IKA-LABING APAT NA KABANATA

3284 Words
           “IKAW ay dakila, ikaw ay maunawain at ang siyang lumikha’t nagbigay ng aming buhay. Kung ano man po ang aking nagawang kasalanan sa mga nagdaang mga araw ay hinihingi ko po iyon ng taos pusong pagpapaumanhin. Sana po ay mapatawad ninyo ako sa aking kakulangan bilang isang tao. Maraming salamat po sa lahat ng inyong binibigay sa king mga bagong kakilala kay Uno, Virginia, Sanura, Minerva, Karmila, Natalia, Isiang at kahit na po kay Ginang Melchor. Ilang araw na rin po ang lumipas, Panginoon. Hindi ko pa rin po alam kung sino ba talaga ang dapat kung pagkatiwalaan at sa hindi. Hindi ko rin po alam kung tama po ba ang mga pinipili kong desisyon sa buhay, wala na po ang Inay Pilar sa aking tabi na maari kong maka-usap at mahingan ng patnubay kaya sana po, Panginoon. Huwag n’yo po akong papabayaan, tulad nga ng inyong salita sa Lukas 18:1, dapat lamang na ako ay magdasal at ‘wag na ‘wag sumuko, na siya ring aking pinakapaboritong talata. Alam ko pong may malaking dahilan kung bakit ako napadpad sa lugar na ito. Kung ito man po ang aking magiging tadhana, huwag n’yo na lamang po ako pababayaan lalo na ang aking Inay Pilar na nag-iisa ngayon sa aming tahanan, protektahan n’yo nawa ang inay laban sa mga masasamang tao na maaring magbigay sa kan’ya ng kapahamakan. Sa ngalan ng Ama at ng Anak at ng banal na Espiritu Santo. Amen,” ma-ingat akong bumaba ng aking kama habang tinitignan-tignan si Virginia na mahimbing pang natutulog, alas sais pa lamang ng umaga ngunit bigla na lamang akong nagising mula sa isang panaginip na ang inay daw ay malalagay sa peligro at mamatay sa akin pang harapan.            Tahimik kong binuksan ang aking aparador at naghanap na lamang ng makapal na balabal. Napagdesisyonan kong maglakad-lakad na lang muna sa labas upang makalimutan at mawala sa aking isip ang malagim na naging panaginip ko kanina. Halos bawat hakbang na aking ginagawa ay sinusundan ng paglingon sa gawi ni Virginia, ako kasi ay nag-aalala na baka akin siyang ma-istorbo sa kan’yang pagtulog.            Nakahinga ako ng maluwag nang magawa kong makalabas ng aming silid pahingahan na hindi nagigising ang aking kasama o nakakagawa ng malakas na ingay. Humigpit ang aking pagkakayakap sa aking sarili n’ong umihip ang malamig na hangin ng malakas.            Bumaba ako sa iilang baitang ng aming hagdan upang makatawid sa kabilang daan na siyang kinaroroonan ng iba’t ibang mga halaman na ngayon ay muling nanumbalik ang pagiging sariwa. Pumakawala ako ng malakas na buntong hininga bago pumikit at tiisin ang malakas na ihip ng hangin na tumatama sa aking balat.            “Walang mangyayaring masama sa aking inay, wala, wala, wala,” kintal ko sa aking isipan.            Nanatili lamang akong nakatayo at nakatanaw sa malawak na lupain hanggang sa muling nakuha ng aking mga paa na maglakad-lakad. Ilang minuto ang lumipas at nakalayo-layo na ako sa aming silid pahingahan, unti-unti na ring sumikat ang araw kung kaya’t nag-umpisa na akong bumalik.            “Baka magising na si Virginia at magulat dahil wala na ako roon,” aniya ko sa aking sarili.            Hindi naman nagtagal ang aking paglalakad hanggang sa nakabalik ako sa aming siilid pahingahan. Mula sa labas ay dinig ko na ang boses ni Virginia na animo’y may kadiskusiyon sa loob.            “Wala ka bang narinig na kalabog o ‘di kaya sigaw? Virginia! Ang liit-liit lamang ng silid pahingahan ninyo! Nawala pa ang Binibining Pilipina! Pagnalaman ito ni Uno, humanda na tayo!” boses ni Sanura ‘yon, ah? Ako ba ang pinag-uusapan nila?            “Humanda talaga tayo, sana naman huwag tayong patakbuhin sa buong lupain ng walang saplot!”            “MINERVA!”            Naguguluhan man ako sa aking mga naririnig ngunit natuon ang aking atensiyon sa isang pulang papel na naka-ipit sa pagitan ng aming pintuan at ng sahig. Yumuko ako upang kunin iyon sa pagkaka-ipit at dali-daling tinignan.            “Sino naman kaya ang naka-iwan nito rito? Para kaya ito kay Virginia?” tanong ko sa aking sarili at dahil sa aking kuryusidad mas minabuti kong buksan ang sulat. Biglang nanginig ang buo kong katawan nang mabasa ko at matunghayan ang mukha ng sulat na puno-punong ng pulang likido.            Pilipina, mamatay ka na!            Apat na kataga lamang iyon ngunit nagbigay sa akin ng matinding takot. Sinong gumawa nito?             Hindi ko na malayan na bumukas ang pinto namin kaya mabilis kong itinago sa aking likuran ang sulat na aking hawak-hawak.             “BINIBINI! Saan po kayo galing? Nandito na ang binibini!” bulalas ni Virginia at agad akong inakay papasok.             “Hi-hinahanap n’yo ba ako? Paumanhin na, nagising kasi ako ng maaga kaya napagpasyahan kong maglakad-lakad sa labas upang makalanghap ng sariwang hangin,” ani ko na siyang sabay-sabay na nagpabuntong hininga sa aking mga kasama.            “Nag-alala po kami sa ‘yo, binibini! Akala po namin ay kung ano na ang nangyari sa inyo!” saad ni Natalia.            “Bakit? May kailangan ba akong malaman? Anong pwedeng mangyari sa kin?” takha kong tanong. Maari kasing konektado iyon sa sulat na may lamang pagbabanta na aking nabasa kanina? Pasimple kong itinago sa ilalim ng aking unan ang sulat habang ang lima naman ay hindi na malaman kong anong sasabihin.            “Ah! Kumain na po tayo, binibini? Mahuhuli na po kasi tayo sa klase kapag hindi pa natin binilisan,” pag-iiba ng usapan ni Virginia.            “Tama! Tama po si Virginia, binibini!” dugtong naman ni Minerva. Umiling na lamang ako at tumayo upang saluhan silang lima sa almusal.            Hindi nawala sa isipan ko ang nakasulat sa papel kanina na animo’y puno pa ng pulang mga likido, ng dugo. Masiglang nag-uusap ang lima ngunit ako ay nanatiling nakatingin sa kawalan at hindi man lang naiintindihan ang kanilang pinag-uusapan.            “Binibini? Anong tingin n’yo po?” pagtatawag ni Karmila sa king atensiyon.            “Ha? Ng ano, Karmila?” naguguluhan kong tanong.            “Ayos ka lamang ba, binibini? Masama ba ang iyong pakiramdam? Ano’t mukhang hindi ka nakikisama sa amin?” aniya naman ni Natalia.            “Ha? Wala ayos lamang ako, huwag n’yo na lamang akong pansinin, ano nga ba ang inyong pinag-uusapan?” aniya ko na lamang.            Nagkatitigan silang lima at ilang minuto lamang ang lumipas n’ong sabay-sabay silang nagsingitian.            “Wala po tayong klase ngayon!” malakas na hiyaw ni Minerva.            “Wala? Bakit anong meron?” wika ko habang sinusubo ang panghuling kanin sa aking kamay.            “Hindi po ba sa inyo nasabi ni Panginoong Uno?” paniniyak na tanong ni Virginia.            “Nasabi ang alin?” sabi ko habang nilalaguk na ang tubig.            “May paligsahan pong gagawin ngayong araw, kasali si Panginoong Uno,” si Sanura na ang sumagot sa akin.            “Magkasama naman kami kahapon ngunit wala siyang nabanggit, anong paligsahan ba iyan?”            “Pagpana po ng puso mo ay este! Pagpana lang po pala,” mapanundyong ani ni Minerva na siyang nagpa-iling sa kin.            “Minerva ha! Tigil-tigilan n’yo ako sa kapapanukso ninyo!” daing ko na lamang. Sasali pala siya? Hindi man lang n’ya sinabi ang tungkol doon sa kin? Ang tagal naming magkasama kahapon, ano man lang ba ang iIlang kataga na babanggitin n’ya upang ipaalam na siya ay sasali sa isang paligsahan. Ngunit bakit ba ako na-iinis? Bahala siya sa buhay n’ya, hindi naman kami. Ay mali!            HINDI. PA. PALA. KAMI.   Virginia’s POV               Kapuwa kami nakatayong anim malapit sa eskrima na nagbibigay ng bakod sa pagitan ng mga manlalaro at sa aming mga manonood. Nagtatawanan sina Minerva, Natalia at Karmila sa aking kaliwa habang si Binibining Pilipina naman ay balisa na nasa aking kanan.             Magtatanong sana ako kay Binibining Ina ng biglang sumingit sa amin ni Minerva si Sanura kaya kami na ngayon ang magkatabi buhat sa kaliwa. May bitbit itong mga tinapay at ibinigay sa min isa-isa.             “Binibini, tinapay po,” aniya na siya namang kinuha agad ni Binibining Ina at tahimik na ibinalik ang tingin sa parang.            “May napapansin ka ba kay Binibining Ina, Virginia?” pahayag ni Sanura.            “Kanina ko pa nga napapansin na siya ay balisa at wala sa sarili, simula n’ong bumalik siya kanina sa aming silid ay halos wala na siyang imik,” bulong ko naman pabalik.            Mahina lamang ang boses namin ni Sanura na siyang pinagpapasalamat ko naman dahil hindi namin nakukuha ang atensiyon ng binibini.            “Sigurado ka bang wala kang nakita kanina?” makahulugang tirada sa kin ni Sanura.            “Wala nga, sinigurado akong malinis,” salita ko.            “Mabuti, huwag na lamang nating banggitin pa ang tungkol doon at nasa malapit lamang si Binibining Ina.”   Pilipina’s POV               Naririnig ko ang pagbubulungan ng dalawa kong katabi ngunit ang hina lamang ng kanilang mga boses kaya kahit gustuhin ko mang may marinig ay wala namang silbi.             Nagtilian ang halos lahat ng mga naririto n’ong nagsilabasan na ang mga magiging kalahok at pumewesto sa kani-kanilang pabilog na plataporma. Agad na hinanap ng aking mga mata si Uno.            Hindi ko na pigilan ang mapangiti n’ong mapansin kong suot n’ya ang kamisang berde na binili ko sa kan’ya noon.            “Uy! Nakangiti siya!” paniniko sa kin ni Virginia. Lalo silang napatili n’ong namataan naming nakatingin sa gawi ko si Uno at kumindat pa.            “Unang tira! Puwesto, asintahin ang tudlaan, sampung segundo, tira!” hudyat ng anunsyador.            Ang bilis lamang ng naging pangyayari halos sabay-sabay silang tumira at nagsipalakpakan ang mga nandoroon.            “Ang galing pa rin talaga ni Uno!” bulalas ni Minerva lalo na noong nakita naming sampu ang puntos na nakuha n’ya sa unang tira.            “Baka naman sinuwerte lamang,” pangongontra ko pa.            “Sus! Binibini, hindi ba at masama ang magsinungaling?”            Inirapan ko na lamang sila at ibinalik ang atensiyon sa laro. Nakangiti akong iginagala ang aking mga mata sa paligid. Lahat ay nagagalak sa pinapanood ngunit sino kaya ang nagtatangka sa aking buhay?            Maari ba na ang babaeng ito na kung titigan ako noong kasama ko si Uno na naglalakad sa pasilyo ay kay sama? O ‘di naman kaya itong lalaki na nais akong paglaruan?            Natigil ako sa aking pagmamasid n’ong magtama ang tingin namin ng isang lalaking nasa katamtamang laki at edad. Tumagal ang aming pagtitinginan ng ilang minuto, walang nais na bumitaw kung hindi lang muling nagsalita ang anunsiyador ay hindi sana ako bibitaw.            “Pangalawang tira! Puwesto, asintahin ang tudlaan, sampung segundo, tira!”            Binalik ko ang mga mata ko sa puwesto ng lalaki kanina ngunit wala na siya roon at marahil ay tuluyan ng nakaalis.            Sino kaya siya?            “Hala! Pumalya yata si Uno!” bigong wika ni Natalia.            “Binibini! Sumigaw ka naman po para kay Uno!” ani na naman ni Minerva. Nakita ko ngang napapikit si Uno at napa-iling lalo na n’ong nilabas ang iskor at limang puntos lamang ang nakuha n’ya.            “Bakit ko naman gagawin ‘yon?” bahaw kong sagot.            “Binibini! Sige na kasi! Isa lang!” pamimilit nila. Ano pa bang magagawa ko?            “Zacarias Gervacio! Galingan mo naman!” malakas na sigaw ko kahit parang impossible naman na kan’yang marinig.            “Ayan naman pala!” kantiyawan ng mga kasamahan ko.            “Ah? Binibini?” tawag sa kin ng lalaking biglang tumabi sa akin.            “Anong kailangan mo, ginoo?” agaran kong tanong.            “Ako nga pala si Quirico, maari ko bang malaman ang ngalan ng magandang binibini?” Bolero.            “Ah, Pilipina,” ani ko sabay lahad ng aking mga kamay sa kan’ya.            “Nagagalak akong maka-usap ka, Pilipina,” nakangiti n’yang sagot.            “Nagagalak din akong makilala ka, Quirico,” pala-kaibigan kong sagot.            “Huling tira! Puwesto, asintahin ang tudlaan, sampung segundo, tira!”            “Anong nangyayari kay Panginoong Uno,” nakuha ni Quirico ang atensiyon ko kaya agad kong tinignan si Uno na masamang nakatingin sa min ngayon.            Mukhang alam ko na.            Halos lahat kasi ay nakatira na ngunit si Uno ay nanatiling nakatingin sa tudla. Anong plano n’ya?            “Bakit hindi tumitira si Uno! Matatalo siya niyan!” pag-aalala nila Sanura.            “Ah? Quirico, maari bang makisuyo?” saad ko.            “Ano naman iyon, binibini?” mabilis naman n’yang tugon.            “Maari mo ba akong mabilhan ng tubig sa tindahan?” aniya ko.            “Oo naman! Sandali lamang,” tamang-tama ang naging alis n’ya.            “Dalawang segundo na lamang ang nalalabi,” senyas ng anunsiyador. Binalingan ko naman ng tingin si Uno at ngumiti ako sa kan’ya.            “Tumira ka na,” walang boses kong salita.            Agad naman n’yang tinanggal ang pagkakatitig sa kin at tumira na nga ng kan’yang pana.            Selosong bampira. Psh.            Natapos ang hanay nila Uno kaya may mga bagong mukha naman ang pumalit sa puwesto nila kanina. Nagulat na lamang ako ng may tubig na sa aking harapan. Sinundan ko ang kamay n’ya pataas.            “Bakit ikaw na ang bumili n’yan?” panunukso ko sa kan’ya. Malaman-laman ko na lamang tinakot na n’ya pala ‘yong si Quirico.            Tinignan n’ya ako ng masama bago lagukin ang hawak-hawak n’ya ring tubig na nakalagay pa sa isang garapon. “May inaasahan ka bang ibang nilalang maliban sa kin na magbibigay ng tubig na ‘yan sa ‘yo?” aniya na animo’y galit na naniningalang pugad.            “May sinabi ba ako?” gatong ko naman na mas lalong nagpa-iling sa kan’ya.            “Huwag mo ng hanapin ang gagong ‘yon, hinahanap pa eh,” reklamo pa n’ya kaya napahalakhak na ako ng malakas.            “Ikaw napakamapang-akin mong bampira, para kang batang inagawan ng laruan kung umasta kanina, paano kapag natalo ka? Kasalanan pa ng iba?”            “Tsk. Wala naman sa kalingkingan ko ‘yon, bakit ako matatakot?” mayabang n’yang tirada.            “Yabang mo naman!”   Sanura’s POV               “Nasaan si Binining Ina ngayon?” tanong ko kay Minerva habang naglalakad kaming dalawa sa gusali ng mga taga-Depensa.             “Alas singko na kaya malamang nasa silid aklatan na ‘yon, bakit ba?”            “Wala naman. Eh, si Virginia nasaan?” pasimple kong usisa.            “Kasama ni Karmila at Natalia, inutusan ko silang bumili ng makakain natin. Sanura, nakakapansin na ako ha? Kanina ka pa tanong ng tanong, bakit ba?” bagot na saad ni Minerva habang abala itong inaayos ang kan’yang buhok at tumitingin pa sa dala-dala n’yang salamin.            Ba’t pa mag-aayos? Masisira lang din naman. Mauuwi pa rin sa wala. Kung maganda ka, maganda ka. Tapos ang usapan.            “Pasukin natin ang silid pahingahan nina Binibining Ina at Virginia, may kailangan akong makita.”   Pilipina’s POV (Pagbabalik tanaw)               “Magandang hapon po, Ginang Melchor,” bati ko sa ginang na araw-araw yata nakakain ng ampalaya.            “Muntik ka na mahuli, Amador! Saan ka pa nagsusuot at mas inuna mo pa ang paglalakwatsa kaysa sa trabaho mo rito?!” sigaw agad ni Ginang Melchor sa kin na nakapamewangan na naman at nakatayo sa b****a ng pinto.            “May ginawa lamang po ako sa aming asignatura, ginang, pansensiya na po hindi na po mauulit,” sabi ko na lang.            “Talagang hindi mauulit! Sa susunod na mahuli ka na, magpaalam ka na rin sa trabaho mo rito! Hala! Kumilos ka na at tulungan mo si Isiang na linisan ang loob ng imbakan, ilang buwan na ‘yang hindi nalilinisan!” pasigaw na naman n’yang utos, yumuko muna ako sa kan’ya bago ko ito lagpasan.            “Teka, may natatanggap ka bang hindi kaaya-ayang mga sulat ngayon?” nakangisi n’yang tanong kaya napalingon ako sa kan’ya.            “Ano pong ibig sabihin ninyo, Ginang Melchor?”            “Wala naman, kinakamusta lamang kita, kilala ka na ng halos lahat ng mga naninirahan dito kaya mag-ingat ka, hindi mo alam ang totoong mga ugali ng mga bampira o kahit ng mga sarili mong kalahi. Inuulit ko, mag-iingat ka,” seryoso n’yang wika.            May alam ka ba, Ginang Melchor?            “Ginang Melchor, may dapat pa ba akong katakutan maliban sa ‘yo na lantarang pinapakita sa akin na away mo sa presensiya ko?” matabang kong sagot.            Bumungisngis ito bago sumagot. “Amador, mas matakot ka sa mga nakapaligid sa ‘yo na akala mo makakapagkatiwalaan mo. Mabuti nga ako alam mong hindi kita gusto, kaysa naman sa iba d’yan sa tabi-tabi, gusto ka nga pagkaharap ka, nanggagalaiti naman sa ‘yo kapag nakatalikod ka,” nakakatakot siya, nakakatakot ang mga mata n’ya.            “Pilipina, hindi ibig sabihin na pangit ang pakikitungo ko sa ‘yo ay ayaw na kita, ang akin lang mag-iingat ka, malaki ang maitutulong mo sa pagbabago ng lahat sa mundong ito, kaya pag-ingatan mo ang buhay mo, hindi mo alam kung kailan dadanak ang pulang likido sa harapan mo.”   (Pagtatapos ng pagbabalik tanaw)              ‘Yon ang huling sinabi sa kin ni Ginang Melchor kanina bago n’ya ako tinalikuran at tahimik na naglakad pabalik sa kan’yang mesa.            Nagmamadali ako ngayong pumasok sa aming silid pahingahan. Nagbabakasakali na wala pa si Virginia sa loob. Humahangos kong pinasok ang silid pahingahan namin at agad kong tinungo ang unan na nasa aking higaan. Agad kong kinapa ang ilalim nito at halos bagsakan ako ng malalamig na yelo n’ong wala akong nakapa.            “Saan ‘yon napunta? Sigurado akong nandito lang ‘yon kanina! Dito ko lang ‘yon iniwanan.”            Napatayo ako at nagpabalik-balik sa paglalakad. Saan ‘yon napunta? Sigurado akong dito ko lamang iyon inilagay, maari kayang nakita nila Virginia? Ngunit hindi na sila nakabalik dito lalo pa at alam kong may kan’ya-kan’yang silang lakad na magkakaibigan.            Pinagpapawisan ako at wala sa sarili ng madatnan nilang lima sa aming silid.            “Oh! Binibini, nandito ka na po pala! Ang aga n’yo po yatang naka-uwi,” nabigla pa ako sa boses ni Virginia kaya hindi agad ako nakasagot.            “A-ah, ma-maaga ko kasing natapos ang trabaho ko sa silid aklatan,” palusot ko na lamang.            Tumuloy silang lima sa loob at si Sanura ang nagsara ng pinto. Napabalik ako ng upo sa aking higaan habang sinubukang muli na kapain ang ilalim ng aking unan. Ngunit wala talaga ang sulat kahit anong kapa ang aking gawin.            “Virginia? Bumalik ba kayo kanina rito?” subok kong tanong.            “Po? Hindi po, binibini, buong araw po kaming nasa labas at hindi ko na po nagawang makabalik pa rito, bakit po?”            “Ganoon ba, wala naman.” Hindi maaring may makakita noon na iba, hindi pwede.            Sinusubukan ko talagang alalahanin ang nangyari kanina bago kami umalis at manood ng paligsahan ngunit malinaw na malinaw sa aking memorya na itinago ko lamang ang sulat na iyon sa ilalim ng aking unan.            “May nawawala po ba sa inyong kagamitan, binibini?” mahinang usal ni Sanura.            “Bakit may dapat bang mawala, Sanura?” matabang kong sagot sa kan’ya.            “Wa-wala naman, binibini. Huwag n’yo po sanang mamasamain ngunit mukha po kasi kayong may hinahanap kanina pa,” anito.            “Pumunta ka ba rito kanina, Sanura?” nagtutunog pang-aakusa man ngunit wala dapat akong palagpasihin na pagkakataon. Maliban sa amin ni Virginia ay sina Sanura, Minerva, Karmila at Natalia lamang ang malayang nakakalabas at pasok sa aming silid pahingahan. Tulad na lamang n’ong nakaraang mga araw na nadatnan ko si Sanura na hawak-hawak pa ang aking mga kuwaderno.            “Po? Magkasama po kami buong araw ni Minerva, binibini,” balisa n’yang sagot.            “Sanura, ang tanong ko ay kung pumunta ka ba rito kanina sa aming silid habang kami ay wala, hindi ko naman tinatanong kung nasaan ka, ah?” matigas kong ulit ng aking mga kataga.            “Binibini, tulad po ng sabi ko buong araw kong kasama si Minerva at nasa labas kami, kaya hindi ako pumunta rito sa inyong silid habang kayo ay wala,” aniya bago siya napalunok ng sarili nitong laway.            Sunod kong tinignan si Minerva na hindi makatingin sa akin ng diretso.            May tinatago ang mga ‘to sa kin. Sigurado ako.  
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD