Hindi kumilos si Kaiden at sa halip ay nanatiling napako ang mga tingin sa katabing lalaki niya. Nang bigla naman siyang hawakan ng dalawang pulis at pilit na dinala sa unahan.
“Rexter Abello, you were accused for Parricide, in violation of section 5: The penalty of death for parricide under Article 246 of the Revised Penal Code, as amended, is hereby amended to read as follows: Art. 246. Parricide. Any person who shall kill his father, mother, or child, whether legitimate of illegitimate, or any of his ascendants, or descendants, or his spouse, shall be guilty of parricide and shall be punished by the penalty of reclusion perpetua to death,” tuloy-tuloy na pagsasalita ng babae sa kanyang harapan habang may binabasa ito. Ngunit tila parang tumatagos lamang sa kanyang pandinig ang lahat ng sinasabi ng babae sa kanyang harapan. Nahihirapan siyang intindihin lahat at labis na naguguluhan. Wala siyang maunawaan sa lahat ng nangyayari ngayon sa kanya.
“That about 12 in the midnight of November 30, 2021. The said accused, did then and there, willfully, unlawfully, and feloniously, with malice and aforethought, attacked Floriane Danca with a knife, producing wounds which are necessarily fatal, thereby causing the immediate death of said victim, Florian Danca. Contrary to law,” dagdag pa ng babae.
Hirap na huminga si Kaiden matapos marinig ang mga sinabing iyon ng babae.
Sino si Floriane?
Wala naman siyang kilalang Floriane, kaya bakit sa kanya ibinibintang ang pagkamatay nito?
“S-Sandali… s-sino si Floriane?” naguguluhan niyang tanong. “At isa pa… hindi Rexter ang pangalan ko. Hindi ako si Rexter.”
Agad na nagkaroon ng mga maliliit na ingay ang kapaligiran dahil sa sinabi niya.
“Mr. Abello, we would like to know what is your plea?” marahan na tanong sa kanya ng babaeng nasa kanyang harapan.
Mariin siyang napailing dito. “Hindi ako si Abello. Hindi ako si Rexter Abello. At wala akong pinapatay na kahit na sino—”
“The accused pleaded not guilty, your Honor,” sabat ng babaeng nasa kanyang harapan, dahilan upang maputol siya sa kanyang mga sinasabi. Bumalin ang babae sa kanya saka ito muling nagsalita. “Accused, please be sited.”
At mabilis na siyang inakay ng mga pulis pabalik sa kanyang upuan, ngunit nagprotesta siya at muling nagsalita. “Hindi ako si Rexter Abello, Kaiden Abrego ang pangalan ko at hindi Rexter,” saad niya ngunit tila wala iyong naging epekto sa kahit na sino mang nakakarinig sa kanya.
Paulit-ulit na sinabi ni Kaiden na hindi siya si Rexter at wala siyang pinapatay na kahit na sino, ngunit tila naging bingi at sarado sa mga paliwanag niya ang mga taong naroroon nang mga oras na iyon. Na para bang walang kabuluhan ang kanyang mga sinasabi hanggang sa matapos na ang arraignment na iyon at ibinalik na siya sa kanyang selda.
Sa loob ng kanyang selda ay paulit-ulit pa rin si Kaiden sa pagsasabi na hindi siya si Rexter. Ngunit walang kahit na isang pulis ang pumansin sa kanya. Na para bang hindi siya naririnig ng mga ito kahit na anong paliwang at pagsasalita ang gawin niya.
Para na talaga siyang masisiraan ng bait. Bakit ganito ang nangyayari sa kanya gayong wala naman siyang natatandaan na ginawang kasalanan. Sigurado siyang wala siyang pinapatay na kahit na sino man. Kaya hindi niya matanggap na nandito siya sa ganitong sitwasyon ngayon.
Pagkatapos ng paulit-ulit niyang pagpapaliwanag at pagmamakaawa sa mga taong nasa paligid niya, ay pagod siyang napasandal sa pader at napaupo. Tinakasan siya ng mga luha kasabay ng pagpikit niya ng marahan sa pagod niyang mga mata.
Labis na nanghihina ang kanyang puso dahil kahit ni isa ay wala man lang na naniniwala sa kanya. Wala siyang pamilya na nagpupunta sa kanya. Hindi na rin kasi bumalik pa ang pinsan niyang si Roman noong huli itong bumisita sa kanya. Kaya naman wala na rin siyang balita dito.
Bukod doon ay iniisip din niya ang kanyang ina na ang huli niyang nabalitaan ay isinugod daw sa hospital. Nag-aalala siya para dito pero wala siyang magawa kung ‘di ang mag-isip na lang nang mag-isip. Wala na siyang nakikitang pag-asa pa sa kanyang kalagayan ngayon.
“Diyos ko, bakit ganito ang nangyayari sa akin?” tanong ng isip niya.
***
“SINABI ko na sa iyo, masaya kaming natulog ng magkatabi nang gabing iyon. Iyon ang pinakahuli kong natatandaan.” Paulit-ulit na ipinapaliwanag at sinasabi ni Kaiden kay Attorney Juan Carlo ang lahat ng katotohanan at ang huli niyang natatandaan bago siya hulihin ng mga pulis.
Ngunit tila wala lang din naman iyong kwenta dahil hindi iyon tinatanggap ng Attorney. Ilang araw na ang lumipas at napapalapit na ulit ang hearing niya. Kaya naman heto at kinakausap siya ng kanyang abogado para sa pagsabak nila sa trial.
“Mayroon silang matibay na ebidensya laban sa iyo. May nakuha silang mga finger prints mo sa kutsilyong natagpuan din sa bahay niyo. Ano iyon? Natulog kayong mag-asawa at pagkatapos ay bigla mo siyang inatake? Pero hindi mo iyon natatandaan?” tanong ni Attorney Juan Carlo sa kanya.
“Faye Nasti ang pangalang ng asawa ko at hindi Floriane Danca,” mariin na sabi niya.
“Mr. Abello—”
“At hindi ako si Rexter Abello. Kaiden Abrego ang pangalan ko,” putol niya agad kay Attorney Juan Carlo.
“Do you know the Rebrica Case?” pagkuwan ay tanong ng kanyang Attorney sa kanya. Nanatili lang naman siyang tahimik at nakamasid lamang sa kanyang harapan. “Si Rebeca Rebrica, pinatay niya ang kanyang asawa at dalawang anak. At noong nahuli siya ng mga pulis, paulit-ulit niyang sinasabi na hindi siya si Rebeca. Na Rubi ang pangalan niya.”
“And what does it have to do with me?” tanong niya dito.
“It’s just her way out sa krimen na kinasasangkutan niya. Pero sa huli ay nahatulan pa rin siya ng guilty at umamin sa lahat,” prenteng sabi ng Attorney sa kanyang harapan. “At ikaw? Nakikita kong ganoon din sa iyo. Pero ako na ang nagsasabi sa iyo, Rexter. Huwag ka nang lumaban. Mas mapapadali para sa iyo at para sa akin kung… aaminin mo na lang ang lahat sa korte,” dagdag pa nito sa kanya.