‘Spread love everywhere you go. Let no one ever come to you without leaving happier.’ – Mother Theresa
-Scarlett’s POV-
Pa-simple akong kinalabit ni Abigail kaya naman napatingin ako sa kanya. “Scarlett, gusto mong sumama sa gala namin mamaya?” bulong niya pa.
Kaagad naman akong umiling dahil may plano na ako para mamaya. “Sorry, Abigail, hindi ako makakasama, may pupuntahan kasi ako,” bulong ko naman pabalik.
Nasa klase pa kasi kami ngayon kaya naman tamang bulungan lang ang nagagawa namin. Malapit na rin naman nang matapos ang klase kaya naman nakakahiya kung mahuli pa kami na nagdadaldalan.
Mukhang may sasabihin pa sana siya pero hindi na niya natuloy dahil biglang humarap ‘yong prof namin kaya naman kapag nagsalita siya ay mahuhuli siya. Nagbilin lang ito ng ilang reminders at saka nag-dismiss na ng klase.
Pagkalabas ng prof namin ay inayos ko na kaagad ang mga gamit ko habang abala si Abigail sa pagbanggit ng plano nila mamaya. Kasama niya pala ‘yong ibang kaklase namin. Plano raw kasi nilang mag-bar mamaya dahil may bagong bukas malapit dito.
“Sorry talaga, may pupuntahan kasi ako ngayon. Kakausapin ko si Auntie Amanda,” paliwanag ko sa kanya.
Mukha namang nagtatampo siya dahil hindi siya nakasagot kaagad. Kahit na libre ako ay hindi rin naman ako sasama, wala naman akong gagawin do’n dahil hindi naman ako umiinom. Hindi rin ako party girl. At mas lalong hindi ko ka-close ‘yong mga kasama namin kaya naman paniguradong maa-out of place lang ako.
“Ayos lang. Gusto ko sana na makasama ka pero may lakad ka eh, wala naman akong magagawa,” sagot naman niya pero ramdam ko ang pagtatampo sa boses niya.
“I’m sorry, babawi talaga ako next time.”
“Ayos lang, basta bumawi ka ah!” at mukhang sumigla na ulit siya.
Binilisan na rin niya ang pag-aayos ng gamit niya dahil naghihintay na rin sa labas ang mga kasama niya. Mabuti na lang at mukha siyang excited kaya kahit papano ay nawala ang pagkabahala ko. Matapos mag-ayos ng mga gamit ay nagpaalam muna siya sa akin bago tuluyang umalis.
“Bye, Scarlett, ingats,” paalam niya at hinalikan ako sa pisngi.
“Mag-iingat ka rin,” paalam ko naman. “Bawi ako next time,” pahabol ko pa at kinidatan naman niya ako.
Isa-isa ko na ring inayos ang mga gamit ko dahil baka naghihintay na si Aaron sa labas. Matapos mag-ayos ay saka ko lang napansin si Mark na palagay ko ay kanina pa nakatingin sa akin. At dahil nagmamadali ako ay ngumiti lang ako sa kanya at dali-dali nang lumabas.
Paulit-ulit pa akong tumitingin sa relo ko dahil ano mang minuto ay dadating na si Aaron, ayoko naman na maghintay pa siya sa akin. Nakakahiya na dahil nag-abala pa siya na sunduin ako. Bago kasi lumabas ng classroom ay nabasa ko ang text niya na malapit na siya kaya maya-maya ay narito na rin siya.
Marami akong nakakasabay sa paglalakad dahil uwian na rin ng karamihan sa iba. Hindi tuloy ako makapagmadali ng todo dahil may isang grupo ng mga estudyante ang nasa unahan ko. Gustuhin ko man na sumingit para mauna ay hindi ko magawa dahil sakop nila ang buong daan.
At dahil nagmamadali ako ay pakiramdam ko ay lalo nilang binabagalan maglakad. Mabilis kong sinilip ang cellphone ko para tignan kung nakarating na ba si Aaron pero mukhang wala pa dahil wala pa naman siyang text. Sabi niya kasi ay magte-text din siya kapag nasa gate na siya.
Nagulat na lamang ako ng biglang may humatak sa akin pagilid kaya naman napapitlag ako. Mabuti na lang at hindi ko nabitawan ang cellphone. Nang tignan ko kung sino ang humatak sa akin ay napansin ko si Marka na nakahawak sa dalawang braso ko.
“Muntik ka nang bumangga,” wika niya sabay tingin sa poste na nasa harapan ko.
Hindi ko napansin. Mabuti na lang at nahatak niya ako kaagad, dahil kung hindi ay nahalikan ko na ang poste.
“Thank you,” wika ko at inayos ang gamit ko.
Pansin ko lang ay ang dami ko nang utang na loob sa kanya. At saka no’ng makilala ko siya ay napapadalas na ang pagkikita namin. Hindi naman imposible dahil magka-klase kami. Pero naninibago lang ako dahil hindi naman kami nagkaro’n ng ganitong interaksyon before.
“Are in a hurry? Mukhang nagmamadali ka,” at do’n ko lang naalala na nagmamadali nga pala ako. Mabuti na lang at nabanggit niya. Bakit ba kasi nagiging lutang ako this past few days.
“Ah, oo, sorry kailangan ko nang mauna. Thank you ulit,” wika ko at nauna nang maglakad kaysa sa kanya.
Halos lakad takbo na ang ginawa ko para lang makarating kaagad sa gate pero gano’n na lang ang gulat ko ng mapansin ko na kasabay ko nang maglakad si Mark. Agad akong napatingin sa kanya pero nginitian niya lang ako.
Pakiramdam ko ay halos tumatakbo na ako sa bilis kong maglakad pero siya ay parang chill lang. Iba pala talaga kapag mahaba ang biyas.
At dahil sa lakad-takbong ginawa ko ay nakarating din ako sa gate. Nakahinga naman ako ng maluwag ng mapansin ko na wala pa si Aaron. Saka ko lang din naramdaman ang hingal nang huminto ako sa paglalakad.
“Dito rin ba ang daan mo?” nagtatakang tanong ko kay Mark dahil kanina ko pa napansin na nakasunod siya sa akin, o assuming lang talaga ako? “Hindi ba may sasakyan ka?”
“Yeah and yeah. Sa kabilang kanto lang naka-park ang sasakyan ko,” sagot niya kaya napatango na lang din ako.
So assuming naman pala ako. Dito rin naman pala ang daan niya.
“Hindi ba nagmamadali ka? Gusto mo bang sumabay na sa akin? Saan ka ba pupunta, ihahatid na kita,” sunod-sunod na tanong niya.
Baka akalain niya ay inaabuso ko ang kabaitan niya kaya naman tumanggi ako. Isa pa ay may magsusundo na sa akin kaya naman ayos lang.
“Hindi na, may magsusundo rin kasi sa akin, hinihintay ko lang siya na duamting—“ hindi ko na natuloy pa ang sasabihin ko dahil sabay kaming napatingin sa tumawag sa akin.
“Scarlett!”
At nakita ko sa kabilang kalye si Aaron na kararating lang. may mangilan-ngilan pa ngang estudyante na humihinto para tignan siya. Aminado naman ako na agaw atensyon talaga ‘tong pinsan ko na ‘to kaya kahit papano ay sanay na ako na pinagtitinginan siya ng mga tao.
Hindi ko lang alam kung aware ba siya na pinagtitingin siya o nasanay na lang siya sa tingin ng mga tao. Actually, parehas sila ni Amber. Maganda naman kasi si Amber at sexy pa. Hindi tulad ko na ordinary lang, kaya naman mas komportable ako kapag walang nakakapansin sa akin.
“Ah, Mark, mauna na ako, nandito na ‘yong sundo ko,” paalam ko sa kanya at naglakad na ako.
Bago tumawid ay tumingin muna ako sa kanya para ngumiti at saka dumiretso na sa sasakyan. Bago kami tuluyang umalis ay napansin ko pa na nakatayo pa rin siya kung saan ko siya iniwan pero hindi ko na lang pinansin.
“Boyfriend mo?” tanong kaagad niya ng makalayo kami sa university.
“Hindi,” maikling sagot ko sa kanya.
“Manliligaw?”
“Hindi.”
“Ah, bakla.”
“Hindi ‘no!”
“Bakit defensive?” natatawang sabi niya pa.
Mukha namang nang-aasar siya kaya hindi ko na lang ulit siya pinansin. At dahil hindi naman kalauyan ang apartment ko sa university ay nakarating din kami kaagad. Pansin ko pa nga ang tinginan ng mga kapitbahay ko pagbaba ko ng sasakyan.
At kung minamalas ka nga naman ay naabutan pa namin sa hallway sina Britney na nakatambay. Nakita tuloy nila ang kasama ko. At syempre ang bakla, kumikinang ang mata habang nakatingin sa kasama ko. Pero mukhang deadma naman ‘tong kasama ko dahil dire-diretso lang siya sa paglalakad.
“Scarlett, pakilala mo naman kami,” bulong sa akin ni Britney habang hinahawi ang maikli niyang buhok sa likod ng tainga niya.
“Bakla ka talaga,” bulong ko naman sa kanya kaya natawa siya.
At para pagbigyan ang kahilingan niya ay tinawag ko si Aaron para ipakilala sila. Mabuti na lang at hindi ‘to isnabero kaya naman hindi na ako nahirapan pa.
“Aaron, si Britney and Brenda nga pala, mga kaibigan ko,” pakilala ko sa dalawa.
At ang mga loka ay nakipag-shakehands pa! Pa-simple tuloy akong natawa dahil pa-simpleng tyansing pa sila.
“Guys, si Aaron, pinsan ko nga pala.”
“Nice meeting you girls,” bati niya pa sa dalawa.
At ang mga bakla, pahalata masyado na kinikilig. Todo ngiti tuloy ako sa gilid dahil sa pagpipigil ng tawa ko sa kanila.
“Sige, mauna na muna kami ah,” paalam ko at binuksan ko na ang pintuan. At ayo’n ang mga bakla, tamang huling sulyap pa.
“Nakapag-ayos ka na ba ng gamit mo?”
Shocks! Hindi pa pala ako nakakapag-ayos. Ano ba naman kasi ‘yan, nakaka-pressure ‘tong si Aaron. Sana pala sinabi ko na bukas na lang kami magkita.
“Hala, hindi ko pa pala naaayos, pasensya na biglaan kasi,” sagot ko at saka isa-isa nang iniligpit ang mga gamit ko.
Hindi naman gano’n karami ang gamit ko kaya naman isnag maleta lang din ang dala ko, ang alam ko kasi may mga damit pa ako sa bahay nila auntie. Nang tignan ko kasi ‘yong kwarto ko rati ay may mga damit pa rin ako na nando’n.
Mukhang hindi nila ginalaw ang kwarto ko simula ng umalis ako. Halos isang oras din akong nag-ayos ng mga gamit. Mas binilisan ko pa ang pagliligpit dahil baka mamaya ay naiinip na ‘yong isa. Pero mukhang hindi naman dahil nanonood siya sa cellphone niya.
Mukhang bukas ko na lang aayusin ‘yong iba. Panigurado naman na babalik pa ako rito para asikasuhin ‘yong ibang gamit at para na rin kausapin si Aling Pasing. Hindi ko pa kasi alam paano gagawin sa trabaho ko pati na rin dito sa apartment kaya baka bukas ko na sila kausapin.
“Are you done?”
“Ah oo, pasensya na natagalan.”
“It’s fine. Wala ka na bang nakalimutan?” tanong niya pa at saka kinuha sa akin ang maleta. Hindi na rin naman na ako umagal dahil may kabigatan ‘yon, paniguradong hindi ko kakayanin ibaba.
“Wala naman na,” I said at isa-isa nang tinaggal ang mga nakasaksak na kuryente.
“Let’s go,” he said at nauna nang lumabas.
Tumango naman ako sa kanya at siniguradong walang naiwan na nakasaksak na kuryente. Bago pa tuluyang umalis ay muli kong nilibot ang buong tingin sa apartment sa pagba-bakasali na makita sila Mr. Julian, pero nabigo ako dahil wala sila.
Simula kaninang umaga ay wala rin sila. Huling kita ko sa kanila ay kagabi, no’ng pagkauwi ko galing kina Auntie Amanda. Hindi kaya nagtatampo sila dahil sa hindi ko natapud ang kahilingan nila? O dahil naging bastos ako sa kanila? Hindi ko alam pero bigla tuloy akong nalungkot.
Nakakalungkot lang na aalis ako ng hindi man lang nakapagpaalam sa kanila. Kahit papano ay naging parte na rin sila sa araw-araw ko. Sa ilang linggo ba naman naming magkakasama. Nasanay na tuloy ako na lagi silang nadadatnan kapag umuuwi ako galing sa trabaho.
Imbes na mag-drama pa ay sinarado ko na kaagad ang pinto at sumunod na pababa. At dahil wala naman nang nakalimutan ay kaagad din kaming umalis, kaya naman muli akong tumingin sa apartment sa pagba-bakasali na makikita sila pero wala talaga. Mukhang umalis na nga sila. At hindi man lang sila nagpaalam.