NAGMISTULANG panda ang hitsura ni Leonora sa dalawang black-eye na mayroon ito sa mukha, ngunit sa pagkakataong iyon ay hindi ang ama nito ang may likha.
Ang beki ay nakipagkita pala sa isang lalaking ka-eyeball nito. At nang matuklasan na isa itong pekeng-babae ay iyon ang natamo nito.
Isinuhestiyon nina Kelly at Harriet na ireklamo ang lalaking nanakit dito para mapagbayad iyon at makulong.
Ngunit ganoon na lang ang pagtutol nito sa takot na baka dagdagan pa raw ng amang pulis ang pinsalang mayroon na ito.
Tiyak na hindi gugustuhin ng Pudra ni Leonora ang balitang nakikipaglandian ito kaya hayun ang sinapit ng anak.
"Eh, sana naisip mo muna iyan bago ka nakipag-meet sa ka-eyeball mo." May bahid ng sermon na sabi ni Harriet. Mas naiinis ito sa sinapit ni Leonora kaysa sa ginawang kalandian ng kaibigan.
"Sa susunod, maglihim ka pa ulit sa amin ni Kelly na makikipagkita ka sa kung sinong mapagsamantalang lalaki, para hindi lang 'yan ang mangyari sa 'yo," patuloy na panenermon ni Harriet na nagmistulang si Miss Minchin sa sungit.
Nauunawaan naman iyon ni Kelly na tulad niya ay labis lang nag-aalala si Harriet para sa kanilang kaibigan. Gayunman ay hindi na niya ito nagawang gatungan.
Si Leonora ay tahimik lang na tinatanggap ang panenermon ng kaibigan. Ang mga sinabi ni Harriet ay itinuturing lamang nitong panenermon buhat sa isang kapatid na labis ditong nagmamalasakit at nagmamahal. Dahil ganoon naman talaga silang tatlo kung magturingan, parang iisang matris lang ang pinanggalingan.
Upang hindi raw ito makuwestiyon ng ama sa hitsura nito ngayon ay idinahilan ni Leonora na sa bahay muna ng tiyahin ito tutuloy.
At nang humupa na ang bahagyang mabigat na sandaling iyon, ay pinagaan ni Kelly ang mood ng dalawang beki.
Ikinuwento niya ang mga namagitang pangyayari sa kanila ni Andrew, higit ang nasilayan niyang puting briefs lang ang saplot ng lalaki.
At nakatanggap lang naman siya nang pabirong sabunot buhat kay Harriet.
"Isa ka pa palang kiring babae ka!" anito sa matinis na tinig.
"Pero girl, hindi nga, mukhang dako talaga si Papa Andrew?" tanong naman ni Leonora na tila biglang nakalimutan kung ano ang pinagdaanan kani-kanina lang.
Impit na tumili si Kelly at sunud-sunod ang ginawang pagtango bilang sagot kay Leonora.
Si Harriet ay tuluyan nang humupa ang inis kanina. At sa kabila ng kalagayan ni Leonora, mayamaya lang ay para na silang mga timang kung magtawanan sa kung ano man ang kanilang mga napag-chi-chikahan.
Siyempre ay hindi nawala sa paksa nila si Andrew na tinagurian nilang bagong pantasya ng kababaihan at kalahating-Eba sa kanilang lugar.
NAGPATULOY si Kelly sa ilang araw pa na paninilbihan nang kusa sa carinderia ni Aling Adeng. Ang sabi ng dalawang gumamela niyang kaibigan ay gumagawa lang daw siya ng taktika para higit na mapansin at mapalapit kay Andrew.
Bagay na hindi na niya itinanggi.
Inaamin niya sa sarili na iba ang epekto ni Andrew sa sistema niya. Walang duda na humahanga rin siya sa binata.
Ang lamang niya sa ibang mga babae na may gusto kay Andrew, ay higit siyang malapit ngayon sa binata at medyo palagay na rin ang loob nito sa kanya.
Sa ilang beses na ba naman niyang nahatiran ito ng pagkain. At sa mga pagkakatong iyon ay nagagawa niya ang saglit na makipagkuwentuhan dito. Hindi naman ito totoong suplado. Kailangan mo lang mahuli at makuha ang loob nito.
At ang naging sugat nito ay parang nagdahilan lang dahil hindi na nito iniinda iyon. Papagaling na iyon at tuluyan nang naghihilom.
May ilang mga babae sa lugar nila at isama na ang dalawang gumamelang kaibigan ang naiinggit sa kanya dahil sa closeness na mayroon na sila ni Andrew.
Kanya-kanyang style lang ng paraan at 'the moves' 'yan para mapalapit ka sa taong gusto mong maging bahagi ng buhay mo. Mapa-kaibigan lang o higit pa roon ang intensyon mo. At kung ayaw sa 'yo ng isang tao ay mararamdaman mo naman iyon. At hindi nararamdaman ni Kelly na hindi siya gusto ni Andrew base sa kung anong personalidad mayroon siya.
Batid niyang sa paraan nito ay itunuturing na rin siyang kaibigan nito.
At sana, kung maaari lang naman ay maging mas gihit pa roon.
Ngayon lamang nagawang humiling ang kanyang puso.