Chapter 4:Disappointment
I can still remember how their eyes told me how they were disappointed in me. Hindi lang naman iyon noong naibagsak ko ang bar exams ko. Hindi lang iyon ang pagkakataon na nakita ko sa mga mata nila kung gaano sila kadismayado sa akin. Maraming beses na, napakaraming beses na.
As the eldest child, I forced myself to understand them. Iyon naman ang gusto nilang gawin ko. Ang umintindi. Na kesyo panganay ako kaya intindihin ko, panganay ako kaya dapat akong marunong akong umintindi, panganay ako kaya dapat tanggap at naiintindihan ko ang kung ano mang magiging desisyon nila sa pamilya.
All my life I've been a good daughter. Gaya ng gusto nila, umiintindi ako. Gaya ng gusto nila, inintindi ko sila kahit pa hindi lubag sa loob ko. Kasi... Ano bang magagawa ko? Wala. Wala na akong magagawa kaya tanging pagi-intindi na lang ang tanging nagawa ko. Ano pa nga ba?
Natatawa pa nga ako sa tuwing bumabalik sa isip ko iyong panahong nagmukha akong kawawa sa harap ng mga kaklase ko. That time, gipit na gipit ang pamilya namin dahil ang laki ng binayaran namin sa ospital nang isugod namin si Aubriana dahil sa sakit niya sa puso.
Pero, inintindi ko sila... Kahit pa nagmukha akong kaawa-awa.
"Audri! Tara na sa room? Nandyan na si Sir!"
My classmate, Shekinah suddenly approached me. Mukhang kanina niya pa ako hinihintay na sumabay sa kaniya paakyat sa room para magtake ng quiz ngunit may hinihintay pa ako.
"Sige na, susunod na lang ako. Magbabayad pa kasi ako sa bursar." I smiled at her.
Hindi pa kasi ako bayad sa tuition ngayong grading kaya kailangan ko pang mag-bayad ngayon sa bursar para makakuha ako ng receipt at iyon ang magiging way ko para makapag-take ako ng exam. Iyon kasi ang hahanapin sa amin ni Sir. Kapag wala kami n'on at hindi pa kami bayad sa buong tuition, hindi kami makaka-exam.
Grade ten ako, graduating na sa Highschool kaya importanteng makapag-exam ako para makapasa ako at maka-graduate. Tutal ay iyon naman ang gusto nilang mangyari, ang maka-graduate ako mula sa Highschool para makapag-College.
"Sige, ikaw bahala. Akyat ka na lang!"
Tumango ako at ngumiti sa kaniya tsaka muling binalingan ang phone ko. Ini-dial ko ang number ni Mama. Mabuti nga ay ilang saglit lang ay sinagot niya na ito.
"Ma? Nasaan ka na? Nasa room na raw kasi si Sir-"
She interrupted. "Nandito pa ako kay Aubriana. Nagbabayad ako ng tuition niya para makapag-exam siya. Intindihin mo na lang na isa lang sa inyo ang mababayaran ko sa ngayon. Alam mo naman ang sitwasyon natin, 'di ba?"
Natigilan ako. "H-Hindi po ako makapage-exam?"
"Intindihin mo na lang muna, Audri! Katutungtong lang ng kapatid mo sa Highschool, first time niya 'to kaya pagbigyan mo na. Humabol ka na lang ng exam kapag nakautang na ako sa Tita mo."
"P-Pero, Ma..." Kinagat ko ang ibabang labi ko, pinipigilan ang pagluha ko.
"Anong 'pero'!? Audrienne, panganay ka! Magtiis ka muna para sa kapatid mo!"
"M-Ma..."
"Tigilan mo na naman ako sa kaartehan mo. Hayaan mo, hihiram ako mamaya sa Tita mo para makapag-exam ka kinabukasan. Ang arte mo! Simpleng pagpaparaya lang, hindi naman magtatagal."
"P-"
Sasagot pa lang sana ako ngunit naitikom ko na lang ang bibig ko nang makitang pinatay na ni Mama ang tawag. Mahigpit akong napakapit sa phone ko at pinunasan ang luhang namumuo sa mga mata ko.
Sumilip ako sa mga estudyanteng nakapila sa bursar. Nakita kong nakatingin sa akin ang iba ngunit hindi ko na lang sila pinansin at umakyat sa room para sana makiusap kay Sir.
Pero, bigo ako...
"S-Sir, bukas pa kasi ako makapagbabayad. Hindi kasi makakapunta si Mama, nasa kaniya 'yong pera... S-Sir, kahit bukas ko na ipapakita 'yong resibo sayo... Sige na, Sir," I pleaded.
Nilingon ako ng mga kaklase ko nang marinig ang pagmamakaawa ko sa Teacher namin. Ayaw ko pa sanang gawin 'to ngunit desperada na ako. Hindi kasi pwedeng bumagsak ako at mas lalong hindi pwedeng hindi ako maka-graduate.
"Cuarez, alam mo namang hindi pwede, 'di ba? Gusto man kitang pagbigyan pero ako ang madadali kapag ginawa ko 'yon. Ayaw ko rin namang mawala ang trabaho ko dahil pinagbigyan kita. Kung gusto mo, sa bursar ka."
"P-Pero, Sir... Sige na, Sir. Please po, hindi kasi pwedeng bumagsak ako. Sir, kailangan kong grumaduate..."
I was so desperate to take that damn exams for me to graduate in Highschool. Ginawa ko ang lahat ng pagmamakaawa ngunit sadyang hindi talaga pwede kaya wala akong ibang napala kung 'di kahihiyan mula sa mga kaklase ko.
"Akala ko ba mayaman 'tong si Cuarez? Flex niya pa raw Gucci bag niya, pero 'di makapag-bayad ng tuition ngayon?"
Natigilan ako sa pagmamakaawa kay Sir nang marinig ang isang kaklase kong ibinubulong iyon sa ibang kaklase ko. Lumingon ako sa kaniya, handa na siyang sagutin ngunit nauna sa akin iyong class President naming kalaban ang turing sa akin dahil mas natataasan ko siya ng grades.
Our class President arched her right brow. With a smirk playing on her lips, she said, "Hayaan niyo na. Para ako naman ang mas mataas sa ngayon. Hirap taasan, e, sipsip kasi."
"Tag-hirap sila Audrienne ngayon, guys! Matataasan na natin siya ngayon!"
Gusto ko pa sana silang labanan ngunit naunahan na ako ng kahihiyan kaya bumagsak ang balikat kong lumabas ng room, hindi na inalintana ang mga tawanan nilang nagpapaulit-ulit sa isip ko.
Hinding-hindi ko 'yon makalilimutan. Hinding-hindi ko malilimutan iyong nangyaring iyon na siyang ikinahiya ko sa harap ng mga kaklase ko noon.
Hindi lang iyan ang mga nangyaring ganiyan. Marami pang pagpaparaya ang ginawa ko para sa mga kapatid ko pero inintindi ko kasi nga daw panganay ako kaya kailangan kong intindihin.
Natatawa na nasasaktan ako sa tuwing maaalala ko ang mga nangyari kasunod n'on. Iyong kung paano ko naramdamang walang pake ang mga magulang ko sa pagsisikap ko.
"Bakit ibinagsak mo 'tong English subject mo, Aubrianna!? English subject lang 'yan, hindi mo pa naipasa!? Ang mahal ng tuition na ibinayad ko para lang makapag-exam ka tapos bagsak ka lang!?"
Masama na siguro akong kapatid kung natutuwa ako kung paano napagalitan si Aubriana nang maibagsak niya ang isang subject niya n'ong exam.
Nakakatawang siya pa ang inalala ni Mama n'ong bayaran ng tuition ay hinayaan akong magmukhang katawa-tawa sa harap ng mga kaklase ko n'on. Kasi, kahit pa napagtawanan nila ako n'on... Naipasa ko 'yong exam kinabukasan.
"Ma, highest ako sa exams. Makakagraduate na ako, M-"
Natigilan ako nang harapin ako ni Mama, galit na galit.
"Bumagsak na nga ang kapatid mo, ipaglalandakan mo pa iyang highest ka!? Para ano? Anong ipinapamukha mo!?"
Naitikom ko ang bibig ko, hindi ko alam kung paano sasagutin ang sinabi niyang iyon na sadya namang ikinagulat ko.
Wala naman akong ipinapamukha sa kanila. Ang gusto ko lang ay sabihin sa kanila na highest ako sa exam para naman maging proud sila sa akin. Iyon lang naman.
"W-Wala, Ma... S-Sinabi ko lang 'yong results kasi kahit naman hindi ako nakapag-exam n'ong first day ng exams, n-nakapasa pa rin ako..."
Halos pabulong na lang iyon nang sabihin ko. Dinahan-dahan ko pa ang pagbigkas sa bawat salita dahil baka may masabi ako na hindi maganda sa pandinig ni Mama na mas lalo niya pang ikinagalit kapag nagkataon.
"So, sinasabi mo na mali kami ng choice ng unang binayaran? Na kasi tuition ni Aubriana ang una naming binayaran pero bumagsak lang siya? Gan'on ba?"
Mabilis akong umiling. "H-Hindi gan'on, M-Ma..."
"E 'di ano!?"
Wala naman akong gustong iparating sa kanila noong panahong iyon ngunit ako pa rin ang lumabas na mali sa kanila kaya imbes na si Aubriana lang ang napagalitan, nadamay pa ako. Sobra-sobra pa nga ang mga sinabi sa akin kaya doon palang ay natanggap ko na...
Natanggap ko nang may favoritisms sila.
"Tapos na class mo, Audri?" My co-Teacher, Nicole, asked me.
"Yes. Pauwi na ako since wala na akong class for today."
"Ah, kaya pala nakita ko na si Trystan sa labas ng school." Tumango siya. "Swerte mo talaga sa boyfriend mo. Kailan ba kayo ikakasal niyan?"
Natawa ako at inangat ang kamay ko kung nasaan ang singsing ko. Napatingin siya roon at unti-unting nahulog ang panga kasabay ng mata niyang nanlalaki na.
"Omg!" Impit siyang napatili. "Kailan ang kasal!?"
"After eight months. Naghahanda pa lang kami para sa kasal." Natawa ako.
"Talaga? Iimbitahan mo ba ako? Charot! Advance congrats sayo! I'm happy for you." She smiled.
"Thanks, Nics." Ngumiti rin ako.
"Sige na, may class pa ako sa section six. Pasaway pa naman ang mga 'yon."
Natawa ako. "Sige, sige."
Nagpaalam na kami sa isa't isa ni Nicole at nang makalabas ako sa school, tama nga siya dahil naghihintay na sa labas si Trystan. Nangunot pa nga ang noo ko dahil hindi na siya pumasok. Nakasandal lang siya roon sa kotse niya.
"Bakit hindi ka pumasok?" bungad ko sa kaniya.
Tumingkayad ako para halikan siya sa pisngi at yakapin bilang pangbungad sa kaniya na palagi ko namang ginagawa kaya hindi na bago sa kaniya.
"Wala lang." Natawa siya. "Tara na?"
Tumango ako at kinuha niya naman ang bag at dala kong folder. Hindi na lang ako umalma pa at hinayaan siyang dalhin iyon. Pinagbuksan niya pa nga ako ng kotse kaya hindi ko mapigilang hindi mapangiti habang pinagmamasdan siyang umikot sa kabilang parte ng sasakyan.
"Nasabi mo na ba 'yong decision natin, love?" tanong niya matapos i-start ang kotse.
Natigilan ako at marahang umiling. "H-Hindi pa, e... Wala pa akong mahanap na perfect timing para sabihin kina Mama 'yon. Baka magalit pa sila sa akin."
"Gusto mo bang tulungan kita na magpaalam sa kanila?" Ngumuso siya. "I can't wait na makapagsama na tayo sa iisang bubong."
"Bukas na lang siguro, Trystan..." I sighed.
Iyon na ang huling pagkikita namin ni Trystan para sa ngayong araw dahil matapos niya akong ihatid sa bahay ay umuwi na rin siya. Hindi na rin ako nagpatagal sa labas dahil may mga lesson plan pa akong uunahin.
"Uy, si Audri, o! Baka ikakasal na 'yan? Yiii!"
Nanlaki ang mga mata kong nilingon si Vern na nakatutok ang mga mata sa T.V, naglalaro silang lahat ng video games doon.
Dahil tuloy sa isinigaw ni Vern ay napalingon ang lahat sa akin. Maski sina Mama at Papa ay natigilan sa kani-kanilang ginagawa para lang lingunin ako. Narinig ko pang napamura si Vern sabay tapik sa bibig niya.
"Totoo ba 'yon?"
Dumagundong sa puso ko ang matinding kaba nang itanong ni Mama. Sinubukan pa sanang pagtakpan ni Vern iyon ngunit tumango na lang ako para na rin matapos na ang paghihirap ko.
Bahala na.
"N-Nagpropose na sa akin si Trystan... I-Ikakasal na kami after eight months."
Parang may kung anong hangin ang bumalot sa buong bahay nang sabihin ko iyon. Lahat sila ay natigilan, lahat ay natahimik sa mga nalaman. Iyong kabang nararamdaman ko ay mas lalo lang nadagdagan nang makita ang reaskyon ni Mama at Papa na alam kong hindi na natutuwa.
"At bakit? Buntis ka?" Tumaas ang isang kilay ni Mama.
Mabilis akong umiling. "H-Hindi, Ma..."
"E, bakit?" si Papa ang sunod na nagtanong.
Anong bakit? Talagang itinatanong nila kung bakit kami magpapakasal? Ano bang sagot sa tanong na iyon? Jusko naman.
"M-Masama ba 'yon, Pa?" Napalunok ako nang mariin. "K-Kasi gusto naming ikasal kaya kami magpapakasal?"
"You're really a disappointment."
Naitikom ko na lang ang bibig ko nang sabihin iyon ni Mama sabay tayo para dumeretso sa kusina.
Gaya ng sinabi niya, alam kong dismayado na naman siya, sila sa akin. At kahit anong gawin ko, hindi ko na mababago pa ang kung ano mang tingin nila sa akin.