Napapangiwi si Kaiden sa bawat paghapdi at pagkalam ng kanyang sikmura. Mahigit dalawampung oras na siyang walang tulog at walang kain kaya naman nakakaramdam na din siya ng pagkahilo. Bagay na hindi sanay ang kanyang katawan.
Ilang oras na siyang nakakulong mag-isa sa seldang ito at hindi pa rin niya lubusang maunawaan ang mga bagay na nangyayari ngayon sa kanya. Labis siyang nag-aalala para sa kanyang asawa ngunit makailang beses na din siyang nakatikim ng mga suntok mula sa mga nagbabantay sa kanya dahil sa patuloy niyang pag-iiyak at pagwawala.
Isa lang naman kasi ang kahilingan niya. Gusto niyang makita ang kanyang asawa. Gusto niya itong makita at puntahan ngayon dahil labis siyang nag-aalala para dito.
“Bakit ni isa ay walang pumupunta sa akin dito? Nasaan na ba si Nanay? Si Roman?” tila nababaliw na tanong niya sa kanyang sarili.
Ilang sandali lang ay nakarinig siya ng mga yabag papalapit sa kanya. Mabilis niyang nilingon iyon at agad siyang nabuhayan ng loob nang makita ang ina ng kanyang asawa.
Dali-dali at natataranta siyang gumapang patayo at palapit dito. Ngunit sa rehas lamang siya mahigpit na napahawak dahil sa pagbalakid nito sa kanya.
“M-Mommy…” nauutal na tawag niya sa kanyang biyenan. “Mommy, mabuti na lang at nagpunta ka dito. Mommy… n-nasaan na ang asawa ko? Nasaan na po siya? Kumusta po siya? Mommy, kumusta po ang asawa ko?” sunod-sunod at paulit-ulit na tanong niya sa kanyang biyenan.
Ngunit sa halip na sagutin siya nito ay matalim lamang itong nakatingin sa kanya at nakita niya ang nangingilid na mga luha nito.
“Mommy…” marahang pagtawag niya dito. “Mommy, nasaan na po ang asawa ko?!” pangungulit niya pa.
“Nasisiraan ka na talaga ng bait. Napakademonyo mo,” matigas at punong-puno ng galit na sabi ng kanyang biyenan sa kanya.
“Mommy…”
“Huwag mo akong matawag-tawag na Mommy dahil hindi kita anak. At pinagsisisihan kong pinakasalan ka ng anak ko,” galit na sabi muli nito sa kanya.
Agad na tumulo ang mga luha niya. Tama ito. Tuluyan na talaga yata siyang nasisiraan ng bait dahil sa mga kaguluhan na nangyayari ngayon sa kanya.
“Pinagkatiwalaan ka ng pamilya namin, pero anong ginanti mo? Demonyo kang hayop ka!” sigaw na nito sa kanya at kitang-kita nito ang matinding pagkagalit nito sa kanya. Na kulang na lang ay pasukin siya nito sa loob ng kanyang selda at doon ay lusubin ng sampal. “Bakit mo iyon nagawa sa anak ko? Huh?! Bakit?!” sunod-sunod na sigaw ng kanyang biyenan saka bumuhos ang mga luha nito.
Ngayon ay napapatulala na lamang siya. Pilit niyang iniintindi ang mga sinasabi nito sa kanya. Maging ang mga paratang ng mga pulis sa kanya. At ang dahilan kung bakit siya nandito ngayon sa loob ng selda.
“A-Anong ibig mong… sabihin, Mommy? A-Anong… g-ginawa ko? A-Anong… ginawa ko sa asawa ko?” hirap at nauutal na tanong niya sa harapan ng kanyang biyenan habang tuloy-tuloy na naglalandas ang kanyang mga luha.
“Hindi mo alam?” sarkastikong tanong ng kanyang biyenan sa kanya. “Hindi mo alam, huh?!” sigaw pa nito sa kanya. “Ako dapat ang nagtatanong sa iyo niyan! Anong ginawa mo sa anak ko?! Bakit mo iyon ginawa?!”
“Misis, tama na po iyan,” awat ng isang pulis sa kanyang biyenan saka ito pilit na pinakakalma. “Sa korte na lang po ninyo siya ulit harapin,” sabi pa ng pulis sa kanyang biyenan.
“Mommy, please! Sabihin mo. Anong nangyari sa asawa ko? Bakit sa akin niyo isinisisi lahat?” pakiusap niya sa kanyang biyenan.
Deretsyo siyang pinagkatitigan sa kanyang mga mata ng kanyang galit na biyenan saka ito nagsalita. “Wala na ang anak ko. Pinatay mo siya,” mariin na tugon nito sa kanya na siyang parang tila nagpatigil sa pag-ikot ng kanyang mundo, at nagpatigil sa pagtibok ng kanyang puso.
“A-Ano?” halos pabulong niyang tanong at pilit niyang inuunawa ang mga huling sinabi nito sa kanya.
“At sana, mamatay na din ang nanay mong nasa hospital ngayon dahil inatake sa balitang nalaman niya. At ikaw? Sisiguraduhin kong mabubulok ka sa loob ng kulungan at magdudusa ka sa ginawa mo sa anak ko,” matatalim na pahayag pa ng kanyang biyenan sa kanya saka ito tuluyang umalis sa kanyang harapan.
Gusto niya sanang tawagin itong muli. Gusto niya sanang awatin ito sa pag-alis at tanungin. Ngunit para bang sa isang iglap ay nawalan na siya ng boses at lakas. Matapos sabihin ng kanyang biyenan sa kanya ang mga bagay na iyon ay naiwanan na lamang siyang tulala habang patuloy sa paglalandas ang mga luha. Matinding pagkirot din sa kanyang dibdib ang kanyang naramdaman na para bang aatakehin siya sa puso anomang oras.
Sa huli ay nanghihina at nanginginig ang mga tuhod niyang napabaluktot at napaupo.
Patay na ang kanyang asawa? Patay na ito at siya ang may gawa? Pinatay niya ang kanyang asawa?
Ngunit paano?! Bakit?!
Mabigat siyang napasapo sa kanyang ulo saka siya unti-unting napahagulgol. Madiin din siyang napasabunot sa kanyang buhok at malakas na napasigaw.
“Hindi! Hindi ito totoo!” sigaw at iyak niya.
Gusto niyang paniwalaan na isa lamang itong nakakatakot na bangungot.
Mahal na mahal niya ang kanyang asawa na si Faye, kaya bakit niya naman iyon magagawa?
Sa huli ay buong pait siyang humagulgol nang humagulgol. Panay din ang pagtawag niya sa pangalan ng kanyang asawa.
“Hindi ito maaari. Hindi ito totoo.” Paulit-ulit iyon sa kanyang isipan hanggang sa tuluyan nang nanikip ang kanyang dibdib, dahilan upang unti-unti na siyang makaramdam ng matinding panghihina. Hanggang sa tuluyan na siyang nilamon ng dilim.
***
NAGISING si Kaiden nang makarinig siya ng ingay. Nagmulat siya ng kanyang mga mata at bumungad sa kanya ang dalawang pulis na siyang nag-aalis ng lock sa seldang kinalalagyan niya.
Pagkabukas ay pumasok ang mga ito sa loob saka siya walang imik na inilabas. Dinala siya ng mga ito sa isang tahimik na silid. Natanaw naman niya ang isang naka-suit na lalaki saka siya pinaupo sa harapan nito.
“Magandang araw! Ako si Attorney Juan Carlo,” nakangiting pagpapakilala ng lalaki sa kanya sabay lahad ng mga kamay nito sa kanya.
Ngunit hindi niya tinanggap iyon at sa halip ay tinapunan niya lamang ito ng mga tingin. Sa totoo lang ay nanghihina pa rin siya at para bang wala na siyang lakas sa lahat ng nangyayari sa kanya.
Napahiyang binawi na lamang ng Attorney ang sariling kamay saka ito umayos ng upo. Nagpatikhim pa ito sa kanyang harapan saka tuluyang muling nagsalita.
“I will be your attorney on your case. So, gusto ko sanang magtiwala ka sa akin at sabihin mo sa akin ang lahat. Sabihin mo sa akin ang katotohanan,” wika ng nagpakilalang Attorney sa kanyang harapan ngunit nanatili lamang siyang walang imik dito. Sumandal ang Attorney sa upuan nito saka humigit ng malalim na paghinga. “Alam kong mahirap ang sitwasyon mo ngayon. Kaya gusto kong sagutin mo ng totoo ang lahat ng itatanong ko sa iyo. At ipinapangako kong gagawin ko ang lahat para matulungan ka at mapababa ang magiging hatol sa iyo,” sabi pa nito sa kanya. “Bakit mo siya pinatay?”
Agad na nagkabuhay ang mga mata ni Kaiden dahil sa naging tanong na iyon sa kanya ng lalaking nasa kanyang harapan.
“Wala akong pinapatay,” mabilis na tugon niya sa Attorney na nasa harap niya.
Suminghap ang lalaki sa kanyang harapan saka nito pinagsiklop ang mga palad at ipinatong ang magkabilang siko sa ibabaw ng mesa.
“Magtiwala ka sa akin. Mas mabuti kung sasabihin mo sa akin ang katotohanan para madepensahan kita. Bakit mo siya pinatay—”
Mabilis na napatayo si Kaiden mula sa kanyang kinauupuan, kasabay ng malakas at galit na paghampas niya sa ibabaw ng mesa, gamit ang mga kamay niyang kasulukuyang nakaposas. Dahilan upang matigilan ang Attorney sa pagtatanong nito sa kanya.
“Wala akong pinapatay,” mariin na tugon niya kay Attorney Juan Carlo habang nakatitig siya nang mabuti sa mga mata nito.
Sandaling napatitig din sa kanya ang Attorney at pagkuwan ay umangat ang isang sulok ng labi nito sa kanya. Isang ngisi ang ibinigay nito sa kanya na siyang parang tila insulto sa pagsasabi niya ng katotohanan.
“Alam mo, gusto talaga kitang tulungan. Pero kung ayaw mong tulungan ang sarili mo, wala akong magagawa,” tila mapang-asar na sabi nito sa kanya.
Unti-unti niyang naikuyom ang kanyang magkabilang palad habang nananatili siyang nakatitig sa lalaki. Maya-maya pa ay nilapitan na siya ng dalawang pulis saka hinawakan sa magkabila niyang braso at hinila palayo sa Attorney na ngayon ay nakangisi na sa kanya.
Ibinalik siya ng mga pulis sa kanyang selda saka siya inalisan ng posas. Nagngi-ngitngit naman sa inis ang kanyang loob dahil sa paulit-ulit na pagpaparatang sa kanya ng mga tao tungkol sa nangyari sa kanyang asawa. At hanggang ngayon ay parang isang masamang bangungot pa rin ang lahat sa kanya.
Labis na nagluluksa ang kanyang puso dahil sa balitang wala na ang kanyang pinakamamahal na asawa na si Faye. Ngunit ang sabihin pa ng mga tao na siya ang may kagagawan ng pagkamatay na ito ay sobra-sobra naman talaga. Kahit kailan ay hindi niya nagawang saktan ang babaeng minamahal niya. Kaya bakit naman niya magagawang kitilan ito ng buhay?
Alam niya sa kanyang sarili kung gaano niya kamahal si Faye. At wala siyang ibang minahal na babae kung ‘di ang namayapang asawa lamang.
Pauli-ulit na taimtim na hinihiling ni Kaiden na sana ay panaginip lamang ang lahat ng ito. Dahil sa patuloy na pag-iisip niya ay para bang masisiraan na talaga siya ng bait.
Ilang oras ang lumipas nang muli siyang makaramdam nang mga ingay at yabag papalapit sa kanya.
“Kaiden!” Agad naman siyang napalingon nang marinig ang isang pamilyar na tinig na iyon.
Mabilis na tumayo si Kaiden nang makita ang pinsan niyang si Roman na pawisan at tila hinihingal pa. Lumapit siya dito at napahawak ng mahigpit sa mga rehas na siyang pumapagitan ngayon sa kanila.
“Roman! Roman,” naiiyak na sambit niya. “Roman, ano bang nangyayari? Huh? Nasaan si Faye? Ano bang nangyari kay Faye? Huh?” sunod-sunod na tanong niya sa kanyang pinsan.
“Kaiden, iyon din ang gusto kong itanong sa iyo? Anong nangyari? Bakit nakakulong ka?” tanong na pabalik sa kanya ni Roman.
“Hindi ko alam, hindi ko talaga alam. Pilit nilang sinasabi na kasalanan ko daw ang lahat pero… Roman, hindi ko alam!” parang bata na pagsusumbong niya sa kanyang pinsan na si Roman.
Roman was close to his heart. Hindi lang basta pinsan ang tingin niya dito dahil parang kapatid na niya ito. Mula pagkabata ay kasa-kasama na niya ito at siyang lubos at tanging mapagkakatiwalaan niya sa lahat ng bagay. Kaya naman, nakaramdam siya ng kagaanan ng loob kahit na papaano, nang makita niya ito.
“Ano bang nangyari? Ano bang huling natatandaan mo?” tanong muli ni Roman sa kanya.
“Masaya at magkatabi kaming natulog ni Faye noong gabing iyon. Iyon lang ang natatandaan ko. Pagkatapos, nagising na lang ako na… na naliligo na siya sa sarili niyang dugo.” Tumulo ang kanyang mga luha habang isinasalaysay sa pinsan ang mga nangyari. “Ginising ko siya, Roman. Pilit ko siyang ginising pero… hindi naman siya gumising. Hinawakan ko ng mahigpit ang mga kamay niya pero… napakalamig na niya,” pagtutuloy niya pa. “Roman, bigla na lang akong hinuli ng mga pulis. At galing dito si Mommy,” pagtutukoy niya sa kanyang biyenan. “Galit na galit siya sa akin. Ang sabi niya, wala na daw si Faye at… ako daw ang pumatay kay Faye. Pero, Roman, alam mo naman kung gaano ko kamahal ang asawa ko. At alam mong hindi ko magagawa iyon—”
“Alam ko, Kaiden,” putol ni Roman sa kanya. “Alam kong hindi mo magagawa iyon at kailangang nating malaman kung sino ang tunay na may sala. Dapat niyang pagbayaran ang ginawa niya sa inyo ni Faye.” Hindi mapigilan ni Kaiden ang makaramdam ng pagkatuwa nang mga oras na iyon dahil sa wakas, may isang tao ang siyang naniniwala sa kanya. “Huwag kang mag-alala, hahanap ako ng magiging abogado mo at ilalabas kita dito.”
“Salamat. Salamat, Insan,” taos-pusong pasasalamat niya kay Roman, dahil hanggang sa huli ay alam niyang hindi siya pababayaan nito.