CHAPTER 3
ARZIEL'S POV
Maaga akong nagising dahil sa sikat ng araw na tumama sa mukha ko. Napabalikwas ako ng bangon nang mapagtantong hindi ko pala naisara ang kurtina ng kwarto ko kagabi. Wala na rin akong suot na maayos na damit—siguro ay dahil sa sobrang antok kagabi kaya hindi na ako nagbihis. Agad akong tumayo at nagtungo sa banyo para mag-ayos ng sarili.
Pagkatapos kong maghilamos at magpalit ng damit, lumabas ako ng kwarto at bumaba sa hagdan. Kakapasok ko pa lang sa hallway nang bigla kong mapansin ang pinto ng kwarto ni Kuya na kasalukuyang bumubukas. Bagong ligo siya, halatang kagigising lang din—at gaya ng dati, wala na namang suot na pang-itaas.
Parang natuyuan ako ng laway habang pinagmamasdan siya. Basang-basa pa ang buhok niya at ang bawat patak ng tubig mula sa kanyang katawan ay tila may sariling ritmo na bumabagsak sa kanyang abs. Papalapit siya sa akin, at diretso ang titig niya sa akin na para bang may iniisip.
"Hoy!" sabay pitik niya sa harap ng mukha ko. "Nakatulala ka na naman sa mga abs ko. Baka matunaw 'yan, sayang effort ko sa gym."
Napapikit ako at kunwaring nainis. "Hoy, feeling mo ha. May iniisip lang ako, 'no!"
"Sino? Ako ba?" Nakangising sagot niya habang tumagilid ng bahagya para ipakita pa lalo ang katawan niya.
"Hindi no, hangin mo!" sabay irap ko.
Tumawa siya at lumapit pa lalo, saka tumigil sa tapat ko. "Btw, anong nangyari kagabi? Wala na akong natatandaan eh. May sinabi ba ako sayo o... sinukahan ba kita?"
Napatingin ako sa kanya nang masinsinan. Halatang-halata sa ekspresyon ng mukha niya na hindi talaga siya nagbibiro. Totoong wala siyang maalala.
Dahil sa tanong niya, para akong binuhusan ng malamig na tubig. Bumalik sa alaala ko ang mga nangyari kagabi—ang pagkalasing niya, ang mga salitang binitiwan niya, at ang...
Napabuntong-hininga ako. Hindi ko alam kung dapat ko ba itong sabihin sa kanya o itikom na lang ang bibig ko.
Hanggang sa niyaya ko nalang siya manuod ng movie para maiba ang usapan namin at mawala ang tensyong nagsisimula nanaman maumpisahan.
Flashbacks:
Puno ng tawanan ang sala habang magkakasama kaming nanonood ng pelikula. Nasa sofa si Kuya, hawak ang isang bote ng alak habang panay ang tawa at kwento. Ako naman, nakaupo sa carpet, nakasandal sa paanan ng sofa. Naramdaman ko pa ang bigat ng kamay niya sa balikat ko—banayad, pero may init na parang hindi lang dahil sa alak.
"Alam mo..." bulong niya sa tenga ko, may konting yabang sa boses pero bakas ang kalasingan. "...ikaw talaga ang paborito ko sa lahat ng kasama ko rito."
Napalingon ako sa kanya, halatang malabo na ang mga mata niya. "Lasing ka na, Kuya," sabi ko habang pilit kong iniiwas ang sarili sa titig niya.
Ngunit bago pa ako makalayo, hinawakan niya ang pisngi ko at tinitigan ako ng matagal. "Hindi ako lasing... o baka nga lasing ako, pero totoo 'yung sinabi ko. 'Wag ka na lumayo."
Nanlaki ang mga mata ko. Hindi ko alam kung paano ako kikilos, kung lalayo ba ako o mananatili lang. Nararamdaman ko ang t***k ng puso ko na parang gusto nang kumawala sa dibdib ko. Hindi siya kumikilos, pero ang mga mata niya, para bang sinisilip ang kaluluwa ko.
"Kuya..." mahina kong sambit.
Ngumiti siya, pero sa ngiting iyon may halong sakit at lungkot. "Tawagin mo ulit 'yan. Gusto kong marinig."
Hindi ako sumagot. Pinili kong yumuko at kunwaring inaantok na.
Maya-maya, sumandal siya sa sofa at napapikit. Bumigat ang hangin sa paligid. Tahimik. Tanging maririnig ang tunog ng TV at ang mahinang paghinga niya.
Nang makatulog siya, ako na ang nagligpit. Dinala ko siya sa kwarto niya kahit ang hirap niyang buhatin. Habang inaalalayan ko siya sa kama, nahulog ang mukha niya sa balikat ko, at mahina niyang ibinulong...
"Kung ibang mundo 'to... baka ikaw ang pinili ko."
Doon ako natigilan. Nang mapahiga ko na siya, saglit ko siyang pinagmasdan—at saka ko lang napagtanto na baka ako ang may problema. Dahil ang pusong pilit kong pinipigil, unti-unti na palang nahuhulog.
End of Flashbacks:
"Huy?" sabi niya habang kinakaway-kaway ang kamay niya sa harap ng mukha ko. "Ba't parang lumipad utak mo?"
Umiling ako, pilit ikinubli ang bigat ng nararamdaman. "Wala. Wala kang sinuka. Pero baka dapat ikaw ang tanungin ko—wala ka talagang maalala?"
"Promise. Wala talaga," sagot niya, sabay kamot sa batok. "May ginawa ba ako? Huwag mong sabihing..."
Napakunot ang noo niya.
"May nasabi ba akong hindi dapat?"
Napangiti ako, pilit. "Wala. Natulog ka lang. Tahimik. Parang anghel."
"Totoo ba 'yan? Parang may tinatago ka eh."
"Hindi ah. Imagination mo lang 'yan," sagot ko sabay talikod at mabilis na tumungo sa kusina para magtimpla ng kape—hindi dahil gusto ko ng kape, kundi para lang makatakas sa titig niyang parang gustong basahin ang laman ng puso ko.
Pero sa bawat hakbang, sa bawat tiklop ng alaala, mas lalo kong nararamdaman... na kahit anong pilit ko, hindi ko kayang kalimutan ang mga salitang binitiwan niya kagabi.
Habang nasa kusina ako, abala sa paghalo ng kape, naririnig ko pa rin ang yapak niya papalapit. Hindi ko siya nilingon, pero ramdam ko ang presensya niya sa likod ko. Nakakatindig balahibo, pero hindi ko maintindihan kung dahil sa kaba o sa inaasahang tanong na baka muli niyang banggitin ang mga sinabi niya kagabi.
"Akin na, ako na magtitimpla," sabi niya sa mababang boses, sabay agaw ng kutsarita sa kamay ko.
"Uy, ako na," tanggi ko, pero hindi na niya ako pinansin. Pinagmasdan ko siya habang inaabot ang tasa—nakakunot ang noo, para bang may gustong alalahanin pero hindi niya magawa.
“Alam mo,” sambit niya bigla. “Kanina pa ko naiilang. Parang may kulang.”
“Wala namang kulang. Gutom ka lang siguro,” sagot ko, pilit na pinapalihis ang usapan.
Pero tumingin siya sa akin, diretso sa mga mata ko. “Kung sakaling may nasabi akong hindi ko maalala... ayokong pagsisihan 'yon. Kasi kung nasabi ko man, ibig sabihin totoo talaga sa puso ko.”
Natigilan ako. Bigla akong napalunok, at napayuko.
Hindi ko alam kung magagalit ako, matutuwa, o... mahuhulog lalo.
Ang tanging alam ko—wala nang atrasan ‘to. Lalo na kung unti-unti na niyang binubuksan ang pinto papunta sa puso ko, dahan-dahan pero sigurado. At ako, kahit takot, handang sumugal kung siya ang dahilan.