“BAKIT kailangan mo pa akong bigyan ng engagement ring? Okay na kahit itong wedding ring lang,” puna ko nang tumatakbo na ang sasakyan. “Ayaw mo ba?” Nilingon ko si Phoenix. Nakatingin din pala siya sa akin. Yumuko ako at sa singsing tumingin. “Hindi naman. Nagtataka lang ako. Hindi kasi tayo dumaan sa engagement period.” Hindi siya nagsalita. Pero hindi ko na siya kinulit. Hinayaan ko na lang ang pananahimik niya. Ngunit ilang minuto lang ang lumipas, narinig ko ang malakas niyang buntunghininga. “Para saan naman iyon?” nagtatakang tanong ko. Nilingon niya ako at nakipatitigan sa akin. Napakurap ako nang mabasa ko sa mga mata niya ang matinding kalungkutan. Parang ganoon din ang nakita ko noon sa mga mata ng kapatid niya. Ganoon ba silang magkapatid? Magkapareho din ng nararamdaman?

