Kabanata 8

2053 Words
“Mr. Witness, please introduce yourself.” Sinalubong ni Kaiden ang malalamig na tingin ng kanyang matalik na kaibigan na si Moiser. Habang tumatagal ay mas lalo siyang nacu-curious sa mga bagay na nangyayari ngayon sa kanya. “Ako si Axel Saysay, malapit na kaibigan ni Rexter Abello,” pagpapakilala ng kaibigan niyang si Moiser. Na ngayon naman ay Axel ang pangalan. “Noong Nobyembre bente-nuwebe, taong dalawang libo’t dalawampu’t isa. Bandang alas dyis ng gabi. Nasaan ka?” Nagsimula nang magtanong ang prosecutor dito ngunit nananatiling nakatuon ang mga tingin nila sa isa’t isa. “Nasa bahay ako nang mga oras na iyon,” tugon ni Axel sa prosecutor. “Pero pagkalipas ng isang oras ay may natanggap akong tawag mula kay Floriane,” pahayag pa nito habang patuloy lamang na may malalamig na tingin sa kanya. Na para bang sinasabi nito na siya talaga ang may kasalanan ng lahat. Na para bang paulit-ulit siyang sinisisi ng bawat paninitig nito sa kanya. “Maaari mo bang ilahad sa amin ang mga sumunod na pangyayari, matapos mong matanggap ang tawag na iyon?” tanong ng prosecutor sa lalaking nasa harapan na kamukhang-kamukha ng kaibigan niyang si Moiser. Humigit ng malalim na paghinga si Axel saka ito nagsimulang magsalita. “Tumawag sa akin si Floriane nang gabing iyon at… humihingi siya ng tulong. Humihingi siya ng tulong dahil kasulukuyan daw siyang pinagbubuhatan ng kamay ng kanyang asawa at ng aking kaibigan na si Rexter,” pahayag ni Axel na hindi man lamang nag-iiwas ng tingin sa kanya. Na para bang siguradong-sigurado ito sa bawat salitang inilahahad nito ngayon sa kanilang harapan. “Ituloy mo, Mr. Witness,” wika ng prosecutor. “Kaya nagmadali ako nang oras na iyon na pumunta sa kanila. Ilang beses na din kasing nasabi sa akin noon ni Floriane na lagi siyang pinaghihinalaan ng kanyang asawa kahit na, kakakasal lang naman nila. Na nagagawa na siya nitong pagbuhatan ng kamay.” Unti-unting naikuyom ni Kaiden ang kanyang mga kamao habang nakikipaglabanan siya ng titigan sa lalaking nasa harapan na siyang naglalahad ng mga kasinungalingan laban sa kanya. “At makalipas ang ilang minuto, pagkadating ko sa kanila, nagulat ako nang makitang pinipilit ni Rexter ang kanyang asawa na si Floriane na may mangyari sa kanila. Nakita at narinig ko ang pagmamakaawa, pag-iyak at pagtanggi ni Floriane sa kagustuhan ni Rexter. Kaya naman kumuha agad ako ng base at inihampas ko iyon kay Rexter. Itatakas ko sana si Floriane noong mapatumba ko si Rexter, pero nagulat na lang ako nang mabilis na nakakuha ng kutsilyo si Rexter saka niya ako hinabol ng saksak. Nang umiwas ako ay mabilis niyang nahila pabalik sa kanya si Floriane, at doon na niya ito… inundahan ng saksak.” Napabuga ng malalim na paghinga si Kaiden matapos marinig ang lahat ng sinabi ni Rexter. Unti-unti siyang nakaramdam ng paninikip ng dibdib. Hindi niya maunawaan. Hindi niya matanggap. Dahil alam naman niyang kahit ano pa ang sabihin ng iba ay hinding-hindi niya magagawa ang bagay na iyon sa kanyang asawa. “Nang makita kong duguan at nawalan na ng malay si Floriane, mabilis na akong tumakbo palabas ng bahay nila upang humingi ng tulong. Dahil alam kong wala ding plano si Rexter na buhayin pa ako pagkatapos ng mga nasaksihan ko,” pagtutuloy pa ni Rexter sa kanyang testimonya sa harapan ng korte. “Maaari mo bang ituro sa amin ngayon, kung sino ang tao na nakita mong sumaksak sa biktimang si Floriane Danca?” tanong ng prosecutor kay Axel. At walang pagdadalawang isip na itinuro ni Axel si Kaiden. “Siya… si Rexter Abello. Siya ang pumatay kay Floriane Danca,” deretsyo at tila siguradong-sigurado na sabi nito. Umingay ang buong kapaligiran dahil sa maliliit na bulungan ng mga taong naroroon. Lahat sila ay may mga mapanghusgang paninitig kay Kaiden. Bagay na siyang labis na dumudurog sa puso ni Kaiden. At hanggang ngayon ay paulit-ulit pa rin siyang nagtatanong. Bakit nangyayari sa kanya ang mga bagay na ito? “Your honor, naririto po ang ilan sa mga patunay, na kung saan ay natagpuan ang mga fingerprints ni Rexter Abello sa kutsilyong na-recover ng mga pulisya sa crime scene. Na siyang itinuturing na ginamit ng akusado sa pagpatay sa biktima,” saad ng prosecutor saka ito may ibinigay na mga papel sa judge. Isa-isa iyong tiningnan ng judge at may kung ano-ano pang mga ebidensya na inihain ang prosecutor sa judge nang mga sandaling iyon. Hindi na malaman at maintindihan pa ni Kaiden ang mga nangyayari sa kanyang kapaligiran nang mga oras na iyon. Dahil masyado na siyang naokupado ng mga kung ano-anong kaisipan dahil sa mga pagdidiin sa kanya sa mga bagay na hindi naman niya ginawa. Dahil sa paulit-ulit na pag-aakusa sa kanya na siya ang pumatay kay Floriane. “Rexter Abello.” Nag-angat ng tingin si Kaiden nang marinig niya ang paulit-ulit na pagtawag sa pangalan na hindi naman niya pagmamay-ari. Wala na sa unahan ang tumestigong si Axel. Hindi na niya napansin ang mga sumunod pang nangyari sa loob ng ilang minuto dahil sa kanyang pag-iisip. “Rexter Abello, please come forward,” wika ng judge saka naman siya mabilis na inalalayan ng mga pulis patungo sa unahan. Ngayon ay nakaharap siya sa harapan ng mga taong hinuhusgahan siya. Nakita niya ang pamilya ng kanyang asawa na siyang may masasamang tingin at galit sa kanya. Nakita din niya ang pinsan niyang si Roman sa dulo na tila walang magawa kung ‘di ang panoorin lamang siya mula sa malayo. “Can you please raise your right hand?” tanong ng babae sa kanya. Marahan naman niyang itinaas ang kanang kamay gaya ng gusto ng babae. “Do you swear to tell the whole truth and nothing but the truth, Mr. Rexter Abello?” tanong muli ng babae sa kanya. Gusto sana niyang sabihin na hindi Rexter Abello ang pangalan niya, pero sa huli ay naisip niya na para saan pa? Gayong hindi rin naman siya paniniwalaan ng mga taong naroroon dahil para sa mga ito, siya si Rexter. Ang asawa ni Floriane. “I will,” marahan na tugon na lamang niya at pagkatapos ay walang emosyon niyang ibinaba ang kanang kamay at naupo. Tumayo si Attorney Juan Carlo mula sa kinauupuan nito saka nagtanong. “May I proceed, your honor?” “Proceed,” tugon ng Judge saka nagsimulang humakbang si Attorney Juan Carlo papalapit sa kanya. “Rexter Abello, Nasaan ka noong Nobyembre bente-nuwebe, taong dalawang libo’t dalawampu’t isa. Bandang alas dyis ng gabi?” tanong ni Attorney Juan Carlo sa kanya. “Nasa bahay,” deretsyong tugon niya na siyang lumikha ng maliliit na ingay sa kanilang kapaligiran. Tila ba sinasabi ng mga tao na tama ang sinasabi nang unang witness na si Jona Ampu. Nasa bahay naman talaga siya nang mga oras na iyon at totoong hinihintay niya sa pag-uwi ang asawang si Faye. Natatandaan niya pa nang masaya niya itong sinalubong at ipinaghanda ng makakain dahil sa pagod nito mula sa pagtatrabaho. Salungat sa mga sinasabi nila na nangyari noong gabing iyon. “Maaari mo bang ilahad sa amin ang buong pangyayari nang gabing iyon?” tanong muli ni Attorney Juan Carlo sa kanya. Ito na ang pagkakataon niya para sabihin sa lahat ang tunay na nangyari. Ito na ang pagkakataon niya para mapakinggan siya ng lahat. “Nagsabi sa akin ang asawa ko na gagabihin siya ng uwi, sinabi niya din sa akin noon na huwag ko na siyang sunduin kaya hinintay ko siya nang araw na iyon. Noong dumating siya, masaya ko siyang sinalubong tulad ng palagi kong ginagawa. Sabay din kaming kumain ng hapunan no’n at pagkatapos ay sabay na nagpahinga—” Ngunit hindi na nagawang ituloy pa ni Kaiden ang kanyang mga sinasabi dahil biglang sumabat sa kanya ang kanyang biyenan. “Sinungaling! Aminin mo na lang na pinatay mo ang anak ko!” galit na sigaw nito na siyang inawat naman kaagad ng mga taong nasa tabi nito. “Silence, please,” saad ng Judge kasabay ng pagpalo nito sa hawak nitong gavel. Napalunok si Kaiden saka ito napahigit ng malalim na paghinga. “Hindi ko pinatay ang asawa ko. Hindi ko magagawa ang bagay na iyon. Hindi ako ang pumatay sa kanya,” sunod-sunod na wika niya, tila mabuti niyang kinukumbinsi ang lahat ng taong naroroon sa paligid niya. Ngunit ang lahat ay patuloy lamang siyang pinupukulan ng mapanghusgang mga tingin. Na sa pamamagitan ng mga tingin na iyon ay nabatid na niyang walang sino man ang maniniwala pa sa kanyang sinasabi. Dahil sa mga testimonya ng mga tumestigo na tumugma din naman sa pag-iimbestiga ng mga pulis. At dahil na rin sa mga nakuhang fingerprints niya sa kutsilyong kumitil sa buhay ng biktimang si Floriane. Pagkatapos siyang tanungin ni Attorney Juan Carlo ay ang prosecutor naman sa kabila ang siyang nagbigay ng kung ano-anong katanungan sa kanya. At ang lahat ng iyon ay sinasagot niya lamang ng pawang mga katotohanan at kanyang natatandaan. Kahit na batid niyang wala namang naniniwala sa kanya sa lugar na iyon. At wala siyang nakikitang kakampi kung ‘di ang tanging sarili niya lamang. Pagkatapos ng trial na iyon ay ibinalik na si Kaiden sa loob ng kanyang selda. At habang naglalakad siya palabas ng korte ay naririnig niya ang paulit-ulit na panghuhusga at panunuya sa kanya ng mga taong nasa paligid niya. “Wala ka talagang planong aminin ang lahat?” tanong sa kanya ni Attorney Juan Carlo nang makabalik siya sa kanyang selda. Nag-angat siya ng tingin dito saka deretsyong nagsalita. “Wala akong pinapatay na kahit na sino. ‘Yong mga sinabi ko kanina, iyon ang katotohanan,” tugon niya sa abogado. Humigit ng malalim na paghinga si Attorney Juan Carlo saka ito wala nang imik na tumalikod sa kanya at umalis. Hindi na niya alam kung ano na ang pwedeng mangyari sa kanya ngayon. Ngayon na may mga ebidensyang isiniwalat ang pamilya ng biktima laban sa kanya. At kahit na ilang araw na ang nakalilipas mula nang siya ay makulong, umaasa pa rin siya na darating ang isang araw na magigising siya sa bangungot na ito. Na muli niyang masisilayan ang kanyang asawa at muli siyang makababalik sa kanyang dating buhay. Sa kanyang dating buhay na kung saan ay maraming mga tao ang nagmamahal at naniniwala sa kanya. Sa kanyang dating buhay na kung saan ay buhay na buhay ang kanyang asawa. Agad na nag-init ang magkabilang sulok ng mga mata ni Kaiden, senyales sa emosyong gusto niyang ilabas. Nami-miss na niya ang kanyang asawa. At kahit anong sabihin sa kanya ng mga tao ay naniniwala siyang buhay ang asawa niya. Na panaginip lang ang lahat ng ito. Na hindi ito totoo. Dahil nararamdaman niya sa puso niya na buhay ang asawa niya at hinihintay lamang siya na makabalik. Bukod sa asawa niyang si Faye ay nami-miss na rin niya ang kanyang ina. Mula nang makulong siya ay hindi na niya ito nakita pa. Wala na din siyang naging balita pa dito bukod sa na-hospital ito nang araw na hulihin siya ng mga pulis. Labis-labis siguro ang pag-aalala ng kanyang ina sa kanya. At ang masakit doon ay hindi niya alam kung may nag-aalaga ba ngayon sa kanyang ina. O baka gaya niya ay mag-isa lang din ito sa kalungkutan. Pinahid ni Kaiden ang mga luha niyang tumakas na mula sa kanya. Wala siyang kailangang gawin ngayon kung ‘di ang magpakatatag. Dahil naniniwala siyang darating ang araw na malalampasan niya ang lahat ng ito. Na magigising din siya sa bangungot na mayroon siya ngayon. “Kaiden!” Agad siyang nag-angat ng tingin nang makarinig siya ng tinig na tumatawag sa kanya. Namilog ang mga mata niya nang makita niya ang pinsan na si Roman sa labas ng selda at nakadungaw sa kanya. Mabilis siyang tumayo at lumapit. “Roman…” “Kaiden,” balisang sambit ng pinsan niya sa kanyang pangalan. “Kaiden, ano bang nangyayari?” “A-Ano? Teka, bakit ngayon ka lang ba bumalik? Ilang araw kitang hinintay, Roman—” “Kaiden, may mali. May hindi tama,” putol nito sa kanya. “Ano?” bahagya siyang natigilan dahil sa ipinapakitang pagkabalisa ni Roman sa kanya. “Kaiden… sa tingin ko… nasa ibang mundo tayo,” pahayag pa nito na siyang tuluyang nagpaawang ng kanyang mga labi.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD