KINSE ANYOS na si Rita at araw ‘yon ng pagtatapos niya sa elementarya. Walang pagsidlan ang saya niya nang ibalita sa ina na siya ang valedictorian sa kanilang klase. Pero taliwas ang reaksyon nito. Para bang wala lang iyon para rito.
“Ayokong dumalo sa mga ganyan, Rita. Alam mo naman na wala akong tinapos. Nakakahiya sa mga kapwa magulang na naroon,” wika nito habang naglalaba.
“Pero saglit lang naman ‘yon, ‘Ma. Gusto kong naroon kayo para magsabit ng medal sa ‘kin—”
“Huwag ka ngang makulit, Rita! Mabuti nga at pinayagan pa kitang dumalo riyan,” pagalit na turan nito.
“O, Wella, maglalaro na tayo ha? Bilisan mo!” hiyaw ni Aling Mila mula sa bahay nito. Kasama ito ng ina sa pagbi-bingo sa ibaba.
Dali-dali sa pagpupunas ng kamay na may sabon si Wella at kinuha ang maliit na pitaka sa bunton ng labahin.
“Aalis ka na naman? Wala ka ng ginawa kundi mag-bingo a?” sabi ni Orly na galing sa likod bahay.
“Hayaan mo na ‘ko. Gusto ko lang magpalipas ng inip. Kaysa naman isipin ko na naman ang pagpapaalis sa ‘tin ni Mang Kanor sa bahay niya,” tugon naman ni Wella.
“Putangina, isang taon na tayong nakatira dito sa bundok ay ‘yan pa rin ang isinusumbat mo sa ‘kin!” sikmat ng amain.
Hindi na nagsalita ang ina at basta na lang sila iniwanan. Simula nang lumipat sila sa bundok ay nagkanda-leche-leche na ang pamilya nila. Lumala ang pagiging sugarol ng ina. Samantalang ang amain ay ginagawa ang alam nitong trabaho para lang buhayin sila. Habang siya? Siya ang sumalo sa responsibilidad ng ina.
Malayo ang igiban ng tubig na inumin at minsan ay kasama pa niya ang kapatid. Naroong nadudulas sila dahil sa maputik ang daan. Siya na rin ang nagluluto at naglalaba. Minsan ay sumusunod siya sa ina para humingi ng pera pambili ng pagkain.
Nabalik sa kasalukuyan ang diwa ng dalagita dahil sa tapik sa kanyang braso. “Rita, handa ka na ba?” si Kiko na nakasuot na ng uniporme at bagong black shoes. Matikas at matangkad ang kaibigan. Apat na taon ang tanda niya rito pero malapit na nitong malampasan ang taas niya.
“Hindi dadalo si Rita. Magbabantay siya ng mga kapatid niya,” sabat ni Orly. Kapwa sila napalingon dito at nakita nilang nagsusuot ito ng bota habang may nakasukbit na itak sa tagiliran. Alam na niya kapag gano’n ang itsura ng amain. Siguradong aakyat ito ng bundok at mag-uuling.
Hindi niya naitago ang lungkot pero wala siyang magawa. Ang lahat ng sabihin ng mga magulang ay batas na kailangan niyang sundin kung ayaw niyang masaktan.
“Kukunin ko na lang an medal mo, Rita,” nakalarawan sa mukha ni Kiko ang awa para sa kanya pero kahit ito ay walang magawa.
MADALING araw pero gising pa rin si Rita. Mahigpit ang hawak niya sa unan na nakasiksik sa dibdib ay dahan-dahan siyang gumapang sa kawayan nilang higaan. Maingat na ‘wag gumawa ng kahit na anong ingay.
Mahimbing ang tulog ng dalawang kapatid at ng ina. Ang amain ay nasa bundok pa rin. Nang marating ang pintuan ay dahan-dahan niya iyong binuksan pero agad rin siyang napatigil nang lumangitngit ‘yon at maglikha ng ingay. Gumalaw si Lowella. Napakalakas ng kabog ng dibdib niya dahil sa takot na magising ito.
Nang masigurong gising pa rin ito ay tuluyan na siyang lumabas. Iniwan niya sa pintuan ang isang liham at tuluyan ng naglakad palayo roon bitbit ang punda na naglalaman ng mga damit niya.
“Sigurado ka na ba sa desisyon mo, Margarita?” tanong ni Aling Clara, ang ina ni Kiko. May pag-aalala sa mukha nito habang nakatingin sa kanya.
“Opo, Aling Clara. Pasensya na po kayo. Kapag nakahanap ako ng trabaho ay agad ko kayong babayaran,” wika niya habang kipkip sa kamay ang sobre na naglalaman ng pera.
Labis ang pasasalamat niya sa ginang na hindi nagdalawang isip na pahiramin siya ng pera nang sabihin niya na nais niyang maghanap ng trabaho sa Laguna. Kahit pa hindi lang ‘yon ang dahilan niya. Hindi naman lingid sa kaalaman ng mag-ina ang hirap na dinanas niya, ang pananakit ng Tiyo Orly niya sa kanya.
“Huwag mo na muna isipin ‘yon, Rita. Basta agad mo kaming tawagan ni nanay kapag nakarating ka na sa Laguna. Nasa iyo naman ang numero ng telepono namin,” wika naman ni Kiko. Tumango lang siya bilang tugon.
“O, siya, umalis ka na at baka maabutan ka pa ng Tiyo mo,” ani Aling Clara.
“Maraming salamat po, Aling Clara, Kiko. Hindi ko kayo makakalimutan,” wika niya at niyakap ang ginang pati na rin ang kaibigan. Saka lumulan sa tricycle.
THREE YEARS LATER…
“Margarita… buksan mo ang pinto! Margarita!” Nagising si Rita sa sigaw ng landlord at sa malakas na pagkalampag nito sa pintuan ng inuupahan niyang kwarto.
Pupungas-pungas siyang bumangon at hindi na nag-abalang magsuklay ng buhok.
“Nasaan na ang bayad mo sa upa, Margarita?” mataray na tanong ni Aling Mameng pagbukas niya ng pintuan.
Hilaw na ngumiti si Rita at napakamot sa ulo. “Magandang umaga, Aling Mameng—”
“Anong umaga?! Alas dose na ng tanghali,” putol nito sa sasabihin niya.
“Pasensya na akala ko’y maaga pa. Aling Mameng baka naman pwedeng bigyan niyo pa ako ng ilang araw na palugit?” alanganin ang ngiting pakiusap niya.
“Ano?! Palagi ka na lang delay magbayad ah!” palatak nito. Napayuko na lang siya dahil sa hiya sa mga kalapit kwarto na ngayon ay naglabasan at nakikiusyoso sa paghuhuramentado ng matandang babae.
Nang matapos ay basta na lang itong umalis at iniwan siya. Isinara niya ang pintuan at bumalik sa higaang kahoy na nalalatagan ng manipis na banig. Kinuha niya ang pocketbook na binabasa at tiningnan ‘yon. Bakit kaya hindi kagaya ng binasa niya ang kapalaran niya sa landlady. Sa kwento kasi ay parang anak na ang turing ng landlady sa babaeng nangungupahan dito.
Napabuntong hininga siya. Paano ba niya sasabihin sa landlady na wala na siyang trabaho dahil tinanggal siya ng among babae. Pinagbintangan kasi siya na inaakit ang asawa nito.
“Kailangan mong kayanin, Margarita. Pagsubok lang ‘to,” pagkausap niya sa sarili gaya ng lagi niyang sinasabi sa tuwing nahihirapan sa nakalipas na tatlong taon.
Akala niya ay magiging madali na kapag nakauwi na siya ng Laguna kung saan nakatira ang lolo niya. Pero nagkamali siya dahil pagdating ay may nakapagsabi sa kanya na patay na ang lolo niya at naibenta na ang bahay nito. Ang mga tiyahin naman niya ay ni hindi man lang siya pinatuloy sa bahay ng mga ito katwiran ng isa ay marami itong anak. Wala siyang pwesto. Ang isa naman ay sisilipin ito ng biyenan. Kaya wala siyang nagawa kundi magpalaboy-laboy ng ilang araw.
Hanggang sa nakahanap siya ng trabaho bilang dishwasher sa isang karinderya sa bayan. Isandaan ang sahod sa isang araw. Sapat para sa pangkain niya sa isang araw. Nakikigamit naman siya ng banyo sa nakabili ng bahay at lupa ng lolo niya. Halos isang taon din ang itinagal niya sa trabaho bago siya nagdesisyong maghanap ng trabaho na maaari siyang mag-stay in.
Sa tulong ng isang kakilala ay nakapasok siya sa panaderya bilang tindera. Ilang bayan ang layo no’n mula sa Sta. Cruz. Stay-in siya at higit sa isandaan ang sahod. Higit sa lahat ay libre sa pagkain. Tuwang-tuwa siya dahil nakakaipon siya. Pero kung kailan naman nakakapagtabi na siya ng pera ay saka naman siya tinawagan ni Aling Clara.
“Rita, kumusta ka na riyan? Maayos ba ang kalagayan mo? Ang Lolo mo kumusta? Sa kanya ka ba nakatira ngayon?” sunod-sunod na tanong ng ginang.
Kabibili niya lang ng de-keypad na telepono noong nakaraan at agad niyang pinadalhan ng mensahe ang ginang para ipaalam ang numero niya.
“Ayos lang po ako, Aling Clara. Kayo po, kumusta? Si Kiko po?” masayang bungad niya.
“Ayos lang kami, Rita. Si Kiko ay gumagawa ng project kasama ang mga kaklase,” anito.
May panghihinayang siyang nadama pagkarinig ng huling mga salitang sinabi nito. Nasa ikalawang taon na sana siya ng hayskul ngayon kagaya ni Kiko kung hindi lang siya umalis. Pero hindi rin siya makakapag-aral dahil narinig niya sa Tiyo Orly niya na hindi na siya papapasukin. Diumano’y tama na na nakapag-elementarya siya.
“Gano’n po ba. Pakisabi na lang po kay Kiko na kinukumusta ko siya,” paalam niya.
“S-sandali, Rita,” pigil ni Aling Clara.
“Bakit po? May problema po ba?” Kahit hindi nito sabihin ay nararamdaman niya.
“K-kasi si totoy at nene palaging narito, gutom na gutom. Wala raw silang pagkain dahil si Wella ay laging nasa binggohan. Ang tiyo mo naman ay laging nasa bundok,”
“Gano’n ho ba? Sige ho, susubukan kong magpadala sa linggo,” turan niya.
“Pasensya ka na ha? Ito kasing nanay mo inuubos lang ang kita ng tiyo mo sa pagsusugal tapos uuwi gabi na,” palatak nito.
“S-sige na ho Aling Clara, may bumibili na po e,” pagkasabi no’n ay pinatay na niya ang tawag.
Naninikip ang dibdib niya nang marinig ang nangyayari sa pamilyang nasa Bicol.