POGING-POGI naman si Kelly kay Andrew na ang suot ay light blue polo-shirt at itim na jeans. Ang buhok na bagaman may wax o gel ay hindi naman OA sa pagkakaporma ang style.
Weakness niya ang mabangong amoy ng lalaki at nang maamoy niya ang masculine na halimuyak nito - mula sa pabango na hindi naman nito pinanligo - ay parang gustong bumigay ng kanyang tuhod.
Naroon ang pagpipigil na nais niya itong yapusin ng mahigpit.
Behave, behave, behave... paalala ni Kelly sa kanyang isip.
Isang romantic-comedy ang nagawa nilang panoorin ni Andrew. At hindi napipigilan ni Kelly ang mapahampas kasabay ng pagtawa nang malakas sa tuwing may mga eksenang talaga namang nakakatawa.
Nang matapos ang palabas at makalabas sila ng sinehan ay saka lang siya nagawang punahin ni Andrew.
"Ang ingay mo palang manood ng sine," anito sa paraan na wala namang bahid ng inis. Parang hindi lang makapaniwala na ganoon talaga siyang klase ng babae. Wala naman itong iniisip na masama patungkol kay Kelly. Sa totoo lang ay naaaliw ito sa kanya.
"Mababaw lang naman kasi ang kaligayahan ko, eh. At saka nakakatawa naman talaga 'yung ilang eksena sa palabas. Ayokong magpigil ng tawa. 'Pag ginagawa ko 'yun nauutot ako, eh."
Natawa si Andrew sa sinabi niya.
Si Kelly ay nais talaga niyang ipakita sa binata ang totoong siya. Hindi niya gustong magpa-kyeme o mag-inarte rito na kunwa'y isa siyang mahinhin na dalaga. Hindi niya tipo ang magpaka-plastic. Although alam din naman niya ang magpaka-sensitive. At kaya niya iyong ibalanse sa pagiging maharot ng kilos niya.
Hindi pa sila agad umuwi ni Andrew. Nag-arcade video games pa sila ng binata.
Naglaban sila nito sa isang laro. At nang manalo siya ay ginaya pa niya ang pose ng babaeng character na napili niya.
Sa loob lang nang araw na iyon ay maraming beses niyang naringgan na tumawa si Andrew. At hindi iyong klase ng tawa na tipong pilit.
Alam niya sa sariling totoong napapatawa niya ito. At totoong may hatid din iyon na saya sa kanyang puso.
Hanggang sa inaya siya nitong kumain sa restaurant na nasa loob pa rin ng mall na iyon.
Subalit tumanggi siya at sinabing hindi niya type kumain doon. Minsan na siyang nakakain doon at mas masarap pa ang mga itinitinda ng ina nitong si Aling Adeng kaysa sa mga pagkain doon.
Humantong sila sa isang fastfood kung saan bida ang saya. Halos mapuno ang tray nilang dalawa sa maraming pagkain na sadyang in-order ni Kelly.
"Kaya mo bang ubusin ang lahat ng ito?" tila nagtatakang tanong ni Andrew. Hindi naman sa nanghihinayang ito dahil ito ang nagbayad ng mga iyon.
"Marami akong gutom, eh. Saka hindi ko naman uubusin lahat 'to. Ipapa-take out natin 'yung iba. Pasalubungan natin si Aling Adeng saka 'yung dalawa kong beking friends. Ok lang ba sa 'yo?" hinging permiso niya.
"Okay lang," sagot ni Adrew ngunit parang biglang umilap ang mga mata nito sa kanya nang mabanggit niya ang dalawang kaibigan.
At siyempre ay hindi iyon nakaligtas sa kanya.
Hindi niya napigilan ang hindi mag-usisa.
"Pakiramdam ko, parang sadyang umiiwas ka sa mga beki... Galit ka ba sa mga tulad nila?" curious na tanong niya.
Hindi nito direktang sinagot ang tanong niya. "I respect their s****l preference." Kasunod niyon ay sunud-sunod itong sumubo ng pagkain.
Hindi manhid si Kelly para hindi maramdaman na hindi nito gustong ipagpatuloy ang topic na iyon.
Pero dahil hindi siya sanay na tahimik ang kanyang bibig kaya iba na lang ang inusisa niya rito.
Napag-alaman niya na mayroon na pala itong sariling bahay sa Bulacan sa isang simpleng subdivision doon. May negosyo ito kung saan kasosyo ang isang kaibigan. May kinalaman sa pagbebenta ng mga parts ng sasakyan.
At kung bakit sa loob ng isang taon at kalahati buhat nang manirahan sa lugar nila Kelly si Aling Adeng na hindi niya nakikitang dinadalaw nito ang sariling ina, sa dahilan pala na si Aling Adeng ang mismong bumubisita sa anak. Nangyayari iyon tuwing unang linggo ng kada-buwan.
Kapag si Andrew naman ang bumibisita sa ina, ay pirming nasa itaas lamang ito ng bahay. Matagal na ang tatlong araw kung naiisipang mag-stay sa bahay ng ina.
Mga dahilan kung bakit ngayon lamang nagtagpo nang ganoon ang kanilang mga landas.
"Kailan ka babalik ng Bulacan?" Hindi pa man ay parang malulungkot na si Kelly 'pag umalis na ang binata.
Subalit nabuhayan din agad siya sa isinagot nito. Pinaupahan na pala nito ang bahay nito kasama ang ilang mga gamit sa kaibigan nitong kasosyo sa negosyo.
Gusto nitong bumawi ngayon sa ina. Dalawa na nga lang daw ang mga ito ay sa magkahiwalay na bahay pa nakatira, gayung wala pa namang asawa si Andrew.
Binatang-binata ito. Ang huling naging girlfriend daw nito ay may dalawang taon na mula nang magtapos.
"Eh, nasaan naman ang tatay mo, buhay pa ba?" tanong pa rin ni Kelly.
"Ang dami mo namang tanong," natatawa nang reklamo nito.
Mukhang isa rin iyon sa hindi nito nais sagutin.
Hindi na niya ito kinulit hanggang sa matapos na silang kumain.