Someone's POV. "Hey, kailan ba tayo magpapakilala sa mga taga-silangan? Tinatamad na kasi ako sa paghihintay." Nagpalumbaba ang isa sa mga kasamahan ko na may kulay pulang mata at buhok, pero nababalutan ng itim na aura ang kulay pulang 'yon. Lumingon siya sa 'kin at tinitigan niya ko ng masama. Kahit ako ang pinuno ngayon sa pangkat namin ay walang takot niya pa ring sinalubong ang mga titig ko. Bahagya akong napangiti. Ito ang dahilan kung bakit isa siya sa mga tinuturing kong pinakamalakas kong alagad. Ngumiti ako sa kanya at hindi ko siya sinagot. Sa halip ay tinuon ko ang aking paningin sa aking dalawang alagad na ngayon lamang dumating. Maging ang iba ay napalingon na rin sa kanila dahil nababalot ng itim na usok ang buong paligid ng babaeng may kulay berdeng mata at buhok.

