Yin Dynasty 1200
Yan Yuhuang's Point of View
"Tigil!" Sigaw ng mga kawal habang tumatakbo ako papalayo para makatakas at maiuwi ang mga pagkain galing sa imbakan, pagkain na kinuha ko nang walang paaalam para sa mga pamilya ko at matatalik na kaibigan.
Kabisado ko na ang mga pasikot sikot sa emperyo ng yin dahil sa tagal ko nang dumidiskarte para lang makakuha ng makakain. Alam kong masama ang ginagawa ko pero kailangang mabuhay at kumain ng mga taong mahal ko sa buhay pati na din ang mga kaibigan ko, masamang gawain pero para sa mabuting hangarin. Para sa mga nasa pinakamababang estado sa buhay na katulad ko, ang tanging paraan para lang magpatuloy sa buhay ay ang makipagsapalaran.
Nang makatakas ako sa mga kawal na humahabol sakin at makadating sa aming munting tahanan ay tumigil muna ako saglit bago buksan ang sira-sirang pinto. Huminga ng malalim at inayos ang gula-gulanit na kasuotan habang dahan-dahang pinupunasan ang mga pawis na nagsisitagaktakan sa aking mukha sa kakatakbo kanina, napangiti ako ng marinig ko ang mga boses na nagtatawanan sa loob ng aming munting tirahan. Ang mga boses na nagbibigay ng lakas ng loob sakin para mabuhay at lumaban.
"Kuya!" Sigaw sakin ng bunso kong kapatid na si Chen Yuhuang pagkabukas ko ng aming pinto.
"Oh! Mukhang nagkakasiyahan kayo ah?" Nakangiti kong bungad sa kanila.
"Opo kuya, pa'no si tatay kasi kung ano-ano ang mga kinu-kwento eh." Sagot naman ng pangalawa kong kapatid na si Canna Yuhuang.
Napailing nalang ako sa mga kakulitan ng mga kapatid ko kasama na din ang mga magulang ko. Ako si Yan Yuhuang, panganay sa tatlong mga magkakapatid. Dalawampu't tatlong gulang, ang aking mga magulang naman ay sina Cheng Yuhuang at Kara Liang. Bilang panganay ay obligado akong buhayin ang aking pamilya at dahil na din sa wala na sa kapasidad ang aking mga magulang na maghanap-buhay para sa aming magkakapatid. Nakatuntong lamang ako sa ika-anim na baitang na palatuntunan sa emperyo, bago ako umakyat sa susunod na antas ay naaksidente ang aking ama sa emperyo ng yin na naging sanhi upang mabalisa ang kanyang mga binti habang ang aking ina naman ay nagkasakit dahil sa labis na pagtatrabaho pagkahalili sa aming ama.
Kaya ngayon ay nagpupumilit akong magsumikap para makahanap ng aming kakainin sa araw-araw. Maswerte na kaming magkaroon ng pagkain sa hapag dalawang beses sa isang araw, pero gayun pa man ay pinipilit naming mabuhay nang masaya at mapagkumbaba. Todo ingat para hindi mahuli ng mga kawal at gawing alipin sa emperyo, nabuhuhay na masaya kasama ang pamilya habang kaakibat ang mga agam-agam na pwedeng mangyari sa sandaling madakip at pwersahang gawing alipin.
"Anak, hayaan mo akong makatulong" sabat ng aking ina na nagpatahimik sa aming lahat.
"Nay, h'wag po kayong mag-alala, kaya ko at ako ang bahala." Pagbibigay lakas-loob ko dito.
"Pero 'nak-"
"Nay, tay kaya ko po. Sa lahat po ng mga naisakripisyo ninyo para sa aming magkakapatid, hayaan nyo na po akong dumiskarte para sa pamilya natin." Nakangiti kong pagputol sa anuman sanang sasabihin pa ni nanay sa akin.
"Basta anak, tatandaan mo na palagi kang mag-iingat, alam mo naman ang mga nasa emperyo" Nababahalang paalala ni tatay sakin.
"Opo tay, alam ko po. Hinding-hindi ko po hahayaan na may mangyari sakin o sainyo. Mag-iingat po ako ng husto." Pagpapalubag loob ko sa aking mga magulang.
Tuluyan na akong pumasok sa aming munting tahanan at inilapag ang mga pagkain na aking nakuha. Hindi naman ito mga sobrang sarap pero makakapanawid na din ng aming gutom sa buong isang araw. Hindi man ito ganoong kasariwa at kasustansya pero mas mabuti na ang meron kaysa sa wala at kumakalam ang mga sikmura. Hindi ko naman ito ninakaw sa mga katulad naming hikahos sa buhay kundi galing sa imbakan ng imperyo na mula sa buwis ng mga mahihirap - o ng mga alipin sa madaling salita.
Mahirap para sa amin ang ganitong klase ng buhay, lalo na sa katulad ko na nilaktawan ng mahika o kapangyarihan. Walang kakayahang lumaban at itinuturing na isa sa pinakamahina o pinakamababang uri ng tao sa nasasakupan ng emperyo ng yin. Tanging lakas ng loob, diskarte at tamang desisyon sa buhay ang kapanalig para lang makaraos sa araw-araw. Pero gayun pa man ay wala akong hinanakit sa lahat dahil alam ko sa sarili ko na ang buhay ay sadyang hindi pantay-pantay, malakas mahina, ibabaw ilalim, lungkot laakitbat ng kasiyahan, pagmamahal kataksilan, buhay at kamatayan. Para sakin dyan lang umiikot ang mundo, pero hinding hindi ko hahayaan ang sarili ko na magpatalo.
"Ang bango!" Napatigil kami sa pagkain nang biglang bumukas ang aming pinto at bumungad ang tatlo kong matatalik na kaibigan na sina Sheng, Min at Peng.
"Nako sang lupalop ba kayo nagpunta?!" Asar na tanong ko sa kanila.
"Eh di dumiskarte ng pagkain ngayong araw" Nakangising sagot naman ni Peng sakin, pinakamatanda at pinakamalaking bulas sa aming magkakaibigan. Nagsisilbing kuya sa aming lahat.
"Ang aga mo naman kasing umalis eh, kaya di ka na namin inabala." Pabalaewala namang sabat ni Sheng na kasingtanda ko, ulilang lubos at napakamadiskarte sa buhay.
"Sus, sabihin nyo hindi nyo lang talaga ako sinama." Kunwaring patatampong sabi ko.
"Oy oy oy Yan Yuhuang, tigil-tigilan mo 'ko sa kaartehan mo ha? Ikaw kamo talaga ang mahilig magsarili ng lakad. Kung hindi ko pa alam, sa pinakadelikadong lugar ka pa talaga nagpupunta." Pasermon naman sakin ni Min na nagiisang babae sa aming magkakaibigan at pinakamatalino kahit hindi pa nakatuntong sa pinakamataas na baitang pangkaalaman.
"Hala sya mga anak, umupo na kayo at magsalo-salo tayo sa mga pagkaing nakahain sa atin ngayon." Pag-awat naman sa amin ni nanay.
Agad naman nilang inilapag ang mga pagkain na kahit hindi sobrang sasarap ay nakapagbigay ngiti sa akin, hindi naman talaga ako naaasar o nagagalit sa kanila dahil sa hindi nila ako sinama o kung ano pa man, ako lang talaga ang mag-isang umalis dahil ayoko lang na may madamay na isa man sa kanila kung sakaling may mangyari man na aberya. Hindi ko sila maipagtatanggol kung sakali dahil isa ako sa mga taong bihirang bihira laktawan ng mahika o kapangyarihan, mas mabuti na yung nag-iingat at ligtas sila sa anumang kapahamakan.
Ito ang dinastiya ng yin. Ang panahon kung saan ang mga tao ay may mga mga mahika o kapangyarihan, may mga kayang makapagpagalaw ng bagay, kayang makapagbuga ng apoy sa kanilang mga palad, makalutang sa hangin, makalangoy sa tubig ng sobrang tagal o tipong nakakahinga sa ilalim ng tubig, makapagpayelo, makipag-usap sa mga hayop, makapunta sa iba't ibang lugar sa isang kisap-mata, makatakbo ng napakatulin at kung ano ano pang mga mahika at kapangyarihan.
Ang aking mga magulang ay halos may magkasimilaridad na abilidad, si tatay ay nakakapagpagalaw ng apoy habang si nanay naman ay nakakapagmanipula ng tubig. Ang aking dalawang kapatid naman na kahit sa murang edad pa lamang ay kayang makakita ng malayuan o kahit ilang kilometro at makipagusap sa mga hayop. Samantalang ang mga kaibigan ko naman na si Sheng ay kayang matandaan ang mga lugar o buong syudad sa isang tingin pa lamang, si Min naman ay may kakaibang talino at si Peng naman ay may taglay na pambihirang lakas.
"Nabalitaan ko nga pala na dinala na sa sentro ng emperyo yung anak ni Anya" Malungkot na saad ni nanay samin.
Si Aling Anya na halos kahilera lang naming ng tahanan, napatigil ako ng pagsubo sa aking pagkain dahil sa aking narinig at napatingin kay nanay.
"Nahuli ng mga yinlian" Patuloy ulit ni nanay. Ang mga yinlian ay ang mga kawal sa emperyo ng yin.
Ako naman ay nakatingin lang habang naghihintay sa susunod na sasabihin ni nanay, gayundin ang mga kasama ko sa hapag kainan na si tatay, aking mga kapatid, Sheng, Min at Peng. Kahit na alam ko naman sa sarili ko ang ibig sabihin kapag nahuli ka ng mga kawal sa emperyo, dalawa lang naman ang kahihinatnan. Ang maging alipin habambuhay o ang mawakasan ng buhay, parang ganun lang kasimpleng pakinggan pero ang dalawang magkaibang salitang yan ay mas wala kang pipiliin.
"Kinitilan ng buhay - sa sentro mismo ng emperyo, isinabit sa tore bilang babala." Malungkot na patuloy ni nanay.
Kahit na alam ko naman na ang mangyayari kapag nadakip o nahuli ka ay may ibayong takot at pangamba padin sakin ang mga balitang nahuhuli ng mga yinlian o ng mga kawal. Dahil ang mga nadadakip ay ang mga karaniwang katulad naming mga walang laban sa kanila o mga mahihina.
"Kaya palagi kong ipinapaalala sa inyo na mag-iingat kayo." Nangingilid luhang paalaala ni nanay sa aming lahat.
"Opo, h'wag po kayong mag-alala dahil palagi naman po kaming nag-iingat." Pagpapalakas ng loob ni Min kay Nanay.
"Opo nga 'nay, tsaka para palagi tayong nakaka-kain." sabat naman ng bunso kong kapatid na si Chen
"Kaw bata ka, wala ka na talagang inatupag at inisip kundi pagkain." Kunwaring pagalit na sabi na tatay naman sa kanya.
"Tay naman eh, masasarap naman po kasi mga dinadala nilang mga pagkain eh." Sabat naman muling bunso naming si Chen.
Napangiti nalang ako kahit natatakot kasi kapag nahuli ako ng mga yinlian ay wala nang mag-aalaga at magmamahal sa pamilya at mga matatalik kong mga kaibigan kundi ako lang. Kapag nahuli ka ng mga yinlian ay magsisilbi bilang alipin habam-buhay o kaya naman ay kamatayan. Alinman sa dalawa ay wala akong nanaiising piliin, at kung nagagawa nila ang makangiti kahit nahihirapan ay mas lalong kakayanin ko. Sila nga na may mga mahika, kapangyarihan o kung ano pa man ay nagagawang magpatuloy sa buhay eh di lalo pa kaya ako. Ako na ang tanging kakayahan ay ang kakaibang lakas ng loob at tapang, na ang tanging kakayahan ay mangulimbat ng mga pagkain. Ako, na sa kasamaang palad ay nilaktawan ng kapangyarihan o ng anumang klase ng mahika.