OLIVINE
Napagdesisyonan niyang umalis na muna. Malayo sa magkasintahang nagbibigay kirot sa puso niya. Pumunta siya malapit sa may piano na kung saan may balcony doon. Gusto muna niyang makalanghap ng simoy ng hangin baka makakatulong sa kanya na mabawasan ang sakit sa dibdib niya.
Nakita niya kung gaano kaganda ang nasa balcony kung saan pumupulupot sa railings ang mababangong bulaklak, at pati sa gilid ay may mga katamtamang laki na halaman. Lumapit siya, at humawak sa railings. Napatingin siya sa ibaba kung saan may malaking swimming pool doon. May mga kaunting mga taong nagkakasiyahan, at nakikipagsayawan. Nakikita niyang sobrang saya nila sa kung ano ang pinaggagawa nila.
Napangiti siya nang maalala ang anak niya, kung nandito iyon baka kanina pa ito nagtatampisaw sa swimming pool. Kumusta na kaya ang anak niya? Sobrang miss na miss na niya si Olivia. Gusto niyang puntahan ang anak, pero hindi pwede. Gusto niyang isama ang anak sa kung saan, pero hindi din pwede dahil ikakapahamak lamang nito. Alam niyang kapag nasa puder ng ama nito ang anak ay magiging ligtas ito sa kapahamakan.
"Hey... "
Napapitlag siya sa gulat ng may nagsalita sa likuran niya. Napahawak siya sa dibdib ng sobrang kabog ng puso niya. Nakita niya ang natatawang si Gregory kaya napasimangot siya rito. Anong nakakatawa sa pagkakagulat niya?
Napailing na lang siya rito, at binalik ang atensyon sa ibaba. Tinukod niya ang kanyang siko sa railings. Pinagpatuloy na lang niya ang panunuod sa mga tao sa ibaba.
"Okay ka lang ba? "
Bagkus na sagutin ang kaibigan ay napabuntong-hininga na lamang siya, at napailing.
Narinig niyang napahinga ito ng malalim. Nararamdaman niyang tumabi ito sa kanya. Nahihimigan niya ang pag-alala sa boses ng kaibigan, pero hindi iyon nakakatulong sa kanya. Mas lalo lang siyang nasasaktan.
"Hindi ko alam, Greg." Puno ng sakit, at ang bigat ng dibdib niya. "Hindi ko alam kung kailan ako magiging masaya. Malayang nakangiti na wala ng ibang panganib sa buhay. Gusto kong maging normal ang pamumuhay ko, pero paano? Hindi pa rin ako tinitigilan ng ama ni Rough. Kailan ako matatahimik? Kailan ako mamumuhay ng matiwasay katulad ng ibang tao? Hanggang wala na ba ako?" Pasimpleng pinahid niya ang kanyang luhang nakatakas sa mga mata niya. "Hindi ko ginusto na mamumuhay ng puno ng takot, Gregory."
Napapikit siya ng humampas sa mukha niya ang malamig na simoy ng hangin, at hinayaan na dumaloy ang luhang kanina niya pa pinipigilan.
"Hanggang ngayon ba, mahal mo pa rin si Rough? "
Pinunasan niya ang kanyang mga luha bago niya hinarap ang kaibigan. Mapait na ngumiti siya rito, at tumango.
"Mahal ko pa rin siya, at wala iyon pagbabago."
"Paano ka magiging masaya, kung mahal mo pa rin siya? Mahalin mo muna ang sarili mo, Olive. Hindi ko na nakikita sa’yo ang dating ikaw na palaging nakangiti, at nakikita ko sa mga mata mo noon ang kasiyahan." Napailing ito, at inayos ang magulo niyang buhok. "Ngayon, nag-iba ka na. Ngumiti ka nga, pero iyong ngiting malungkot, at puno ng sakit ang mga mata mo."
Napangiti siya sa sinabi nito. "Ikaw lang talaga iyong taong nandito parati kapag umiiyak ako."
"Punusan mo ang ilong mo dahil may uhog ka."
Nanlalaki ang kanyang mga mata sa sinabi nito, at pinunasan niya ang kanyang ilong kung nagsasabi ba ito ng totoo o hindi. Nang malaman na inuuto lang pala siya nito ay agad niyang hinampas ito sa balikat na ikinatawa ng kaibigan.
"Ikaw talaga!" Natatawa na rin siya sa panloloko nito. "Palagi mo na lang akong binibiro ng gan—" Napahinto siya sa pagsasalita nang marinig niyang may tumikhim sa bandang likuran niya. Kaagad naman niyang tiningnan kung sino iyon.
Napakunot ang noo niya nang makitang pigura ng babae ang papalapit sa kanilang direksyon. Nang maaninag niya kung sino iyon ay nawala ang ngiti niya sa labi ng mapantantong si Katrina pala.
"Can I talk to you for a minute?"
Puno ng pagtatanong na nagkatinginan silang dalawa ni Gregory. Wala siyang maisip kung ano ang pag-uusapan nila ni Katrina dahil ito ang unang beses na mag-usap sila.
"Sige Gregory, iwan mo muna kami.”
"Just call me, if you need me, okay?"
Ngiti lang ang tugon niya sa kaibigan, at iniwan na silang dalawa ng bagong kasintahan ni Rough. Hindi sila nag-imikan bagkus ay nagkatitigan lang silang dalawa ng kaharap.
Mga ilang minutong pananahimik ay binasag na niya ang katahimikan.
"Anong dapat nating pag-uusapan?"
"Bakit ka bumalik? "
Napakunot ang noo niya sa klase ng pananalita nito. Puno ng galit, at nanlilisik ang mga mata, at kulang na lang ay susunggaban siya nito. Nakita niya ang galit sa mga mata ng kaharap na ipinagtataka niya. Wala siyang maisip na dahilan para ganito ang asta nito sa kanya. Kung magsalita ito sa kanya ay parang nanghahamon.
"Anong ibig mong sabihin?" naguguluhan niyang tanong dito.
"Gusto mong bumalik si Rough sa’yo kaya ka bumalik, tama ba ako?"
Napangisi siya, at pagak na natawa. "Kung iyan lang naman ang pag-uusapan natin na walang kabuluhan ay tumigil ka na kasi ayoko ng away."
Akmang lalagpasan na sana niya ito nang bigla nitong hinawakan ang braso niya kaya naudlot ang pag-alis niya. Napangiwi siya ng tumagos ang mahaba nitong kuko sa kanyang balat kaya hinablot niya ang kanyang braso mula rito. Pasimpleng hinawakan ang nasaktan braso niya. Muntik na itong matumba sa kanyang ginawa, pero nakabalanse agad si Katrina. Talagang namumuro na talaga ang babaeng ito.
"Huwag kang umalis dahil hindi pa tayo tapos sa pag-uusap," mariin nitong pagkakasabi sa kanya.
Napahinga siya ng malalim, at pagod na tiningnan ito. "Unang-una, wala naman tayong dapat pag-uusapan, at pangalawa ay may nakita ka bang ebidensiya na may balak ‘kong balikan si Rough? Wala naman ‘di ba? Tigilan mo ‘ko dahil wala akong oras sa mga bagay na hindi nakakatulong sa akin."
Nakita niya ang pagkuyom ng kamao nito.
"Kung wala kang balak na balikan si Rough, ano itong nabalitaan kong nasa puder niya ang anak niyang si Olivia? Gusto mong makuha na naman ang atensyon ng nobyo ko."
Napasapo siya sa kanyang noo dahil kahit anong eksplinasyon niya rito ay alam niyang hindi pa rin ito naniniwala na wala siyang balak na balikan si Rough.
"Ano bang ikinagagalit mo? Simula't-sapol ay may karapatan ang anak kong makilala ang ama niya. Hindi naman kita tinapakan para sobra ang galit mo sa akin." Nanghahamong tingin ang ibinigay niya rito. "Hindi pa nga ako nagsisimulang humakbang ay nag-aalburuto ka na. Paano kung may ginawa ako na hindi mo magugustuhan? Baka mas lalo pang uusok ang ilong–" Napasinghap siya nang bigla nitong hinigit ang buhok niya.
Nabigla siya noong una, pero ng makabuwelo siya ay agad niyang pinilipit ang kamay nitong nakahawak sa buhok niya kaya napaaray ito sa sakit. Tinulak niya ito papalayo sa kanya kaya napasalampak ito sa sahig. Akmang tatayo na ito nang biglang narinig niya ang baritonong boses na kararating lang. Alam niya kung sino ito.
"Katrina!"
Napatingin siya sa lalaking nagmamadaling tulungan ang babaeng nakasalampak sa sahig. Tinalikuran na niya ito, at wala na siyang balak makisawsaw pa.
"What did you do to her!"
Napatigil siya sa kalagitnaan nang paglalakad niya. Bumaling siya sa lalaking madilim ang anyo ng mukha nito.
"Tanungin mo siya.” Turo niya kay Katrina na nag-iinarte. "At ikaw na babae ka, huwag feeling na ikaw ang sinaktan dito. Huwag kang pabida kasi hindi naman kita inano riyan. Buwisit!"
Tinalikuran niya ang mga ito, at wala ng balak na lingunin ang dalawa. Ang ganda-ganda na nga kanina dahil nawala kahit kaunti ang sama ng loob niya dahil kay Gregory, pero dumating naman ang panira ng gabi niya.