"SAAN ka ba pumunta kanina, Jovert?"
Nagulat ako sa tanong ni Sally nang makaupo ako sa sofa. Pinaghehele niya ang sampung buwan naming anak habang nakatayo malapit sa bukas na telebisyon.
"S-sa Jolly Hamburger. Ako man din ang nagbantay ngayon."
"Wala ka daw do'n, Mahal. Pinapunta ko si Aldin kanina para matulungan ka at baka maraming bumibili. Pero close daw ang Jolly Hamburger."
Hindi ko iyon inaasahan kaya hindi agad ako nakatugon. Iniiwas ko ang paningin kay Sally dahil wala akong maisip na isasagot. Walang-walang sa isip ko na pumunta si Aldin sa hamburger store at nakita iyong nakasarado. Iyon ay ang sandaling nasa loob kami ng tindahan ni Cassandra at gumagawa ng 'milagro'. Mabuti na lamang at hindi niya naisipang itaas ang roll-up dahil kung nagkataon ay nasaksihan sana niya ang ginagawa kong pagtataksil.
"Bakit hindi ka man lang tumawag sa akin? Para nasabi mong may pinuntahan ka. At sana'y hindi ko na pinapunta roon ang anak mo at hindi rin napagod."
"P-pasens'ya na, Mahal. Nawala sa isip ko. Hindi na ako nakapagpaalam dahil madali lang naman kami..."
"Kami?" sabi ng asawa ko na napalakas ang tono. Halatang nabigla. "May kasama kang umalis kanina? Marami ba kayo?"
Muntik ko ng mapukpok ang aking sariling ulo. Ako pa kasi mismo ang magbibisto sa sarili ko. Dahil nabigla ako ay parang nadudulas ang dila ko.
"Hindi!" bulalas ko. Naibagsak ko pa ang dalawang kamay. "Ako lang. I mean, kasama ko pala si Rod. Oo, Sally, Mahal, pinuntahan ako ni Rod dahil nagpasama siya."
Malalim ang kunot sa noo ni Sally nang ukulan ko ng tingin. Dahil sa mali-mali kong sagot ay parang nagdadalawang-isip siya kung maniniwala sa akin.
"Mahal," sabi ko na tumayo at nilapitan siya. Masuyo ko siyang niyakap. "Hindi ka ba naniniwala?"
"Maipit ang baby," sabi niyang itinulak ako ng siko niya. Saka ako inamoy-amoy. "B-bakit parang..?"
Umurong ako para magkaroon ng distansiya sa pagitan namin. Naisip ko kasi na baka may dumikit na amoy ni Cassandra sa aking balat. Ah! Posible bang iyon ang naamoy ni Sally?
Lumapit siya sa akin at muli akong inamoy-amoy. Kunwari'y naaliw ako sa ginagawa niya kaya tumatawa akong lumayo.
"Ano bang ginagawa mo, Mahal? Para ka namang K-9 dog sa kaka-amoy d'yan."
Nagtiim ang mga bagang niya. Naningkit ang mga matang tumitig sa akin.
"Bakit?"
"Iba ang amoy mo, Jovert!"
Humalakhak ako. Ipinakita ko sa kanya na hindi ako apektado.
"Ano bang sinasabi mo d'yan?" tanong ko na hinubad ang aking t-shirt. Inamoy ko ito. "Ano bang amoy nito? Wala naman, ah. Hindi naman ako amoy-kilikili."
Muli akong humalakhak. Saka inilapit sa mukha niya ang hawak kong t-shirt. Tumili naman siya at umurong.
"Tumigil ka, Jovert! Baka magising itong baby natin."
"Amoy ko naman itong nasa t-shirt ko, ah. Anong sinabi mo kanina na may iba akong amoy?"
"Diyan sa katawan mo, Jovert. Sa katawan mo may nakadikit na ibang amoy."
"Sari-sari ka," sabi kong umiling-iling pa. "D'yan ka na nga. Maliligo na muna ako."
Nang talikuran ko siya at humakbang ako para pumunta sa banyo ay sumigaw siya. Hindi ko alam kung bakit siya nagbabala. "Umayos ka, Jovert. Huwag ko lang malaman na may iba kang pinupuntahan."
Nilingon ko siya saka umiling. Hindi ako nagsalita pero sinikap ko na maunawaan niya ang titig ng aking mga mata na iniukol sa kanya.
NANG makapasok ako sa banyo para maligo ay isinara ko na ang pinto. Agad ko namang nalanghap na amoy sigarilyo. Kunot-noo akong suminghot-singhot. Napatunayan ko na may ganoon ngang amoy sa loob ng kinaroroonan ko.
"Bakit?" tanong ko sa aking sarili. "Parang katatapos lang na may nagsigarilyo dito, ah."
Naitanong ko sa aking sarili kung nagsisigarilyo na si Sally. Sobra na ba akong busy at hindi ko na alam ang nangyayari dito sa bahay?
Bigla akong nakunsensiya. Isinigaw kasi ng utak ko na bukod sa busy ako sa pagtatrabaho ay nagawa ko na rin ang magtaksil kay Sally.
"s**t!" bulong ko na tinapik ang aking noo. Isinandig ko ang aking likod sa dingding ng banyo. "Bakit agad akong natukso? Ni hindi ko man lang iniwasan si Cass kanina."
Mariin kong ipinikit ang aking mga mata at bahagyang iniuntog ang ulo sa dingding. Minura ko ang aking sarili. Ngayon ako nakadama ng galit at sinisi ang sarili. Totoong bumigat ang dibdib ko. "Sally, sorry..."
Lalong nahirapan ang aking kalooban. Para kasing agad na ipinaalala sa akin ng pagkakataon ang ginawa kong kataksilan.
Matapos akong amoy-amuyin ng asawa ko kanina dahil may nalanghap siyang kakaiba sa akin, ako naman ang naka-amoy ng kakatwa sa loob ng aming banyo.
Hinubad ko ang aking jeans. Pagkasabit ko nito sa rack na nasa pintuan ay agad akong nagbuhos ng tubig na gamit ang tabo. Sunud-sunod. Isinisigaw ng utak ko ang paulit-ulit na paghingi ng tawad sa aking asawa.
"Hindi na ito mauulit," bulong ko. "Iiwasan ko na si Cassandra. Hindi na uli kami magkikita."
Binuksan ko ang gripo upang malamnang muli ng tubig ang timba. Saka ko kinuha ang sabon at inihagod sa buo kong katawan.
Gusto kong mawala na ang amoy na dumikit sa aking balat mula sa babaing nakatalik ko kanina. Nais kong mabawasan ang sundot ng aking kunsensiya. Nang mapadako ang hawak kong sabon sa aking sandata ay may inis sa sarili na ikinuskos ko iyon. Dito ko isinisi ang nagawa kong kataksilan!
Pero talagang makisig ang Bututoy ko. Sa hagod ng sabon ay muli na naman itong naghumintig. Kaya tinigilan ko na ang ginagawa ko at nagbanlaw na.
Habang pinupunasan ko ng towel ang aking basang katawan ay naghuhumintig pa rin ang sandata ko. Napabuntonghininga ako at napailing. Naisip ko, maiiwasan ko ba si Cassandra kung muli niyang hamunin ang Bututoy ko?
"Dapat!" maigting kong bulong na itinapis ang towel. "Kailangang iwasan ko ang tukso. Hindi na dapat pang maulit ang kataksilan ko!"
"AKO?" Gulat na naituro ni Sally ang sarili matapos ko siyang sabihan na nagsisigarilyo. Nasa loob na kami ng kuwarto ng sandaling iyon para matulog. "Bakit naman ako magsisigarilyo? Ikaw nga ay walang bisyo. Tapos ako pa ba ang gagawa niyon?"
"Pero sigurado akong may nagsigarilyo sa loob ng banyo kanina. Amoy na amoy. Hindi po ba nalanghap iyon ng gumamit ka ng banyo?"
"Hindi naman. Paano mo ba nasabing may nagsigarilyo doon, Jovert?"
"Pagpasok ko palang kanina para maligo ay agad ko nang nalanghap. Nagtaka nga ako. Nag-isip. Sino ang smoker?"
"Minsan," aniyang lumapit sa akin. Hinawakan niya ako sa braso. "Jovert, may nakita akong upos ng sigarilyo sa banyo."
Napaisip ako. Kung hindi kami ni Sally ang smoker -- sino? May ibang tao ba kaming kasama sa bahay?
"Ang mga anak lang ba natin ang narito sa bahay kapag wala ako, Sally?"
Tinitigan ko sa mga mata ang asawa ko. Tuwid din siyang tumitig sa akin.
"Oo, Jovert," direkta niyang tugon. "Wala akong ibang taong pinapapasok dito sa bahay. Lalo na kung wala ka."
Binawi ko ang pagkakatitig kay Sally. Nagtagis ang aking mga bagang. Ang totoo'y may hindi magandang bagay na pumasok sa utak ko.
"Huwag lang, Sally," bulong ko na tinalikuran siya. Humiga ako sa kama. "Sana'y mali ang naisip ko!"
"May sinasabi ka ba, Jovert?" tanong niyang umupo sa gilid ng kama. "May iniisip ka bang masama tungkol sa akin? Parang iba ang nasa utak mo."
Hindi muna ako sumagot. Gusto kong kontrolin ang sarili ko. Hindi magandang pagdudahan ko agad sa aking asawa.
"Hindi sa naghihinala ako pero hindi ko maisawang mag-isip na baka may ibang taong pumupunta rito sa ating bahay kapag wala ako."
"Hindi ko gusto ang sinasabi mo, Jovert. Huwag mo akong paghinalaan dahil wala akong ginagawang masama."
"Pero sino ang nagsisigarilyo dito sa loob ng bahay? Kung may nakita kang upos ng sigarilyo sa banyo at naamoy ko naman iyon ay imposibleng ang mga anak natin ang gumagawa ng bisyong iyon."
Hinampas niya ako sa dibdib. "Ano ba talagang gusto mong palabasin, Jovert? Kilala mo ako. Hindi ako pala-kaibigang tao. Kahit nga isa sa mga kapitbahay natin ay wala akong close friend."
"Malamang na lalaki ang pumupunta rito sa bahay. Smoker siya. Sana man lang ay lumabas siya ng bahay at doon magsigarilyo, huwag nito sa loob."
"Ano? Nagbibintang ka na, Jovert," sabi ni Sally na pagak na tumawa. Umiling-iling na nabuo ang mga luha sa sulok ng mga mata. "Baliw ka. Kung anu-ano ang sinasabi mo."
Tuluyan nang kumawala ang galit ko. Bumangon ako at isinandal ang likod sa headboard ng kama.
"Walang magsisigarilyo dito sa loob ng bahay natin kung wala kang pinapapasok, Sally!"
Sinampal niya ako. Pagkuwa'y dinuro at tuluyan ng nalaglag ang mga luha mula sa magkabila niyang mata. Dahil nabigla ako sa ginawa niyang iyon ay nakatingin lang ako sa kanya habang sapo ang aking pisngi.
"s**t, Jovert!" maigting niyang sabi. "Ang sakit. Bakit kailangan mo akong pagbintangan ng ganyan? Kilala mo ako. Alam mo na hindi ko magagawa ang maruming bagay na nasa isip mo."
Para akong natauhan. Nagliwanag ang isip ko. Iniiwas ko ang tingin sa aking asawa. Nakadama ako ng hiya sa kanya.
"Nakapangingilabot ang naisip mo, Jovert," sabi niyang sinapo ang sariling bibig. Lalong nag-unahan sa pagpatak ang kanyang mga luha. "Pag-isipan mo ba akong nagtataksil?"
Hindi ako umimik pero ang totoo'y gusto kong humingi sa kanya ng tawad. Mali ako, pag-amin ko sa sarili. Maling-mali. Mabuting asawa si Sally at sigurado akong hindi siya magtataksil.
"Hindi ba ikaw ang gumagawa ng ganyan, Jovert? Baka ikaw ang nagtataksil kaya ganyang kadumi ang utak mo."
Bigla akong napatingin sa kanya dahil sa aking narinig. Naisip kong may puntos ang misis ko. Dahil ginawa ko na ang magtaksil sa kanya ay naisip kong ginagawa rin niya.
"Hindi ako nagtataksil, Jovert," luhaang sabi ni Sally. Bigla akong naawa sa kanya at sinundot pa ako ng sariling kunsensiya. "Hindi ko magagawang magpapasok ng sino mang lalaki dito sa bahay natin, lalo na kung kalaguyo ko."
Pinalis niya ang mga luha. Saka muling sinabi ang paghihinala sa akin. "Baka naman ikaw ang gumagawa ng ganyan kaya ako ang pinagbibintangan mo?"
"Sally, I'm sorry," mula sa pusong sabi ko saka hinawakan ng kamay niya. Pero galit na binawi niya iyon at tumayo. "Pasensiya ka na, mahal. Sorry na!"
Umiiyak niyang kinuha mula sa crib ang bunso namin at lumabas ng kuwarto. Tinawag ko siya at sinundan habang papunta sa kuwarto ng mga anak kong babae.
"Sally, sorry na," sabi kong natataranta. Inamin ko sa kanya na nagkamali ako pero parang hindi niya narinig ang aking sinabi. "Nagkamali ako at inaamin ko iyon. Sana ay maunawaan mo ako."
"Hayaan mo na muna ako, Jovert," ani Sally ng nasa loob na siya ng kuwarto at humarap sa akin. "Mag-isa ka sa kuwarto natin!"
"Diyan ka matutulog?" tanong ko na itinulak ang dahon ng pinto, na isasara na sana niya. "Sally, patawarin mo na ako. Please. Peace na tayo."
Umiling siya. Nakita ko ang pamumuo ng mga luha sa kanyang mata. Bagay na naging dahilan para lalo akong sundutin ng aking kunsensiya. Alam kong labis siyang nasaktan. Sobra ko siyang nabigyan ng sama ng loob.
"Mahal, pag-usapan na--"
Hindi ko na naituloy ang aking sasabihin nang isara na ni Sally ang pinto. Natulala ako sa pagkakatayo. Sising-sisi ako sa aking nagawa. Napakawalanghiya ko para agad na pagbintangan at pag-isipan ng masama ang asawa ko.
"Sally, I'm so sorry," bulong ko habang tumatalikod sa pintuan, na narinig kong ini-lock pa ni Sally. "Sana ay mawala na agad ang galit mo sa akin at mapatawad ko ako, Sally."
Ngayong maliwanag na ang utak ko ay saka ko naisip na imposible talagang magpapasok ng lalaki dito sa bahay ang asawa ko. Hindi siya ang tipo ng babae na naglalandi. Kaya naman sobra talaga akong nagsisisi sa sinabi ko sa kanya.
Bumalik ako sa kuwarto naming mag-asawa na bagsak ang mga balikat. Pakiramdam ko ay nagpasan ako ng napakabigat na bagay at nanghina ako.
Ah! Siguradong hindi ako makakatulog sa buong magdamag dahil sa isipin. Ngayon lamang mangyayari na hindi ko makakatabi sa pagtulog ang aking asawa. Idagdag pa ang isipin kung sino ba talaga ang nagsisigarilyo sa loob ng aming bahay.