CHAPTER 62: Tiwala MAY BIGLANG LIWANAG na nagpakita sa harapan namin. At nang maglaho ang liwanag, nagpakita ang atervhi na si Togo. Gumana ang naisip ko. Natawag ko siya at ngayon ay narito na siya sa harapan namin. Matangkad na lalaking malaki ang katawan, higante na kung titingnan. Dahil sa liwanag ng buwan kita ang berde niyang kulot na mahabang buhok. Hindi ako maaring magkamali, siya nga si Togo, ang nakalaban ko noon sa kagubatan ng baryo ng mga kalag. “Togo!” pasigaw na sabi ko at nayakap ko siya. Mula noong magkaharap kami sa kagubatan ng baryo ng mga kalag, ito ang muling pagkakataon na makita ko ang kanyang tunay na anyo. Wala akong malay na sila na pala ni Bangis ang bago naming mga kasamahang mandirigmang diwata. Siya pala ang diwatang malaki ang katawan at berde ang buhok.

