Kaharian ng Asturia
Formica system, shired Tower
Madilim sa parteng 'yon ng tower, walang kahit anong ingay at walang kahit anong indikasyon na may nilalang na gumagala kahit saan. Gayunpaman naririnig pa rin ni Feer Sterren ang mahihinang ugong na nagmumula sa mas mataas pang bahagi ng tore.
Kahit na nasa itaas ang mga bantay hindi ibig sabihin no'n na wala ng kahit anong nilalang na nagbabantay sa bahaging 'yon.
Ang basement ng Shired tower ay tila isang malaking maze na gawa sa matibay na uri ng metal. Kung hindi kabisado ng papasok ang lugar, malamang na maligaw ito at hindi na makalabas pa! Mas masaklap maaari rin silang mamatay sa lugar na ito.
Mayroong mga nagkalat na halimaw sa paligid at magaling magtago ng presensiya ang mga ito, bukod doon, marami ring mga sensor sa buong paligid. Light sensor, noise sensor at movement sensor. Tulad nang inaasahan, hindi nila basta hahayaang may makapasok nang gano'n kadali sa basement ng tower.
Ngunit hindi siya kinakabahan. Ang totoo pa nga niyan ... excited siya.
Mataas man ang klase ng sensor na nakapaligid sa madilim na lugar ay hindi pa rin yon naging sapat para maramdaman siya ng mga ito. Bakit? Dahil ang mga gamit na kagaya ng mga sensors, gadgets, at kahit ano pang machine ay hindi tumatalab sa kanya.
"Ano nakita mo na ba?" tanong ng isa pang lalaki sa tabi niya. Si Chance Akindarima.
Kung titingnan ay parang pangkaraniwang binata na nasa edad dalawampu o higit pa ang itsura nito. Halos ka edad lang ito ni Feer pero maliit ng bahagya si Chance kaya madalas ay napagkakamalan silang mag kuya.
Kahit na madilim ay naaaninag niya pa rin ang light brown na buhok nito na bahagyang natatakpan ng bonet.
"Lima sa kaliwa at tatlo naman ang nagbabantay sa may pintuan," sagot niya. "Mahihinang level na Ginx, hindi tayo mararamdaman ng mga ito kung hindi tayo gagawa ng ingay. Sensitibo sila sa tunog."
"Hmmmm...."
Kunot noong nilingon niya ang katabi. "Binabalaan kita Chance. H'wag kang gagawa ng kalokohan. Kapag hindi natin nakuha ang pakay ngayong gabi mahihirapan na tayong makapasok uli."
Kaunti na lang at mararating na nila ang silid kung saan nakatago ang kanilang pakay pero kapag gumawa ng kalokohan ang isang ito baka mabigo sila.
Sumipol si Chance at nginitian siya. "Alam ko." Tumayo na ito at inihanda ang bitbit nitong skateboard. "Kaya nga lulubusin ko na!"
"Anong—"
Hindi na niya naituloy ang sasabihin dahil mabilis pa sa kidlat na nakaalis si Chance bago niya pa ito mahawakan. Napahinga na lang siya ng malalim at nagsimula na ring tumakbo.
"Bilisan mo Feer!" sigaw ng kasama di kalayuan, kasunod no'n ay nakarinig siya ng isang mahinang pagsabog.
Nagsimula na ito.
Ngumisi si Chance nang palibutan siya ng limang malalaking nilalang na kulay silver. Punong puno ng metal ang katawan ng mga ito at sigurado siya na armas ang laman ng mga 'yon. Natatakpan ng maskara ang mukha at may mahabang buhok, nakayapak at parang matutumba na kung tumayo.
"Ginx," sabi niya sabay ngiti. "Tamang tama ang dating niyo. Simulan na natin ang kasiyahan."
Gamit ang kaliwang paa, itinaas ni Chance ang skateboard niya at ikinuyom ang kamao. Umilaw ang mga mata niya tapos no'n ay gumalaw ang isang Ginx at sinuntok ang katabi nito. Tumba ang dalawa.
"Ito ang maganda sa mga walang utak. Madaling manipulahin." Ito ang kapangyarihan niya. Kaya niyang manipulahin ang kahit sino at kahit ano depende sa lakas ng isip ng mga ito. May mga pagkakataong pumapalya siya lalo na kapag malakas ang kapangyarihan ng isip ng isang nilalang.
Naging alerto ang tatlo at isa sa mga ito ay naglabas ng armas. Isang itim na baril na may nakakabit na pulang bato sa magkabilang gilid. Umiilaw ang dalawang bato at alam niya kung anong kahahantungan niya oras na matamaan siya no'n kaya bahagya siyang napaatras.
"Akala ko puro tanga ang ipinadala ng pinuno niyo. Ikaw lang ba ang nag-iisang marunong mag-isip sa grupo niyo?" humanda siya. Isang tira lang mula sa Vanquir siguradong hindi na niya magagamit ang kapangyarihan niya sa loob ng ilang linggo. "Sige, sugod!"
Itinapat ng Ginx kay Chance ang Vanquir pero bago pa man ito makatira ay nagkahiwahiwalay na ang katawan nito. Bumagsak ito at nakita niya mula sa likod ang isang lumulutang na kalansay na naka itim na gown at may suot na ginintuang korona sa ulo. Nakapulupot sa mga daliri nito ang maninipis na sinulid.
Si Lou. Alaga ni Feer.
"Ang daya mo Feer!" sigaw ni Chance. "Akin ang isang 'yon!"
"H'wag ka nang umangal diyan. Wala na tayong oras." Lumipad papunta sa tabi ni Feer si Lou at gaya ni Chance ay humanda na rin ito para pabagsakin ang natitira.
Sa loob lang ng isang segundo tapos ang buhay ng dalawang Ginx.
May tatlo pang natitira!
Binilisan ni Chance ang pagpapatakbo sa skateboard niya. Pagdating sa dulo ay pinatalon niya ito at pinadaan sa pader hanggang sa maabot niya ang kisame. Nanatili siya roon ng ilang sandali at tiningnan ang sitwasyon sa ibaba. Gwardyado ng tatlong malalaking Ginx ang malapad na pintuang metal ng silid.
Mukhang mahihirapan silang sirain yon nang hindi lumilikha ng kahit anong ingay.
Nag padulas si Chance pababa, pumuwesto sa likuran ng tatlong Ginx at minanipula ang mga ito. Nanigas ang tatlo kasunod no'n ay ang pagkahiwa-hiwalay ng katawan ng mga ito.
"Ayos!" itinaas niya ang kamay para makipag apir pero nilampasan lang siya ni Feer. "Hindi ka talaga masaya kasama!"
Susunod na sana siya pero pareho silang natigilan nang makarinig ng mahihinang tunog na nagmumula sa mga lasug-lasog na Ginx. Lumingon siya at agad niyang napansin ang kulay pulang ilaw at timer sa noo ng mga ito.
"Uuuh... alam ko kung ano 'yan. Wala akong balak matusta dito sa ilalim. Feer gumawa ka ng paraan!" panic niya.
"Self destruction huh?" cool na sabi ni Feer na para bang wala lang dito kung mamaya lang ay pinaglalamayan na silang dalawa. "Chance kunin mo yung ulo."
"Haa? Wala pa akong balak magpakamatay!"
"Sundin mo na lang ang sinasabi ko. Bilisan mo."
"Ba't di mo na lang gamitin yang sinulid mo?"
"Isa!"
"Ayoko!"
"Mamamatay tayo pareho kapag di mo sinunod yung sinasabi ko."
"Mas mauuna akong mamatay kapag sumabog yon sa kamay ko!"
"Dalawa!"
"Kung gusto mong magpatiwakal ikaw na lang!"
"Sinabi mong gumawa ako ng paraan."
"Pero ako yung gagamitin mo?"
"Bilisan mo na!"
Napatalon si Chance nang sumigaw si Feer. Lagi lang itong kalmado pero nakakatakot itong magalit kaya wala siyang choice kundi kunin ang ulo no'ng isang Ginx. Nakapikit pa siya habang dahan dahang lumalapit sa mga ito.
"Kapag ako sumabog at namatay tandaan mo Feer, mumultuhin kita at ipapahanap ko sa'yo lahat ng piraso ng katawan ko." Pero nabigla siya nang mabilis na puluputan ito ng mga sinulid at dalhin kung s'an nakatayo si Feer.
Naloko na! Inutusan siya nito para ito lang ang madamay sa pagsabog.
"Feer... a-anong ginagawa mo?" nanginginig na tanong niya.
"Wag mo akong tingnan ng ganyan. Wala akong balak sayangin ang buhay ko para sa'yo. Pinapunta kita diyan para hindi ako mahirapang makatakbo paalis. Chance, ihanda mo ang skateboard mo. Pag bilang ko ng tatlo kunin mo ako rito at pasukin mo ang pinto ng basement."
Tumayo siya ng tuwid. "Bakit ba ang sungit sungit mo? Aminin mo na lang kasi na nag-aalala ka sa'kin. Di naman ako iiyak at saka di ko ipagsasabi na may malambot kang puso."
"Gusto mong tarakan kita sa puso?"
"Patawad na! Game seryoso na..."
"Isa... dalawa... tatlo! Ngayon na!"
Kasunod ng mahabang beep ay ang malakas na pagsabog nito at kasabay no'n mabilis din na kumilos si Chance para kunin si Feer. Nawasak ang makapal na pinto ng basement at dirediretso silang pumasok roon, agad naman silang itinaas ni Lou papunta sa kisame para hindi maabutan ng malakas na buga ng apoy.
Subalit hindi pa rin sapat dahil walang bintana sa loob ng basement at siguradong masusunog sila kapag nilamon ng apoy ang lugar na 'yon.
Mabuti na lang at may fire sprinkler system ang basement. Bumukas ito at unti-unting pinatay ang apoy.
"Dapat nagdadala tayo ng payong para sa mga ganitong pagkakataon," komento ni Chance. "Pinaghandaan ko pa naman ang bihis ko ngayon."
Nang makitang ayos na ang lahat ay dahan dahan silang inilapag ni Lou.
Huminga ng malalim si Chance at napangiwi siya nang makita ang sinapit ng mga gamit. Nasunog na lahat at tiyak na hindi na magagamit pa ang mga aparatong 'yon.
Pero 'yon naman talaga ang plano. Sirain ang lahat ng bagay sa loob ng basement kung saan nakatago ang pakay nila.
Sa pinaka sulok ng basement ay makikita ang isang kulay asul na itlog. Maraming kableng nakakonekta rito at ang dulo ng mga 'yon ay naka baon sa lupa na para bang doon ito kumukuha ng enerhiya.
Tahimik na naglakad si Feer papunta sa hugis itlog na lalagyan. May taas itong apat na talampakan at mataba. Tinadyakan 'yon ni Feer, nawarak ang tagiliran nito at mula roon ay may lumabas na tubig. Isa pa uling sipa, tuluyan nang nasira ang itlog.
"Lou."
Lumapit si Lou at ginamit ang sinulid para kunin kung anuman yung nasa loob ng itlog. Ngumisi si Chance at inilagay ang dalawang kamay sa batok ng ma-ialis ni Lou ang laman ng itlog at ibigay kay Feer.
Isang batang babae?
"Anong nangyari?" puno ng pagtatakang tanong ni Chance.
Matagal na nilang hinahanap ang nilalang na ito pero hindi nila inaasahan na isang batang babae ang matatagpuan nila.
"Hindi ko rin alam pero kailangang mai-alis natin siya dito bago pa tayo maabutan ng iba pang mga bantay." Turan ni Feer.
Pareho silang nagulat nang biglang magmulat ng mga mata ang bata. Naglabasan din ang mga kakaibang simbolo sa buong katawan nito na huminto sa talampakan.
Nagliwanag ang mga simbolo pati na ang mata nito at naglabas yon ng isang malakas na pwersa ng kapangyarihan.
Agad na napaluhod si Feer dahilan para mabitiwan niya ang bata, kamuntikan namang tumilapon si Chance. Buti na lang agad siyang nakakapit sa isang makapal na kable.
Tumagos sa kisame ang liwanag at nagtuloy tuloy palabas ng tore hanggang marating nito ang kalangitan. Doon ito sumabog ng malakas. Nagliwanag ang buong mundo ng Iriantal sa loob ng ilang segundo at nang mawala ang liwanag...
Nag malfunction ang tower, namatay ang lahat ng ilaw at bumalot ang dilim sa buong mundo ng IRIANTAL.