Chapter 5
Ellen's POV
Kunot-noo kong tinitigan si Kuya Gio dahil sa sinabi niya. Dahan-dahan kong tinanggap ang paper bag. Hindi ko alam kung ano ang laman nito. “A-Ano po ’to? Bakit n’yo po ako binibigyan?” sunod-sunod kong tanong sa kanya.
“A bread from Italy.”
Napamaang ako sa kanyang sinabi. “Talaga po?” hindi makapaniwala kong tanong sa kanya. Napangiti ako kahit na may pagtataka sa aking isipan.
Bakit naman niya ako bibigyan ng tinapay? Para hindi ako magutom habang buhay? Eme!
Napairap ako sa aking sarili dahil sa naisip. “Salamat po, Kuya Gio,” nakangiti kong pasasalamat sa kanya. “Kakainin ko na po 'to,” sabi ko pa at bumalik sa kusina. Binuksan ko ang ilaw at kaagad na tiningnan ang laman ng paper bag.
Isang malaking tinapay ang nasa loob. Parang kagaya sa mga bakery na nakikita ko sa tabi ng kalsada na may tatlo-singkuwenta silang binebenta. Ganoon kalaki.
Kaagad akong nagtimpla ng gatas. Napabaling ako kay Kuya Gio. Nakaupo siya sa upuan at nakapatong ang kanyang mga kamay sa mesa saka nakapangalumbaba habang seryosong nakatitig sa akin.
Bakit ba siya nakatingin? Hindi naman malaswa ang suot ko. Halos maluwag nga sa akin kaya wala siyang makikita pero… bakit ganiyan siya makatingin?
Tumikhim ako upang kunin ang kanyang atensyon pero hindi ako nagtagumpay. Animo ay lumalampas sa akin ang kanyang paningin.
Gulat siya nang ibaba ko sa kanyang harapan ang isang baso ng gatas. “Para sa ’yo, Kuya. Ang lalim po ng iniisip mo,” komento ko at umupo sa harap niya. Hiniwa ko ang tinapay at nilagyan ko ang kanyang platito. Bawat galaw ko ay pinapanood niya na animo ay kinakabisado niya ito.
“Kumain ka na po,” untag ko sa kanya dahil hindi man lang niya ginagalaw ang kanyang pagkain. “Hindi naman magagalit si Kuya Nico kung makikikain ka kaya kumain ka na,” sabi ko nang mapansing nakakunot ang kanyang noo.
“Did you like it?” biglang tanong niya sa akin.
Uminom muna ako ng gatas bago sumagot. Seryoso kong tiningnan ang tinapay. Ayaw kong magsinungaling sa kanya. “Masarap naman po. Pero… magkalasa sila ng tinapay sa JJ’s bakeshop, eh. Para namang hindi galing sa Italy, Kuya Gio,” natatawa kong sabi.
Bigla siyang napaubo at nag-iwas ng tingin sa akin kaya lalo akong tumawa. “May pa-Italy-Italy ka pa pong nalalaman,” sabi ko na lalong ikinapula ng kanyang tainga.
Binibiro ko lang naman siya pero parang totoo ang biro ko dahil sa pamumula ng kanyang mukha.
Tumikhim ako pero natatawa pa rin. “Nagbibiro lang po ako,” sabi ko.
“I-It’s fine,” sagot ni Kuya Gio.
Pagkatapos naming kumain ay kaagad din siyang nagpaalam na uuwi na. Hindi ko na rin siya pinigilan dahil inaantok na ako at saka wala naman si Kuya Nico. Wala siyang makakausap lalo na at tulog na si Manang Nuring.
Umakyat ako sa aking kuwarto. Tiningnan ko ang aking cellphone. May isang text akong natanggap mula kay Stella.
“How's your day?” basa ko sa mensahe. Tinawagan ko siya dahil tinatamad akong mag-text.
“O, bakit?” nagtatakang tanong ni Stella sa kabilang linya.
Napasimangot ako. “Tinatanong mo kasi kung kamusta ang araw ko kaya tinawagan kita para sagutin ang tanong mo,” sagot ko.
Mangha siyang natigilan bago tumawa. “Kailangan talagang tumawag?”
“Tamad akong mag-type, Stella, haha!”
“Psh! Anyway, anong sagot mo?”
“Masaya ako ngayon,” may ngiti sa labi kong sagot. Nakagat ko ang sariling labi habang inaalala ang mukha ni Kuya Gio habang umiinom ng gatas.
“Hmm? Sino ba kasi ’yang nagugustuhan mo, ha? Ang dami mo nang ni-reject sa batch natin, Ellen.”
“Hmp! Ayaw ko pa naman talagang mag-jowa. Saka mapagalitan pa ako ni Kuya Nico,” sabi ko. Iyon naman talaga ang totoo. “Kailangan kong mag-aral, Stella. Ayaw kong sayangin ang oportunidad na ibinigay sa akin.”
“Alam ko. Pero… sino ba kasi 'yang nagpapangiti sa ’yo, ha? I'm curious na kasi,” pamimilit niya sa akin.
“Secret," tumatawa kong sagot. “Gagawin ko siyang inspirasyon sa pag-aaral ko. Kapag puwede na…” Bigla akong nalungkot. “...Baka may asawa na siya sa panahong iyon,” nasasaktan kong sabi.
Alam kong hindi kami puwede. Dahil magkaiba ang mundo namin. Ang layo ng agwat ng edad namin at isa pa, matalik siyang kaibigan ni Kuya Nico. Hindi kami puwede. Saka kahit ngayon nga ay baka may girlfriend na siya.
Napabuntonghininga ako. “Hay, naku! Matutulog na ako,” sabi ko upang pagaanin ang bumibigat kong damdamin. “Paalam, Stella. Magkikita pa naman tayo bukas,” sabi ko sa kanya bago ko ibinaba ang tawag.
Naghanda na rin ako sa pagtulog.
Kinabukasan ay maaga akong nagising. Ako ang nagluto ng almusal ko. Nagbaon din ako ng sandwich at juice dahil ayaw ko ng bumili sa cafeteria namin. Sayang din kasi ang pera. Iipunin ko na lang.
“Good morning po, Manang Nuring,” bati ko kay Manang na humihikab pa papasok sa kusina.
“Ang aga mo talagang gumising. Magandang umaga rin sa iyo, Iha.”
Ngumiti ako. “Kailan po pala babalik sina Ate Sam?” tanong ko kay Manang. Wala kasi ako sa bahay nang umalis sila.
“Hindi ko alam, eh. Hindi ba siya nagpaalam sa iyo?”
Umiling ako. “Nagulat nga po ako pagbalik ko galing sa school.”
“Hayaan mo. Ayos naman ang Ate Sam mo. Kasama naman niya si Nico,” usal ni Manang Nuring.
Tumango ako. Alam kong mapoprotektahan ni Kuya Nico si Ate Sam. Pagkatapos kong kumain ay hinugusan ko rin ang pinagkainan ko. Napapansin kong kanina pa ako tinitigan ni Manang na animo ay may gusto siyang itanong sa akin.
“Ellen.”
Nilingon ko si Manang. “Bakit po?”
Tumikhim siya bago nagsalita. “Bumisita ba si Gio kagabi?”
Huminto ako sa paghugas at tumango. “Hinahanap ka nga po niya, Manang,” sagot ko.
Simple siyang ngumiti. “Ganoon ba?”
“Bakit po?” intriga kong tanong.
Umiling lamang siya at ngumiti ulit na para bang may sinasabi siya sa akin. Hindi ko na lang siya pinansin at nagpatuloy na sa ginagawa. Pagkatapos ko sa ginagawa ay nagpaalam na ako kay Manang Nuring at umakyat na ako sa aking kuwarto. Nagbihis ako ng uniporme at nagpahatid na sa school. Sa labas ng gate ay marami na ang nakatingin sa akin. Lalo na ang mga lalaking kaklase ko. Isa na room si Eren, ang makulit kong manliligaw.
“Ellen, my loves! Ohayo!” sigaw niya habang papalapit sa akin.
Nginitian ko siya. “Good morning din sa ’yo, Mr. Dela Fuente,” bati ko sa kanya.
Napasimangot siya. “Aish! I have already told you! Stop calling me that. I don’t like it,” reklamo niya pa.
Tumawa lang ako at nilampasan siya. “Hey, kailan mo ba ako sasagutin?” pangungulit niyang tanong.
Napabuntonghininga ako at nilingon siya. “Wala akong planong sagutin ka, Eren,” panimula ko. “Mag-aaral ako, iyon ang plano ko. Pasensya ka na at masyado akong naka-pokus sa pag-aaral dahil minsan lang darating sa akin ang ganitong oportunidad. Ayaw kong sayangin ang pagkakataong ito.”
Kaagad na kumunot ang kanyang noo. “B-But… why?”
“Hindi mo naiintindihan—”
“She doesn't like you,” anang boses sa aking likuran.
Gulat akong sumulyap at napaawang ang aking labi habang titig na titig sa lalaking nakatayo sa aking likuran. Nakapamulsa siya habang nakabukas naman ang tatlong butones ng kanyang long sleeves na itim. May nakapatong na sun glasses sa kanyang magulong buhok. Hindi siya nakatingin sa akin ngunit ramdam kong naiinis siya. Kitang-kita ko ang kanyang mga litid na animo ay nagpipigil siya ng galit.
“Who are you?” rinig kong tanong ni Eren kaya kaagad akong napabaling sa kanya.
Aligaga akong tumawa at utal na nagsalita. “A-Ah… siya si—”
“I’m her boyfriend.”
Napasinghap ako dahil sa narinig. Gulat kong nilingon si Kuya Gio na seryosong nakatingin kay Eren. Pinandilatan ko siya dahil gusto kong malaman kung bakit niya pinakikialaman ang personal kong buhay.
Pero sa kabila nito ay natutuwa ang aking puso dahil sa kanyang sinabi.
“So, stop pestering my Dainty.”
Lalong natunaw ang puso ko dahil sa narinig. Halos manghina ang aking mga tuhod. Bumilis ang tambol ng aking puso. Pakiramdam ko ay lalabas na sa aking katawan ang aking kaluluwa. Nakakabingi ang t***k ng aking puso. Hindi ako makahinga.
Inis akong binalingan ni Eren at galit siyang nagmartsa palayo. Nagtataka kong tiningnan si Kuya Gio na ngayon ay hindi ko na mabasa ang kanyang reaksyon. Nakatingin siya sa akin na animo ay may gusto siyang sabihin.
Narinig ko siyang bumuntonghininga at wala sa sariling ginulo ang kanyang buhok. “Now what did I just do?” rinig kong tanong niya sa kanyang isipan.
“S-Salamat, Kuya Gio,” sabi ko at pilit na ngumiti. “Aalis na po ako. Baka mahuli ako sa klase,” paalam ko at nagmamadaling umalis.
Pagdating ko sa klase ay sakto namang dumating ang aming Professor. Halos buka-sara pa ang butas sa aking ilong dahil sa pagmamadali.
“Taray! Muntik ka ng ma-late,” komento ni Mika.
“Si Eren kasi,” pabulong kong sagot.
“What? Ginugulo ka na naman ba niya? Akala ko ba tumigil na?” tanong ni Stella na biglang sumabat sa usapan.
“Sssh!” saway ko sa kanya dahil ang ingay niya.
Kaagad niyang natakpan ang sariling bibig. “Ay, sorry.”
Sinenyasan ko siya na mamaya na ki mag-usap dahil ayaw kong mapagalitan. Gusto kong mag-focus sa lessons namin ngayon pero si Kuya Gio na naman ang laman ng utak ko. Lalong-lalo na ang sinabi niya kanina.
I’m her boyfriend. Stop pestering my Dainty.
Napahagikhik ako. Huli na nang mapagtanto ko na pinagtitinginan na pala ako ng aking mga kaklase lalo na si Stella na halos lumuwa na ang mga mata katititig sa akin.
“S-Sorry,” mahinang usal ko bago yumuko.
“Humanda ka mamaya sa akin,” pabulong na wika ni Stella sa akong tabi.
Nagpatuloy ang klase hanggang sa matapos. Kasama ko si Stella at Mika at palabas na kami ng school gate. Nagtatawanan kami hanggang sa tinanong ako ni Stella.
“Why are you laughing in class, ba, ha, Ellen? Who made you laugh like that?” intriga niyang tanong.
Nahinto ako sa pagtawa at tiningnan siya. Nagkibit-balikat ako. “Secret,” nangingiti kong sagot. “Hindi mo kailangang malaman sa ngayon,” dagdag ko pa.
Hinampas niya ako sa balikat. “Wow, ha! May pa ganiyan ka na.”
“Hahaha! I’m sure kinikilig ka kanina,” sabat ni Mika. Biglang nag-init ang magkabila kong pisngi. “Ang guwapo rin naman kaso ni Eren.”
Kaagad na nawala ang kiliti sa aking puso dahil sa dinagdag ni Mika. Hindi ako natuwa sa kanyang sinabi.
“O, bakit parang hindi ka natutuwa?” nagtatakang tanong sa akin ni Mika.
Namaywang sa harap niya si Stella. “Obviously, Mikaela. Hindi si Eren ang nagugustuhan ng kaibigan natin.”
Gulat na tumingin sa akin si Mika. “W-What? Bakit?”
“Hindi siya guwapo sa paningin ni Ellen, eh,” si Stella ang sumagot kaya nabatukan ko siya dahil sa kanyang sinabi.
“Shunga ka!” natatawa kong saway sa kanya. “Porque ba hindi ko gusto ay hindi na siya guwapo? Guwapo siya, Stella. Pero hindi siya ang tinitibok ng puso ko.”
Pinanlakihan niya ako ng mata. “Wow, ha! Ang taray ng speech mo. Masyadong madamdamin. Mukhang in love ka na, ah,” komento niya pa.