ILANG araw na kaming hindi nag-iimikan ni Sally. Magkasama kami sa kuwarto pero parang hindi namin nakikita ang isa't-isa. Kapag kinakausap ko kasi siya ay hindi talaga nagsasalita. Para lang akong tanga na nagsasalita ng walang kausap. Kaya napipilitan akong huwag na lang muna siyang pansinin.
Pero dahil hindi ako sanay na ganito ang aming sitwasyon ay gumawa pa rin ako ng paraan para magkabati kami. Hindi naman maganda na bilang mag-asawa ay magturingan kaming magkaaway. Higit sa lahat ay sobra ko ng nami-miss si Sally. Hinahanap ko ang paglalambing niya. Hindi man niya madalas gawin pero kinasasabikan ko na ang kanyang pangungulit. Ano pa't para akong sinasakal kapag magkatabi kami sa kama pero nakatalikod siya sa akin. Lalo na kapag niyayakap ko siya pero sinisiko lang niya ako.
"Ilang araw mo pa bang gustong magkaganito tayo, Sally?" tanong ko sa kanya ng hindi na ako nakapagpigil. Nakatitig ako sa kisame ng aming kuwarto ng sandaling iyon habang magkatabi kami sa kama. "Masaya ka ba sa ganito? Ayos lang ba sa 'yo ang ating samahan?"
Hindi siya nagsalita.
"Sorry," muli ay sabi ko. "Ilang ulit ko pa bang sasabihin sa 'yo ang salitang 'yan para patawarin mo ako? Para magkabati na tayo? Sally, pasensiya na. Alam kong nasaktan kita. Masakit na pinagdudahan kita pero sana'y maunawaan mo ako. At patawarin."
Narinig ko ang mahinang pag-iyak ng aking asawa. Agad nabagbag ang damdamin ko. Ayoko na umiiyak siya.
"Sally," anas ko na niyakap siya. "Peace na tayo. Huwag ka nang magalit sa akin. Please."
"Ang sakit, Jovert," sabi niya sa kabila ng patuloy na pag-iyak. "Wala akong ginawang hindi maganda pero pinag-isipan mo ako ng masama. Kulang na lang ay direkta mong sinabi na nagtataksil ako..."
Tatlong ulit niyang kinabog ang sariling dibdib.
"Ang sakit," pagpapatuloy niya. "Ginagawa ko ang lahat ng kaya ko para masiyahan ka. Para makuntento ka. Ito pa ba ang isusukli mo? Ang pagdudahan mo ako?"
"Hindi, Sally. Wala kang hindi ginawa para sa akin at ipinagpapasalamat ko 'yon. Ako ang may pagkukulang. A-ako ang may kasalanan. Kaya nga hindi ako nagsasawa sa pagsu-sorry."
Ipinihit niya ang katawan paharap sa akin. Patuloy na pumapatak ang kanyang mga luha. Ganoon pa man ay tuwid siyang tumitig sa mga mata ko. Titig na parang karayom na tumutusok sa puso ko!
Nausal ko ang pangalan niya. Saka pinunasan ng daliri ko ang kanyang mga luha. Pinatigil ko siya sa pag-iyak. Sinuyo. Paulit-ulit na naman akong humingi ng tawad. Nangako pa ako na hindi na mauulit pa ang bagay na makakasakit sa kanya.
"Mahal na mahal kita, Jovert. Hinding-hindi kita pagtataksilan. Hinding-hindi kita ipagpapalit sa sino mang lalaki."
Niyakap ko siya. Mahigpit. Hinagod ko ang likod niya. Paulit-ulit. Gusto kong doon pa lang ay maramdaman na niyang mahalaga siya sa akin at hindi talaga ako matatahimik kung hindi kami magkakabati.
"Jovert," anas ni Sally. Gumanti siya ng yakap sa akin saka idinikit ang kanyang mukha sa mukha ko. Sumisigok-sigok pa rin siya dahil sa pag-iyak kaya hinalikan ko siya ng smack sa labi. Tatlong ulit. Kasabay ng pagbigkas ko ng tatlong salita ng pagmamahal. "Oo na," tugon niya. "Pinatatawad na kita."
"Thank God!" bulalas ko. "Salamat at pinatawad mo na ako. Peace na tayo, ha. Back to normal na tayo."
"Opo. At sorry din sa hindi ko pagpansin sa 'yo ng ilang araw. Basta promise mo na mananatili iyong trust mo sa akin. Huwag kung ano-ano ang iniisip mo dahil honest ako sa 'yo."
"Oo, Mahal," tugon ko na itinaas pa ang kaliwang kamay. "Promise."
Napatawa siya at hinampas ang kaliwa kong kamay, na itinaas ko. "Mangaliwa ba?"
Pakiramdam ko ay sinampal ako ni Sally. Natigilan ako. Biglang umukilkil sa utak ko si Cassandra -- at ang aking kataksilan! Para niyang isinigaw ng malakas sa teynga ko ang pangangaliwa ko!
"Hoy!" pukaw sa akin ni Sally kasabay ang mahinang pagtapik sa pisngi ko. "Bakit natulala ka d'yan?"
Pinilit kong ngumiti saka umiling.
"Sorry," sabi ko na inilapat ang aking likod sa headboard kama. Saka itinaas ko ang kanan kong kamay at nangakong muli. "Mananatili ang tiwala ko sa 'yo at hinding-hindi na ako magdududa."
Mali pala ang naitaas kong kamay, hiyaw ng utak ko. Isa lang ang ipinapayag nito. Nagtataksil ako sa asawa ko. Kaya dapat ko ng iwasan at iwanan si Cassandra.
BAGAMA'T maayos na muli ang samahan namin ng asawa ko ay nagpatuloy naman ang lihim naming relasyon ni Cassandra. Hindi ko kasi siya lubusang maiwasan dahil nakapagbibigay siya ng katuwaan sa akin. Totoong nalilibang ako kapag kasama siya at nakakaramdam din ako ng kaligayahan pagdating sa s*x.
Kumbaga, parang may isang masarap na bagong putaheng ulam sa hapag-kainan. Kaya nakakaganang kumain. Totoong nakakabusog.
Pero sinisikap ko na huwag makahalata si Sally ang mababagitan sa aming dalawa ni Cassandra. Kaya doble ingat ako o sabihin pa ay triple. Lagi kong pina-aalalahanan si Cassandra na huwag laging magta-chat para walang mabasa ang asawa ko, kung sakaling hindi ko ma-delete ang messages niya.
"Don't worry, Jovert," sabi naman ni Cassandra ng kinausap ko siya tungkol sa bagay na iyon. "Hindi tayo mahuhuli ng asawa mo. At kung mangyari naman ang kinatatakutan mo... suwerte ko dahil tuluyan ka ng magiging akin."
"Sira ka ba? Kawawa naman ang mga anak namin. Sila ang maaapektuhan sa hindi magandang sitwasyon kaya sila ang alalahanin mo."
Sumimangot siya. "Kung puwede nga lang ay maging akin ka na, Jovert. Magiging masayang-masaya talaga ako. Super."
"Pero hindi talaga puwede, Cass. Mahal ko ang asawa ko at mga anak ko. Hindi ko sila puwedeng talikuran."
"Nakakainis!" sabi niyang hinampas ako sa braso. "Huwag mo na ngang sabihin sa akin na mahal mo ang asawa mo!"
"Totoo naman "yon, Cass."
"Huwag mong ipagduldulan sa akin na totoo ang sinasabi mo dahil naaawa ako sa sarili ko. Para mo na rin kasing sinabi na wala kang pagmamahal sa akin. Ang sakit!"
Hinagod ko ang likod niya. "Pasensiya ka na, Cass. Pero gusto kita at masaya ako kapag kasama kita."
"Totoo?" aniya na yumakap sa akin. "Salamat, Jovert. Hayaan mo at lalo kitang paliligayahin."
Sumilay sa mukha ko ang pilyong ngiti. Para naman siyang kinikilig na humagikhik.
"Tumitigas na naman ang Batutoy mo, ano?"
"Sinabi mo pa," bulong ko sa kanya. "Miss ka na nito, eh."
"Saan tayo?" pagdaka'y tanong niya. "Puwedeng-puwede ako ngayon."
"Same place," tugon ko. "Short time."
"Okay," tuwang-tuwa niyang sabi. "Let's go."
KAHIT alam kung nagtataksil na ako kay Sally ay nagpatuloy ako sa pakikipag-chat kay Cassandra. Iniri-reply ko lang siya saka idini-delete ang mga message niya.
"Busy ka yata sa pagta-chat?"
Nagulat talaga ako sa tanong ni Sally. Bahagya pa nga akong napa-igtad at hindi alam kung saan ilalagay ang cellphone.
Napatawa ang asawa ko. "Magulat ba?"
Napalunok ako saka pinilit ngumiti. Naisilid ko sa suot na short ang aking gadget. "Hindi ko naramdamang pumasok ka."
"Bakit ka tutok ka diyan sa cellphone mo? May importante bang message diyan?"
"Wala naman," sabi kong umiling. "Tumingin lang ako sa news feed ko. Nawili sa panonood ng mga video."
"Okay," ngiting-ngiting sabi ni Sally na niyakap ako. "Nakakawili din kasi ang mga video sa f*******:. Minsan ay nakakatawa kaya nakakalibang. Super-busy lang ako sa pag-aalaga sa baby natin kaya hindi na ako nakakagamit ng cellphone."
Lihim akong nagpapasalamat dahil totoong hindi na magawang humawak ni Sally ng cellphone kaya hindi nabubuksan ang aking account. Pero para hindi siya makapag-isip na may inililihim ako ay nagmungkahi ako.
"Dapat ay naglilibang ka rin kahit konting oras, Mahal," sabi kong niyakap pa siya. "Kapag tulog ang baby natin ay mag-cellphone ka. Relax-relax din."
"Naku," sabi niyang kinalas ang pagkakayakap sa akin. "Uunahin ko ba 'yan? Itutulog ko na lang para nakasabay ako kay baby ng pahinga."
Tumawa ako, na siyempre ay dahil pabor iyon sa akin. Mas malaki ang tsansa na hindi niya nalalaman ang pagiging chatmate namin ni Cassandra, kung hindi siya hahawak ng gadget.
"Kunsabagay," sang-ayon ko pa. "Ang pahinga mo na nga lang pala ay kapag tulog ang baby. Kaya dapat mo iyong samantalahin."
"Correct," sabi niyang tumango-tango pa. "Kaya huwag mo na muna akong asahan sa pagsi-cellphone."
At pabor na pabor sa akin 'yan, Sally. Hindi mo mabibisto si Cassandra, na sobra kung maka-chat.
"Mahal," pukaw ni Sally sa atensiyon ko. "May trabaho ka ba sa labas?"
Mabilis akong umiling. "Wala, Mahal. Kaya pupunta ako ngayon sa Jolly Hamburger. Para mabisita ko naman ang lagay ng business natin."
"Okay. Kumain ka na ng breakfast para makapaligo ka at makapunta na sa ating hamburger store."
"Salamat, Sally," sabi ko sa kanya na inakbayan siya. "The best ka talaga, Mahal. Kaya mahal na mahal kita, eh."
"Naman!"
"Totoo," sabi ko na iginiya na siya malabas sa kuwarto namin. "Tayo na nga sa kusina. Sabayan mo ako sa pagkain."
"Oo naman. Habang inaalagaan ni Thea ang baby."
"Good. Mapaparami ang kain ko."
"Mas mabuti."
DAHIL nga wala akong trabaho ay pumunta ako sa Jolly Hamburger. Naratnan ko si Anna na abala sa pagluluto dahil maraming bumibili. May dine-in at take-out. Natuwa ako sa kanya dahil mabilis kumilos. Gamay na gamay na niya ang trabaho kahit mag-isa lang. Gayunpaman ay tinulungan ko siya.
"Salamat, sir," sabi niyang ngiting-ngiti ng wala ng costumer at pareho na kaming nakaupo sa upuang nasa harap ng isang mesa. Bahagya pa siyang yumukod. "Buti po at pumasyal kayo dito. Timing na maraming costumer at may nakatulong ako."
"Nakakatuwa dahil maraming costumer. Halos araw-araw ay malaki ang bentang nai-intrego mo."
"Kaya nga po, sir. Kaya po natutuwa rin ako na maraming bumibili sa akin. Para pong nagagandahan sila sa crew."
Tumawa ako. "Oo naman. Kaya nga ikaw ang mapili kong crew dito sa Jolly Hamburger. Masaya ka na ba rito, Anna?"
"Opo naman. Nag-i-enjoy ako dito sa trabaho. Naka-move-on na ako, sir."
"Talaga? Good. Ganyan nga."
"S-sir..."
Kumamot siya sa batok. Halatang may sasabihin siya na hindi masabi.
"May sasabihin ka? Tell me. I'm just here to listen."
"S-sir... s-si Althea po..."
Nangunot ang noo ko. Hindi ko inaasahang tungkol sa aking anak na dalagita ang magiging topic namin.
"What about Althea, Anna? May ginawa ba siyang masama sa 'yo?"
Umiling siya. "May ginawa po siyang masama, sir. Pero hindi sa akin."
"Be direct to the point, Anna. Anong ginawa ni Althea?"
Nagulat ako sa kanyang sinabi. Parang puputok ang ulo ko habang nakikinig. Ni sa aking hinagap ay hindi pumasok na magagawa iyon ng aking anak. "Sigurado ka ba, Anna?"
"Yes, sir. Inabutan ko po siya rito sa store kanina na ginagawa 'yon. Nakiusap nga po siya na huwag sasabihin kahit kanino. Pero concern po ako sa kanya kaya sinabi ko sa inyo."
Nasapo ko ang aking dibdib nang kumirot ito. Nagtiim ang aking mga bagang nang tumungo.
"Sir, okay ka lang po?"
"Anna, pahingi ng tubig. Please."
Nataranta si Anna. Nanginginig ang kamay niya nang iabot sa akin ang bottled water. Tinanggap ko ito at binuksan. Saka ininom.
"Salamat," pabuntonghininga kong sabi. Nabawasan ang sakit ng dibdib ko. Pero nanatili sa isip ko ang sinabi niya tungkol kay Althea. "Kaya pala..."
"Hindi n'yo po alam ang ginagawang iyon ni Althea?"
"Hindi ko siya papayagang gawin iyon kung alam ko, Anna."
Kitang-kita ko ang lungkot sa mga mata niya. Naramdaman ko ang totoo niyang pagmamalasakit. Bagay na lalo pang nagdagdag ng kalungkutan sa akin.
"Kaya pala nagpumilit kanina na siya na ang magbubukas ng Jolly Hamburger," halos ay pabulong kong sabi. "Iyon pala ay para malaya niyang magawa dito ang gustong gawin!"
"Sir," sabi ni Anna na teary eyes na. "Sorry po."
Masama ang pakiramdam na umuwi ako sa bahay. Nasa gate palang ay parang gusto ko nang umiyak. Parang hindi ko kayang harapin ang aking anak na si Althea. Hindi ko alam kung paano ko siya haharapin at kakastiguhin.
"Bakit, anak?" bulong ko sa sarili na nanginginig ang buong katawan. "Ano bang pumasok sa utak mo at napakabata pa ay may bisyo ka na?"
Mariin kong naipikit ang aking mga mata ng tila may malakas na boses na sumigaw sa aking teynga. Smoker si Althea! Siya ang nagsisigarilyo sa bahay mo at wala ng iba pa!