Yin Dynasty 1200
Yan Yuhuang's Point of View
Habang namamasyal kasama sina Sheng, Min at Peng sa paligid ng emperyo ay masasaya kaming mga nagku-kwentuhan ng mga kung ano-ano. Napatigil kami pagdating sa may gitnang tore ng emperyo ng yin dahil pare-pareho kaming mga napatingala sa mga walang buhay na katawan na nakasabit sa mga tore. Mga tao na kinitilan o pinarusahan ng kamatayan sa mga iba't ibang klase ng kasalanan. Ang magnakaw, sumuway sa batas, lumaban sa mga nakakakataas o kahit sa mga kawal na yinlian ay may mga katumbas na kaparusahan. Kaya walang nagtatangkang maglakas ng loob na lumaban lalo na ang katulad ko na nilaktawan ng mahika at kapangyarihan.
Halos yata sa araw-araw ay palaging may mga bagong naisasabit sa itaas ng tore na mga lumabag sa batas, mababanaag mo sa mga katawan nila ang labis na paghihirap bago nawalan ng buhay. May mga iba't ibang klase ng sugat at latay ang mga makikita sa parte ng kanilang katawan, matanda, lalaki, babae, bata o kung sino ka pa man basta't nagkasala ay pagiging alipin o kamatayan ang kahahantungan. Maituturing ko pa na maswerte kami dahil palagi kaming mga nakakatakas at nakakalusot sa mga linyian na palaging humahabol sa amin kapag nangungulimbat kami ng pagkain.
"Tara na, may mga yinlian na papadating" Yakag samin ni Sheng at nakatingin sa may 'di kalayuan.
Agad naming sinundan ang kanyang tinitignan at nakita ang mga kawal na linyian na nagmamartsa sa loob ng emperyo at mga nagbabantay sa buong paligid. May mga iba't ibang klase ng mga armas o sandata na nakasukbit sa kanilang mga bewang, mayroong espada, latigo at iba pa bukod pa sa kanilang mga mahika at kapangyarihan. Kaya sadyang malalakas ang mga loob nila na manghabol at mangdakip ng mga taong katulad namin. Dahil ano nga ba naman ang laban namin sa kanila, sobrang dami nila kaya kung susubukan man naming lumaban ay wala din namang mangyayari.
"Bilisan nyo, baka mamaya makita pa tayo nyang mga yan at habulin na naman tayo" Pagmamadali samin ni Sheng at agad din naman kaming mga nagsitalima.
"Tsaka didiskarte pa tayo ng pagkain para sa araw na'to." Paalala naman ni Min saming tatlo.
"Oo ako na ang bahala." Pagsang-ayon ko naman.
"Hoy hindi pwede! Magsasariling diskarte ka na naman." Pagpigil naman sakin ni Min sa sinabi ko.
"Hindi naman sa ganun, pero kasi kapag magkakahiwalay tayo, mas malaki yung tsansa na mas madami tayong maiuuwing pagkain diba?" Nakangiting sabi ko.
"Hindi pwede! Sama-" Bago pa man maituloy ni Min ang kanyang sasabihin ay mabilis na akong tumakbo papalayo sa kanilang mga kinatatayuan.
Nakita ko pang napakamot ng ulo si Sheng at Peng habang si Min naman ay patuloy sa kakasalita na hindi ko na maintindihan dahil sa medyo nakalayo na ako kaagad sa kanila. Totoo naman din pati ang punto ko na kapag magkakahiwalay kami ay mas malaki ang tsansa namin na makapaguwi ng mas madaming pagkain, hindi yung kakain nga kami pero ilang oras lang ay kakalam na naman ang mga sikmura namin dahil sa kulang ang mga pagkain na naidiskarte namin.
Habang tumatakbo ay masaya kong naiisip na mabubusog nanaman kaming pamilya at magkakaibigan mamaya, kaya ginaganahan talaga akong dumiskarte dahil kapag nakikita ko silang masasaya ay mas dobleng saya ang nararamdaman ko. Tumatakbo padin ako patungo sa mga imbakan ng pagkain sa loob ng emperyo ng yin kung saan ako madalas makakuha ng mga pagkaing pinagsasalahuhan namin sa araw-araw. Nagtago muna ako sa isang sulok at nagmasid sa buong paligid.
Kahit pa na matagalan ako ay ayos lang dahil mas mabuti na yung nag-iingat kaysa naman mabilisan nga pero magkakaaberya naman kalaunan. Matapos kong sipatin ang buong paligid ng emperyo at masiguradong walang nakabantay na mga yinlian ay dahan-dahan akong tumakbo patungo sa mga imbakan ng pagkain at pilit na hindi makagawa ng anumang ingay o kaluskos. Nang makarating na ako sa pinakabukana kung nasaan ang mga imbakan ay muli akong nagsumiksik sa isang tagong sulok na hindi basta-basta nakikita kahit pa na may mga dumaang yinlian.
Matapos muli ang ilang minutong pagtatago ay lumabas na ako sa aking kinalalagyan at nagtungo sa malaking pintuan ng imabakan ng mga pagkain. Marahan ko itong binuksan at muling isinara ang pinto matapos kong makapasok. Napangiti ako ng todo sa mga nakita kong pagkain na nakatambak lang, ang dami na kung tutuusin ay nasasayang lang ang iba dahil sa nasisira, kaya madaming nagugutom eh. Kung ipinapamahagi nila ang mga pagkain sa mga katulad namin 'di sana ay wala ng napaparusahan dahil sa pangungulimbat. Hindi ko din maintindihan ang buong emperyo kung bakit iniimbak lang nila ang ganitong kadaming mga pagkain.
"Ayos 'to." Sambit ko sa aking sarili.
"Hmmm, ano kaya ang masarap ipakain sa kanila?" Tanong ko ulit sa aking sarili.
Inilibot ko ang aking mga mata sa lahat ng mga pagkain, inisa-isa ang mga lahat kung ano ang pwede kong makuha. Napatigil ang mga mata ko sa mga gulay at karne na mukhang kakaimbak lang na agad nakapagpangiti sa akin. Agad kong kinuha ang mga gulay at karne at isinilid sa telang madalas kong pinaglalagyan ng mga pagkaing nakukuha ko sa araw-araw. Matapos kong makuha ang lahat ay napadako naman ang aking paningin sa tustadong mga tinapay na maayos na nakabinbin sa isang lagayan, napangisi pa ako lalo dahil mukhang bago lang din iyon.
"Ayos! May panghimagas pa kami kung sakali" Nakangiting tugon ko sa aking sarili.
Agad akong naglakad sa kinalalagyan ng mga tinapay at kumuha ng ilang piraso na kakasya para sa aming lahat, at naglagay na din ng ilang pirasong pinatuyong mga maharlikang halaman na ginagawang tsaa ng mga nasa loob ng emperyo ng yin. Matapos kong masigurado na ayos na ang lahat ay sinalansan kong mabuti ang lahat sa loob ng dala kong tela at mahigpit itong itinali dahil mamaya ay paniguradong magkakaroon na naman ng walang katapusang habulan sa pagitan ko at ng mga kawal ng emperyo o kilala din bilang mga yinlian. Matapos maisaayos ang lahat ay naglakad na ako papunta sa pintuan ng imbakan ng mga pagkain kung saan ako nanggaling kanina.
Marahan kong binuksan ang pintuan at pilit na hindi makalikha ng anumang kaluskos o ingay, pero nanlaki ang mga mata ko sa aking nasaksihan. Isang lupon ng mga yinlian ang nasa harapan ng pintuan at mga halatang naghihintay sa aking paglabas. Tumingin pa ako sa aking gilid sa kaliwa at kanan pero ganun na lamang ang aking kaba at takot na naramdaman dahil wala akong kamalay-malay o wala man lang akong naramdaman na pinalibutan na pala ng mga yinlian ang buong paligid ng imbakan ng pagkain. Ramdam ko ang pawis na isa-isang tumutulo sa aking noo.
Marahas akong napasadsad sa lupa dahil sa malakas na pagkakatulak sa akin ng isang yinlian. Nasa sentro na kami ngayon ng emperyo at napapagitnaan ako ng mga kawal, puro sugat at pasa na din ang buong katawan ko dahil sa mga sugat na natamo ko, pati yung mga pagkain na nakuha ko ilang sandali lang ay natapon nalang sa sahig dahil sa pagkaka-kaladkad sa akin kanina, ayos lang sakin na masaktan, hindi ko iniinda ang mga sugat at galos ko. Ang mga paningin ko ay nakadako sa mga pagkain na nakakalat sa sahig kasabay ng pag-iisip na baka nagugutom na ang mga magulang at mga kapatid ko.
Napapikit ako ng mariin ng biglang tumama sa likod ko ang isang latigo na hawak ng isa sa mga kawal na yinlian. Habang ang isa naman ay bigla akong sinakal sa pamamagitan ng hangin na kanyang kapangyarihan. Habang nahihirapan ay napatingin ang mga mata ko sa mga walang buhay na nakasabit sa itaas ng mga tore, panigurado na ganun din ang sasapitin ko. Gusto ko man makatakas ay wala akong anumang lakas, mahika o katiting na kapangyarihan para lumaban. Mapait akong napangiti dahil ito na yata ang magiging katapusan ng masaklap kong buhay.
"Sa dami ng mga ninakaw mo kulang pa kapalit ang buhay mo." Saad ng isang kawal na yinlian sakin.
"H'wag kang mag-alala, isasabit ka din namin sa itaas ng tore kasama ng mga mandarambong na katulad mo." Nakangisi pang saad din ng isang kawal.
Habang patuloy akong pinapahirapan at pinaparasuhan ng mga kawal na yinlian ay nahagip ng aking paningin ang aking mga kaibigan na sina Shen, Min at Peng na mga umiiyak, galit at nagpupumilit na makaalpas sa mga nakabantay na kawal sa entrada ng emperyo ng yin. Pinilit kong umiling sa kanila bilang pagsasabi na 'wag na silang lumaban, dahil kung pati sila ay madadamay ay tuluyan nang walang magbabantay at mag-aalaga sa pamilya ko. Isang ngiti ang pinakawalan ko sa kanila bago tuluyang magdilim ang paningin ko dahil sa isang matigas na bagay na tumama sa likudan ko. Katapusan ko na nga yata talaga, at ang pinakahuli kong naalala ay ang mga mukha ng umiiyak kong mga kaibigan kasabay ang mga mukha ng mga magulang at mga kapatid ko.
"Kamusta sya?" Tinig ng isang boses na unti-unting nagpadilat sa akin.
Pagmulat ko ng aking mga mata ay nasa isang lugar ako na hindi pamilyar sa akin, pinilit kong inilibot ang aking paningin sa kabuuan ng paligid at nakitang ang mga kasama ko ay mga nagsisilbing alipin sa emperyo ng yin dahil sa mga suot nilang kulay abo na damit na palatandaang ikaw ay tagasilbi sa loob ng emperyo. At duon ko lang din napansin na nakahiga ako sa isang matigas na papag at nakasuot na din ng kulay abong kasuotan. Babangon na sana ako nang biglang kong maramdaman ang sakit ng aking buong katawan dahil sa mga pasa at sugat na natamo ko dahil sa mga kawal na yinlian at napatingin sa isang babaeng nasa aking gilid at matamang nakamasid sa akin.
"Wag ka na munang kumilos dahil madami kang mga natamong sugat at latay sa katawan." Saad nito sakin.
"Ako nga pala si Zihan, isang alipin at tagasilbi dito sa emperyo." Pagpapakilala ng babae sakin.
"Mabuti naman at nagising ka na, napakswerte mo." Sabat naman ng isang lalaki na nagpakilala si Xiao at isa ding alipin.
"P-pano pong s-swerte?" Medyo nahihirapan ko pang tanong sa kanila.
"Maswerte ka dahil hindi ka nila tinuluyan at isinabit sa tore, pero. Isa ka ng tagasilbi o alipin dito ngayon sa emperyo." Paliwanag sakin ni Zihan.
"Po?!" Gulat na tanong ko.
"Isa ka na ding alipin at tagasilbi dito sa emperyo, katulad ko. Katulad naming lahat na nandidito." Sagot naman ni Xiao sa tanong ko.