CHAPTER 5

2000 Words
"DADDY, pasado po ba 'yong in-interview ninyong applicant?"  Pagka-alis ng aplikante ng araw na iyon ay lumapit sa akin si Althea. Walang bumibili kaya umupo siya sa upuang nasa tabi ko. "Ano sa tingin mo, anak?" Nagkibit siya ng balikat saka lumabi. Pagak akong tumawa. Sa reaction niyang iyon ay halata kong hindi niya nagustuhan ang kaaalis lang na aplikante.  "Bakit, Thea?" "Para pong naaartihan ako sa kanya, daddy. Tingin ko po ay hindi niya magagawa ang trabaho dito. Lalo na kapag maraming costumer. Nakita po ba ninyo na punas siya ng punas ng panyo sa kanyang mukha?" "Nakita ko nga. Para siyang iritado na ewan. Naisip ko din na hindi niya kaya ang trabaho dito. Maiinitan siguro siya kapag nagluto. Baka hindi niya kayanin ang trabaho dito kung pawisin siya. May time pa naman na sunud-sunod ang costumer. Maiirita siya, I'm sure." "Para po sa akin ay mas okay pa iyong iyaking nag-apply noong isang araw." "Si Anna," sabi ko saka ako tumawa. "Iyong wierd na babae. Pero nakakatuwa siya. May pagkaboba na hindi naman." Itinuon ko ang aking mga mata sa resume nang kaaalis lang na aplikante. Para sa akin ay hindi siya pasado. "Daddy, mas okay na tanggapin ninyo ang Anna na 'yon," suhestiyon ni Althea. "Kasi nakita ko po kung paano siya naghahangad na matanggap dito. Iyon pong katatapos n'yo lang interview-hin ay parang napipilitan lang." Tumangu-tango ako. May puntos ang aking anak. "Saka alam mo, dad..." Mula sa pagbabasa ng resume ay tumingin ako sa anak ko. "Ano 'yon?" "Nag-i-smoke siya!" Nangunot ang noo ko. "Iyong aplikanteng kaaalis lang?" "Opo." "Pa'no mo nalaman, anak?" "Bago po siya pumasok dito ay humithit po siya ng sigarilyo. Tatlong ulit na sunud-sunod po tapos itinapon niya. Saka siya kumain ng candy." "May bisyo pala ang Cassandra na iyon. Hindi ko gusto. Kapag ganoong nagsisigarilyo siya... hindi maiiwasan na mag-smoke siya dito. Hindi maganda kasi ay pagkain ang iluluto niya. Meron pa namang delikadong costumer na ayaw ng gano'n." "Masarap ba ang sigarilyo, daddy? Okay lang bang magsigarilyo ang babae?" "Hindi ako nagsisigarilyo kaya hindi ko alam kung bakit may mga taong parang sarap na sarap sa sigarilyo." Tumangu-tango si Althea.  "At ayoko din sa mga babaing nagsisigarilyo. Hindi ko gusto ang babaing may bisyo." "Ang galing nga pong mag-smoke ng babaing 'yon. Sanay na sanay po." "Huwag mo siyang gagayahin, Thea. Kahit lumaki ka na ay itanim mo sa isip na hindi maganda ang babaing smoker." "Opo, daddy. Alam ko po naman 'yon." Bumuntonghininga ako. "Oo nga't napakarami na ring babaing smoker pero hindi ko pa rin tanggap." "Wala ka naman po kasing bisyo, daddy. Good man po kasi kayo." Tumangu-tango ako. "Ako nga ay hindi nagsigarilyo, eh. Bisyo kasi 'yon, anak. Sabi nila, kapag nasanay ka na daw mag-smoke, mahirap nang alisin iyon. Hahanap-hanapin na ng katawan mo." "Ganoon pala iyon, daddy." Natatawa akong ginusot ang buhok niya. "Daddy!" sigaw niyang lumayo. "My hair! Ginusot naman po ninyo." "Asus! Para namang dalaga na itong anak ko. Ayaw ng magulo ang buhok niya." "Opo, naman. Para maganda pa rin po ako habang nagluluto ng burger o footlong. Para po marami tayong benta." Tumawa ako. "Baka naman may crush ka na d'yan sa tabi-tabi? Anak, baka naman may pinapagandahan ka na?" "Wala po, ah. Ang daddy talaga. Bata pa po ako. Wala pa sa isip ko 'yan." "Oo, anak. Studies muna ang intindihin mo. Mangarap ka para sa future mo. Iyon ang sobrang makapagpapasaya sa amin ng mommy mo. Iyong magkaroon ka ng magandang future dahil nakatapos ka ng kurso pagdating ng panahon." "Gagawin ko po 'yon, daddy. Promise." Sobra akong natuwa sa narinig na iyon. Bilang ama ay wala talaga akong hinahangad sa mga anak ko kundi ang makatapos sila ng pag-aaral at maging professional. Ipinangako ko na sa sarili ko, na gagawin ko ang lahat para mapag-aral sila at makatapos ng mga kursong gusto nila. "Naniniwala ako sa 'yo, Althea. Alam kong gagawin mo ang the best para makatapos ka sa pag-aaral mo. Keep on dreaming, anak. Abutin mo ang pangarap mo." "Opo, naman, dad. Asahan po ninyo 'yan ni mommy. I'll be a good daughter and a good teacher in the future." Hindi ko na napigilan ang sarili ko. Tumayo ako at nilapitan si Althea para yakapin.   AFTER halloween ay rush ang paghahanda ng mga mall ng decoration for christmas season. Kaya nangailangan ng mga artist for hire ang Panorama Department Store. At gaya ng inaasahan ko, isa ako sa kinontak ni Rod para magtrabaho doon. Dahil dati naman akong production artist ay libang na libang ako sa ginagawa ko. Pakiramdam ko'y bumalik lang ako sa panahong empleyado pa ako at nasisiyahan sa mga bagong bagay na aking nararanasan at natutotohan. Eksaktong isang linggo ng aking pagtatrabaho ay muling nag-krus ang landas namin ni Madam Amanda. Habang abala ako sa pagkakabit ng confetti sa may gilid ng elevator ay napansin ko siyang naglalakad na parang may kausap. Napangiti ako at napailing.  "That woman is really crazy," bulong ko. "Nasiraan na talaga ng ulo." Nag-conclude ako na nabaliw na si Madam Amanda. Siguro, sa dami ng mga naging problema niya ay bumigay na ang kanyang utak. Hindi na siguro niya kinaya ang mga pagsubok o suliranin sa buhay kaya nasiraan ng bait. "Kawawa naman," sabi ko pa. "Hindi ko inaasahang mangyayari sa kanya ang ganito." Hindi nawala sa utak ko ang sinabi niyang nakakakita siya at nakakausap ang mga kaluluwang hindi pa natatahimik na pagala-gala pa sa mundo. Pero hindi ko pinaniniwalaan iyon. Bagama't meron nga raw taong may taglay na 'ikatlong mata' o 'third eye', na may kakayanang makakita ng mga ganoong bagay ay ipinagkikibit ko lang ng balikat. At sa case ni Madam Amanda, na kilala ko na dati lang isang prostitute ay madali bang paniwalaan ang kanyang mga sinabi tungkol sa ganoong bagay? Oo nga't tumanda na siya at hindi na ginagawa ang dating hanapbuhay pero agad mo bang tatanggaping totoo ang hindi umano'y bago niyang pagkatao? I sighed and whispered her name. Dahil nakatuon pa rin ang mga mata ko sa kanya ay nakita kong kumaway siya nang mapatingin sa kinaroroonan ko. Napalingon ako para tiyakin kung may ibang tao sa likuran ko. Dahil wala, natiyak ko na ako nga ang binati niya. Ngumiti ako at kumaway din. "Baliw talaga," bulong ko nang tumingin siya sa kanan at nagsalita uli. Hindi ko man narinig ang sinabi niya dahil nasa kabilang bahagi siya ng mall ay nahinuha ko na nagpaalam siya sa kausap -- na wala naman. "Para talagang may kasama, e. Mukha talagang may kausap kaya iisiping baliw siya. Kawawa naman!" Naglakad siya papalapit sa kinaroroonan ko. Ilang beses siyang tumigil at parang nakikipagtalo sa kausap. Saka muling naglakad hanggang sa tuluyang makalapit sa akin. "Sorry, man," she said in apologetic voice. "Makulit kasi itong multo na kausap ko. Sabi ko ay huwag na siyang sumunod at kukumustahin kita pero ito pa rin siya. Kasama ko pa rin hanggang dito." Nangilabot ako. Hindi ko alam kung bakit. Kaya napahalukipkip ako habang nakatingin pa rin sa kanya. Bigla naman siyang lumingon. Ang sabi niya, "Elevator ghost, please. Mamaya na uli tayo mag-usap. Alis ka na muna dito at may kakausapin ako." Sa kilos niya ay nakita ko ang kaseryosohan. Naramdaman ko na hindi siya nababaliw lang at totoo na may kausap siya. Mahirap paniwalaan pero sa nasasaksihan ko ay unti-unting nagbago ang tingin ko sa kanya. Madam Amanda took a deep breath and looked at me again.  "May mga multo talagang makulit. Minsan ay nahihirapan talaga akong pakiharapan sila. Gaya niya," sabi niya na tumuro sa kanyang kaliwa. "Itong elevetor ghost na ito." "E-elevetor ghost?" "Oo. Siya 'yong multo na minsan ay nakikita ng mga tao. Totoo siya. Kahit noong nagtatrabaho ka pa rito ay naririnig mo na ang tungkol sa kanya." Tumango ako. "Totoo pala siya..." "Oo, naman," tugon ni Madam Amanda. "Noon nga ay hindi ako naniniwala. Pero mula noong magkaroon ako ng third eye ay nakita ko na sila. Lahat ng mga multo dito sa Panorama." "Hindi ka ba natatakot sa kanila, Madam Amanda? Ano bang hitsura ng mga multo?" "Nakakatakot. Nakakadiri. Pero sanay na ako sa kanila. Hindi naman nila nagagawang manakit dahil mga kaluluwa na nga lang sila. At ang tangi na lang nilang nagagawa ay manakot." "Ang hitsura nila ay gaya nang napapanood natin sa mga pelikula about ghost?" Tumango siya. "Oo. Ang makikita mo sa kanila ay kung paano sila namatay noong nabubuhay pa. Halimbawa, na-aksidente. Anong aasahan mo? Sabog ang ulo, basag ang mukha, nakaluwa ang mata, labas ang dila at kung anu-ano pa." Napalunok ako. "Gano'n?" "Iyon namang mga namatay sa sakit... maputla ang mukha, nangingitim ang gilid ng mga mata at humpak ang pisngi. Etcetera... etcetera..." Hindi ko naiwasang hagurin ng palad ang aking mga braso, na pinaninindigan ng mga balahibo. Aminado ako sa sarili, nangingilabot ako. Unti-unti na akong nakadarama ng takot. Para bang nararamdaman kong may multo nga sa dati ko. "Naniniwala ka na ba sa akin, Jovert?" "P-parang..." Tumawa siya ng mahina. "Ano pang gusto mong gawin ko para maniwala ka na talaga? Iyong masasabing mong hindi ako gumagawa lang ng kuwento." Hindi muna ako sumagot. Nag-isip ako kung paano ko nga ba lubusang paniniwalaan si Madam Amanda. "Narito pa si Elevator ghost sa likuran ko. Kasama pa natin siya at nakikinig sa usapan natin." "T-talaga?" "Puwede ko siyang utusan na galawin ang mga confetti sa sahig. Iyang mga nasa may paanan mo." Bigla akong napaurong. Dumistansiya ako sa bagay na ginagamit ko sa pagdi-decorate. Muli akong napatingin sa kausap ko nang marinig kong inutusan niya ang sinasabi niyang multo. "Tingnan mo ang confetti, Jovert. Gagalawin 'yan ni Elevator ghost." Napatingin ako roon. Napapalunok. Inisip ko kung magiging totoo ang sinabi niya. Nang bigla ngang gumalaw ang confetti. Nanlaki ang aking mga mata nang makita kong medyo umangat pa sa sahig ang ilan sa mga ito. "Madam Amanda," nausal ko. Lalo pa ako napaurong. "M-may multo nga." "Ano? Naniniwala ka na talaga sa akin?" "Oo, Madam Amanda. Hindi naman kusang gagalaw iyang confetti. May mga umangat pa sa sahig na parang pinulot." "Si Elevator ghost ang gumawa niyan. Para patunayan niyang nakakausap ko siya o nauutusan. Totoo ang sinasabi ko sa 'yo na may multo." Napatango ako. Saka nagpakawala ng malalim na hininga. Pakiramdam ko kasi ay may nakabara sa dibdib ko. "Maraming tao dito sa daigdig," seryoso pang sabi ni Madam Amanda. Tuwid siyang tumitig sa mga mata ko. "Iba't-iba. May kanya-kanyang katangian. May mga taglay na kakaibang kakayanan. Mahirap paniwalaan ang iba pero totoo. Ako, bilang isang babae at parang normal lang pero naiiba..." Tumikhim siya. Saka nagpatuloy sa pagpapaliwanag. Kaya naman lalo niya akong nakumbinsi. "O siguro nga ay sa tingin ng iba ay nababaliw lang ako. O kulang sa atensyon kaya nagpapapansin. Pero hindi nila alam na nagagawa ko ang bagay na ito dahil ipinagkaloob sa akin ng Panginoon. Para makatulong. Hindi lang sa mga hindi matahimik na kaluluwa kundi sa mga buhay na taong nangangailangan ng tulong ko." Oo, naniniwala na ako kay Madam Amanda. Seryoso na ako sa paniniwalang mayroon nga siyang third eye. Sapat na sa akin ang nakita ko. Idagdag pa ang sinsero niyang mga sinasabi. "Kakaiba ka nga, Madam Amanda. Sana nga'y marami ka pang matulungan sa kakayanan mong iyan. Ibang klase kang babae at bilib ako sa 'yo." Naitaas ko pa ang kanang kamay. "Hindi ko akalaing makikilala kita sa bago mong katauhang iyan." "Salamat. Thank you so much, Jovert." Tinanggap ko ang inilahad niyang kamay. Halata ko ang kasiyahan niya ng magsalita muli. "Natutuwa ako dahil hindi lahat ng nakakausap ko ay kagaya mong naniniwala sa akin. Alam kong darating ang panahon na kakailanganin mo ako. Matutulungan kita. Mark my word." Sa narinig ko sa kanya ay maraming bagay na pumasok sa utak ko. Hindi ko gusto dahil ayokong dumating ang pagkakataon na may mawala isa man sa mga mahal ko sa buhay. Kaya kakailanganin ko ng tulong niya. Pero hindi na ako nagsalita pa. Tinanguan ko na lamang siya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD