Chapter 4.

1413 Words
ARAW NG linggo kaya walang pasok sa panaderya si Rita. Galing siya sa pera padala outlet at naglalakad na pauwi nang makatanggap siya ng tawag mula kay Aling Clara. Pag-uwi pa sana niya ito tatawagan pero iyon at tumatawag na ito. “Aling Clara kapapadala ko lang po ng pera. Maaari niyo na po ‘yong kunin,” masayang bungad niya. “Talaga palang kay Clara ka nagpapadala imbes na sa sarili mong ina, ha, Margarita?!” Boses ni Wella ‘yon, galit na galit. “M-mama…” “Bakit? Tama lang naman ang ginawa ni Rita dahil kung sa ‘yo ipapadala ang pera ay siguradong uubusin mo lang ‘yon sa sugal,” narinig niyang sabi ni Aling Clara. “Manahimik ka Clara! Wala kang pakialam. Usapan namin itong pamilya,” wika pa ng ina. “At ikaw, wala kang utang na loob! Matapos kitang pag-aralin ay nilayasan mo na lang kami,” baling nito sa kanya. Nanikip ang lalamunan at dibdib niya kasabay ang pamamasa ng mga mata. “Mama, hindi ko hiniling na pag-aralin niyo ‘ko. Hindi ba obligasyon niyo iyon sa ‘kin bilang magulang ko?” Hindi niya napigilang itago ang hinanakit sa kanyang gumagaralgal na tinig. “Aba’t mayabang ka na por que nakarating ka na riyan sa poder ng ama mo?” “Wala na si Tatay, Ma. ‘Wag niyo na siyang idamay, nakikiusap ako,” hindi niya napigilang umiyak at kitang-kita ng mga taong nakakasalubong ang mukha niyang hilam sa luha. “Wala kang pakialam kung banggitin ko ang ama mo! Kung hindi lang sana siya nagpakalunod sa alak—” “Tama na Mama…! Hindi niyo ba naitanong kay Tatay kung bakit siya nag-iinom? Baka naman alam niya na niloloko niyo siya ni Tiyo Orly kaya siya naging lasenggo?” sa wakas ay nasabi niya ang matagal nang nasa isip niya. Hindi naman nakapagsalita si Wella sa kabilang linya. Alam ni Rita na kumpirmasyon ang naging pananahimik nito. Kinuha niya ang pagkakataon na ‘yon at tinapos ang tawag. Pinunasan niya ang luha nang malapit na siya sa tinitigilang panaderya. Pero hindi pa rin nawawala ang bikig sa lalamunan niya dahil sa tensyon at sama ng loob. Alam niyang mali na sinagot niya ang ina. Pero sa kabilang banda ay lumuwag ang pakiramdam nang maisatinig niya ang matagal ng kinikimkim. “O, umiyak ka ba?” tanong ni Pepito na nasa b****a ng pinto. “Hindi. Napuwing lang ako,” anya at nilampasan na ito. “Pasensya ka na, Margarita. Hindi ko alam na sasabihin ni totoy sa mama mo na nagpapadala ka para sa pagkain nila,” hinging paumanhin ni Aling Clara nang tawagan siya nito kinagabihan. “Ayos lang po ‘yon. Pasensya na rin po kayo dahil nadadamay kayo sa problema ng pamilya namin,” wika niya at humugot ng malalim na hininga. Pati si Aling Clara ay napabuntong hininga. “Napakabait mong bata Margarita. Hindi mo deserve ang ginagawa sa ‘yo ni Wella,” nahimigan niya ang awa sa tono nito. Hindi siya nagsalita dahil nagbabadya na naman tumulo ang luha niya. “Huwag mo na lang intindihin ang mga sinasabi niya. Hindi mo sila obligasyon, Margarita. Pwede mo silang kalimutan kung nanaisin mo. Mamuhay ka ng malaya at sarili mo ang isipin mo,” litanya nito. “Hindi ko po kayang gawin ‘yon sa kanila, Aling Clara,” pag-amin niya. Pagbali-baliktarin man ang mundo ay magulang niya pa rin ito. Marahas ang naging pagbuga ng hangin ng ginang. “Kung ‘yan ang desisyon mo ay wala akong magagawa. Hayaan mo at hindi ko na papayagan si Wella na hiramin ang telepono ko para tawagan ka. Mag-iingat ka riyan at alagaan mo ang sarili mo,” wika nito at pinatay na ang tawag. Nabalik ang diwa niya sa kasalukuyan nang makarinig ng sunod-sunod na katok sa pintuan. Hindi pa yata tapos si Aling Mameng sa pagtalak sa kanya. Inayos niya muna ang bagsak at hanggang baywang na buhok bago buksan ang pintuan. Tumambad sa kanya ang binatilyong anak ni Aling Mameng na si Harvey. May dala itong supot na may lamang pagkain. Ngiting-ngiti ito at nakahantad ang naninilaw na ngipin. “Baka hindi ka pa kumakain, Rita, kaya ito ibinili kita ng pagkain sa karinderya,” wika nito at iniabot sa kanya ang supot. Sumilip muna siya sa paligid dahil baka nakatingin si Aling Mameng saka agad na tinanggap ang iniaabot nito. “Salamat, Harvey. Hulog ka ng langit,” turan niya at nginitian ito. “P-pwede ba akong pumasok?” tanong nito. Sandali siyang nag-isip pagkuwa’y pinapasok na rin ito. Nakakahiya naman kung pagkatapos niyang kunin ang ibinibigay nito ay basta na lang niya itong paalisin. “Ang liit-liit nitong tinitigilan mo, Rita. Kung gusto mo ay maaari kong kausapin ang mommy na ilipat ka sa mas maluwag,” wika nito habang inililibot ang tingin sa maliit na kwartong ‘yon. “Ayos lang ako dito. Nakakahiya naman kay Aling Mameng. Hindi pa nga ako nakakabayad ng upa ko para ngayong buwan, e,” kinuha niya ang plastic na plato at sinimulan isalin ang kanin na nakasupot. Habang ang sabaw naman ay inilagay niya sa baso ng cup noodles. Napapitlag ang dalaga nang biglang gagapin ni Harvey ang kamay niya. “Maaari rin kitang itira sa bahay namin, Rita. Mas malaki ‘yon, maganda, at maluwag. Gagawin kitang prinsesa ko. Basta ibigay mo lang ang gusto ko,” wika nito sa paanas na tinig. Pumiglas siya at lumayo rito. “Anong— nasisiraan ka na ba, Harvey? Katorse anyos ka lang. Gusto mo bang isumbong kita sa mommy mo?” nanggigilalas na turan niya. Ni hindi nga ito nagsisipilyo tapos nais pa nitong umiskor. Iniisip pa lang niya ay nandidiri na siya. “Baka ikaw ang gusto mong isumbong ko. Sabihin ko lang kay mommy na inaakit mo ako ay siguradong palalayasin ka na noon,” maaskad na turan nito. “Lumabas ka na sa kwarto ko, Harvey,” kalmadong wika niya. “Bakit? May gagawin pa tayo ‘di ba?” mapang-asar na tanong nito at nagsimula ulit lumapit. Inilibot niya ang tingin sa apat na sulok ng silid na ‘yon at naghahanap ng maaari niyang gawing armas. Natanawan niya ang stainless na tinidor at agad niya ‘yong dinampot. “Umalis ka na sabi…!” Lumakas ang boses niya kaysa sa karaniwan at nararamdaman niya ang panginginig ng kalamnan niya dahil sa takot. “Margarita, nandiyan ka ba?” Boses ‘yon nang kapitbahay na matandang dalaga na si Marnie. Napalingon si Harvey sa pintuan. Kinuha niya ang pagkakataon na ‘yon at tinabig ito saka tumakbo. Binuksan niya ang pintuan at alanganing nginitian si Marnie. “M-marnie… may kailangan ka ba?” Malapit lang ang agwat ng pinto mula sa higaan niya pero hingal na hingal siya. Marahil ay dahil sa tensyon at takot na nararamdaman. Hindi pa man nakakasagot si Marnie ay sumulpot na si Harvey sa pintuan at matalim ang titig na ipinukol nito sa kanilang dalawa bago ito tuluyang umalis. Nakahinga siya ng maluwag at nanghihinang napasandal sa pintuan. “Ang bata-bata pa ay manyak na ang adelantado na ‘yon,” wika nito na nakasunod ang tingin sa binatilyo. “Ayos ka lang ba, Margarita? Ilang araw ka nang binabantayan no’n. Mabuti na lang at narito ako,” “O-oo, salamat, Ate,” aniya. “Ate? Momshie na lang ang itawag mo sa ‘kin,” wika nito. Tipid siyang ngumiti at tinanguan ito. Hindi sila palaging nag-uusap nito dahil madalas itong tulog sa umaga. Sa gabi kasi ang trabaho nito. “Siya nga pala narinig ko ang pagtalak ni Mameng kanina. Wala ka na bang trabaho? Napansin ko kasi hindi ka na umaalis ng kwarto mo,” tanong nito pagkaraan. “W-wala na nga. Kaya nga namomroblema ako kung paano babayaran si Aling Mameng,” tugon niya. “May bakante sa pinapasukan. Baka gusto mo?” alok nito. “Pwede ba ang elementarya lang ang natapos?” mahina lang ang boses niya nang itanong ‘yon dahil nahihiya siya. “Hindi mo kailangan ng diploma sa trabahong ‘yon. Basta magaling ka at…” sinuyod siya nito ng tingin mula ulo hanggang paa saka ito ngumiti. “Sexy at maganda ayos na ayos ‘yan. Pag-isipan mo at sabihin mo sa ‘kin kung gusto mong subukan saka tayo mag-usap ulit.” Tinalikuran na siya nito at pumasok sa pinto ng katabi niyang kwarto.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD