"DADDY!"
Sabay-sabay na sigaw ng mga anak ko, na nanonood ng television sa salas. Napatingin sila sa akin pagkabukas ko ng pintuan at nagpakita ng tuwa nang dumating ako.
"Ang aga mo yata ngayon, dad?" sabi sa akin ni Alvin na humalik sa pisngi ko nang salubungin ako. "Wala ka pong work?"
Nginitian ko siya at umiling. Lumapit na rin sa akin sina Althea, Aljur at Aleya para humalik. Inilinga ko ang paningin para hanapin ang panganay kong anak. Wala siya.
"Ang kuya Aldin n'yo?"
"As usual po, nasa computer shop na naman," sagot ni Althea. "Hindi po ba nababanggit sa inyo ni mommy na addict na 'yon sa dota?"
"A-addict?"
Sabay na tumawa sina Alvin at Aljur. Nang tumingin ako sa kanila ay ikinuwento ang madalas daw na pamumublema ng mommy nila sa kanilang kuya. Kahit ano daw kasing pangaral ang ginagawa nito ay hindi pa rin mapigilan sa bisyo si Aldin.
Napatingin ako kay Althea nang marinig ang word na bisyo. Naalala ko ang bagay na kinahuhumalingan naman niya, na kaya ako umuwi ay para kausapin siya.
"Althea, anak," walang lakas na sabi ko. "Mag-usap tayo. Doon tayo sa room ninyo."
"Daddy, puwedeng sumama?"
Napatingin ako kay Aleya. Hinawakan ko siya sa balikat at sinabi na mahalaga ang pag-uusapan namin ng ate niya kaya kailangan naming magkasarilinan.
"T-tungkol po ba saan ang topic natin, dad?"
Inakbayan ko si Althea at iginiya papunta sa kanilang kuwarto.
"O, BAKIT napakalungkot mo?"
Agad napansin ni Sally ang emosyong nakabalot sa sistema ko nang pumasok ako sa aming kuwarto. Lumapit siya sa akin at hinalikan ako sa pisngi.
"Masama ba pakiramdam mo, Mahal?" Sinalat pa niya ang noo at leeg ko. "Hindi ka naman mainit. Tingin ko ay nasa normal temperature ka naman."
"Wala akong sakit, Sally," I sighed. Para akong nanghihinang umupo sa gilid ng kama. "Kinausap ko lang si Althea..."
"Bakit?"
Ikinuwento ko sa kanya kung paano ko nalaman ang tungkol sa pagsisigarilyo ng pangalawa naming anak. Ipinaalam ko rin sa kanya ang naging usapan naming mag-ama.
"Diyos ko," anas ni Sally na nasapo ang sariling dibdib. Umiling-iling siya. "Ni hindi ko naisip na gagawin iyon ni Althea. Babae pa naman siya!"
Sinalo ng dalawa kong kamay ang aking ulo ng ako ay tumungo. Itinuon ko ang aking siko sa magkabila kong tuhod.
"Sinubukan lang daw niya noong una. Naisip daw kasi niya kung ano ang lasa o pakiramdam nang nagsisigarilyo. Hanggang sa hindi daw niya namalayan na smoker na siya. Na-engganyo na rin daw siya sa mga classmate niyang may ganoong bisyo. Sumasama na siya sa mga ito kapag nagkayayaan."
"Hindi puwede!" sabi ni Sally na napaiyak. "Ang bata pa niya para magkaroon ng ganoong bisyo. Jovert, sawayin mo si Althea. Baka magkasakit siya sa baga kung hindi titigilan iyon."
"Nangako siyang iiwasan na ang pagsisigarilyo. Kailangan ko siyang i-guide para makaiwas."
"Nasaan na si Althea?"
"Iniwan kong umiiyak sa loob ng kuwarto nila ni Aleya. Tingin ko naman ay okay siya. Nahiya lang siya sa atin dahil sa nagawa niyang kasalanan kaya gusto munang makapag-isa."
"Kawawa naman ang anak ko," umiiyak na sabi ni Sally na niyakap ang sarili. "Napabayaan ko na rin siya dahil tutok ako sa pag-aalaga dito sa bunso natin."
Tumayo ako at niyakap si Sally. Hinagod ko ang likod niya. "Huwag mong sisihin ang sarili mo, Mahal. Wala kang kasalanan. Sikapin na lamang nating mai-guide siya ngayon."
Yumakap na rin siya sa akin at ipinagpatuloy ang pag-iyak. Nagtiim ang mga bagang ko at napatingala. Mariin kong ipinikit ang aking mga mata dahil sa sundot ng aking kunsensiya.
NANLAKI ang aking mga mata na napatingin sa tumunog kong cellphone, na nakapatong sa bedside table. May nag-video call. Ewan kung bakit bigla akong kinabahan. Kaya mula sa pagkakatayo ko sa gilid nang kinaroroonang crib ni Aljean ay napatakbo ako palapit sa gadget.
Matapos kong makita sa screen na si Cassandra ang caller ay napalingon ako. Tiniyak ko na hindi pa bumalik si Sally. Saka ko kinuha ang cellphone at tinanggap ang tawag.
"Hi, Jovert," masayang sabi ng babae sa screen ng cellphone na kumakaway pa. "I miss you."
"Cass, bakit nag-video call ka pa? Baka makita ng asawa ko!"
"Miss na kita, Jovert. Gusto kong makita ang face mo kahit sa video lang."
Natapik ko ang aking noo. Pinigilan ko ang sarili na murahin si Cassandra dahil para siyang walang isip. Hindi man lang ba niya naalala na puwedeng si Sally ang makatanggap ng video call?
My goodness! Mabuti na lang at lumabas ang asawa ko para kumuha nang pinakuluang tubig para sa gatas ni Aljean.
"Babay na, Cass," taranta kong sabi. Pinahalata ko sa kanya na hindi ko gusto ang ginawa niya. "Huwag ka na uling tatawag. Please."
Nang marinig ko na may yabag na paparating ay ini-off ko na ang call. Eksaktong paglingon ko ay nasa pintuan na si Sally.
"B-bakit?" tanong niya na nakatingin sa hawak kong cellphone. "Sinong ita-chat mo? O tatawagan?"
Pinilit kong ngumiti. Sunud-sunod na umiling. "Wala, Mahal. A-akala ko kasi naiwan ko itong cellphone ko sa labas. Hinanap ko at dito ko nakita."
Tumangu-tango siya. Saka lumapit sa mesa na kinapapatungan ng mga dede ng bunso namin. Inilapag niya roon ang kinalalagyan ng pinalamig na boiled water.
Inilagay ko sa ilalim ng aking unan ang cellphone. Saka ako humiga. "Tulog na tayo, Mahal. May gagawin ka pa ba?"
"Sige, mauna ka ng matulog. Lalagyan ko lang ng tubig ang mga dede ni Aljean."
Ipinikit ko ang aking mga mata, na magulo ang isip at nahihirapan ang kalooban. Ah! Unti-unti ko nang nararanasan ang bunga ng aking kataksilan!
PAGLABAS ko sa kuwarto kinabukasan ay agad kong nakita si Aldin. Nakaupo siya sa sofa sa salas at tutok ang atensiyon sa hawak na cellphone. Naalala ko ang sinabi ng mga kapatid niya tungkol sa pagkahumaling sa online games, na hayag na sa akin ngayon.
Binilisan ko ang pagtu-toothbrush. Saka ako nagtimpla ng kape para sa dalawa. Pagdaka ay dinala ko ito sa salas at ipinatong sa center table.
"Coffee," sabi ko na tinapik si Aldin sa balikat. "Tig-isa tayo, anak."
Napatingin siya sa akin bago maluwang ang ngiting tumingin sa mainit na kape. "Ipinagtimpla mo ako, dad? Thanks po."
Nabagbag ang damdamin ko nang yakapin niya ako. Ramdam ko sa yakap niyang iyon ang tila pananabik na makasama ako.
"Anak," sabi ko na niyakap din siya. "Sorry kung hindi ninyo ako madalas nakakasama. Busy kasi ako sa trabaho."
"Wala ka po bang trabaho ngayon, dad?" tanong ni Aldin nang kumalas sa pagkakayakap ko. "Hindi ka ba aalis?"
Umiling ako. "Kailangan nating mag-usap, Aldin."
"Tungkol po saan?"
Sinabi ko sa kanya ang nalaman ko. Umamin naman siya at nag-sorry. Masinsinan kaming nag-usap at hindi niya naiwasang umiyak.
"Sikapin mong tigilan 'yan, anak," payo ko sa kanya na tinapik siya sa balikat. "Alam mo namang hindi maganda ang kahihinatnan niyan. Hindi lang ikaw ang mamumublema sa huli kundi kami ng mommy mo."
Tumango siya. Pinalis ang mga luha. "Pangako po, dad. Titigilan ko na po ito. Salamat po sa advice. At sa time."
"Pasensiya na, anak, ha. Hindi ko kayo masyadong nakakasama at nakakausap. Pero sisikapin ko na mula ngayon na kahit busy ako sa work ay maalagaan ko kayo."
Muli siyang yumakap sa akin. Bilang ama ay ikinatuwa ko ang sandaling namagitan sa amin. Nakakaluwag ng loob. Nakakagaan ng pakiramdam.
"Salamat din po sa kape, dad," sabi pa ni Aldin matapos uminom. "Kahit walang pandesal."
Sabay kaming tumawa. Nagkabiruan pa kami. Pero agad din iyong pinutol ni Sally, na galit na lumabas mula sa kuwarto namin at dala ang aking cellphone.
"May video call, Jovert!"
Hindi ko pa natatanggap ang gadget ay parang sumabog na ang ulo ko. Namanhid ang buo kong katawan habang nakatayo at nakatingin sa asawa ko.
"Siya daw si Cassandra!"
"SINO ba 'yang Cassandra na 'yan, Jovert?" tanong ni Sally na halata sa boses na nagtitimpi ng galit nang kinuha ko sa kanya ang aking cellphone. "Ang agang mag-video call. Importante ba 'yan?"
Ini-off ko na lang ang tawag ni Cassandra. Hindi ko na nagawang tingnan siya sa screen ng cellphone. Ang totoo'y nagpupuyos ang galit ko dahil sa ginawa niya.
"A-asawa siya ni Rod," pagsisinungaling ko. "Baka may ipasasabi lang si Rod tungkol sa trabaho."
Pagak na tumawa ang asawa ko. "Ang tindi rin ng babaing 'yon. May asawa na pala pero pa-sweet pa. Akala siguro'y ikaw ang nag-accept ng call kaya super-lambing na binigkas ang pangalan mo."
Ginaya pa ni Sally ang maarteng pagbigkas ni Cassandra sa pangalan ko.
"Gano'n talaga siya," pagsisinungaling ko. "Pagpasensiyahan mo na, Mahal. Gusto mo ipagtimpla kita ng coffee?"
"Opo, mommy," sabad ni Aldin. "Magpatimpla ka ng coffee kay daddy. Ang sarap po. Ipinagtimpla po niya ako."
"Ang aga mo na namang nagising, Aldin," galit na sabi ni Sally sa aming panganay. "Wala ka namang ginagawa kundi tumutok sa online game."
Nang tumingin ako kay Aldin ay sinabi ng asawa ko ang pamumublema dito. "Pagsabihan mo 'yan, Jovert. Ayaw ko sanang ipaalam sa 'yo dahil paulit-ulit ko na siyang pinagsasabihan. Akala ko ay titigil na sa pagtutok sa ginagawa niya. Pero hindi, e. Araw-araw pa rin 'yang nawawala dito sa bahay at nagbababad sa computer shop."
Bigla kong nasapo ang dibdib ko dahil kumirot ito. Si Aldin ang unang nag-react nang makita iyon.
"Daddy, bakit po?" mabilis niyang tanong na tumayo at hinawakan ako sa braso. "Masakit po ba ang dibdib n'yo?"
"Jovert..?" anas ni Sally na agad nag-alala sa akin. "May masakit ba sa 'yo?"
Nakangiti ako sa tarantang pagkilos ng asawa ko. Pero dahil patuloy na kumikirot ang dibdib ko ay sapo ko pa rin ito.
"Wala ito, Sally," sabi ko na sinikap kumilos ng normal. Hindi ko kasi gustong mag-alala sila sa akin. "Aldin, anak, okay lang ako."
"Iyan ang sinasabi ko sa 'yo, Jovert. Baka hanggang ngayon ay sobra-sobra ang pag-inom mo ng energy drink. Lagi akong nagpapaalala sa 'yo pero binabalewala mo siguro!"
Umupo ako sa sofa. Nahihirapan na akong huminga. Buong pag-aalalang tumabi sa akin si Aldin at hinaplos ang braso ko.
"Hindi ka na yata okay, Jovert," sabi ni Sally na umupo na rin sa tabi ko. "Ano ba ang nararamdaman mo?"
"Kumikirot ang dibdib ko, Mahal. N-nahihirapan akong huminga..."
"Ano ba 'yan? Tinatakot mo ako, Jovert. Tayo na sa ospital. Kinakabahan ako."
Umiling ako. "Kaya ko pa. Mawawala din ito..."
"Dad, baka kung ano na po 'yan," sabi ni Aldin na parang iiyak. "Pumunta na po kayo sa ospital. Mas mabuti po na na-check-up kayo ngayon."
"Okay lang ako," tugon ko na pinilit ngumiti. "Hindi lang siguro maganda ang gising ko ngayong umaga."
"Baka po hindi kayo nakatulog ng maayos kagabi, dad? Dahil po isinumbong ako sa inyo ng mga kapatid ko ay baka nag-isip kayo tungkol sa ginagawa kong kasalanan."
"Huwag mo ng isipin 'yan, anak. Nag-usap na tayo, 'di ba? Gawin mo na lang ang promise mo na iiwas na sa online games. Iyon ang inaasahan ko."
"Opo, dad," sagot niya na kasabay ng pagtango ay pumatak ang mga luha niya. Bagama't natuwa ako sa pagtugon niya ay nabagbag ang kalooban ko dahil sa kanyang pagluha. "Iiwas na po ako sa online games. Totoo po. Sorry po."
"Huwag ka ng umiyak, anak. Okay na ako."
"Sigurado bang okay ka na, Jovert?" tanong ni Sally. "Hindi na ba tayo pupunta sa ospital?"
Nginitian ko si Sally. "Huwag na. Kaya ko ito. Wala ito. Salamat sa concern ninyong dalawa. Mahal, sorry."
"Iwasan mo ang Cassandra na 'yon, Jovert."
Napa-awang ang mga labi ko ng biglang banggitin ni Sally ang pangalan ni Cassandra. Nanatili pala sa isip niya ang tungkol dito.
"Hindi maganda ang kutob ko sa babaing iyon," sabi pa niya. "Mukhang hindi iyon kuntento sa asawa niya at baka tuksuhin ka pa. Kawawang Rod."
Lalo akong sinundot ng aking kunsensiya. Pati ang walang kamalay-malay na tunay na asawa ni Rod ay nadamay. Dahil sa pagsisinungaling ko ay nabahiran pa ng hindi maganda ang reputasyon nito.
"Ang Cassandra kasing 'yon," hiyaw ng utak ko. "Parang walang isip na nag-video call ng ganito kaaga."