“RITA, hindi ka muna papasok sa eskwela ngayon,” wika ng amain niya na si Orly. Naka-uniporme at kasalukuyan na siyang nagsusuot ng sapatos nang sabihin nito ‘yon.
“B-bakit ho, Tiyo? May mahalaga po kaming pag—”
“Wala akong pakialam kahit exam niyo pa ngayon. Basta hindi ka papasok tapos! Alagaan mo ang mga kapatid mo at kami ay mamimili ng nanay mo. Bantayan mo rin ang tindahan,” anito.
Napatingin siya sa ina na kalalabas lang ng silid at inaayos ang kwelyo ng suot na polo shirt. Basa pa ang buhok nito at may nakalagay pang suklay. Nais niya sanang salungatin nito ang amain. Pero katulad ng dati ay nabigo na naman siya.
Wala siyang nagawa kundi itigil ang ginagawa. Nilapitan niya ang isang buwang gulang na kapatid at yumuko para kalungin ito pero nakalimutan niya ang nakasukbit na bag sa likod at nalaglag iyon sa kapatid. Palahaw ito ng iyak at mabilis pa sa alas kwatro nang tumama sa mukha niya ang palad ng amain pagkatapos ay dinaluhan nito ang bunsong anak.
“Tarantada ka talaga! Hindi ka nag-iingat. Papatayin mo ba ang kapatid mo?” galit na pakli nito.
Napaiyak na lang siya at nalasahan pa niya ang dugo galing sa gilid ng labi niya na pumutok. Labing isang taong gulang pa lang siya at nasa ikalawang baitang pero nag-aalaga na siya ng dalawang kapatid sa ina. Pagkatapos ay nakakatanggap pa siya ng pananakit mula sa amain kahit sa mga simpleng pagkakamali lang. Samantalang ang kanyang ina ay wala man lang reaksyon sa tuwing nakikita nito ang pananakit sa kanya.
Nang minsang magsumbong siya ay nagulat pa siya sa sagot nito. Ang sabi nito ay; “Kasalanan mo ‘yan…” Sa murang edad ay unti-unti siyang natututong magtanim ng sama ng loob sa ina. Pero may karapatan ba siya?
Minsan pa ay nais niya itong sumbatan kung bakit agad itong nag-asawa gayong kamamatay lang ng kanyang ama. Hindi ba’t kasama na agad nito ang Tiyo Orly niya nang sunduin siya sa sementeryo. Pero wala siyang lakas ng loob na isatinig iyon dahil makakatanggap na naman siya ng sakit ng katawan mula rito.
“Rita, bakit hindi ka pumasok? Hinahanap ka ni Ma’am dahil ikaw lang ang malakas ang boses at magaling bumasa sa klase natin,” wika ng kaklase niyang si Kiko nang puntahan siya nito kinahapunan. Bitbit pa nito ang backpack na may tatak na pangalan ng kanilang kapitan.
“M-may ginawa kasi sila mama at tiyo. Walang magbabantay kay totoy at nene pati rito sa tindahan,” wika niya. Katutulog lang ng bunso niyang kapatid at kasalukuyan niyang hinihintay ang mga magulang.
“May sugat ka na naman. Si Mang Orly na naman ba ang may gawa niyan?” puna nito sa sugat niya sa labi.
Hindi siya nagsalita at nagyuko na lang ng ulo. “Palagi kang absent. Mabuti na lang at pumapayag si Ma’am na iuwi ko ang kwis para mapag-aralan mo,” habang sinasabi ‘yon ay inilalabas naman nito mula sa bag ang notebook at ilang papel saka iniabot sa kanya.
Aabutin na sana niya ‘yon nang biglang may lasing na dumating. Si Mang Kanor pala ‘yon, ang may-ari ng inuupahan nilang kubo. “Nene, pautang nga ako ng alak. Bukas ko babayaran,”
Naalala niya ang bilin ng amain na ‘wag itong pauutangin. “Pasensya na ho Mang Kanor, pero bilin po ng Tiyo na ‘wag kayong papautangin,”
Nagulat siya nang haklitin nito ang damit sa parte ng leeg niya. Kulang na lang ay umangat siya sa buhangin. “Ano?! Gusto niyo bang palayasin ko kayo dito sa bahay ko?” banta nito. Amoy na amoy niya ang pinaghalong alak at sigarilyo sa hininga nito.
“Mang Kanor, bitawan niyo si Rita. Wala naman siyang kasalanan. Napag-utusan lang siya,” wika ni Kiko na pinipigilan ang matanda sa braso.
Sakto naman ang pagdating ng mga magulang ni Rita. Agad na pinigil ni Lowella ang matanda samantalang si Orly ay nakatingin lang.
“Anong problema, Mang Kanor?” kalmadong tanong ni Orly, nakapameywang pa ito.
“Bakit ayaw niyo akong pautangin? Nagbabayad naman ako a? Mahina lang ang huli ng isda,” tanong nito.
“Kailan ka ba huling nagbayad? Tanda mo ba kung magkano na ang utang mo? Hindi ako nagnegosyo para lang ipautang sa lasenggong kagaya mo,” ani Orly.
“Napakayabang mo! Bakit magkano ba ang utang ko? Kung gano’n ay ibawas mo sa bayad niyo sa upa tutal ay malaki ang kinikita niyo dito sa tindahan. Sa susunod na buwan ay tataasan kong muli ang upa,” galit na wika ng matanda.
“Hindi naman ho yata tama ‘yon, Mang Kanor? Ilang buwan palang mula nang magtaas kayo—”
“Manahimik ka Wella. Maganda naman ang kita niyo a? Nasa tabi niyo ay beerhouse sa kabila naman ay barracks ng mga construction worker. Maswerte nga kayo at kayo ang pinapwesto ko rito tapos ay alak lang ayaw niyo pa akong pagbigyan?” litanya ng matanda.
“Wala akong panahon makipagtalo sa lasenggo. Ipapatawag ko si Kapitan kapag hindi ka pa umuwi Mang Kanor,” banta ni Orly at pumasok na ito sa loob ng tindahan.
“Putang-ina mo! Napakayabang mo. May araw ka rin sa ‘kin!” Tumalikod na ito at naglakad palayo.
“Rita, uuwi na ‘ko. Magkita na lang tayo sa eskwela bukas,” paalam naman ni Kiko. Tumango lang siya at inayos na ang mga papel na ibinigay nito.
Pumasok na siya sa loob para itago ang gamit pero sinalubong siya ng kurot sa tagiliran ng amain.
“A-aray ko po, Tiyo! Masakit po,” napapikit siya kasabay ang pagpigil sa kamay nito.
“Tarantada ka talaga! Sinabi mo ba kay Mang Kanor na hindi siya pwedeng umutang?” mahina ngunit madiin ang mga salitang tanong nito.
“H-hindi po ba ay iyon ang bilin niyo sa ‘kin, Tiyo? Masakit na po bitawan niyo po ako,” humahagulgol na na katwiran niya.
“Tanga! Hindi naman kailangang sabihin mo sa kanya ang eksaktong sinabi ko. Naturingan kang nag-aaral pero tatanga-tanga ka!” pabagsak siya nitong binitawan at ramdam na ramdam niya ang sakit ng tagiliran na para bang natanggal ang balat niya dahil sa kurot nito.
Noon pa man ay ganoon na ito manakit. Kung saan na lang siya tamaan ng sipa, sampal, kurot at pingot nito. Ang tiyan niya nga ay puro peklat na dahil sa tuwinang pangungurot nito.