Naramdaman ni Kaiden ang isang masuyo at marahang paghaplos mula sa kanyang mukha. Napangiti siya dahil doon habang nananatiling nakapikit pa ang mga mata. Isang tao lamang ang mahilig na humaplos sa kanyang mukha, iyon ay ang kanyang asawa na si Faye. Kaya naman tuwang-tuwa siya na nararamdaman niya ang init at lambing ng mga haplos nito sa kanya.
Hanggang sa marahan siyang nagmulat ng kanyang mga mata. Agad na namilog ang mga mata niya nang makita ang maamo at ang nakangiting mukha ni Faye sa kanyang harapan.
“Good morning, Babe!” masayang bati pa nito sa kanya.
“B-Babe?” mangha at gulat na gulat na tanong niya. Bumangon siya at naupo mula sa pagkakahiga niya kaya naman bumangon din ang kanyang asawa sa kanyang tabi. Napalunok siya saka niya dahan-dahan na hinawakan ang asawa sa magkabilang braso nito habang mabuting pinagkakatitigan. “B-Babe… ikaw ba ‘yan?” paniniguradong tanong niya sa asawa.
Bahagya namang natawa ang babae sa kanya. “Oo naman, Babe. Ako ito. Bakit ganyan ang tanong mo?” tugon at ganting tanong sa kanya ni Faye.
Agad na naramdaman ni Kaiden ang pag-iinit ng magkabilang sulok ng kanyang mga mata. Umakyat ang emosyon sa kanyang dibdib habang mabuting pinagmamasdan ang kanyang asawa. Pinagkakatitigan niya ito na para bang kinakabisa niya ang mukha nito.
“Babe… Babe ikaw nga,” naluluhang sambit niya saka niya mahigpit na niyakap ang kanyang asawa, at doon na rin tuluyang kumawala ang mga luha mula sa kanya.
“Babe? Okay ka lang ba?” nagtatakang tanong na ni Faye sa kanya habang yakap-yakap niya ito.
Mas lalo niya pang pinagkahigpitan ang pagkakayakap niya sa kanyang asawa na para bang bagay ito na ayaw niyang mawala o maagaw sa kanya. Hindi talaga siya makapaniwala na magagawa niya pang yakapin ng ganito kahigpit ang babaeng kanyang pinakamamahal.
“Babe, miss na miss kita. Sobrang miss na miss kita,” umiiyak na sabi niya dito.
Naramdaman niya ang pagsinghap ni Faye saka siya nito niyakap pabalik. “Babe, natulog lang naman tayo kagabi eh. Nanaginip ka na naman ba? Anong panaginip mo?” marahan na tanong ni Faye sa kanya.
“Iniwan mo ako, Babe. Sa panaginip ko ay iniwan mo ako,” umiiyak pa rin siya at para siyang bata na nagsusumbong sa kanyang asawa. “Babe, please, mangako ka na hinding-hindi mo ako iiwan,” pakiusap niya pa rito.
Humiwalay sa kanya si Faye saka nito marahan na sinapo ang kanyang mukha. Pinahid ni Faye ang mga luhang tumakas mula sa kanyang mga mata, saka siya nito pinagkatitigan sa mga mata.
“Babe, kahit na anong mangyari ay hinding-hindi kita iiwan. Pangako iyan,” masuyong sambit ng kanyang asawa sa kanya saka siya nito marahan na muling niyakap.
“Thank you, Babe. Mahal na mahal kita,” sambit niya pa dito.
“I love you too, Babe,” tugon ni Faye sa kanya…
Ilang sandali ang lumipas nang tuluyan na siyang tumahan sa kanyang pag-iyak at nakaramdam na nag pagkalma ang kanyang puso.
Muli siyang humiga habang yakap-yakap pa rin ang asawa. Ayaw niyang maalis ito sa kanyang tabi. Tila ba na-miss niya ng sobra ito pati ang amoy nito. Nagpapasalamat siya na panaginip lamang ang lahat ng pangit at masamang nakita niya. Panaginip na siyang kahit kailan ay ayaw na niyang maranasan pa.
“Mr. Rexter Abello?”
Naalimpungatan si Kaiden nang may marinig siyang maliliit na tinig.
“Mr. Abello.”
Paulit-ulit iyon sa kanyang pandinig hanggang sa tuluyan na niyang iminulat ang kanyang mga mata. Isang pulis ang natanaw niya na nasa labas ng selda at nakatingin sa kanya. Dahil doon ay mabilis siyang napabangon at napakurap-kurap ng kanyang mga mata.
Nasaan siya?
“Nananaginip na naman ba ako?” mahinang pagkausap niya sa kanyang sarili habang unti-unting umaakyat ang kaba sa kanyang dibdib.
Binuksan ng pulis ang kanyang selda saka siya nito pinasok sa loob. Mabilis naman siyang umusad palayo at paatras dito.
“Huwag kang lalapit,” takot na pakiusap niya sa pulis.
“Hinihintay ka na ng abogado mo, malapit na ding mag-umpisa ang arraignment mo,” malamig na sabi nito sa kanya saka siya nito itinayo at binitbit palabas ng selda.
Sa huli ay wala na siyang nagawa lalo pa nang posasan siya at dalhin sa loob ng isang tahimik na silid. Natanaw niya doon ang lalaking nagpakilala sa kanya na Attorney noong nakaraan. Inakay siya ng pulis papalapit sa lalaki saka pinaupo sa upuan sa tapat nito, at pagkuwan ay umalis na ang pulis sa kanilang tabi.
Labis siyang naguguluhan at hindi makapaniwala. Para siyang mababaliw sa patuloy na pag-iisip. Hindi niya alam kung ano ang tunay na panaginip at kung ano ang totoo. Panaginip ba itong mga nangyayari ngayon sa kanya, o panaginip lamang na nakita at nakasama niya ang kanyang asawa na si Faye?
Dahil doon ay mariin siyang napasabunot sa kanyang buhok gamit ang dalawang kamay na pinagbubuklod ng mga posas.
“Kumusta ka?” paunang tanong sa kanya ng lalaki. “Nakapag-isip-isip ka na ba?” nakangising dagdag na tanong pa nito.
Natigilan siya at saka masamang tinapunan ng tingin ang nasa harapan. “Sino ka?” mariin niyang tanong dito.
Lalong lumawak ang pagngisi sa kanya ng kanyang nasa harapan saka siya sinagot. “Ako si Attorney Juan Carlo,” pagpapakilala nitong muli sa kanya. “At gaya ng sinabi ko sa iyo noon, ako ang magiging abogado mo—”
“Hindi ko kailangan ng abogado!” mariin na sabat niya dito. “Hindi ito totoo.”
Napatitig sa kanya sandali ang lalaki habang naroroon pa rin ang mga mapaglarong ngisi. “Then, what’s your truth? Sa tingin mo ba ay paniniwalaan ka nila sa kung ano man ang sasabihin mo, gayong mayroong malinaw na ebidensya sa krimeng ginawa mo?”
Umakyat ang matinding pagkainis sa dibdib ni Kaiden nang mga sandaling iyon. Unti-unti ding nag-igting ang kanyang mga panga dahil sa inis na nararamdaman. Lumapit siya sa lalaki saka siya nagsalita.
“Sino ka? Bakit niyo ito ginagawa sa akin?” maririin na tanong niya dito.
Pagak na tumawa ang lalaki sa kanyang harapan saka ito sumandal mula sa pagkakaupo. “Wala na tayong oras. Kaya ang mabuti pa ay gawin na natin ito—”
“Nasaan ang asawa ko?” putol na tanong ni Kaiden dito.
“Ano?”
“Nasaan ang asawa ko?” pag-ulit niya habang masama niya itong tinitingnan.
Muling pagak na tumawa ang Attorney sa kanyang harapan. “Baliw ka na ba? Bakit mo hinahanap sa akin ang asawa mo gayong… pinatay mo siya—”
Hindi na nagawang ituloy ng Attorney ang sinasabi nito dahil mabilis na hinampas ni Kaiden ang mesa na nasa pagitan nila. Saka mabilis din na kinuwelyuhan ni Kaiden ang lalaki.
“Hindi ko pinatay ang asawa ko. Buhay siya alam ko. Kaya sabihin mo sa akin kung nasaan siya. At kung bakit niyo ito ginagawa sa akin,” gigil na tanong ni Kaiden kay Attorney Juan Carlo.
Kaagad namang may mga lumapit na pulis sa kanila at hinawakan siya papalayo sa Attorney. Pilit siyang pumiglas sa mga pagkakahawak sa kanya, ngunit hindi siya nanalo. Hanggang sa pwersahan siyang naibalik paupo sa upuan ng mga pulis.
“Kung hindi ka aayos ay ibabalik ka na lang namin sa selda mo,” saway ng isang pulis sa kanya saka ito muling lumayo sa kanila.
Sa huli ay wala nang nagawa si Kaiden kung ‘di ang kontrolin na lamang ang emosyon sa lalaking nasa harapan niya. Alam niyang hindi narito ang lalaki upang tulungan siya. Ramdam niyang may kinalaman ito sa nangyayari ngayon sa kanya.
“Gusto mo bang makita ang asawa mo?” tanong ni Attorney Juan Carlo sa kanya, ganoon pa rin, may nakakalokong ngisi pa rin ang mga labi nito sa kanya.
“Sabihin mo kung nasaan siya, habang kaya ko pang pigilan ang sarili ko,” pagbabanta niya sa Attorney na nasa harapan niya.
“Sasabihin ko kung nasaan siya, pero sa isang kundisyon,” tugon nito sa kanya.
Muling nagtiim-bagang si Kaiden habang naninitig sa lalaking nasa harapan niya.
“Anong gusto mo?” mariin na tanong niya.
“Umamin ka sa akusasyon sa iyo,” tugon ng Attorney na siyang nagpakunot ng kanyang noo.
“Ano?”
“Sabihin mo mamaya na guilty ka… sa pagpatay sa asawa mo. Kapag ginawa mo iyon, sasabihin ko sa iyo kung nasaan siya,” seryosong pahayag ni Attorney Juan Carlo sa kanya. Na para bang sinasabi din ng mga tingin nito na iyon na lamang ang natitira niyang paraan para malaman ang tunay na kalagayan ng kanyang asawa.
Ilang sandali pa nang bigla nang may lumapit ulit na mga pulis sa kanya saka siya hinawakan sa magkabilang bisig niya.
Tumayo ang lalaki sa harapan niya saka siya nito binigyan ng isang ngiti. “See you on the court,” saad pa nito sa kanya saka ito tuluyang umalis sa kanyang harapan. Lihim naman niyang naikuyom ang kanyang mga kamao.
Pagkuwan ay inilabas na din siya ng mga pulis sa silid na iyon at dinala sa korte. Nakaramdam naman siya ng matinding panghihina habang binabagtas niya ang daan patungo sa kanyang pupwestuhan.
Lihim niyang paulit-ulit na kinukurot ang sarili sa pag-aakalang baka magising na siya ulit mula sa masalimuot na panaginip na ito. Ngunit nasasaktan lamang siya sa sarili niyang ginagawa at habang mas tumatagal ay mas lalo lamang nababasag ang pag-asa sa puso niya na panaginip lamang ang lahat ng ito.
Naupo siya sa kung saan siya sinabihan na maupo. Pagkatapos no’n ay parang naging lutang na siya at tila wala na siyang ibang maisip pa nang mga sandaling iyon. Hindi na niya nauunawaan ang mga nangyayari sa kapaligiran niya. Basta ang alam niya lang ay maraming mga mata ang mapanghusgang nakatingin ngayon sa kanya. Hanggang sa… naramdaman niya na may tumabi sa kanya. Nilingon niya iyon at nakita niya si Attorney Juan Carlo na siyang nakangiti sa kanya.
Dahil sa mga ngiti nito sa kanya ay agad na kumulo ang kanyang dugo. Pinaglalaruan siya nito. Alam nito kung nasaan ang asawa niya ngunit gusto nitong aminin niya ang bagay na hindi naman talaga niya ginawa. Gusto niya sanang sapakin ang lalaki sa tabi at pwersahing tanungin kung nasaan ang asawa niya. Ngunit labis-labis ang pagpipigil niya sa kanyang sarili.
“Kapag nagawa mo ang sinabi ko sa iyo, sisiguraduhin ko na malalaman mo kung nasaan ang asawa mo at hindi lang iyon, dahil mapapababa ang magiging hatol sa iyo. Maging praktikal na lamang tayo para maging madali ang lahat sa atin. Matibay ang ebidensya ng mga kalaban kaya huwag na tayong mag-aksaya pa na umapela,” dere-deretsyong sabi ng Attorney sa kanya. Ngunit nanatili siyang walang imik sa kabila ng mga sinabi nito sa kanya.
Sa totoo lang ay pinanghihinaan din talaga siya ng loob. Bumabalik sa kanyang isipan ang duguan na itsura ng kanyang asawa. At ang paulit-ulit na pagbibintang sa kanya ng mga tao na siya ang gumawa no’n sa kanyang asawa. Para bang ayaw na lang niyang huminga. Para bang napapagod na siyang magpatuloy pa sa buhay kung ganito na wala naman sa kanyang tabi ang babaeng kanyang pinakamamahal.
Wala siyang mahingian ng tulong at wala siyang mapagkuhanan ng lakas.
Ilang sandali pa nang makita niyang pumasok na ang isang judge at naupo sa unahan. May nagsalitang isang babae na nasa unahan din at lahat sila ay tumayo. May sinabi ito ngunit hindi na niya iyon naintindihan kung ano man iyon. Pagkatapos ng mahabang sinabi ng babae ay naupo na silang lahat.
“The court is now in session, called the case.” Narinig ni Kaiden na sabi ng judge.
Agad namang nagsalita ang babae na nasa unahan habang may tila binabasa ito. “For arraignment, we call on the case number 9805, People of the Philippines, versus, Rexter Abello, for the crime of Parricide, appearance for the prosecutor and defense counsel,” wika nito na siyang nagpakunot ng kanyang mga noo.
‘Sino si Rexter Abello?’ tanong niya sa kanyang sarili.
Tumayo ang tatlong lalaki mula sa kabilang hanay at isa-isang nagpakilala. Ngunit tila wala na siyang naiintindihan pa sa mga nangyayari.
“Is the accused around?” malakas na tanong ng Judge.
“Yes, your Honor. Please approach the bench,” tugon ng babae.
“Accused, do you have your lawyer or do you want the court to appoint a lawyer for you?”
Naramdaman ni Kaiden ang pagbalin ng mga tingin ng mga tao sa kanya. Na tila hinihintay siya ng mga ito na sumagot. Na siyang labis niyang ipinagtataka dahil hindi naman Rexter ang kanyang pangalan.
Akmang ibubuka na sana niya ang mga labi niya upang magsalita at sabihin na hindi siya si Rexter, pero mabilis na tumayo at nagsalita si Attorney Juan Carlo na nasa kanyang tabi.
“You Honor; I am Attorney Juan Carlo, appealing as the defense counsel of this case,” saad nito.
“Please be sited,” utos ng Judge kay Attorney Juan Carlo. “Arraigned the accused,” sabi pa nito na deretsyong nakatingin sa kanya.
“Please move forward, Rexter Abello,” sabi ng babae na deretsyong sa kanya din nakatingin.
Mangha siyang napailing habang nakaawang ang kanyang mga labi. Hindi siya si Rexter, kaya bakit iyon ang tinatawag sa kanya ng mga ito.
“Mr. Rexter Abello, please move forward,” bulong sa kanya ni Attorney Juan Carlo na nilingon niya din ng may labis na pagtataka.