chapter eight

673 Words
ANG napansin ni Kelly kay Andrew, sa tuwing nagtatangka ang dalawa niyang kaibigan na beki na kaibiganin o mapalapit din sa lalaki ay tila agad na umiiwas ang binata. Kung wariin ay hindi ito komportable na kausapin o makasama ang mga tulad nina Leonora at Harriet. Kapag natataon na naroon sa carinderia si Andrew at biglang susulpot ang mga beki, ay pasimpleng magdadahilan ito na may kung anong gagawin o tuluyang papanhik sa itaas. Sasabihin na saglit lamang magpapahinga hanggang sa hindi na muling bababa. At kung wariin ni Kelly ay sadya talagang umiiwas o iniiwasan nito ang mga tulad ng dalawa niyang beking kaibigan. Hindi kaya may kinikimkim itong galit o phobia sa mga bading? Hindi naman niya magawang direktang magtanong sa binata ng tungkol doon. Pasasaan ba at malalaman din niya iyon. ISANG araw ay pinakiusapan si Kelly ni Aling Adeng na ihinto na niya ang kusang paninilbihan sa carinderia nito. Pakiramdam nito ay naaabuso na raw siya nito. Bagay na hindi naman niya naiisip dahil gusto niya ang ginagawa. Gamay na gamay na nga niya ang pagiging serbidora. Isa pa ay hindi naman siya buong araw na nagboboluntaryo na maging tagasilbi ni Aling Adeng. Pero hindi naman niya gustong suwayin ang pakiusap ng ginang at baka sa halip ay magdamdam naman ito sa kanya sa pagiging mapilit niya na manatili pang serbidora nito. Kaya naman isang pakiusap o kahilingan ang sinabi niya. At talagang itinaon niya na maririnig iyon ni Andrew. At sinabi niyang ihihinto na niya ang paninilbihan sa ginang kung papayag ang anak nitong samahan siyang manood ng sine. At sa isip ni Kelly ay ituturing niyang isang 'date' nila ni Andrew iyon kung sakaling papayag din ang lalaki. Ang ilang mga babaeng customers na nakarinig sa kanya ay nagsipagtaasan ang mga kilay, may nagbigay sa kanya ng isang klase ng sulyap na parang sinasabing "Asa ka?" kung papayag nga si Andrew na makasama siya sa panonood ng sine. Nang sulyapan niya si Andrew ay bahagyang napapailing lamang ito bagaman tila may ngiting nais sumungaw sa mga labi, dangan nga lamang at pinipigilan nito. Ang ginang ay nagawa ngang pakiusapan ang anak na pagbigyan ang munting pabor ni Kelly. At ang dalaga ay halos mapatalon sa tuwa nang sumang-ayon naman si Andrew sa pakiusap ng ina. Yes, tuloy ang date namin! anang nagbubunyi niyang isip. At parang batang gusto niyang belatan ang mga babaeng nagtaasan ng mga kilay. "ANO 'to, sasali lang sa beauty pageant ang peg?" natatawang turan ni Kelly sa dalawang beki dahil inaayusan siya ng mga ito. Hindi naman todo arte ang outfit niya; naka suot siya ngayon ng skinny jeans na nagpabakat sa magandang korte ng legs niya. At isang blouse na bagay roon ang itinerno niya na suhestiyon ni Harriet. Komportable si Kelly sa kanyang simpleng ayos. Masaya sina Harriet at Leonora para sa kanya at officially ay tinawag ng dalawa na 'date' ang napipintong maganap sa panonood nila ng sine ni Andrew mayamaya. "Oh, girl, behave lang sa loob ng sinehan, ha? Ang mga mata, i-focus sa papanooring palabas at hindi sa kasama. Isa kang dalagang Pilipina," biro ni Harriet na may kalakip na paalala. "Opo, ate," natatawa at excited na tugon niya. Si Leonora naman ay tila excited din na pinisikan siya ng pabango. Nawala na ang dalawang black-eyed nito sa mukha na nagsilbi na ring aral para dito, na huwag basta-basta makikipagtagpo sa taong hindi pa nakikilala ng lubos. Bago umalis si Kelly ay nag-abiso si Harriet sa kanila ni Leonora na mawawala ito ng mahigit isang buwan. Tutungo ito ng Pampanga at aasikasuhin doon ang pagpapatayo nito ng parlor kung saan kasosyo ang pinsan doon. Masaya rin sila ni Leonora para dito dahil noon pa nito gustong magkaroon ng sariling parlor. Hanggang sa nagpaalam na si Kelly sa dalawa at nagpasalamat sa pag-aayos ng mga ito sa kanya. Nakatanggap na siya ng text kay Andrew at naka-ready na raw ang binata sa pag-alis nilang dalawa. "Good luck sa date n'yo, girl!" magkasunod na pahabol sa kanya ng dalawang beki.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD