“A-Ano bang sinasabi mo, Roman?” nag-aalinlangan na tanong ni Kaiden sa pinsan habang nananatili itong balisa.
“Kaiden—”
“Hoy ikaw!” Natigilan sa pagsasalita ang pinsan niyang si Roman nang may isang pulis ang lumapit sa kanila. “Tapos na ang oras ng dalaw. Bumalik ka na lang ulit bukas,” sita ng pulis.
“May importante lang akong sinasabi sa kanya—”
“Wala akong pakialam sa sinasabi mo sa kanya. Ang sinasabi ko tapos na ang oras ng dalaw sa mga preso,” putol muli ng masungit na pulis sa kanyang pinsan na si Roman.
Nakita niya ang pagbabago sa mukha ng pinsan niyang si Roman. Kumunot ang noo nito at tila may pagka-inis na tumingin ito sa pulis ngayon.
“Hindi siya preso. Hindi pa naman napapatunayan ang ibinibintang sa kanya,” sagot ni Roman sa pulis.
Ngumisi ang pulis at bahagya pa itong pumalatak. “Doon din naman papunta iyon. Pagkatapos ng promulgation, mahahatulan na yan ng habang buhay na pagkabilanggo,” mayabang na panghuhusga ng pulis kay Kaiden.
Binalewala na lamang iyon ni Kaiden ngunit salungat iyon sa pinsan niyang si Roman. Nakikita niya ang pagdaan ng galit sa mga mata nito kaya naman agad na siyang nagsalita. Ayaw niyang malagay pa sa gulo ang pinsan nang dahil lamang sa kanya. Lalo pa at isa din itong pulis.
“Roman, sige na. Bumalik ka na lang bukas,” wika ni Kaiden sa pinsan.
Ipinabatid ni Kaiden sa pinsan sa pamamagitan ng mga tingin niya na huwag nang patulan pa ang pulis na nasa harapan nila. Nakuha naman iyon ni Roman kaya malalim na lamang itong napahigit ng paghinga at sa huli ay umalis na lamang. Sinamaan pa ito ng tingin ng pulis saka siya naupo pabalik sa sulok ng seldang kinaroroonan niya.
Hindi naman na nawala pa sa isipan ni Kaiden ang mga huling salitang binitiwan ni Roman sa kanya bago sila gambalain ng pulis kanina. Magdamag niya iyong inisip hanggang sa dalawin siya ng antok at makatulog.
Kinabukasan…
Isang masamang balita naman ang siyang bumungad sa kanya pagkagising na pagkagising niya nang umaga. Nilapitan siya ng pulis na siyang may hawak sa kaso niya. Si Police Officer 1 Carl James Navarro. At dinala siya sa isang pribadong silid.
Habang nakaposas ang kanyang mga kamay ay marahan niyang kinuha ang papel na ibinigay sa kanya ni PO1 Carl James. Binuksan at binasa niya ang nakalahad doon.
“A-Anong ibig sabihin nito?” hindi niya makapaniwalang tanong sa police officer na nasa kanyang harapan.
“I’m sorry for your loss,” simpleng tugon lamang sa kanya ng pulis.
Sunod-sunod siyang napalunok kasabay ng pag-iinit ng magkabilang sulok ng kanyang mga mata.
“Hindi ako naniniwala dito. Hindi ito totoo. Hindi pa… hindi pa patay ang nanay ko,” basag ang boses niya nang sabihin niya ang mga salitang iyon at sa huli ay umalpas na nga ang mga luha sa kanyang mga mata.
“Alam kong hindi mo ito agad matatanggap—”
“Hindi ko matatanggap at hindi ako naniniwala. Hindi patay ang nanay ko. Malakas siya. Kaya imposibleng mamatay siya ng ganoon lang,” sunod-sunod na pahayag niya habang patuloy din ang pag-alpas ng kanyang mga luha mula sa kanyang mga mata.
Hanggang ngayon nga ay hindi pa rin niya pinaniniwalaan na patay na ang kanyang asawa na siyang ibinibintang ng mga tao sa kanya. Ngayon naman ay may balitang patay na ang kanyang ina? Mas lalong hindi niya ito kayang paniwalaan. Hindi niya kayang tanggapin.
“Sir, parang awa niyo na. Hayaan niyo akong makita ang nanay ko. Kailangan ko siyang puntahan,” pagmamakaawa niya sa pulis na nasa kanyang harapan.
“Hindi kita mapagbibigyan sa bagay na iyan. Ngayong araw ang promulgation mo kaya hindi ka maaaring umalis dito,” tugon sa kanya ni PO1 Carl James.
Mabilis na tumayo si Kaiden mula sa kanyang kinauupuan saka ito nagmakaawang humawak sa kamay ng pulis at bahagyang lumuhod pa.
“Parang awa niyo na. Hayaan niyo akong makita ang nanay ko. Wala akong pinapatay na kahit na sino,” umiiyak na pagsusumamo niya sa harapan ng pulis.
Ngunit sadyang hindi siya kayang mapagbigyan sa kanyang kahilingan. Pinabibilis kasi ng pamilya ng asawa niya ang pagdidinig ng kaso niya upang mapakulong kaagad siya nang tuluyan sa lalong madaling panahon. Ganoon kalupit ang pamilya ng asawa na siyang ikinadadamdam niya. Na para bang wala siyang nagawang tama at mabuti sa mga ito na kung pagbintangan siya ay para siyang napakasamang tao.