“DUMAAN po muna tayo sa kantina, binibini, hindi po kasi ako nakapagluto kanina kasi may pinuntahan po ako kasama sila Sanura,” wika ni Virginia habang nasa kalagitnaan na kami nang paglalakad tungo sa aming silid pahingahan.
“Ikaw ang bahala, Virginia, mukhang nanibago ang aking mga balikat sa dami ng aming binuhat kanina ni Isiang,” tugon ko naman.
“Kamusta naman po si Isiang, binibini? Wala naman po ba siyang pinagsasabi sa inyong kakaiba?” tanong ni Virginia n’ong malapit na kami sa kantina. Nilingon ko siya at tamang-tama dahil nakatingin din ito sa akin. Nababasa ko sa mga mata n’ya na may gusto itong malaman ngunit hindi n’ya maitanong ng diretso.
“Nababasa mo pa ba ang mga naiisip ko, Virginia?” pag-iiba ko ng usapan.
“Kaya po kitang basahin kung aking gugustuhin ngunit mas minamabuti ko pong pigilan na lamang na gawin. Nais ko pong malaya ka pong makapag-isip ng mga nais mo,” nakangiti nitong tugon atsaka pumili sa linya ng mga mag-aaral na nasa kantina ngayon. Tumango ako sa kan’ya bago tinahak ang libre pang lamesa, mas minabuti ko na lamang na umupo habang naghihintay.
Pinagmamasdan ko ang iba’t ibang mga nilalang na walang humpay na naglalakad sa aking harapan na paparoon at paparito.
Hindi ko alam kung sino ang nagsasabi ng totoo at nagpapakita ng totoong pagkatao sa aking harapan.
(Pagbabalik tanaw)
Habang kami ay nag-aayos ng mga aklat na aming kinuha sa likod ni Isiang ay muli siyang nag-umpisang magkuwento na siya namag aking pinakinggan nang maayos.
“Kamusta naman ang pakikitungo sa iyo ng pangkat nila Virginia, binibini?” pangangamusta n’ya. Kibit balikat akong sumagot.
“Maayos naman, Isiang. Ang bait nila sa akin, sa katanuyan nga n’yan ay ilang araw pa lamang kaming magkakasama ngunit napalapit na ang loob ko sa kanila. Komportable na agad akong kasa-kasama sila sa araw-araw,” sagot ko naman.
“Inaasahan ko na ang sagot na iyan, binibini. Ano pa nga ba ang aasahan ko sa mga bampirang mapanlinlang, hindi ba?” sa muli, naging makahulugan na naman ang naging tingin n’ya sa kin.
“Nagkasama na ba kayo ng pangkat nila, Isiang? Alam mo, sa tingin ko ay mas maganda kong makakasama mo rin sila, sila ay mababait na bampira, hindi sila katulad ng iyong iniisip,” aniya ko.
“Binibini, tulad ng sabi ko, magaling sa gan’yang stratehiya ang mga bampira. Hindi naman sa sinisiraan ko ang pangkat nila Virginia sa ‘yo lalo na at wala naman silang ipinapakitang ikakasama mo ngunit pare-pareho lang sila, ang bampira ay magiging bampira pa rin hanggang sa huli,” matigas na saad ni Isiang habang pinapapatuloy ang pag-aayos ng mga bagong aklat.
“Isiang, bakit ang lalim naman yata ng galit mo sa mga bampira? Kung pagbabasehan ko ang kuwento mo kanina, hindi naman kayo sinaktan ng mga bampira, sa halip ay tinulungan nila kayo, kahit sabihin man nating hindi kayo makaalis dito ano pa’t maari n’yong kausapin ang mga tagapamahala? Baka kayo naman ay mapagbigyan,” suhestiyon ko na.
“Sa tingin mo talaga makakausap natin ang ganoong katataas na mga nilalang, binibini? Hindi. Ginawa na rin namin ‘yan, hindi nga nila kami sinasaktan sa pisikal ngunit sa emosyonal namang aspeto ay grabi kung grabi,” natahimik na ako dahil mukhang buong-buo naman na ang kan’yang paniniwala at isip.
“Bakit, binibini? Ano bang ginawa sa ‘yo ng mga bampira at ganoon mo na lamang sila kung ipagtanggol sa kin ngayon?” tanong n’ya.
“Iniligtas nila ako sa isang malagim na kapalaran, Isiang. Malayo man ako sa aking inay at mag-isa lamang dito ngunit pinagpapasalamat ko pa rin na iniligtas nila ako mula sa kahindik-hindik sanang pangyayari sa aking buhay. Hindi ko naman sila pinagtatanggol, bali-baliktarin man natin ang mundo isa pa rin akong tao, mortal. Ang akin lang naman ay baka masyado ka lamang kinain ng iyong emosyon kaya kahit ang mga bampirang mabait naman ay pinagbibintangan mo rin ng masama,” mahaba kong naging tugon. Totoo naman, hindi man ganoon pa kahaba ang pinagsamahan namin nila Virginia ngunit ay purong kabutihan ang pinakita nila sa kin na siya lamang dapat ding suklian ng kabutihan.
“Tulad kanino, binibini? Ang pangkat nila Virginia?” nakangisi n’yang tugon. Nangingilabot ako sa nagiging kilos ni Isiang, hindi ko alam kung ano ang tumatakbo sa kan’yang isipan ngunit mukhang may alitan din sila nila Virginia.
“Oo. Bakit hindi ba?” pasimple kong tanong.
Tumawa ito ng mahina bago muli akong balingan na umiiling pa. “Binibini, huwag kang magtitiwala sa limang iyan, papaniwalain ka nilang sila ay mga mababait ngunit hindi, nasa loob ang kulo ng mga ‘yan. Diyan silang mga bampira magaling, ang magbalat kayo. Kaya huwag mong hayaan na lubusang mahulog ang iyong loob sa mga katulad nila dahil mahirap na baka habang ikaw ay nakatalikod tumuklaw sila,” aniya.
(Pagtatapos ng pagbabalik tanaw)
“Binibini?” naputol ang aking iniisip n’ong tawagin ni Virginia ang aking ngalan. Nagulat ako noong nasa akin na pala siyang harapan habang daladala ang supot na may laman ng kan’yang pinamili.
“Ayos ka lamang ba, binibini?” anito.
“Ah? Tapos ka na ba?” tanong ko habang binabaliwala ang kan’yang naging katanungan.
“Opo, halina po kayo? Mukhang natulala na po kayo sa pagod,” aniya bago ako nagsimulang tumayo.
“Oo nga, hindi ko namalayan na tapos ka na palang mamili ng ating makakain. Nga pala, hayaan mo maghahanap ako ng iba pang pagkakakitaan upang makatulong ako sa gustusin habang nandirito ako,” saad ko sa kan’ya.
“Naku! Huwag na po, binibini. Sapat na po ang binibigay ni Uno para sa dalawang hininga---“ natigilan siya sa pagsasalita at napatakip na lamang ng kan’yang bibig.
“Tsk! Nagbibigay siya sa ‘yo ng salapi?” inis kong turan.
“Ah? Po? Hindi po! Ang ibig ko pong sabihin, binibini, ay ano nga ba po?“ nagdadalawang isip n’yang sagot. Napailing ako sa kawalan.
“Virginia, huwag mo na kasing pagtakpan. Nakakapagsinungaling ka pa para sa kan’ya,” ani ko rito.
“Hindi naman po sa ganoon, binibini. May pusong matulungin lamang po ang Uno,” sagot naman n’yang nakakunot pa ng noo.
“Tsk. Tsk. Pusong matulungin talaga? Wala bang mas kapani-paniwala, Virginia?” imbes na sagutin ang aking katanungan ay ngiting pilit at napakamot na lamang siya ng kan’yang batok.
Naku, talaga. Nagmumukha nga akong babaeng bayaran sa ginagawa n’ya.
Naunang naglakad si Virginia sa akin kaya ngayon naghihirap siyang buksan ang aming pinto habang hawak-hawak n’ya sa kan’yang mga kamay ang pinamili niyang pagkain.
“Huwag na ipilit kung hindi kaya, tumabi ka na lamang, Virginia, ako na ang magbubukas n’yan,” utos ko sa kan’ya. Umiba yata ang timpla ko matapos kong marinig na pati pala salapi ay binibigyan kami ni Uno. Anong akala n’ya sa kin? Mahinang babae na hindi kayang tustusan ang sarili? Pwes, nagkakamali siya. Hindi ako pinalaki ng nanay kong mahina.
“Salamat po, binibini,” nahihiyang tugon ni Virginia bago siya kusang umusog para bigyan ako ng daan.
Agad kung hinawakan ang hamba ng pinto ngunit agad akong napalingon kay Virginia ng maramdaman kong bukas iyon.
“Iniwan mo bang bukas ang kuwarto natin?” nag-aalala kong tanong.
“Po? Hindi po, binibini,” sagot n’yang nanlalaki pa ang mga mata.
“Ah, wala naman,” sinimple ko na lamang ang pagbukas at tumambad sa kin si Sanura na naka-upo at may hinahalukay sa aking mga kagamitan.
“Sanura! Anong ginagawa mo diyan?” hiyaw ko sa kan’ya. Agad itong tumayo at nabitawan na lamang ang mga kuwadernong ginagamit ko pa noon sa Intramuros. Iyan lang kasi ang nadala kong mga gamit matapos nila akong sapilitang dalhin dito sa unibersidad.
“Binibini! Nand’yan na pala kayo!” gulat na gulat na ani ni Sanura atsaka siya umusog para makalayo sa aking kama.
“Oo, ngunit hindi mo pa sinasagot ang aking katanungan, Sanura. Anong ginawa mo sa kama ko at bakit mo hawak-hawak ang aking mga kuwaderno?” ulit ko, biglang sumeryoso ang aking tinig kaya nag-aatubili ring nakatingin sa akin si Sanura.
“Hindi dapat pagkatiwalaan ang grupo nila Virginia, binibini, marami na silang nalokong mga mortal, katulad ng mga kalahi nila. Sakim din sila.”
Muling r-um-ehistro sa aking isipan ang mga huling katagang sinabi sa akin ni Isiang kanina bago ako sunduin ni Virginia. Ito na ba iyon?
“Sanura? Ano na?” untag kong muli kay Sanura. Hindi ko alam kung nasaan si Virginia ngunit ilang minuto pa ang lumipas bago siya pumasok.
“Uy! Nandirito ka na pala, Sanura. Sinong kasama mo?” kasuwal na bati ni Virginia bago siya dumiretso sa aming mesa upang ipatong ang mga pinamili.
“Alam mong pupunta siya rito, Virginia?” tanong ko habang ang tingin ay na kay Sanura pa rin na hindi naman makatingin sa kin ng diretso ngayon.
“Opo, binibini, pinapunta ko po si Sanura rito upang tulungan akong magpreserba ng ating imbak na pagkain, magaling po kasi siya roon,” abalang saad ni Virginia.
“Talaga ba? Ngunit bakit parang iba ang inaatupag n’ya?” makahulugan kong tanong.
“Po?” gulat na ani ni Virginia bago n’ya kami balingang dalawa ng atensiyon.
“Bakit ako ang tinatanong mo, Virginia? Itanong mo sa kaibigan mo,” seryoso kong saad bago ako umupo sa aking kama at ibalik sa aking bayong ang kuwadernong kanina ay hawak-hawak lamang ni Sanura.
“Ano bang ginawa mo, Sanura?” baling ni Virginia kay Sanura.
“Ah? Wala. Nasa sahig kasi ‘yang kuwaderno mo noong nadatnan ko rito, binibini. Ibabalik ko po sana ngunit na abutan n’yo na ako sa ganoong sitwasyon,” nawala na ang kabadong ekspresiyon sa mukha n’ya.
“Sigurado ka ba? Bakit kanina parang kabadong-kabado ka noong makita mo ako? Wala ka naman palang ginagawang masama, anong ikakatakot mo?” aniya ko na nakangiti na.
“Nagulat lamang ako sa iyong presinsiya, binibini. Hindi ko na malayan ang inyong pagdating,” kasuwal na n’yang sagot kaya napatango ako bilang tugon.
“Ah, akala ko kasi ay kung ano na ang iyong ginagawa sa aking mga kuwaderno, sa bagay, wala ka namang makukuha rito,” bumungisngis ako kaya napatawa sila ng bahaw na dalawa.
Ilang oras ang lumipas na natahimik ang aming kuwarto ni Virginia. Nakamasid ako sa kanilang dalawa mula sa aking higaan habang sila naman ay abalang nagpre-preserba ng aming mga pinamiling sariwang pagkain. Paminsan-minsan ay nagkakatinginan silang dalawa na animo’y may pinag-uusapan habang ako naman ay pasimple iniintindi ang kanilang mga kilos habang nagbabasa ng hawak kong libro patungkol sa mga halamang gamot. Ako ay talagang naaliw na magbasa patungkol sa mga halamang gamot. Hindi lang dahil malimit ko itong nagagamit kapag nagkakasakit si Inay Pilar ngunit sabi ng iba ay may magaan din daw akong mga kamay kaya mabilis lamang lumaki at yumabong ang aking mga tinatanim na halaman.
“Binibini, mauuna na po ako,” pagpapaalam ni Sanura. Itinaas ko ang aking mga mata sa kan’ya.
“Tapos na ba kayo sa inyong ginagawa? Bakit hindi mo na lamang kami saluhan sa hapunan?” paanyaya ko sa kan’ya.
“Maraming salamat, binibini, ngunit hindi ko po kayo mapagbibigyan, may lakad po kasi ako ngayong gabi,” nakangiti n’yang sagot.
“Ah? Ganoon ba? Sige, ingat ka na lamang,” tugon ko.
“Salamat po, binibini, hindi na po ako magtagal,” tumango ako bilang tugon. Pagkasara ni Sanura ng pinto ay nagsalita naman si Virginia.
“Binibini, saluhan n’yo na po ako sa hapunan,” malawak ang ngiti n’yang ipanakita sa kin bago inukupa ang kan’yang upuan.
Tahimik lamang kaming dalawang naghapunan na animo’y nagpapakiramdaman kung sino ang magsasalita ng una. Ngunit tapos na ako sa aking pagkain ay hindi pa rin n’ya nagawang magsalita. Dala ang aking mga pinagkainan ay tumayo ako at pumunta sa aming maliit na hugasan.
“Mauna ka na lamang gumamit ng palikuran, Virginia,” sabi ko habang kumukuha ng maiinom na tubig sa aming maliit na tapayan.
“Ikaw na lamang po muna, binibini, huhugasan ko po muna ang ating pinagkainan,” lumagukluk muna ako ng tubig bago iyon ibuga at sagutin si Virginia.
“Huwag mo nang isipin ang mga hugasin, Virginia, ako na ang gagawa. Mas mabuti pa ay sundin mo na lamang ang aking sinabi, ikaw na ang maunang gumamit ng palikuran,” mahinahon kong wika.
“Kung iyan po ang gusto ninyo, binibini, magbibihis lamang po ako,” nakangiti n’ya na namang sagot. Tumango ako bilang sagot at n’ong makatalikod siya sa kin ay inumpisahan ko na rin ang paghuhugas ng aming mga pinagkainan. Hindi naman ako nagtagal dahil dadalawa lang naman kami sa bahay.
Abala akong humihimig n’ong lumabas si Virginia mula sa palikuran namin at suot ang sayang walang manggas. Pinapatuyo pa nito ang kan’yang mahabang buhok.
Nahagip ng aking mga paningin ang nakaguhit sa kan’yang kaliwang balikat. Mukha itong espada, ngayon lang naman siya nagsuot ng sayang walang manggas kaya ngayon ko lang din nakita ang kan’yang tatu.
Hindi ako gumawa ng ingay noong nag-umpisa akong maglakad papalapit sa kan’ya.
“May tatu ka pala, Virginia?” panimula ko at agad kong hinawakan ang dalawang espada na nakahugis krus pa sa kan’yang balikat.
Napabalikwas ito at napaatras sa akin ng isang hakbang sa gulat.
“Binibini! Ginugulat n’yo naman po ako!” daing nito.
“Hahaha! Nagulat lamang ako n’ong makita kong may tatu ka pala, Virginia, matagal na ba iyan?” muli kong tanong bago ako umupo sa paanan ng aking kama upang makatapat siya na umupo na rin at pinagpatuloy ang pagpapatuyo ng kan’yang buhok.
“Hindi naman po gano’n katagal, binibini, kailan lamang po ito n’ong nagkaroon ng pagsusulit ang buong unibersidad,” pagpapaliwanag n’ya.
“Pagsusulit? Anong uri naman ng pagsusulit ang may gan’yang tanda?” tanong kong muli.
“Ang pagsusulit po upang malaman kung hanggang saan kaya ng aming abilidad, kakayahan at kaalaman. Dito po binabasi ang magiging responsibilidad ng isang nilalang dito sa unibersidad, kung ikaw ba ay sa opensa o sa depensa,” pagkukuwento n’ya.
“Para naman saan ang mga ganoong basehan?” Kuryusidad.
“Para po kapag nagkaroon ng digmaan alam ng bawat isa sa min kung saan kami pupuwesto,” simple n’yang tugon.
“Digmaan? Akala ko ba ay tapos na ang digmaan, ayaw ko na muling magkaroon pa ng ganoon, napakahirap lalo na noong lumaban ang mga mamayan laban sa diktador na mga hapon,” itaas ko ang aking dalawang mga paa sa higaan atsaka humiga ng maayos upang makapagpahinga muna saglit bago ako magbasa ng aking katawan.
“Hay naku, binibini! Sana nga po ay wala ng susunod, mas mabuti na pong hindi na lamang matuloy,” saad ni Virginia.
“Matuloy ang alin?” ngunit inilingan n’ya lamang ako bilang tugon. Kapuwa kami natahimik na dalawa kaya tinignan ko ito na siyang nakahiga na rin ngayon.
“Anong ibigsabihin ng tatu mo, Virginia? Bakit may pareho silang espada? Mahilig ka ba sa mga espada?” pagbabasag ko ng namuong katahimikan.
“Depensa, lahat po ng mga bampira o mortal na may ganitong tatu ay ibig sabihin may taglay na lakas, liksi at kaalam sa pagkikipaglaban, binibini. Ang mga nasa pangkat pong depensa ang siyang kabilang sa hanay na magtatanggol sa buong unibersidad kapag may mga digmaan o hindi pagkakaunawan na mangyari sa loob at labas ng lugar na ito,” aniya habang nakatingin sa kisame ng aming silid.
“Tulad po ng sabi ko sa inyo noong una kayong napunta rito. May tinatawag kaming mga kataas-taasan. Dito po kasi sa unibersidad ay may mga pangkat, nahahati po kaming lahat sa isa’t isa tulad na lamang ng paghahati ng pader sa amin mula sa inyong mga mortal. Ang tatlong pangkat ay ang kataas-taasan, depensa at ang opensa,” pagbibilang n’ya.
“Maari ko bang malaman kung ano ang ibig sabihin ng mga pangkat na iyon?” usisa ko na, napag-uusapan na rin naman kaya bakit hindi ko na lamang mas itanong pa.
“Oo naman po, binibini! Ang kataas-taasan ay siyang namumuno sa aming lahat, sila ay mahahalintulad sa gobyerno na meron kayo. Ang kataas-taasan ay siyang mga tinitingala at renerespetong mga tao at ang pinakamataas po sa lahat ng nilalang dito ay ang pamilyang Gervacio, ang pamilya nila Uno. Sila po kasi ay mga dugong bughaw na siyang direktang mga kamag-anak ng mga ninuno ng mga bampira. Ang lolo at lola ni Panginoong Uno ang pinuno ng lahat kaya ganoon na rin lang kalakasan ang kapangyarihan ni Uno dahil unang apo siya ng mga ito at siguradong siya ang susunod na uupo sa trono.” Ah! Ganoon pala iyon.
“Eh, ang depensa at opensa? Ano naman iyon, Virginia?” pumupukaw kong tanong.
“Mukhang interasadong-interasado na po kayo, binibini, ah?” natatawa n’yang wika.
“Haha! Oo nga! Sige na, ipagpatuloy mo na ang iyong pagkukuwento,” sulsul ko kay Virginia.
“Maghunos dili ka po, binibini. Depensa, tulad po ng sabi ko kanina ang mga nilalang na ito ay malalakas, sa madaling salita kami ang inaasahan na makikipaglaban sa magiging kalaban ng unibersidad. Buhay kapalit ng buhay. Ang opensa naman po ay yaong mga nilalang na hindi kaya o kulang ang lakas at tapang sa larangan ng labanan kaya sila ang magsisilbing tagagamot o tagapangalaga ng mga sugatan na nasa pangkat ng depensa o ‘di naman ay mula sa mga kataas-taasan, pawang magagaling sa halamang-gamot at manggamot,” sanaysay ni Virginia. Kung ako pala ay masasailalim sa ganoong pagsusulit siguradong mapupunta ako sa opensa, lalo na at magaling ako sa mga halamang gamot.
Panibagong araw na naman at abala kami ngayong nagsasagot ng aming aktibidad ng biglang tumunog ang trompang sakop yata ang buong unibersidad sa lakas.
“Magandang hapon sa lahat,” panimula ng isang lalaking boses.
“Si Uno!? Si Uno ba ‘yan?” nagsimula ng mag-ingay ang aming kamag-aral kaya naalarma’t tumayo ang aming guro upang sila ay patahimikin.
“Ako ay humihingi ng paumanhin sa abala ngunit…” Si Uno nga. Tanda ko na ang boses n’ya simula noong mga araw na tinutulungan n’ya ako o sinasagip.
“Nais kong pumunta sa aking tanggapan si Binibining Pilipina Amador, hihintayin, kita rito, aking binibini.”
Ayan na naman siya sa pa-aking binibini!
“Uyyyyy! Ang haba naman ng buhok! Ganda natin, reyna!” tukso nila sa akin. Agad na tumayo si Virginia na nasa aking tabi.
“Ito na ang hinihintay mo, binibini,” nakangiting saad n’ya sa kin.
“Binibing Amador, iwanan mo na muna ang iyong ginawa at lumabas na,” pahintulot ng aming guro kaya hindi na nagtagal n’ong magsimula kaming maglakad palabas ni Virginia.
Tahimik kaming naglalakad na dalawa sa isang bagong pasilyo na naman ngunit ito ay naiiba sa pangkaraniwang pasilyo na meron ang unibersidad. Ito ay napapalibutan ng magaganda at mababangong mga bulaklak.
Naaliw ako sa aking nakikita hanggang sa tinahak namin ni Virginia ang isang napakadilim na silid.
“Maiwan na kita, binibini,” sambit ni Virginia noong tumigil kami sa harapan ng isang magandang uri ng pintuan na siyang nagpakaba sa akin, iiwan n’ya ako?! Pipigilan ko pa sana siya ngunit huli na ako, kay bilis n’yang nawala sa kawalan.
Naiwan akong mag-isa kaya nag-umpisang mangatog ang aking tuhod sa pag-aalala ng biglang bumukas ang mga kadelabra sa paligid, isa-isa.
“Ang ganda,” bulong ko sa aking sarili.
Ngunit agad akong natigilan sa aking natunghayan.
“Paanong?!”