Chapter 1. PooRita
Year 2005
“LOWELLA, hindi mo ba pipilitin si Rita na kumain at magpahinga muna? Aba’y magdamag na siyang nasa tabi ng kabaong ni Julio, ah,” nag-aalalang sabi ng kapitbahay sa ina ng pitong taong gulang na si Rita.
“Hay, nako, ako’y napapagod na sa pagsasabi sa kanya niyan. Kung gusto mo ay ikaw ang kumausap sa kanya,” pakli ni Wella at ipinagpatuloy ang paglalaro ng tong its.
Pangalawang gabi na ng burol ng ama ni Rita at mula ng ihatid ito roon ng punerarya ay hindi na siya umalis sa tabi ng kabaong nito. Natuyo na ang luha niya at ramdam niyang nababanat amg balat dahil sa natuyong luha. Ni hindi niya magawa g matulog at kumain. Hanggang sa mga oras na ‘yon ay hindi pa rin matanggap ng mura niyang isip na wala na ang taong nakakaunawa sa kanya. Ngayong wala na ang Tatay Julio niya ay maaaring tumigil siya sa pag-aaral sa unang baitang dahil narinig niya ang ina na uuwi na sila sa Bicol kung nasaan ang mga kamag-anak nito.
Hinimas niya ang salamin na tumatabing sa ama at muli ay may pumatak na luha mula sa mga mata niyang namamaga na. Ang sabi ng Lolo niya ay namatay ito dahil sa sakit sa atay. Mahilig kasing uminom ang tatay Julio niya ng alak at palagi itong gabi na kung umuwi. Pero hindi ito nagkulang sa kanya bilang ama. Sa tuwina ay inilalabas siya nito para kumain sa karinderya o ‘di kaya ay para bumili ng suman sa tuwing uuwi ito ng gabi pagkagaling sa pagba-boundary ng tricycle.
Sa umaga naman ay dinadala siya nito sa tahuan para painumin ng gatas ng taho pagkatapos ay tutungo na siya sa paaralan na nilalakad lang niya dahil malapit lang iyon sa kanilang tirahan.
Sa araw ng libing ng ama ay nagtaka si Rita nang hindi makita ang ina hanggang sa matapos ay saka lang ito dumating. Ang ipinagtataka niya ay nang makita itong may bitbit na mga bag at nakasakay sa tricycle.
“M-mama, aalis ba kayo?” tanong niya habang nakatingin sa mga gamit at nakuha ang atensyon niya ng lalaking nakasakay sa likod ng sasakyan.
“Aalis tayo. Wala naman nang bubuhay sa ‘tin dito. Doon sa Bicol, naroon ang lola at mga tiyahin mo,” tugon nito.
“P-paano po ang pagpasok ko sa eskwela? Si Lolo?” nangingilid na naman ang luha niya.
“Huwag ka na ngang maraming tanong. Sumakay ka na at malayo pa ang biyahe natin!” Hinigit siya ni Lowella sa braso at pilit isinakay sa tricycle. Iyon na ang huling pagkakataon na nasilayan niya ang bayan ng ama kung saan din siya isinilang.
Sampung taon na si Rita nang muli siyang mag-aral at dahil natigil ay nasa unang baitang pa rin siya. Hindi niya magawang sisihin ang ina dahil nadagdagan na sila at mas priority ang bago niyang kapatid dahil ito ang tunay na anak ng stepfather niya. Sa tabing dagat sila nakatira kasama ang Lola Poleng niya na nanay ng mama niya.
Bed ridden na ang lola niya at madalas ay siya ang nag-aalaga. Kasabay no’n ay binabantayan niya rin ang sari-sari store nito na halos wala naman ng laman.
“Rita…!” Nabalik siya sa kasalukuyan nang marinig ang galit na sigaw ng Lola Poleng niya.
“A-ano po ‘yon, ‘La?” tanong niya nang lapitan ito. Imbes na sagutin ay nagulat siya nang sampalin siya nito. Sa sobrang lakas ay muntik ng matumba ang payat niyang katawan.
Agad siyang napaluha dahil sa naramdamang sakit. “Hindi ba sabi ko sa ‘yo ay bigyan mo ako ng tubig at iinom ako ng gamot?” anito.
Hindi siya sumagot at agad tumalima. Hindi naman ganoon dati ang matanda noong nakakapaglakad pa ito. Mabait ito at palagi siyang inaasikaso sa pagkain. Pero nang igupo ito ng karamdaman na hindi nila matiyak ay naging ganoon na ito. Lumalaki ang tiyan ng lola niya at ang sabi-sabi ng mga kapitbahay ay kinulam raw diumano ito. Palibhasa wala silang pera ay hindi nila ito maipagamot at tila ba naghihintay na lang sila ng oras nito.
“Bilisan mo at pagkatapos ay itapon mo ang dumi ko sa dagat,” utos pa nito pagkaabot niya ng isang basong tubig. Tumango lang siya at iniwan na ito para tunguhin ang likurang bahagi ng higaan nito. Manipis na plywood lang ang naghihiwalay ng nagsisilbi nitong banyo at arinola lang ang ginagamit nito sa pagdumi.
Wala silang sariling banyo gaya ng mga kapitbahay nila. Ang palikuran ay nasa kabilang barangay pa. Kaya ang iba ay sa tabing dagat na lang din dumudumi.
Alam niya kung gaano kahirap ang buhau nila kaya’t wala siyang karapatang magreklamo. Pero paminsan-minsan ay naiisip niya ang naiwang buhay sa Laguna. Doon ay may sarili silang banyo. Nakakakain siya ng tatlong beses isang araw. Ngunit nang mapunta siya sa Bicol ay maswerte na ang makatatlong beses dahil parating tanghali at hapunan lang sila kumakain.
Kinagabihan ay umuwi si Rita sa bahay nila na nasa tabi lang ng bahay ng lola niya. Tulog na ang nakababatang kapatid na lalaki. Ang ina at amain niya ay nakahiga na rin. Nagtungo siya sa maliit na kilusan nila at nagbuklat sa kaldero.
“Wala ng pagkain. Akala ko ay doon ka na kakain sa lola mo,” narinig niyang sabi ng mama niya.
“Wala rin naman pong pagkain si Lola kundi binibigyan lang ni Tiyo Onyok,” naninikip ang lalamunan at dibdib niya sa sama ng loob.
Hindi na sumagot ang ina kaya pumasok na lang siya sa silid nila na gawa sa kawayan at sawali. Nilampasan niya ang mga ito at nahiga sa dulo. Sumasakit ang tiyan niya dahil sa gutom pero wala ng pagkain kaya itutulog na lang niya ‘yon.
Sa mga ganoong pagkakataon ay walang araw na hindi niya hiniling na sana ay buhay pa ang Tatay Julio niya. Disinsana’y hindi ganoon ang buhay na tinatamasa niya.