at kumapit sa railing para payapain ang paghinga at palipasin ang pamimintig ng binti.
“You’re not so energetic, aren’t you?”
Lumingon siya kay Kyle na nakatayo lang sa tabi niya. Bahagya siyang nainis nang makitang hindi ito hinihingal o napapagod man lang. Para bang hindi sila magkasabay na naglakad ng ilang metro at umakyat ng tatlong palapag.
“Obvious ba?” asik niya rito sa pinipigil na tinig. Manipis lang ang mga pader doon at kaunting ingay lang ay maririnig na ng mga tao sa paligid. Lalo pa’t gabi at tahimik ang labas.
He just stayed poker faced. Kung walang kislap ng kaunting emosyon sa mga mata nito ay mapagkakamalan na niya itong wax figure. In fact, mas may ekspresyon pa sa mukha ang mga wax figure kaysa rito.
Subalit nakakainis lang dahil hindi kabawasan ang pagka-poker face nito sa taglay na kagwapuhan nito. Bumagay lang iyon sa karakter nito.
Huminga siya ng malalim at tumayo ng tuwid.
“Hindi ka pa rin ba aalis?” tanong niyang muli rito. “Kung pwede lang ay umalis ka na. Medyo hindi magandang tingnan kung magpapapasok ako ng lalaki sa bahay namin gayong mag-isa lang ako doon.”
“Where is your family?”
“Si Nanay na lang ang kasama ko sa bahay. Nasa ospital siya ngayon.” Nagbaba siya ng paningin para itago rito ang lungkot na nadama niya nang maalala ang kalagayan ng ina. “Si Tatay, pumanaw na. May tanong ka pa ba?”
He opened his mouth as if to say something, but he might have thought twice because he closed it again.
“Wala na? Pwede ka na bang umalis?”
“As I’ve said, I’m tired. Hindi ko rin alam ang pabalik.”
Naiinis na nakamot niya ang kilay niya. Binibigyan talaga siya ng problema ng isang ito!
“Itatawag kita ng tricycle.”
“You said you’re also tired. And I don’t think na kakayanin mo pang bumaba at umakyat ulit dito.”
Nagtitimping sumagot siya. Gustung-gusto na talaga niya itong sigawan.
“Alam mo naman pala, bakit hindi ka pa magkusang umalis?”
“I can’t go back.”
Grrrr!
Paulit-ulit na lang sila!
“Eh, ano’ng gusto mong gawin ko? Papasukin kita sa bahay namin?” medyo mataas na ang tonong sabi niya rito.
Nagkibit-balikat lang ang hunghang!
“Alam mo, Kyle…”
Bago pa niya matapos ang mga sasabihin niyang mura ay biglang bumukas ang ilaw sa apartment na nasa tapat nila.
“Ronah?”
Tinig iyon ni Mang Kardo, ang tatay ni Lanie. Kapitbahay niya lamang ang mga ito.
Mabilis na itinulak niya si Kyle sa tabi. Subalit hindi niya pa ito lubusang naiitago sa dilim nang sumungaw sa bumukas na jalousie ng bintana ang kapitbahay niya.
Halatang nabigla ito nang makita si Kyle doon. Pagkatapos ay pumormal ang hitsura habang nakatingin ng hindi maganda kay Kyle at sa mga kamay niyang kasalukuyang nasa dibdib nito. Halata sa sitwasyon nila na itinutulak niya ito.
Agad na binawi ni Ronah ang mga kamay.
Lumabas naman si Mang Kardo sa pinto ng mga ito at nagpalipat-lipat ang paningin sa kanilang dalawa. May pag-aalala ang tingin nito sa kanya habang naghihinala naman ang kay Kyle.
“May problema ba tayo?”
“Kuya Kardo, pasensya na po kayo sa ingay.”
“Sino iyang kasama mo?”
“Ah, eh…”
Ito na ang chance niya para humingi ng tulong para mapaalis si Kyle doon. Dating siga na nagbagong buhay at ngayon ay barangay kagawad na si Mang Kardo. Siguradong maiitapon nito palabas sa lugar nila ang binatang dayo.
Pero nang sulayapan niya si Kyle ay tila umurong ang dila niya na isuplong ito. Injured ito at may ilang galos sa maputing balat nito. Kung kukuyugin ito ng mga tao roon ay baka mas lalo lang itong masaktan. Kapag kasi pinalayas ito ni Mang Kardo ay tiyak na magsisilabasan ang iba pang kalalakihan doon sa ingay at malamang na pagkaisahan ito.
“H-hindi naman po. Ayos lang po ako, Kuya Kardo. Ano, ah… pinsan ko po siya.”
Kumunot ang noo nito. Kita niya naman sa gilid ng mga mata niya na napatingin din sa kanya si Kyle. Binalewala niya ito at ipinagpatuloy ang kasinungalingang iyon.
“Kamag-anak po siya ni Tatay na nakatira sa Iloilo. Nabalitaan niya po ang nangyari kay Nanay kaya po pumunta siya rito.”
“Bakit ngayon lang siya napunta dito eh, nakatatlong atake na ang nanay mo? Pang-apat na nga ngayon.”
“Busy po kasi siya sa trabaho niya sa Iloilo. `Di ba, insan?” Siniko niya si Kyle na tahimik lang na nakamasid sa kanila.
“Yeah. I’m just busy…”
Gusto niya itong bulyawan na mag-Tagalog na lamang. Baka hindi maniwala ang kapitbahay niya na may pinsan siyang spokening dollar.
“Ganoon ba, Ronah?” may pagdududa pa ring sabi ng matanda. Sinukat nito ng paningin si Kyle, tapos ay bumaling sa kanya. “Sigurado ka ba, iha? Hindi mo ba k-in-idnap ang binatang ito sa ospital?”
Muntik na siya masamid sa sarili niyang laway. Kaya ba may pagdududa ang tingin nito kay Kyle ay iyon ang iniisip nito? Eh, kung iyon pala ang iniisip nito ay hindi na sana siya nagtagpi ng kasinungalingan!
Nakamot niya ang ulo. Kahit saang anggulo talaga tingnan ay siya ang mas mukhang masamang tao sa kanilang dalawa ni Kyle.
“Grabe naman po kayo sa `kin, Kuya Kardo.”
Natawa ito. “O siya, sige. Tiyak na malayo pa ang biniyahe ng pinsan mo. Pagod ka rin sa pagbabantay sa nanay mo sa ospital kaya ang mabuti pa ay magpahinga na kayo. Teka, kumain na ba kayo? Maraming pagkain dito sa bahay. Nag-uwi si Lanie ng inihaw na manok kanina pagkagaling sa concert. Teka at kukunin ko.”
Hindi na nakapiyok si Ronah nang dali-daling pumasok sa loob ng apartment nito ang matanda.
Hindi naglipat sandali at iniaabot na nito sa kanila ang naka-tupperware na pagkain.
“May kanin na rin d’yan para hindi na kayo magluto.”
Tinanggap niya ng buong puso ang pagkaing iyon. Ang totoo ay kumakalam na nga ang sikmura niya. Kahit kailan talaga ay napakabuting kapitbahay nito.
“Maraming salamat po, Kuya Kardo.”
“O siya, sige. Pumasok na kayo at magpahinga.”
“Sige po. Salamat po ulit.” She tugged on Kyle’s arm. “`Insan, tara na.”
Nasabi na rin lamang niya, paninindigan na niya ang kasinungalingang iyon.
Tahimik namang sumunod ang binata sa kanya.
Nang makapasok sa bahay ay nasabunutan niya ang sarili.
Bakit ba siya nagpapasok ng estranghero sa bahay nila?! At una sa lahat, bakit hinayaan niya itong sundan siya hanggang doon?
Nababaliw na nga ba siya?
Ganito yata talaga kapag kinukulang sa tulog at sandamakmak ang iniisip na problema.