“Tulong! Tulong!” Mabilis na napalingon ang batang lalaki mula sa pinanggagalingan ng ingay na iyon. Tumayo siya mula sa kanyang pagkakaupo saka niya mahigpit na hinawakan ang maliit na patpat na kanina pa niya pinaglalaruan.
“Ano ang ingay na iyon?” kinakabahan na tanong niya sa batang lalaki na kasama at kalaro niya mula pa kanina.
“Dito ka na lang. Ako na lamang ang bahalang tumingin doon,” sabi ng batang lalaking kasama niya sa kanya.
“Bakit mo ako pinipigilan?” tanong niya sa batang lalaking kasama niya.
“Ang sabi kasi ng aking ama ay pagsilbihan at bantayan kita,” sagot nito sa kanya.
“Bakit mo naman ako kailangang bantayan at pagsilbihan? Eh bata ka lang din naman katulad ko,” tanong niyang muli dito.
“Siguro dahil mas malakas at mas magaling ako kaysa sa iyo,” sagot naman nito sa kanya na hindi niya ikinatuwa.
“Ang sabi sa akin ng aking ama ay wala nang mas gagaling pa sa akin!” protesta niya sa batang lalaki na kasama at kalaro niya.
“Ngunit ang sabi naman sa akin ng aking ama ay magaling ako, dahil ako ang magbabantay at ang magtatanggol sa iyo,” sagot muli ng batang lalaki na kasama niya sa kanya.
Akmang magsasalita pa sana siya ulit nang bigla ulit silang makarinig ng ingay.
“Tulong! Tulong niyo ako!” Tinig iyon ng isang batang babae.
Dahil doon ay hindi na sila nagtalo pa ng kasama niyang batang lalaki, at sa halip ay sabay na silang nagtungo sa pinagmumulan ng ingay na kanilang naririnig.
Bumungad sa kanila ang isang batang babae na umiiyak habang yakap-yakap nito ang alagang tuta na may nagdurugong sugat sa katawan.
“Anong nangyari sa kanya?” nag-aalalang tanong niya sa batang babae na umiiyak.
“Aksidente ko kasi siyang natamaan ng pana habang nag-eensayo ako,” tugon ng batang babae sa kanya.
“Bakit ka kasi gumagamit agad ng pana? Ang bata-bata mo pa,” pagalit na sabi naman ng batang lalaki na kasama niya sa batang babae na humihingi ng tulong sa kanila.
“Makapagsalita ka ay para kang matanda. Bata ka lang din naman ah!” inis na tugon ng batang babae sa batang lalaki na kasama niya.
“Huwag na nga kayong magtalo. Akin na ang alaga mong tuta,” saway at utos niya sa mga ito.
Lumapit ang batang babae sa kanya dala ang alagang tuta. Saka siya kumuha ng halamang gamot na nakita niya sa tabi ng puno na kinatatayuan nila. Dinurog niya iyon ng pinong-pino gamit ang bato saka niya iyon inilagay sa sugat ng kawawang tuta.
Ilang sandali lang ay nakita kaagad nila ang unti-unting paghihilom ng mga sugat ng tuta. Dahil doon ay kapwa namangha sa kanya ang dalawang batang nasa kanyang harapan. Ang batang lalaki na kasama at kalaro niya at ang batang babae na siyang humingi ng tulong sa kanila.
“Ang galing! Paano mo nagawa ang bagay na iyon?” manghang tanong ng batang babae sa kanya.
“Itinuro iyon sa akin ng katiwala ng aking ina,” mayabang na sagot niya sa batang babae.
“Ibig sabihin ay alam mo kung anong klase ng mga halaman ang nandito sa ating paligid?” manghang tanong naman sa kanya ng batang lalaki na kasa-kasama niya.
Mayabang siyang tumango dito saka niya isa-isang itinuro sa dalawang bata ang mga kaalaman niya.
“Napakahusay mo pala!” puri sa kanya ng batang lalaki.
“Pag laki ko, gusto ko ring maging mahusay na manggagamot! At pag-aaralan ko ang lahat ng itinuro mo,” masayang sabi naman ng batang babae sa kanya.
“Hihintayin ko ang araw na iyan,” masayang sabi naman niya sa batang babae. “Ano nga pala ang pangalan mo?” tanong niya pa dito.
Matamis na ngumiti sa kanya ang batang babae saka ito nagsimulang magsalita. “Ang pangalan ko ay—”
Agad na nagising si Kaiden mula sa kanyang mahimbing na pagkakatulog, nang tumama sa kanyang mukha ang liwanag na nanggagaling mula sa bintana ng kwarto. Mariin siyang napapikit at nag-unat dahil sa tila napakahaba niyang pagkakatulog.
Humigit siya ng malalim na paghinga saka marahan na napahilot sa kanyang sentido. Isang kakaibang panaginip na naman ang dumalaw sa kanyang pagtulog. Dahil sa mga panaginip na palagi niyang napapanaginipan tungkol sa mga bata, ay napapaisip tuloy siya, na baka senyales na iyon na kailangan na nilang mag-anak ng kanyang asawa.
Napangiti siya ng malapad saka siya marahan na nagmulat ng kanyang mga mata. Inabot niya ang kamay ng katabi niyang asawa na nahihimbing din sa pagkakatulog, ngunit agad na napakunot ang kanyang noo nang madama niya ang tila panlalamig ng mga kamay nito.
“Babe?” kunot-noo at marahan na pagtawag niya sa kanyang asawa saka niya ito mabuting tiningnan. Bahagya kasi itong nakatalikod sa kanya. “Babe?” muling tawag niya dito kasabay nang marahan na paghawak niya sa balikat nito.
At agad na nanlaki ang kanyang mga mata nang makita pulang likido na tila tumutulo mula sa kanyang asawa.
“Babe? Babe!” malakas na sigaw niya kasabay ng mabilis na pagbangon niya. Natataranta niyang hinagkan ang asawa at hinimas-himas ang mukha nito. “Babe?! Anong nangyari?!” Hindi na niya napigilan pa ang kanyang sarili at agad na tumulo ang kanyang mga luha habang yakap-yakap ang kanyang asawa.
Puno ng dugo ang katawan ng kanyang asawang si Faye, at kahit na anong gawin niyang paggising dito ay tila hindi ito nagigising.
“Panaginip pa rin ba ito?! Babe, gumising ka please!” umiiyak na sigaw niya saka niya pilit na kinukumbinsi na gumising ang kanyang asawa.
Ngunit walang kahit na anong naging tugon ang babae sa kanya. Mahigpit niyang hinawakan ang kamay ng kanyang asawa at buong lakas na tumangis.
At maya-maya pa ay nagulat siya nang biglang may isang grupo ng mga kalalakihan ang siyang pwersahang pumasok sa loob ng kwarto na kinalalagyan nila. May armas ang mga lalaki at lahat ng iyon ay nakatutok lamang sa kanya.
Nabigla siya sa pagdating ng kung sino mang mga tao na ito, ngunit nang makabawi siya sa pagkakabigla ay nagsalita siya at humingi ng tulong. “Tulungan niyo ako! Ang asawa ko!” umiiyak na sigaw niya sa mga ito.
Mabilis siyang hinawakan ng dalawang lalaki at inialis sa kamang kinalalagyan niya. Pagkatapos ay may mga pumasok pa na panibagong grupo ng kalalakihan na may dalang stretcher. Binuhat ng mga ito ang kanyang asawa at inilagay sa stretcher.
Patuloy siya sa pag-iyak at nang ilayo na ng mga lalaki ang kanyang asawa sakay ng stretcher, ay humakbang siya papalapit dito. Nais niya sanang hawakan man lang ng mahigpit ang mga kamay nito hanggang sa madala ito sa hospital. Ngunit labis siyang nagulat nang bigla siyang awatin at harangin ng mga lalaking armado.
“Sandali, ang asawa ko,” iyak niya. At sa halip na pakinggan siya ay mabilis siyang hinawakan sa dalawa niyang kamay patalikod at pwersahan siyang pinaluhod.
Dahil doon ay agad siyang nataranta at pilit na kumawala mula sa mahigpit na pagkakahawak ng mga ito sa kanya.
“Bitiwan niyo ako!” malakas na sigaw ni Kaiden kasabay ng matigas niyang pagpupumiglas.
Ngunit kahit anong pwersa at pagpupumiglas niya ay tila hindi siya mananalo sa mga lalaking humahawak sa kanya, dahil nakakaramdam din ng matinding panghihina ang puso niya dahil sa nakita niyang sinapit ng kanyang pinakamamahal na asawa.
“Ikaw ay inaaresto sa salang pagpatay sa iyong sariling asawa. Ikaw ay may karapatang manahimik o magsawalang kibo. Anoman ang iyong sasabihin ay maaaring gamiting pabor o laban sa iyo sa anomang hukuman. Ikaw ay mayroon ding karapatang kumuha ng tagapagtanggol na iyong pinili at kung wala kang kakayahan, ito ay ipagkakaloob sa iyo ng pamahalaan. At ikaw ay may karapatang magpatingin sa isang mapagkakatiwalaang doktor na sarili mong pili. Kung wala kang kakayahan, ito ay ipagkakaloob sa iyo ng pamahalaan. Nauunawaan mo ba?” dere-deretsyong sabi ng lalaki sa kanya na siyang hindi naman niya lubusang maunawaan.
Kasabay no’n ay ang mabilis na paglalagay ng mga ito ng posas sa kanyang dalawang kamay. Gulong-gulo siya sa mga nangyayari at tila wala siyang ibang maunawaan at maintindihan. Dahil abala ang kanyang isipan sa pag-iisip sa kanyang asawa.
Hinila siya ng dalawang lalaki patayo saka siya inakay ng mga ito palabas ng bahay. Agad niyang nakita ang papaalis na ambulansya na tiyak niyang nagsakay sa kanyang asawa.
“Babe! Babe!” malakas na pagsigaw niya habang pilit na naman siyang kumakawala mula sa pagkakahawak sa kanya ng mga lalaki. “Bitiwan niyo ako! Kailangan kong puntahan ang asawa ko!” patuloy na pag-iiyak niya.
Ngunit kahit anong gawin niya ay tila hindi siya Manalo-nalo sa mga lalaking umaawat sa kanya. Hanggang sa matagumpay siyang naisakay ng mga ito sa isang pampulis na sasakyan.
“Bakit niyo ba ito ginagawa sa akin?! Kailangan ako ng asawa ko! Pakawalan niyo ako! Ano ba?!” galit na galit na niyang sigaw, ngunit kahit anong gawin niyang pag-iyak, pagsigaw at pagwawala ay nanatili lamang na walang pakiaalam sa mga sinasabi niya ang mga armadong lalaki na kumuha sa kanya.
Hanggang sa tuluyan na siyang dinala ng mga ito sa isang prisinto. Paulit-ulit siyang nagmamakaawa at nangungulit sa mga lalaki na pakawalan siya dahil kailangan niyang puntahan ang kanyang asawa. Hanggang sa, mabilis at bigla na lamang siyang sinikmuraan ng isang armadong lalaki.
Napayuko at napainda siya sa sakit.
“Kanina ka pa nagwawalang, gago ka ah,” panunuya nito sa kanya saka siya halos ibinalibag papasok sa loob ng isang rehas.
Masakit ang kanyang sikmura dahil sa natamo mula sa armadong lalaki, ngunit mas higit na mas masakit ang kanyang puso.
Anong nangyari sa kanyang asawa? Bakit ito duguan at walang malay sa kanyang tabi? At bakit siya dito dinala ng mga pulis?
Sa huli ay tanging pagtangis na lamang ang kanyang nagawa nang mga sandali na iyon. Labis siyang naguguluhan sa mga nangyayari. Samantalang, malinaw na malinaw naman sa kanyang mga alaala ang mga huling nangyari kagabi bago siya nakatulog ng mahimbing.
Masaya niyang kausap, kasama at kaniig ang kanyang asawa. Masaya nilang pinagsaluhan ang gabing lumipas at mahigpit na niyakap niya pa ito bago tuluyang makatulog sa kanyang mga bisig.
Kaya anong nangyayari ngayon? Anong nangyari sa kanyang asawa at sino ang may gawa no’n?
“Ano? Nahimasmasan ka na ba sa kademonyohang ginawa mo sa sarili mong asawa?” Napalingon si Kaiden sa nagsalita sa kanyang harapan.
Mabilis siyang tumayo at lumapit dito. Mahigpit siyang napahawak sa rehas na siyang pumapagitan sa kanilang dalawa ngayon.
“Sir, parang awa niyo na. Palabasin niyo na ako dito. Kailangan kong puntahan ang asawa ko!” pagmamakaawa niya sa pulis na nasa harapan niya.
“Ano? At talagang gusto mo pang puntahan ang asawa mo pagkatapos ng ginawa mo?” mapanghusgang tanong ng pulis sa kanya.
Napapailing siya habang nakatitig dito. “Hindi ko maintindihan. Bakit niyo ba ako kinulong dito?” mapait na tanong niya at naramdaman niyang nagsisimula na namang maglandas ang mga luha mula sa kanyang mga mata. “Kailangan ako ng asawa ko ngayon, kaya parang awa mo na, pakawalan mo ako dito, Sir!”
Tumikom ang mga labi ng pulis na nasa harapan niya saka siya mataman na pinagkatitigan sa kanyang mga mata.
“Hindi ka kailangan ng asawa mo,” saad nito sa kanya. “Alam mo kung ano ang dapat at ang tamang magagawa mo para sa kanya? Iyon ay ang mabulok ka sa kulungang ito,” mariin na sabi pa ng pulis sa kanya.
Kunot-noo siyang napatitig dito. “A-Ano? Bakit niyo ba ito ginagawa sa akin?!” Hindi na napigilan pa ni Kaiden ang sarili na maging mahinahon. Muli na naman siyang nakakaramdam ng matinding pagkataranta at kaguluhan. Nagsisimula na naman siyang mag-hysterical. “Bakit?! Bakit?! Bakit?!” paulit-ulit na sigaw niya habang paulit-ulit din niyang hinahampas ang mga bakal na rehas na nasa hanyang harapan.
Umangat ang isang sulok ng labi ng pulis na nasa harapan niya saka ito nagsalita. “Dahil mamamatay tao ka,” paratang nito sa kanya na siyang lubusang nagpatigagal sa kanya.