CHAPTER 19
TBVH
Kumatok ako ng dalawang beses sa pinto ng manager bago pumasok. Sumilip ako sa loob at nakita si ginang Maui, ang manager ng restaurant na kanina pa naghihintay sa akin.
“Pasok ka Ashera-” masaya niyang sabi, samantalang ako ito at kinakabahan sa sasabihin niya palang at kung bakit ako pinatawag. Mamaya pa ako uuwi dapat para kunin ang sahod.
Pumasok ako sa loob kahit nanginginig ang mga paa ko. Takot talaga na marinig ang salitang ‘sorry ngunit pinapatanggal ka na sa trabaho mo Ashera.’
Di ba?
"Upo ka-” utos nito sa akin. Umupo ako sa silya na malapit sa kanyang table at nakatitig sa kanya na may kinuha ito sa kanyang drawer at binasa. Hindi kaya iyan na ang mga bio data ko at tinitingnan kung may ibibigay pa ito sa akin na sahod? Paano kung wala na akong matatanggap na pera lalo na sa kapalpakan ko na ginawa kanina? Makakaltasan pa pala ako nito. Bakit ba kasi hindi nalang ako nakinig sa lalaking iyon, wala sanang gulo. Pwede ko naman siyang sabayan na kumain kahit may staff na makakita sa amin, pwede ko naman siyang sabayan kahit natatakot ako na pagsalitaan niya ako ng masama at mauungkat ang tungkol sa past namin, sana pala tumango nalang ako at hindi nagsalita sa kanya, hindi sana ako hahantong sa bagay na ito. Ang akala ko kasi maging mabait pa rin siya sa akin, nakalimutan ko na ex na pala ang turingan naming dalawa at ayon naman sa pinakita niya na galit sa akin ay alam ko na ibang-iba na talaga siya kaysa sa unang nakilala ko na Drake del Rego. Marahil dinibdib niya ang nangyari sa amin noon kaya ganoon na lang ang pinakita niya na galit sa akin.
“Ashera…makinig ka ng mabuti at sobrang mahalaga itong sasabihin ko-”
"Ma’am pasensya na po ma’am sa mga ginawa ko kanina lang sa office ni boss del Rego po, hindi ko po sinasadya, alam ko po na mali kaya patawarin niyo po ako ma’am, huwag niyo lang po akong tanggalin sa trabaho dahil wala po akong mahanap na ibang trabaho bukod po rito ma’am, hindi ko naman po sinasadya na pagsabihan si Mr del Rego dahil protocol naman po iyon sa restaurant na bawal, pwede po ako magbayad ng danyos kahit hulog-hulugan nalang muna ma’am, huwag niyo lang po akong paalisin dito ma’am. Sorry po, sorry….” walang tigil ko na hingi sa kanya ng sorry na siya namang pinagtataka ng manager.
Titig na titig at kunot ang noo ni ma’am Maui sa akin na para bang kung ano ang sinasabi ko.
"Ashera? Ayos kalang?”
"Hindi po ma’am, maging maayos lang po ako ma’am kung hindi niyo po ako ipatatanggal sa restaurant na ito kung saan po ako nagtatrabaho, wala na po akong mapupuntahan sa ngayon na pwedeng applyan.”
"At sino ang nagsabi na matatanggal ka?”
"Si D-Dra— ay hindi po ba?" bigla akong napatigil. “Totoo po bang hindi?" Natawa ito.
“Ano ba ang nangyayari sa iyong bata ka? May sakit ka ba? At bakit parang kanina ka pang natataranta, anyway hindi naman kita pinapunta rito sa office kung hindi kita kailangan, may gusto lang akong sabihin sa iyo."
“Pero, hindi niyo naman po ako tatanggalin ma’am, hindi po ba?" Panigurado ko at saka palang ako kumalma na makita itong umiiling sa akin na may paninitig, nagtatanong pa rin ang mga mata.
“Hindi naman, malaki ang naitulong mo sa restaurant na ito kaya bakit naman kita paalisin? Anyway…here," may inabot ito sa akin na nasa tatlo o limang papel na may nakasulat. Biglang nawala ang takot at pangamba ko kanina na marinig galing mismo kay ma’am na hindi ako tatanggalin ng trabaho. “Pag-aralan mo iyan, iyan ang mga oras at name ng mga menu na ibibigay mo kay Mr del Rego." aniya na siya namang pagkunot ng noo ko habang binabasa ang nakasulat.
Isa nga itong listahan ng mga ulam at may oras pa. Bakit may mga ganito pa? Para saan? At sa mga nababasa ko ay nutrition food ang mga ito, mostly meat at gulay.
Ang sosyal naman pala ng tao na iyon, kahit pagkain ay dapat ganito ang ibibigay sa kanya.
Tumingin ulit ako kay ma'am.
“Sige ma’am, ipapasa ko rin po ba ito sa iba? Lalo na kay chief?" umiling ito sa sinabi ko at ngumiti.
“Ang alam ko meron ng ganyan ang chief na copy, wala ibang kakainin si del Rego kundi iyang nakasulat lang na nasa papel lamang hanggang sa gumaling siya, iyan ang sabi ng doctor sa kanya at ng kanyang girlfriend.” Natigilan ako sa pagbabasa ng papel dahil sa narinig ko sa sinabi ng manager lalo sa bandang huli.
"So, may sakit po siya? Ano pong…uhmmm…anong sakit niya po?” Nagkibit-balikat ito.
“Hindi ko rin alam eh, nagtanong ako noong tumawag ang girlfriend niya sa akin pero walang sinabi kung ano ang sakit ng boyfriend niya na si sir del Rego kaya hinayaan ko nalang basta ang mahalaga, tama ang binigay natin sa kanya.” Hindi ko na alam kung ano ang sasabihin ko, dapat malaman ko para naman may idea naman ako hindi dahil concern ako kundi….baka may gusto itong kainin pero bawal pala, paano ko mapapaliwanag sa kanya ang pagkain na bawal kung mapilit ang tao na iyon? Hindi ako girlfriend para makinig siya sa akin.
Pero, ano nga bang sakit ni Drake? Malubha ba? Kailan pa at paano nangyari?
“Saan–saan po ang girlfriend niya ma’am?” magtatanong lang, nauutal pa ako. Napatingin ang manager sa akin. Ang daldal ko yata kaya ganyan ang tingin niya sa akin. “I'm sorry po-"
“It's okay, wala namang masama ang magtanong basta alam ko, pero sa pagkakaalam ko na meron itong trabaho sa ibang bansa. Baka next month or I don't know kung kailan ay babalik din siya sa bansa natin.” sagot nito at tumango ako, kaya pala, siguro strict ang girlfriend at dahil wala siya sa bansa kaya tinawagan pa talaga niya ang manager namin para ipaalam mismo ang bawal na pagkain at pwede sa boyfriend niya. Sa nalaman ko, ang swerte nga ni Drake sa bago niya. Mabuti na lang pala, mabuti na lang na hindi kami nagkatuluyan, baka nga…hindi siya ma swerte sa akin kung naging kami pa ngayon.
Pero hindi parin ako mapakali kung ano ang nangyari sa kanya at bakit may sinusunod siya na dapat ito lang ang kakainin niya. May nangyari ba sa kanya noong hindi na kami nagkita? Ano naman iyon? Malala ba? Ako ba ang dahilan? Kung ako man ay sana….sana hindi totoo na ako ang dahilan kung bakit siya nagkasakit. At sana walang nangyari sa kanya na hindi maganda sa mga ilang taon na wala na akong balita sa kanya at sa mga papel na inabot ng manager sa akin ay talagang strict lang ang girlfriend niya na kailangan may sinusunod si Drake lalo na sa pagkain.
Tumayo na ako dala ang papel na binigay ni ma'am sa akin pero natigilan din na may nakalimutan na itanong.
“Sorry pero bakit po pala ako po ang inatasan nito ma’am kung hindi pwede ang iba? I mean, paano po kung narito po siya at wala po ako dahil absent or ano po, paano po ang pagkain n'ya? Si chief nalang po ang maghibigay sa kanya?”
“Hindi ko rin alam Ashera, bilin din kasi ni sir del Rego bago siya umalis kanina na ayaw niyang maraming nagseserve sa kanya ng pagkain, kung sino ang unang tumapak sa office niya ay siya na dapat at since ikaw nga ang nakaharap niya kanina kaya sa iyo ko binigay ang mga listahan na iyan.” sagot nito.
Nalilito man sa una ngunit nang may natanto ay napahawak nalang ako sa aking sentido. Ito ba ang paghihiganti na sinabi niya? Pahirapan ako sa kakaserve sa kanya ng pagkain at ginawa niya lang excuse iyong dinala ko na pagkain na ako dapat ang pipili para magkaproblema ako? Kung sinabi niya na agad na may mga bawal syang kainin eh di sana…. tamang menu ng pagkain ang hinatid ko sa opisina niya kanina, nakakain na sana siya at dinahilan niya lang na sabayan ko siyang kumain.
“pambihira talaga na tao-” tanging bulong ko sa sarili ko bago lumabas ng office ng manager.