‘Sometimes, you will never know the value of a moment until it becomes a memory.’ – Dr. Seuss
-Scarlett’s POV-
Hindi ako sanay ng walang ginagawa kaya naman nagpasya ako na lumabas muna para magpahangin, sakto rin at may mini-garden dito na pwedeng pagtambayan. May iilang nurse ang nag-iikot-ikot kasama ang ilang matandang pasyente kaya naman hindi rin masyadong nakakatakot ang buong lugar.
Masyado lang ata akong na-paranoid nang dahil sa mga napapanood kong kung ano-anong palabas.
Kahit na malalim na ang gabi hindi pa rin gano’n kadilim dahil sa liwanag ng buwan. Masarap din sa katawan ang hampas ng malamig na hangin. Nakaka-relax ‘yong buong paligid, nakakagaan ng pakiramdam.
Mabuti na lang pala at naisipan kong lumabas. Mas makakapag-relax ako sa ganitong lugar kaysa buong araw lang akong magkukulong sa kwarto ko.
Ilang oras na lang din naman na at magu-umaga na kaya naman hindi ko na rin kailangan matulog dahil uuwi na rin naman na ako. Mabuti na lang din at wala akong klase sa linggong ‘to dahil integration week namin. Ibig sabihin ay mag-iiwan lang ng gawain ‘yong prof kung gugustuhin niya pero walang klase na magaganap.
Kung gano’n ay mas mabuti pala kung maaga akong makakauwi para makapasok ako sa trabaho. Sayang naman kasi ang bawat araw na lilipas kung wala akong gagawin. Hindi na rin naman na sanay ang katawan ko na walang ginagawa, mas madali akong mainip kapag gano’n.
Habang naglalakad-lakad ay napansin ko ang isang ginang na abalang-abala sa mga bulalak. Hindi ko alam kung anong nagtulak sa akin na huminto upang panoorin siya. Wala naman siyang espesyal na ginagawa. Pero parang natutuwa akong panoorin siya na masayang pinagmamasdan ang mga bulaklak.
“Mukhang mahilig po kayo sa bulaklak,” wika ko. Pati tuloy ako ay talagang nawi-weirduhan na sa aking sarili. Wala naman akong planong kausapin siya pero hindi ko alam kung bakit bigla kong naitanong ang bagay na ‘yon.
At kagaya nga ng inaasahan ko ay hindi siya sumagot. Saglit niya lang akong tinignan habang nakangiti at muli na siyang bumalik sa pagsusuri sa mga bulaklak.
Kanina ko pa napapansin na sa tuwing magtatanong ako ay hindi sila sumasagot. Sa tuwing magtatanong din kasi ako ay titingin lang sila sa akin saglit sabay ngingiti at saka babalik sa kanilang ginagawa na parang walang nangyari. Na kung umakto sila ay para bang nakikita nila ako pero hindi nila naririnig ang mga sinasabi ko.
At dahil mukhang ayaw naman niya akong kausap ay nagpasya na akong umalis. Dati pa lang ay sanay naman na akong walang pumapansin sa akin kaya naman nagpatuloy na lang ako sa paglalakad. Nakakailang hakbang pa lang ako ay natanaw ko na naman ‘yong matandang naninigarilyo.
Kaagad tuloy na tumaas ang kilay ko habang nakatingin sa kanya. Hindi niya ba alam na bawal ang manigarilyo sa loob ng hospital? At bakit parang walang sumasaway sa kanya? Kanina rin sa loob ng opisina no’ng psychiatrist ay hindi siya sinuway.
May katungkulan ba siya rito sa hospital? Matapos baa ng posisyon niya kaya naman walang may naglalakas ng loob na sawayan siya?
Lalapit na sana ako sa pwesto niya para sawayin siya ng makita kong muli ‘yong bata na nasa kabilang upuan malapit sa matandang naninigarilyo. Kagaya kanina ay nagbabasa pa rin ito ng libro, pero ngayon ay wala na siyang hawak na inumin.
Teka, wala pa rin bang sumusundo sa kanya? Mukhang hindi naman siya pasyente dahil maayos ang damit na suot niya at hindi hospital gown. Hay, bahala na nga.
Imbes na pansinin pa sila ay nagpasya na lang ako na bumalik sa kwarto ko. Lalo lang sumasakit ang ulo ko sa dami ng iniisip ko. Tama na ‘yong mga problema ko kaya hindi ko na sila idadagdag pa, mukhang kaya naman na nila ang mga sarili nila.
Pagdating sa kwarto ay may naramdaman akong kakaiba, nasa tapat pa lang ako ng pinto kaya naman nagda-dalawang isip tuloy ako kung papasok na ako o tatakbo palabas. Kapag tumakbo naman ako ay baka mapagkamalan akong baliw, kaya naman inipon ko ang lahat ng lakas ng loob na meron ako para buksan ang pintuan ng kwarto.
At gano’n na lamang ang laking gulat ko ng makitang may ibang tao sa loob ng kwarto ko.
“P-paanong…” pautal na wika ko.
Paano sila nakapasok sa kwarto ko ng hindi ko man lang sila nakasabay sa daan. Mula sa mini-garden ay wala naman ng ibang daan papunta rito kung hindi do’n lang sa dinaanan ko at hindi ko sila nakita. Isa pa, ang bilis naman nilang nakarating kung gano’n.
“S-sino kayo. Anong kailangan niyo sa akin?” lakas loob na tanong ko sa kanila kahit na ramdam ko na ang panginginig ng mga kamay at tuhod ko. Gustuhin ko mang sumigaw ay hindi ko magawa, para bang may pumipigil sa akin na gawin ‘yon.
At do’n ko lang napagtanto na posibleng hindi tao ang mga kasama ko ngayon.
Kaya pala. Kaya pala sa tuwing magsasalita ako tungkol sa kanila ay nawi-weirduhan sa akin ang mga tao. Kaya pala. K-kasi mga m-multo sila.
Bigla namang nagtaasan ang mga balahibo ko sa naisip ko. Imposible. Wala naman akong third-eye kaya paanong mangyayari na bigla akong nakakakita ng multo. Hindi naman nabagok ang ulo ko— sandali, nabanggit kanina no’ng doctor na nauntog ako.
Pero sabi niya ay wala namang problema kaya mabuti na lang na bukol lang ang natamo ko. Pero paano ngayon na nakakakita ako ng multo? Ilang beses naman na akong nauntog no’ng bata ako pero wala namang nangyari. Hindi ko alam. Hindi ko na alam kung anong nangyayari.
“Wala ka bang balak na pumasok?” malumanay na tanong no’ng babae. Siya ‘yong nakita ko kanina sa mini-garden na abala sa pagtingin sa mga bulaklak.
Imbes na umatras ay humakbang ako papaabante papasok ng kwarto. Pati katawan ko ay ayaw nang sumunod sa akin, dahil imbes na tumakbo papalayo ay ito ako ngayon naglalakad papasok. Mukhang nasisiraan na nga talaga ako ng bait.
“Alam kong h-hindi kayo t-tao. A-anong kailangan niyo. B-bakit ginugulo niyo ako?” utal-utal na tanong ko. Gustuhin ko man na patigasin ang boses ko ay hindi ko na magawa dahil dinadala na talaga ako ng takot.
“Ikaw ang magiging daan namin. You are the one who will help us,” sagot naman no’ng bata.
At dahil hindi ako makasagot ay ilang segundo ko pa silang tinitigan bago tuluyang nag-sink-in sa utak ko ‘yong sinabi nila. Ako ang magiging daan nila? Saan? Dito sa mundong ‘to? Bakit ako pa? Sa dinami-rami ng tao rito sa hospital, ako pa talaga?”
Ayan ang mga tanong na sumasagi sa isipan ko pero wala akong lakas ng loob na sabihin. Kailanman ay hindi ko pinangarap na maka-encounter ng kung anong klase ng nilala pero sumagi na ‘yon sa isip ko. Hindi lang ako aware na mangyayari pala talaga siya sa akin.
“S-sandali. Ako ang magiging daan niyo? So, ibig sabihin ay gagamitin niyo ako?”
“Tama ka,” sgaot naman no’ng matandang lalaki na naninigarilyo kanina.
Ngayon alam ko na kung bakit kahit ilang beses kong sabihin na may kasama akong bata kanina ay hindi sila naniniwala dahil nila ito nakikita. Pati na rin sa matandang lalaki, kaya pala ako lang ang nakapansin sa usok ng sigarilyo niya ay dahil nga ako lang ang nakakakita sa kanila.
Pati na babae kanina. Kaya pala no’ng nagtanong ako kung mahilig ba siya sa bulaklak ay nagtatakang tumingin sa akin ‘yong ibang pasyente, ‘yon ay dahil hindi nila nakikita ‘yong kinakausap ko.
Teka, sandali, parang sumasakit na naman ang ulo ko. Bigla ring bumigat ang pakiramdam ko. Para bang… para bang gusto kong pumikit.
-----
Bigla akong nakaramdam ng lamig kaya naman nawala na ang antok ko. Saktong pagkadilat na pagkadilat ko ay bumungad sa akin ang doctor na kumausap sa akin kahapon kasama ang dalawang nurse.
“How are you feeling?” tanong nito ng mapansin na gising na ako.
“Ayos naman na po ako,” sagot ko dahil pakiramdam ko ay pwede naman na akong umuwi. “Ay naku!” bigla naman akong nagulat ng may biglang bumagsak sa sahig kaya naman napatingin ako sa gawi kung saan nanggaling ‘yong ingay.
“Hindi po ba talaga ipapasundo ‘yang bata na ‘yan—“ bigla akong natigil sa dapat na sasabihin ko ng bigla kong maalala ang nangyari kagabi.
I must have really lost my mind. This is the first time na makakita ako ng multo. Hindi lang iisa, kung hindi tatlo pa sila.
Ngayon alam ko na kung bakit dapat makakauwi na ako pero biglang na-delay ay dahil sa kanila. Kaya pala imbes na general doctor ang mag-check sa akin ay isang psychiatrist ang na-assign sa akin. Baka akala nila ay nasisiraan na ako ng ulo.
Kung gano’n ay kailangan ko lang din na magpanggap na hindi ko sila nakikita para makalabas na ako rito. Naalala ko pa ‘yong sinabi nila na ako ang magiging daan nila. Pero naniniwala ako na once na makalabas na ako rito ay magiging maayos na rin ang lahat. Kailangan ko lang galingan ang pag-arte.