SA mga unang segundo ay malabong mukha ni Edgar na nakangiti ang nakita ni Daisy pagmulat niya. Kinusot-kusot niya ang bagong gising na mga mata. Imposibleng nasa Pulosa rin ang lalaki. Lalong imposible na nasa silid pa niya sa rest house! Pero hindi nawala ang nakangiting mukha na iniisip niyang bahagi lang ng kanyang panaginip. "'Musta, 'kulit?" sabi ng boses na nagpatunay na hindi siya nananaginip lang. Nasa silid talaga si Edgar Dimatulac! "Kuya Ed?" Napabangon siya, hindi makapaniwalang naroon sa silid ang lalaking paulit-ulit niyang sinusubukang kontakin pero nawala na lang na parang bula. Naroon ito, nakaupo sa couch sa bandang paanan ng kama. "Bangungot ka ba?" dugtong niya at napangiti na rin. Mas niyakap niya ang malambot na unan na dahilan yata ng mahimbing niyang tulog. "Na

