"Love life?" Napaangat ng mukha si Xia at diretso siyang napatingin sa kanyang kausap na si Ms. Sanchez.
Sapilitan siyang napangiti at hindi siya nakaimik dahil hindi naman niya alam kung ano ang kanyang sasabihin.
"Alam mo, mahirap talaga kalabanin ang love life lalo na kapag isa iyon sa bumabagabag sa kalooban mo para umangat sa buhay," makahulugan nitong saad sa kanya.
"When I was still dreaming to become what I have today, nawala sa isipan ko ang ganyang bagay kaya hindi ko talaga naiwasan na unti-unti ko na palang nalilimutan ang mga taong nagmamahal sa akin until I completely forgot about them."
Nakita niya ang mapait na ngiti sa gilid ng mga labi ni Ms. Sanchez ng mga sandaling 'yon kaya ramdam niyang nasasaktan ito habang pilit na inaaalala ang mapait nitong nakaraan.
"Alam mo bang kahit pa maabot mo ang lahat ng mga pangarap mo sa buhay pero kapag nawala naman ang mga taong mahahalaga sa'yo, nawawalan na rin ng kwenta ang mga narating mo?" tanong nito sa kanya na nagkaroon din naman ng sense.
"Mas masarap lasapin ang tagumpay kapag kapiling mo ang mga taong nagiging dahilan ng lahat ng pagsisikap mo sa buhay," dagdag pa nito at lalong hindi siya nakaimik sa mga tinuran nito.
"Well, about your proposal..." Pag-iiba nito ng usapan, "...I am satisfied with it but I need some time to think about it dahil alam naman nating lahat na malaking pera ang kinakailangan sa project na 'yan."
"Wala po'ng problema, Ms. Sanchez," nakangiti niyang saad saka siya napatayo. "Thank you for giving me your time today," aniya sabay lahad ng kanyang kanang kamay sa harapan nito.
Magiliw namang tinanggap ni Ms. Sanchez ang kanyang kamay saka ito napangiti sa kanya.
Walang ganang naglalakad si Xia papalapit sa kanilang kompanya matapos niyang makausap si Ms. Sanchez.
Sa totoo lang, may punto naman talaga ito sa mga sinabi nito sa kanya pero sa ngayon, masyado pang magulo ang lahat para sa kanya.
Pakiramdam kasi niya, pinipilit ni Alex na ipadama sa kanya na asawa lamang siya at kung ano man ang mga desisyon niya ay si Alex pa rin ang masusunod.
Mali ba kung naiisip niya ang ganu'ng bagay?
Hindi kasi niya maiwasan na mag-isip na nagmukha na siyang puppet para sa kanyang asawa.
Bakit kasi hindi na lamang siya susuportahan nito sa bawat ginagawa niya?
Ang pangarap niyang umangat kahit konti ay hindi naman masama. Hindi naman iyon nakapagdudulot ng masamang resulta sa kanilang pagsasama pero bakit ba napakahirap para sa kanyang asawa ang suportahan na lamang siya?
"You look so tired," puna ni Martha sa kanya. "Okay ka lang ba?" nag-aalalang tanong ni Martha sa kanya.
"Okay lang ako. Struggle kasi talaga ang pagkumbinse sa mga tao," aniya.
"Laban lang. Matatapos mo rin 'yan," pampalakas loob na saad ni Nicole at kahit papaano ay gumaan din ang nararamdaman ni Xia.
Napangiti siya sa sinabi ni Nicole pero nang tinapunan niya ng tingin si Martha ay nakita niya ang bahagyang pag-ismid nito.
Palihim na lamang siyang nagpakawala ng buntong-hininga. Alam niyang hanggang ngayon, hindi pa rin okay ang pakikitungo ng dalawa niyang kaibigan para sa isa't-isa pero sana, magkakaayos na rin ang mga ito dahil pareho niyang kaibigan ang mga ito. Parehong malapit sa puso niya ang dalawang 'to.
"You didn't give up the project yet," sabi ni Alex nang nakauwi na sila sa kanilang bahay.
"Nasimulan ko na 'yon at masakit naman kung bibitiwan ko na lang 'yon nang ganu'n lang. Mapupunta sa wala ang pinaghirapan ko," pahayag naman niya sa pag-asang maiintindihan siya nito pero mukhang mali siya dahil galit na tingin na naman ang ipinukol ni Alex sa kanya.
"Akala ko ba, malinaw na sa'yo ang lahat?"
"Alex----"Xia, ano pa kaya ang kaya mong isakrispisyo kapalit ng mga pangarap mo?"
Hindi nakaimik si Xia sa naging tanong ng kanyang asawa. Hindi naman niya ito isinasakripisyo pero bakit sinasabi nito sa kanya na ganu'n na nga ang kanyang ginagawa? Kailan ba siya maiintindihan ng sarili niyang asawa? Kailan ba masasabi ni Alex na ang lahat ng kanyang ginagawa ay para lang naman sa kanila?
Nagising si Xia halos maghahating-gabi na at hindi na niya mapansin pa sa kanyang tabi ang kanyang asawang si Alex.
Bumangon siya saka siya lumabas ng kwarto at sa sala ay nakita niya ang kanyang asawang nakahiga sa sofa at mahimbing na natutulog.
Napabuntong-hininga na lamang si Xia habang tahimik niyang pinagmamasdan ang kanyang asawa.
Muli siyang pumasok sa kanilang kwarto at sa kanyang muling paglabas ay may dala na siyang kumot para rito.
Dahan-dahan niyang itinakip sa katawan ni Alex ang bitbit niyang kumot at inayos pa niya ito upang hindi ito lalamigin.
Pagkatapos ay mataman niya itong tinitigan.
Sana, balang-araw maiintindihan din siya nito at matanggap ang lahat ng kanyang mga ginagawa.
Walang masama sa kanyang pangarap kaya hindi niya ito papalagpasin na lamang nang walang ginagawa para maabot niya ito.
Kinabukasan ay tahimik lamang si Alex habang nagbabiyahe sila papuntang kompanya. Gusto man makipag-usap ni Xia ay hindi naman niya magawa dahil sa takot na baka hahantong lamang sila sa isang away.
Pagkarating nila sa kompanya ay naghihintay muna siyang magsalita si Alex pero hindi na nangyari iyon hanggang sa nakalabas na siya mula sa loob ng sasakyan.
Nang masigurong nakalabas na nga siya nang maayos ay wala namang pasabing pinatakbo na nito ang sasakyan papuntang basement ng kompanya.
Napabuntong-hininga na lamang si Xia saka siya pumasok ng kompanya at buong maghapon siyang naging abala sa kanyang mga gawain.
Tatlong tao ang kinausap niya ng araw na 'yon kaya mdeyo napagod talaga siya sa kanyang ginawa.
Mabuti na lamang at dalawa sa mga iyon ay pumirma na sa kanyang proposal para maging investor ng kanilang project.
Malaki kasi ang project ng kanilang kompanya kaya nangangailangan iyon ng malaking perang ilalagak at upang hindi sila mahihirapan ay kailangan nila ng hindi iisang investor lamang.
Kahit sa kabila ng pagod na kanyang nadama ay talagang naging masaya naman siya sa naging resulta kaya may ngiti sa kanyang mga labing bumalik siya ng kompanya.
"Tawag ka ni Manager Santillan," pabulong na sabi ni Nicole sa kanya habang nakaupo siya sa kanyang upuan kaharap ang iba pa niyang mga gawain.
"Bakit daw?"
"I don't know. Wala siyang sinabi," maagap na sagot ng kanyang kaibigan.
Wala na siyang inaksaya pang panahon, agad na niyang pinuntahan ang opisina ng kanilang manager at nadatnan niya itong naghahalungkat ng mga kaharap na documents.
"Hinahanap daw po niyo ako, Manager Santillan?" tanong niya matapos niyang buksan ang pintuan ng opisina nito nang kumatok siya ng tatlong beses.
Nag-angat ng mukha si Manager Santillan saka siya nito tiningnan.
"It's good you are here. Have a seat," sabi nito na agad naman niyang sinunod.
"Well, I don't want to beat around the bush anymore, Mrs. Dela Cruz. I want to be frank..."
Parang kung anong kabang bigla na lamang kumabog sa kanyang dibdib dahil sa makahulugang saad nito habang nakatingin sa kanya ang mga mata nito.
"Do you really want to get this promotion?"
Napakunot ang kanyang noo sa naging tanong nito kanya. Hindi naman kasi ganito si Manager Santillan kung magtatanong sa kanya kaya masyadong nakapagtataka para sa kanya dahil sa pagiging seryoso nito sa kanya ngayon.
"May problema po ba?" nagtataka niyang tanong habang hindi nawawala ang sa mukha niya ang pagtataka kung bakit nasabi nito sa kanya ang lahat nang nu'n.
"Just tell me your answer."
"Gusto ko po talaga. Matagal ko nang pangarap 'to," sagot naman niya.
"Well, honestly, your husband approached me earlier and asked me to stop giving you a hope na mapo-promote ka dahil hindi mo raw talaga pinangarap ang ma-promote."
Bahagyang napaawang ang kanyang mga labi sa kanyang narinig at talagang hindi siya makapaniwala na magagawa iyon ng kanyang asawa.
"Mrs. Dela Cruz, if ever man na nakapagbibigay ng gulo sa'yo ang mga gawain na inatas ko sa'yo, we can find someone else to do that."
Natahimik siya at aminado siya sa kanyang sarili na naiinis siya dahil sa naging aksiyon ng kanyang asawa.
Ang taong pinapangarap niyang siyang magiging unang magsusuporta sa kanya sa lahat ng kanyang mga ginagawa ay siya pa ngayong naghahanap ng paraan para hindi niya maabot ang mga ito.
"Gusto mo ba talaga o hindi? Just tell me ahead of time para naman maaga rin nating mahahanapan ng bagong mag-aasikaso ng gawaing nakaatang sa'yo."
Napahigpit ang pagkakasalikop niya sa kanang mga daliri dahil talagang nakaramdam siya ng pagkainis at galit sa asawa.
"Gusto ko po. Hindi ko naman tatanggapin ang alok nito kung ayaw ko," pahayag naman niya saka napatango naman ang kanilang manager sa kanyang naging turan.
"Well, I'm glad to hear that but you need to talk to your husband first para linawin sa kanya ang lahat dahil hindi maganda kung mag-aaaway kayo just because of your works," payo nito sa kanya at napatango naman siya.
"Hindi ko alam kung ano nga ba ang nangyayari sa inyong dalawa pero sana naman, maaayos niya ang bagay na 'yon."
Ang saya na kanyang naramdaman kanina ay para bang bigla na lamang nawala ang lahat nang nasa labas na siya ng opisina ni Manager Santillan.
Nanghihinang napaupo siya sa kanyang upuan saka niya muling hinarap ang kanyang computer.
Pero kahit na nakatitig siya sa kanyang kaharap na computer ay nagmukha namang wala siyang nakikita dahil nga siguro sa dami ng problemang kinakaharap nilang dalawa.
"Why did you do that?" tanong ni Xia kay Alex nang nakauwi na sila sa kanilang bahay.
Habang nasa loob sila ng sasakyan nila ay talagang gustong-gusto na niyang komprontahin ang kanyang asawa pero dahil nagmamaneho ito ay hinintay na lamang muna niyang makauwi na sila at iyon nga ang kanyang ginawa.
"Bakit mo pinakiusapan si Manager Santillan na ihinto na ang mga ginagawa ko?" muli niyang tanong nang wala siyang natanggap na sagot mula sa una niyang tanong dito.
"Dahil 'yon naman ang dapat mong gawin."
"Buhay ko 'to, Alex. Gagawin ko kung ano ang gusto kong gawin," matigas niyang saad na siyang nagpainit sa dugo ng kanyang asawa.
"Kaya mo ginawang ipagkait sa akin ang magkaanak?"
Napaawang ang kanyang mga labi sa tanong nito.
Pati ba naman ang bagay na 'yon ay babanggitin pa nito? Akala ba niya, tapos na ang tungkol sa bagay na 'yon, pero bakit inuungkat na naman nito ngayon ang tungkol du'n?