A few minutes later...
Naalimpungatan si Duncan nang muling tumunog ang kanyang cellphone.
"I have a pen. I have an apple -".
"Hello? Bakit? Ngayon na? Sige. Bye." Si Nathan ang tumawag. Pinapupunta silang lahat ni Deepak sa Malakia Monster. May pag-uusapan sila ngayon tungkol sa matagal na nilang planong heist.
Agad na nagbihis ng panlakad si Duncan: sando at kupas na maong.
Nadaanan niya ang nakabukas na kuwarto ng kapatid. Nakaupo sa tabi ng study table si Sasha at abala sa ginagawa.
Taas ang isang kilay na pumasok si Duncan.
"Ano 'yang ginagawa mo, my cute little sister?"
Tumingala ang bata. Agad itong sumimangot nang makita siya.
"Wala ka na d'un, noh," mataray na sagot nito at muling ipinagpatuloy ang ginagawang pagkalikot sa isang malaking lata na binutasan at nilagyan ng kung anu-anong kable at metallic parts.
Madaming mga kable at kawad na nakalagay sa ibabaw ng lamesa; mga turnilyo at iba pang electronic parts.
"What the f**k? What the hell?! Ano'ng basura na naman 'yan? Bakit ba ang hilig mong magdala ng basura dito sa bahay?"
"These are not trashes," depensa ng bata.
"They are trashes."
"Your face is trash."
"Sa guwapo kong ito?" animo'y nasaktang pahayag ni Duncan. "Ansakit mo namang magsalita, my little sister."
"Well, truth hurts."
"Robot ba 'yang ginagawa mo?" tanong ni Duncan habang nakatingin sa ginagawa nito. Mahilig si Sasha sa robotics. Noon pa niya ito napapansin. Mahilig mangalikot ng mga electronics component. Mahilig din magbasa ng mga libro tungkol sa mga robot. Inis man pero aminado siyang matalino ang kapatid. Sa katunayan ay sobrang dami na nitong medal na napanalunan mula sa mga sinalihang tagisan ng talino tulad ng quiz bee at spelling bee. Lahat ng mga medal na 'yon ay nakasabit sa dingding sa sala, katabi ng iilan naman niyang medals. Lalo tuloy siyang naiinis dahil parang pinamumukha pa ng mga ito na mas matalino si Sasha kaysa sa kanya... na totoo naman.
Well, truth hurts nga talaga.
May potensyal si Sasha na maging scientist balang araw. Imbentor ng mga... robot!
Pffft! Yeah right. Wish ko lang. Baka mekaniko kamo. Or siraniko, nakangusong naisaloob ni Duncan.
Naalala niya noong pitong taong gulang pa lang si Sasha nang buksan nito ang kanilang radio transistor dahil ang akala nito ay may mga maliliit na taong nagsasalita sa loob. Halos mamatay sa tawa ang kanilang Ma at Pa nang makita ang nakabukas na radyo habang nakatingin naman sa kanila ang namumulang si Sasha. Ibinalik naman ng bata sa dating ayos ang radyo pero medyo distorted na nga lang ang tunog ng speaker. Sa halip na magalit ay natuwa pa ang mga ito dahil daw sa curiosity ng bata na bibihira daw. At sa galing na rin magbukas at magkumpuni ng appliances.
Kung sila natutuwa sa bata, siya naman ay hindi. Never! Adwang-adwa siya rito. Masyado itong pabida. At inaagaw nito ang atensyong dapat ay sa kanya lang. Mula kasi nang ipanganak ito ay dito na halos natuon ang atensyon ng lahat. Naitsapwera na siya sa isang sulok. Dati siya ang bida sa pamilya. Ngayon, lagi na lang siya ang lumalabas na kontrabida. Ang black sheep! At kasalanan ito lahat ni Sasha.
Dapat kasi hindi na lang ito ipinanganak. Dapat namatay na lang ito sa loob ng sinapupunan ng kanilang Ma o di kaya ay pinalaglag na lang. She is just a waste of space. And a waste of money too. Dagdag bitukang palalamunin. How he wish na wala siyang kapatid. Sino ba ng may gustong magkaroon ng uhuging kapatid? Wala! Life is so unfair talaga.
Hindi sumagot si Sasha sa tanong niya. Parang wala itong narinig. Diretso lang ito sa ginagawa.
Letseng bata 'to, ah. Malambing na nga pagkakatanong ko, deadma lang? nagpupuyos ang damdamin na saloobin ni Duncan. Nakuyom niya ang dalawang kamao. Gustung-gusto niya itong batukan, suntukin at bugbugin hanggang sa umiyak at magmakaawa sa kanya. Pinigilan niya ang sarili. Nandito ang kanilang ina at siguradong siya na naman ang lalabas na kontrabida. Asar!
"Sabagay hindi naman mukhang robot 'yan. Bakit? Kasi nga basura lang 'yan," sabi ni Duncan. Hinablot Niya ang hawak ng bata at itinapon at ibinagsak sa sahig.
TOINKZ! CLANK!
Nagtalsikan ang mga parte nito at nagkahiwa-hiwalay.
Napasigaw ang bata nang makita ang nangyari sa ginagawang robot. Napatingala ito sa kanya.
"Do you really have to do that?" nangingilid ang mga luha na tanong ni Sasha sa kanya.
"Finally, napansin mo rin ako, my little crybaby sister," nakangising sagot ni Duncan.
"I hate you! Get out of my room!" pagtataboy ni Sasha kay Duncan habang panay ang bagsak ng luha sa magkabilang pisngi. Lumuhod ito sa sahig para pulutin ang mga nakakalat na parts habang tahimik na umiiyak. "I hate you."
"Oh, you hate me? But why? Ibig sabihin hindi na tayo bati? Oh, no," bulalas ni Duncan sabay hagikhik.
"Ma! Duncan is terrorizing me again!" sigaw ni Sasha habang panay ang buhos ng luha sa mga mata.
"Duncan! Itigil mo yan!" galit na sigaw ni Zeny mula sa sala. "Stop it right now!"
"Nakikipaglaro lang ako sa kanya!" sigaw ni Duncan sabay tingin sa bata. "Crybaby. Iyakin. Sumbungera!" Nakita niyang hawak na ng bata ang mga nasirang piyesa ng robot. Napangisi siya. "Yan! 'Yan ang nababagay sa robot mo. Ah, wait, nalimutan ko, hindi nga pala robot 'yan. Basura nga pala 'yan. Walang kwentang basura. Kawawa. Pwe!"
Nagbabaga ang mga mata na tinitigan siya ni Sasha.
"Just wait and see, Kuya Duncan. I will finish my robot and it will defeat you!" humihikbing pangako ni Sasha sabay bato ng maliit na turnilyo sa mukha ni Duncan.
Himas ang kaliwang pisngi, umusbong ang ngiti sa labi ni Duncan.
"Yeah, right. Hihintayin ko ang araw na 'yon. But hey! Wish ko lang matapos mo nga." Iniangat ni Duncan ang nakakuyom na kamao. "Tapos magsusuntukan kaming dalawa. One on one. Ipapakita ko sa 'yo kung paano ko wawasakin at dudurugin na parang pulbos 'yang walang kwenta mong robot, my little sister. Pangako 'yan." Lalong lumuwang ang kanyang ngisi. "Tapos kapag nadurog ko na 'yang robot mo, ibebenta ko siya sa junk shop para magkapera naman ako. Okay ba, my cute little sister?"
"Get out!"
Tumatawang lumabas ng kuwarto si Duncan.