“At bakit ko naman gagawin iyon? Bakit ko aaminin ang bagay na hindi ko naman ginawa?” mariin na sunod-sunod na tanong ni Kaiden kay Attorney Juan Carlo.
“Bakit? Sa tingin mo ba kahit ang isang tulad ko ay ipagtatanggol ka sa karumal-dumal na iyong ginawa?” seryosong tanong sa kanya ni Attorney Juan Carlo. “Napakatibay ng mga ebidensyang hawak nila laban sa iyo. Alam kong trabaho ko ang magtanggol sa mga naaakusahan pero kung alam ko naman na may kasalanan talaga ang kliyente ko, bakit ako magsisinungaling sa korte para lang maligtas ang mga demonyong tulad niyo?” dagdag pa ng Attorney sa kanya. Nakita niya ang pagkadismaya at ang galit sa mga mata nito.
Ngayon, nauunawaan na niya. Hindi siya nais paglaruan lamang ni Attorney Juan Carlo. Kung ‘di, naniniwala talaga ito una pa lang na siya talaga ang pumatay kay Floriane. Kaya siya nito pilit na pinaaamin na lamang dahil wala din naman itong balak na tulungan siya upang makaalis sa lugar na ito.
Nag-igting ang mga panga ni Kaiden habang nakatitig ng deretsyo sa mga mata ni Attorney Juan Carlo.
“Anong klaseng abogado ka, kung palagi ka na lang maniniwala sa ebidensyang sinasabi mo na hawak ng mga kalaban?” matapang na tanong niya dito.
“Ano?”
“Ni minsan ba ay sinubukan mong alamin ang katotohanan sa likod ng mga ebidensyang iyon?”
Tumaas ang kilay ni Attorney Juan Carlo dahil sa tinanong na iyon ni Kaiden.
“Sinasabi mo ba na pwedeng gawa-gawa lang nila iyon?” natatawang tanong ni Attorney Juan Carlo kay Kaiden.
“Oo,” deretsyong tugon ni Kaiden sa Attorney.
“At sino naman ang gagawa no’n—”
“Bakit hindi mo iyan alamin?” putol na tanong ni Kaiden sa Attorney. “Kung talagang galit ka sa mga sinasabi mong mamamatay tao na gaya ko, sana… ‘yong mga totoong demonyo ang naipapakulong ninyo.”
Dahil doon ay natahimik at natigilan ang Attorney sa kanyang harapan. Anong klase bang abogado ang isang tulad nito na takot alamin ang katotohanan. At basta mapakitaan lang ng ebidensya ay tumitiklop na?
Maya-maya pa ay nilapitan na sila ng mga pulis. Tumayo si Kaiden habang nananatili pa ring nakikipag-usap ang kanyang mga titig kay Attorney Juan Carlo. At si Attorney Juan Carlo naman ay tila napaisip ng malalim dahil sa mga sinabi ni Kaiden sa kanya.
Dinala si Kaiden ng mga pulis sa loob ng court room at pinaupo sa dati nitong inuupuan sa tuwing may hearing sila. Agad naman niyang nakita doon ang pamilya ng kanyang asawa. Ang parents ni Faye at ang mga kapatid nito.
Sunod-sunod siyang napalunok. Gusto niyang lapitan ang pamilya ng asawa ngunit labis pa rin talaga siyang naguguluhan dahil iba ang pangalan na itinatawag ng mga ito sa kanyang asawa at maging sa kanya.
Kailan pa naging Floriane ang pangalan ng asawa niyang si Faye? At kailan pa naging Rexter ang pangalan niya?
Noong una pa lang, alam na niyang may mali sa mga nangyayari. Na para bang na-trap siya sa isang mundo na hindi naman totoo. Mundo na tila isang malaking bangungot para sa kanya.
Ilang sandali lang ay dumating at tumabi na sa kanya si Attorney Juan Carlo na walang kaimik-imik. At maya-maya lang ay natanaw niya sa bandang dulo ang kadarating lamang na pinsan niyang si Roman. Nagsalubong ang kanilang mga tingin at nakita niya ang labis na pangamba sa mga mata nito. Ngayon na lamang niya ulit ito nakita makalipas ang ilang araw.
Gusto niya sana itong lapitan ngunit hindi niya magawa dahil na rin sa mga pulis na nakabantay sa kanya.
Maya-maya lang ay nagsimula na nga ang trial court hearing. “The court is now in session, called the case.” Tinig ng Judge.
Agad namang muling nagsalita ang babae na nasa unahan. “For the trial, we call on the case number 9805, People of the Philippines, versus, Rexter Abello, for the crime of Parricide.”
“Is the prosecution ready?” tanong ng Judge na agad namang sinagot ng prosecutor. “Is the defense ready?” muli nitong tanong na sinagot naman ni Attorney Juan Carlo.
“Yes, your honor.”
“We will now hear of the statement of the prosecution,” sabing muli ng Judge saka tumayo ang prosecutor na nasa kabilang hanay.
“Thank you, your honor,” wika ng prosecutor saka ito bahagyang bumalin sa kanya. “Ang akusadong si Rexter Abello, ay nagkaroon ng pakikipagtalo sa kanyang asawa, na si Floriane Danca, noong Nobyembre bente-nuwebe, taong dalawang libo’t dalawampu’t isa. Bandang alas dyis ng gabi sa kanilang tahanan dahil sa ‘di umaano ay pagseselos at paghihinala nito na may ibang lalaki ang kanyang asawa.”
Mariing napabuga ng hangin sa kawalan si Kaiden. Kahit kailan ay hindi nila napag-awayan ni Faye ang mga ganoong bagay. May tiwala sila sa isa’t isa at never niyang pinagselosan sa iba ang asawa dahil alam niyang siya lamang ang mahal nito. Pero ano itong sinasabi ngayon ng prosecutor na ito? Na inaway niya ang asawa niya dahil sa selos?
“Dahil doon ay pinagbuhatan niya ng kamay ang biktima at pinilit na may mangyari sa kanila kahit na ilang beses na tumanggi ang biktima dahil nga sa pisikal na p*******t niya dito. Hanggang sa tumawag ang biktima sa kaibigan nila upang humingi ng tulong, na siyang lalong ikinagalit ng akusado, dahil doon ay muli niyang pinagbuhatan ng kamay ang biktima at nang lumaban na ang biktima ay doon na niya ito inundahan ng saksak hanggang sa mamatay,” salaysay pa ng prosecutor na siyang unti-unting nagpakuyom sa kanyang mga kamao.
Napasinghap siya habang nananatiling nakikinig sa mga akusasyon laban sa kanya. Gusto niyang sumabat at sabihin sa lahat na puro kasinungalingan lamang ang lahat ng paratang laban sa kanya. Pero alam niyang wala lang din na mangyayari sa kanya at hindi siya pakikinggan ng mga ito.
“We will prove that the accused is guilty. The reason we ask you, your honor, the credibility,” pahabol na sabi pa ng prosecutor habang nakatingin na ito sa kanya.
“The defense would like to give an open statement, or you would like to be fair until the prosecution rise his case?” tanong ng Judge kay Attorney Juan Carlo.
Tumindig ang Attorney sa tabi niya saka ito nagsalita. “We like to be fair until the prosecution rise his case, your honor,” wika nito saka tahimik na muling naupo sa kanyang tabi.
Alam naman niyang wala ding plano na tulungan siya ng abogadong nasa kanyang tabi. At nakikita na niya ang kahahantungan niya pagkatapos ng araw na ito.
“Thank you. For the prosecution, you may now call on your first witness,” sabi ng Judge saka naman tumayo ang prosecutor at tinawag nga ang unang witness.
“I would like to call on Jona Ampu as our first witness,” wika ng prosecutor.
Namilog ang mga mata ni Kaiden nang makita ang babaeng tumayo at naglakad patungo sa harapan. Kilala niya ang babae. Ito si Anna na kapitbahay nila at siyang malapit sa asawa niyang si Faye. Ngunit bakit Jona ang pangalan nito? Kailan pa ito nagpalit ng pangalan?
Pinagkatitigan niya ang babae sa mga mata ngunit kapansin-pansin naman na hindi ito makatingin sa kanya ng deretsyo. At nababasa niya sa mukha nito ang labis na pagkabalisa.
“Can you please raise your hand?” tanong ng babaeng nasa harapan sa witness saka nito mabagal na itinaas ang kanang kamay at ipinatong ang kaliwang kamay sa librong hawa-hawak ng babae. “Do you swear to tell the whole truth and nothing but the truth, Ms. Jona Ampu?”
Nakita niya ang paglunok nito saka marahan na bumalin ng tingin sa kanya. Hindi niya maunawaan kung para saan ang takot na ipinapakita ngayon nito.
“Y-Yes, I will,” marahan na tugon ni Jona Ampu at sa huli ay tuluyan nang nag-iwas ng tingin kay Kaiden. Pagkatapos manumpa ay naupo na ito doon.
“May I proceed, your honor?” tanong ng prosecutor sa Judge.
“Proceed,” simpleng tugon naman ng Judge saka nagpasalamat ang prosecutor at naglakad na palapit sa babaeng witness.
“Please introduce yourself, Ms. Witness,” wika ng prosecutor.
“A-Ako si Jona Ampu. Kapitbahay at malapit na kaibigan ni Floriane,” marahang tugon naman ni Jona.
“Noong Nobyembre bente-nuwebe, taong dalawang libo’t dalawampu’t isa. Bandang alas dyis ng gabi. Nasaan ka?” tanong ng prosecutor kay Jona.
“Kauuwi ko lang ng bahay no’n at kasabay kong umuwi no’n si Floriane,” marahan na tugon naman ni Jona.
“Maaari mo bang ilahad sa amin ang buong pangyayari nang gabing iyon?” muling tanong ng prosecutor sa witness.
Hirap na lumunok si Jona saka ito nagsalita. “N-Nakita kong… galit na naghihintay si Rexter kay Floriane sa tapat ng kanilang bahay. N-Narinig ko pa nang bahagya ang pagtatalo nila no’n.”
“Maaari mo bang sabihin sa amin kung ano ang narinig mo noon?” tanong ng prosecutor.
Gulong-gulo na si Kaiden sa mga sinasabi ng witness sa harapan. Wala siyang natatandaan sa mga sinasabi nito na ganoong ginawa niya.
“T-Tinanong ni Rexter si Floriane kung… kung kasama ba ni Floriane ang lalaki niya. Pero, ako ang kasama ni Floriane no’n. Kaya nagalit si Floriane dahil sa pagbibintang at kung ano-anong sinasabi ni Rexter sa kanya. Hanggang sa pumasok na sila nang tuluyan sa loob ng kanilang bahay,” pahayag pa nito. Pahayag na walang katotohanan para sa kanya.
“Maaari mo bang ituro sa amin ngayon, kung sino ang lalaking naghintay nang gabing iyon sa tapat ng bahay ni Ms. Floriane Danca, at ang nakatalo nito?” tanong muli ng prosecutor sa witness.
Marahan naman na bumalin ng tingin ang witness sa kanya at tumayo. Saka siya nito itinuto. “Siya,” turo ng witness sa kanya. “S-Si Rexter Abello.”
“That’s all, your honor,” wika ng prosecutor saka ito umupo na sa dati nitong pwesto. Naupo na rin naman ang witness na nasa unahan.
“The defense would like to cross?” tanong ng Judge kay Attorney Juan Carlo.
“Yes, your honor,” tugon ng abogado sa kanyang tabi kasabay ng pagtayo nito. “May I proceed, your honor?”
“Proceed.”
“Thank you, your honor.” Naglakad patungo sa unahan si Attorney Juan Carlo saka ito tumapat sa witness.
“Ms. Witness, gabi na nang makarating kayo sa inyong lugar, tama po ba?” tanong ni Attorney Juan Carlo sa witness.
“Opo,” deretsyong tugon naman nito.
“At sigurado ka na nakita mo si Rexter Abello na naghihintay sa tapat ng kanilang bahay para sa kanyang asawa na si Floriane?”
“Opo.”
“Pero gaano ka kasigurado sa sinasabi mong galit itong naghihintay? Nakita mo ba nang malapitan ang galit niyang mukha nang mga sandaling iyon? Hindi ba at natural lang naman sa asawang lalaki na hintayin ang asawa niyang babae sa kanilang bahay kung wala pa ito?” tanong muli ni Attorney Juan Carlo sa witness.
“Objection, your honor! He’s leading the witness,” apela ng prosecutor.
“Objection overruled. Witness, please answer,” saad ng Judge at sa huli ay bumalik na lamang sa pagkakaupo ang prosecutor.
Hirap na napalunok ang witness saka nito marahan na ibinuka ang mga bibig upang magsalita. “Narinig ko kasi ang pagtatalo nila kaya… n-naisip kong… mainit na talaga ang ulo ni Rexter, noong naghihintay siya kay Floriane.”
“Pero hindi ka naman sigurado kung sino ang naunang makipagtalo sa kanila? Tama ba? Pwede naman kasing si Floriane naman pala since hindi mo naman napakinggan ng buo ang usapan nila.” pahabol na tanong ni Attorney Juan Carlo sa witness.
“Objection you honor. He’s leading again the witness!” apela muli ng prosecutor.
“Objection overruled. Witness, please answer,” wika ng Judge.
Sunod-sunod na napalunok ang witness at tila hindi na nito alam kung saan pa babalin ng tingin. “T-Tama. H-Hindi nga po ako sigurado kung sino ang… naunang makipagtalo sa kanila.”
“That’s all, your honor,” wika ni Attorney Juan Carlo sa judge.
“Thank you,” tugon ng judge saka bumalik si Attorney Juan Carlo sa tabi niya. “The prosecution would like to redirect?”
“No, your honor,” tugon ng prosecutor.
“Ms. Witness, you can now go back to your seat.” Tumayo ang witness na tila balisa pa rin saka ito bumalik sa upuan nito sa kabilang hanay. “Does the prosecution have any more witnesses to be send?”
“Yes your honor,” tugon ng prosecutor.” The prosecution would like to call on… Axel Saysay. The witness stands.”
Tumayo ang tinawag na sumunod na witness at ganoon na lamang ang labis na pagkagulat ni Kaiden nang makita niyang naglalakad patungo sa unahan… ang kanyang pinakamatalik na kaibigan na si Moiser Cabello.
Walang emosyon ang mga mata nito na tinapunan siya ng tingin. At isang bagay ang napagtanto ni Kaiden nang mga sandaling iyon. May kung anong kakaiba sa kaibigan niyang si Moiser. Parang… hindi ito ang matalik niyang kaibigan.