PROLOGUE
Taong 1200, Yin Dynasty.
Ang panahon kung saan laganap ang kapayapaan, mahika, kapangyarihan at kasakiman na pinamumunuan ng emperador na si Lawzian Yin. Isang napipintong digmaan ang kasalukuyang magaganap laban sa emperyo ng Yin at ng mga taong tumiwalag o mas kilala bilang Quan Empire na naglalayon upang magkaroon ng kalayaan ang bawat isa at malayang maipahayag at maipakita ang kapangyarihan ng walang kinakatakutan.
Ang dinastiya kung saan ang halos mahigit kalahati ng populasyon sa mundo ay gumagamit ng mahika at kapangyarihan, ang panahon na kung saan ang mga mahihina ay ginagawang mga alipin, ang mahihirap ay lalong naghihirap habang ang mga malalakas at may mga taglay na mahika o kapangyarihan ay iginagalang, kinikilala, sagana sa buhay at kinakatakutan. Ang dinastiya o ang panahon kung saan ang kapayapaan at kasaganahan ay hindi para sa lahat.
Ang dinastiya at panahon kung saan nandoon si Yan Yuhuang, isang masiyahin at alipin sa emperyo ng Yin, dalawampu't tatlong taong gulang, nilaktawan ng mahika at kapangyarihan na ang tanging hangad ay magkaroon ng kapayapaan at mapasaya ang mga taong kanyang pinapahalagahan at mga kaibigan sa kabila ng mga dinaranas na pagsubok at paghihirap sa buhay. Ang lalaking palaging nakangiti sa kabila ng kalungkutan at pighati.
Taong 2020. Makabagong Mundo
Modern technology, cellphone, laptop, internet at lahat ng mga makabagong teknolohiya pati na din ang makabagong pamumuhay ng mga tao. Ang panahon kung saan walang naniniwala sa mahika at kapangyarihan, ang makabagong mundo na kung saan ang paligsahan ay hindi palakasan ng katawan kundi patalinuhan at payamanan. Walang digmaan ngunit wala ding kapayapaan.
Ang makabagong mundo na kung saan ang mga tao ay limot na ang mahika at kapangyarihan at naging ganid sa pera at kayamanan. Na kung saan ang mayayaman ay walang katahimikan at hindi alam ang kulang habang ang mga mahihirap ay nagsusumikap at hindi naghahangad ng sobrang hindi naman kinakailangan sa buhay, na ang pamilya at kaibigan ang tunay na yaman.
Ang makabagong mundo kung saan nabubuhay sa Axel Cristobal, dalawampu't tatlong gulang. Mayaman, matalino, gwapo. Anak ng may-ari ng Cristobal Group of Companies na unang nakilala dahil sa mga rare items at antique collections na halos ilang libo at daang-taon na ang mga tanda. Si Axel Cristobal na walang hinangad kundi patunayan sa lahat na sya ang pinakamagaling, pinakamatalino at pinakatuso.
Dalawang magkaibang tao sa dalawang magkaibang mundo at panahon ang magtatagpo. Ang mundo at magkaibang panahon ng pighati, kasiyahan, kapayapaan at pagmamahalan at kasakiman.
"Gusto pa kitang makasama, pero hindi kayang pahintuin ng oras ang panahon na namamagitan sating dalawa" - Yan Yuhuang
"Kahit ilang libong taon pa ang panahon na kailangan kong lakbayin papunta sa hinaharap o sa nakaaran gagawin ko, makita at makasama ka lang" - Axel Cristobal