Ang Iriantal ay isang mundo kung saan malayang nakakagamit ang mga nilalang na nakatira rito ng mahika na mas kilala bilang Maji. Sa pamamagitan ng Shi (mana) ay maaring gamitin ang Maji sa mga bagay na may kinalaman sa pagpapa-unlad ng isang kaharian.
Paghulma ng mga mamahaling bato, pagtatayo ng mga imprastraktura, pagtatanim, pagtatahi at pati na rin ang seguridad na kinakailangan ng isang kaharian. Isa ang Maji sa nagpapagaan ng buhay ng mga nilalang sa buong Iriantal kaya naman malaki ang pasasalamat nila sa mga diyos na nagkaloob sa kanila nito.
May tatlong magkakaibang simbahan at relihiyon sa mundo ng Iriantal. Una ang simbahan ng Almiryad na sumasamba sa diyos ng kalangitan na si Amizade. Ikalawa ang simbahan ng Nary: ang diyos nito ay si Mukai na pinaniniwalaang diyos ng ani. At ang panghuli ay simbahan ng Baren, subalit hindi malinaw kung sino talaga ang diyos ng relihiyon na ito dahil pinaniniwalaang marami ang sinasamba nilang diyos.
Binubuo ng pitong bansa ang Iriantal na pinamumunuan ng pitong Hari.
Ishguria, Asteloma, Nanoham, Eldeter, Arondeho, Pentorel, at ang panghuli ay ang kaharian ng Asturia na nasa gitna ng Iriantal kung saan nakatayo ang pinaka sentrong tore na kung tawagin ay Shired Tower.
Ito ang nagbibigay buhay sa Formica system na nagsusupply ng Shi sa mga nilalang sa buong Iriantal.
Ano ang Shi? Ang Shi ay isang uri ng enerhiya na nagmumula sa mga nabubuhay sa mundo. Hayop, halaman, ang mga nilalang na nakatira rito na kung tawagin ay Nindertal o kahit isang simpleng bagay na maaaring daluyan ng enerhiya ay nakapagbibigay ng enerhiya na tumutulong naman para gawing Shi.
Ang naipong enerhiya ay dadaloy sa isang machine na kung tawagin ay Formica system. Ito ang nagsasalin at bumubuo ng Shi mula sa purong enerhiya na ipinamamahagi naman sa mga mamamayan sa mundong ito.
Bawat nilalang ay mayroong isang pulang bato na nakatanim sa loob ng kanilang katawan at dito ipinapasa ng Formica system ang tamang dami ng Shi na kailangan ng isang Nindertal. Kapag nasira ang bato sa loob ng katawan ng isang Nindertal ay hindi na ito makakatanggap ng Shi at imposible na rin ang paggamit ng Maji.
Kapalit nito, obligado ang isang Nindertal na magtrabaho para makatulong sa pagpapalago ng ekonomiya ng kaharian na kinabibilangan nila. Dahil dito, walang nilalang na nagugutom at naghihirap sa mundo ng Iriantal.
Magkagayunman, meron pa ring mga nilalang na may alitan kahit na sapat ang supply ng mga gamit at pagkain. Alitan sa teritoryo, alitan sa salapi at ang pinakamabigat ay palakasan ng kapangyarihan. Sanhi nito nagkaroon ng magkakaibang trato sa pagitan ng may malakas na kapangyarihan at may mga mahihinang kapangyarihan.
Mas iginagalang ng mga nilalang sa Iriantal ang may malalakas na Maji.
Limitado lang ang Shi na ibinibigay sa mga mamamayan kaya natural na mahinang level lang ng Maji ang kaya nilang gamitin. Sapat lang para gamitin sa paghahanap buhay o iba pang madadaling gawain.
Ngunit may iba pang paraan para makakuha ng maraming Shi ang isang nilalang.
Dahil dito nahati sa tatlong uri ang mga marunong gumamit ng Maji.
May mga tinatawag na NATURALE. Ito yung tipo ng Nindertal na pagkasilang pa lang ay nagtataglay na talaga ng malakas na enerhiya. Kaya nilang gumawa ng Shi nang walang tulong mula sa Formica system, kaya malalakas na Maji rin ang kaya nilang gamitin. Karaniwan sa mga ito ay automatic na may trabaho sa kahit anong posisyon sa pamahalaan sa kani-kanilang kaharian. Marami naman ang may sariling pinagkakakitaan. Sila yung mga nakatataas at namumuno. Ilan sa kanila ay miyembro ng Maharlikang angkan at karamihan ay may mataas na rango bilang isang Maji user.
Ang sumunod ay EXITER. Mga nilalang na nag-aaral ng iba't-ibang paraan para mapataas ang kanilang Shi. Merong gumagamit ng spell o kahit anong bagay na dinadaluyan ng Shi. Isang halimbawa na ang mga staff na pwedeng kargahan ng Shi. Nakakagamit din sila ng mataas na level ng Maji pero sa limitadong oras at pagkakataon lang. Mga nilalang na nasa gitna. May mga maharlika din sa mga Exiter pero karamihan sa kanila ay mga normal na Numan na desididong pataasin ang kanilang kapangyarihan.
At ang pinaka pangkaraniwan, yung kahit saan ka tumingin nandoon sila, ay ang mga NUMAN. Sila naman ang mga nilalang na umaasa lang talaga sa supply ng Shi galing sa Formica System. Kapag ginusto ng isang Numan na lumakas pwede niyang maabot ang Exiter. Kaya nga lang mahabang panahon ang kailangang gugulin para pag-aralan ang mga technique para palakasin ang Shi.
Nahahati sa tatlong Class ang mga Maji user.
Class 3: Para sa mga user na gumagamit ng mga matataas na level ng spell.
Class 2: Mga user na kayang kontrolin ang isa o dalawa sa apat na pangunahing elemento. Marunong gumamit ng spell at may alam pagdating sa pakikipaglaban.
Class 1: Nabibilang dito ang mga tinaguriang Zu-in (masters). Ang lakas nila ay sampung ulit na lakas ng pinaghalong Class 2 at 3. Bukod pa dito kaya nilang mag kontrol ng hanggang tatlong elemento.
Pero wag mag-alala dahil sa mundong ito binibigyan ng pagkakataon ang mga normal na Nindertal para makapag-aral tungkol sa Maji. Merong paaralan kung saan maaaring matutunan ang lahat ng 'yon.
Ito ang paaralan na nakatayo sa Idlanoa. Isang isla na hindi pagmamay-ari ng kahit anong kaharian kaya naman dito naisipang itayo ang eskwelahan na kung tawagin ay Heirengrad.
Kung gustong makapasok ng isang nindertal sa Heirengrad, kailangan munang dumaan sa mga test na ibibigay nila. Hindi rin makakapasok ang isang Nindertal kapag hindi niya naabot ang itinakdang percentage ng Shi at passing score sa exam.
"Naintindihan niyo po ba lahat ng ipinaliwanag ko?" inayos ni Yushka ang salamin sa mata at matamang tiningnan ang babaeng kaharap. "Avanie-hana?" ang katagang 'Hana' ay idinudugtong sa pangalan ng mga maharlikang babae sa mundo ng Iriantal at Hono naman sa lalaki.
At dahil nga isa itong maharlika, kailangan niyang magpakita ng malaking paggalang.
Ang sabi sa kanya kailangan niyang turuan ang babaeng ito na pamangkin ng Duke ng Eldeter na si Draul Vhan Rusgard. Mukha naman itong mabait at sa palagay ni Yushka magkasing edad lang sila.
Siya si Yushka Alleir Hemeren, 17 years old at isang Exiter. Trabaho niya ang magturo at si Avanie Larisla ang estudyante niya ngayong araw. Kahit na isa lang siyang mababang Exiter ay ipinagkatiwala pa rin ng Duke sa kanya ang pamangkin nito. Hindi niya alam kung bakit kailangan pa nitong matuto gayong mukha namang marunong na itong gumamit ng malakas na Maji.
Sa mga naging unang pag-aaral nila, ipinakita sa kanya ni Avanie na kaya nitong manipulahin ang tubig nang hindi man lang nagsasabi ng chant. Ang akala nito ay normal 'yon pero wala ni isa sa mga nakilala ni Yushka ang nakagawa na no'n. Bukod pa do'n, isa itong element user na magaling sa pakikipaglaban. Ang pinagtatakahan lang ni Yushka, kahit na malakas ito at marunong kumontrol ng elemento ay wala itong hawak na titulo bilang isang Maji user. Ganun din si Duke Draul at ang lahat ng naninirahan sa mansiyong ito.
Sa mundong ginagalawan nila kung saan kinikilala ang mga Maji user na may rango, meron din namang mga Nindertal na malakas gaya ng mga ito na hindi sumasali sa ranking at "PLATINA" ang tawag sa kanila.
"May tanong po ba kayo?" hindi pa rin ito umimik kaya nagduda na siya.
Tinapik niya ito sa balikat at
POOF!
Naglaho itong parang bula!
Illussion Maji!
Anak ng kung sinokaman! NATAKASAN NA NAMAN SIYA NG ESTUDYANTE NIYA!
"Kamusta ang aralin nyo ngayong araw?" bungad na tanong ni Chance nang makapasok ito ng silid.
Hindi siya sumagot.
"Yushka-dia?"
Naiiyak na nilingon ni Yushka si Chance. Nagulat naman ito at agad na nagtanong kung anong nangyari.
"Tinakasan ako ni Avanie-hana!" gusto na talaga niyang umiyak! Salita siya nang salita wala naman pala dito ang kausap niya!
"Na...naman?" dali daling lumabas si Chance kasunod no'n ay ang malakas na sigaw nito. "Nawawala ang kamahalan!"
At gaya ng nakasanayan ... nabulabog na naman ang buong mansyon.
Tatlong buwan na ang nakalipas magmula nang mahanap nila Feer si Avanie. Nagulat ang lahat dahil bumalik ito sa pagiging bata pero makaraan lang ang ilang linggo ay nagbalik rin ito sa tunay nitong laki. Ang problema, makalipas lang ang ilang araw matapos bumalik ang tunay na anyo ni Avanie ay nagsimula na rin itong lumabas (tumakas) sa mansiyon.
Nag-aalala ang mga tagabantay dahil hindi pa lubusang maayos ang katawan nito. Nakabalik man si Avanie sa tunay na anyo, hindi naman nito makontrol ang sobrang lakas na kapangyarihan sa loob ng sariling katawan.
Haaay... Kailan kaya siya mapipirmi sa isang lugar?
Napabuntong hininga na lang si Yushka.
✴✴✴
Kaharian ng Pentorel...
Market District Augwen...
"Lumayas ka dito lapastangang babae ka!" sigaw ng isang matabang babae kay Avanie sabay penamewangan siya nito. Medyo kulot ang mahaba at itim na buhok nito at mala balyena ang katawan. Ito ang may-ari ng stall na napili niyang bilihan ng mansanas.
"Oy! Makalapastangan naman po kayo, sinabi ko na ho sa inyo na inilapag ko nga yung bayad ko diyan sa ibabaw ng paninda niyo! Hindi nga ako magnanakaw!" depensa ni Avanie sa sarili.
Nagsisimula na silang makaagaw ng atensiyon sa pamilihan dahil sa lakas ng boses no'ng matabang babae.
"At magsisinungaling ka pa talaga ha?" akmang hahablutin nito ang kulot niyang buhok pero mabilis siyang nakailag.
"Sandali lang po ha? Hindi naman ata tamang saktan niyo ako dahil lang sa pinagbibintangan niyo akong nagnakaw ng mansanas. Isa lang ito o-pwede kong bayaran ulit. Dodoblehin ko pa!" kinuha ni Avanie ang wallet sa bulsa at patagong binilang ang laman no'n. 60 orie na lang ang natitira niyang pera.
Dahil sa mabilisan niyang pagtakas sa mansiyon ni Draul, nakalimutan niyang kunin ang naitago niyang pera sa kanyang silid. Hindi rin siya nakapagpalit ng damit kaya simpleng shorts at kamiseta na pinatungan ng brown na blazer lang ang naisuot niya. Kung titingnan sa malayo mukha siyang katulong ng isang kainan.
"Akina bayad mo!"
Nakangusong ibinigay ni Avanie sa matabang babae ang hawak niyang limampung Orie. "Ayan na ho, di ko alam na may mga buwaya rin pala rito sa bayan." Ibinulong niya lang ang mga huling sinabi para syempre hindi marinig no'ng matabang babae.
"Anong ibinubulong bulong mo diyan?" mataray na tanong nito.
"Wala ho! Maraming salamat po! Mukhang masarap ang mansanas na binayaran ng tatlong ulit sa presyo."
"Aba't talagang!"
Bago pa siya mahampas ni manang kumaripas na siya ng takbo. Tiningnan niya ang laman ng wallet. Sampung Orie na lang ang natira. Kapag sinusuwerte ka nga naman o, bago pa siya makarating sa kaharian ng Ishguria panigurado gumagapang na siya dahil sa matinding gutom. Kung alam niya lang na ganoon ang ugali ng matabang butanding na yon hindi na sana siya doon bumili ng mansanas.
'Hay naku! Pabayaan na nga natin. Doon masaya si manang kaya pagbigyan na lang.'
Inilibot niya ang paningin sa paligid. Abala na ang mga Nindertal sa kanya-kanyang gawain sa market district ng Pentorel. Marami na'ng nagkalat na iba't-ibang nilalang, karaniwan sa mga ito ay nagtitinda at bumibili ng mga gamit na may kinalaman sa Maji. Sa kabilang banda ay ang mga Nindertal na nag-aalok ng serbisyo nila. Tulong sa pagsasaka, escort sa mga delikadong lugar at siyempre hindi mawawala ang mga mangangalakal.
Paikot-ikot din ang mga patrol na sakay ng Razer. Isang sasakyang lumilipad na hugis oblong. Dalawa lang ang gulong nito at walang bubong. Kahit ang pagpapatakbo nito kailangan pang gamitan ng Shi.
Napatingala siya at napanganga nang may dumaang Aeroblaze. Isang sasakyan panghimpapawid na kayang magsakay ng mahigit sa isang daang nindertal.
Malaki ito at mahaba, nababalutan ng makapal na salamin kaya makikita ang mga pasahero sa loob nito. Bawat kaharian ay may paliparan kung saan bumababa ang mga Aeroblaze kaya naman, ito ang pinaka popular na sasakyan para sa mga manlalakbay sa buong Iriantal. Bukod kasi sa paglipad, kaya rin nitong lumutang sa dagat dahilan para makita ng mga pasahero ang magagandang tanawin ng mas malapitan.
'Ang ganda! Gusto ko ring makasakay diyan minsan at tanawin ang buong Iriantal mula sa taas. Saan kayang kaharian bababa ang Aeroblaze na yon?'
Ibang-iba na talaga ang mundong ito kumpara sa nakalakihan niya.
Noon walang mga sasakyan at maluwag na ang buhay ng isang nilalang kung marunong itong lumipad o di kaya'y may alagang dragon o kahit anong hayop na pwedeng gamitin panlakbay. Pero malaki na ang ipinagbago ngayon. Kasabay ng paglago ng ekonomiya sa nakalipas na daang libong taon, naka-imbento na rin ang mga nindertal ng mga bagay na magpapagaan sa buhay ng mga ito.
"Haay..."
Maagang umalis ng Eldeter si Avanie at ngayon nga ay nakarating na siya sa Pentorel. Alam niyang magagalit si Draul dahil bilang tagabantay niya kailangan alam nito kung saan siya pumupunta. Malamang na magwala na naman yon pag nalaman nitong wala siya sa mansyon.
Lagi kasi siyang tumatakas.
Pero sana maintindihan ni Draul kung bakit kailangan niyang maglakbay.
Hindi alam ni Avanie kung anong nangyari sa buong Iriantal simula no'ng ikulong siya sa loob ng itlog na 'yon. Nagising na lang siya isang araw at nagbago na ang lahat. Wala ang mga nakagisnan niya at wala na rin pati ang kaharian nila.
Kaya nagpasya siyang hanapin at alamin kung ano talaga ang nangyari sa kanilang tahanan.
Tumingin siya sa malawak na kalangitan nang makalampas ang Aeroblaze.
'Nasaan na kaya sina Ama at Ina? Ilang daang libong taon na ang nakakalipas. Buhay pa kaya sila?'
"Binibini!"
"Ay kabayo mo naglakbay!" napahawak siya sa dibdib sa sobrang gulat. Sino ba tong bigla na lang susulpot na parang kabute? "Lumayo ka nga sa'kin! Aatakihin ako sa'yo e!"
"Patawad naman," nakangising turan no'ng lalaki. May bitbit itong kahon ng mga singsing at do'n pa lang may ideya na siya kung anong pakay nito.
"Hindi ako bibili. Hindi ako marunong gumamit ng Maji."
"Nagsisinungaling ka!" sabi nito. "Nakikita ko sa aura mo na marunong kang gumamit ng Maji kaya sige na, bumili ka na ng singsing sa'kin. Tataas ng sampung porsyento ang Shi mo pag nagsuot ka ng isa. Hindi lang yon, ito rin ang uso ngayon."
Pinagloloko ba siya ng tinderong to? Kung tataas ng sampung porsyento ang Shi niya dyan e di sana ginamit na nito ang mga singsing para makapaghanap ng trabaho na mas mataas ang kita kesa sa pagtitinda.
"Magkano isa?" tanong niya na ikinaliwanag naman ng buhay--este mukha nito.
"Limampung orie kada isa."
"Paalam! hanggang sa muli masipag na tindero!" tumakbo si Avanie nang mabilis para makalayo.
Hindi niya isasakripisyo ang natitira niyang pera para sa pekeng singsing! Pagliko niya sa isang eskinita ay bumangga naman siya sa kung ano.
Natumba siya at napaupo sa sahig. Dahan dahan siyang tumingala at tumambad sa kanya ang galit na mukha ng isang halimaw.
Biro lang. Nindertal din ito. Nakakatakot kasi yo'ng mukha nito, mapagkakamalang halimaw.
Tiningnan siya nito ng masama kaya napalunok siya. "Aaah ... patawad? Hindi ko sinasadya?" ano bang dapat niyang sabihin?
Hindi pa rin ito umimik. Nakakatakot talaga ito. Pakiramdam niya kakainin siya nito ng buhay. "Kamusta malaking kaibigan?"
"Hindi tayo magkaibigan," sabi nito gamit ang paos at malaking boses. "Humingi ka ng tawad sa'kin."
'Ginawa ko na yon ah! Di ba niya narinig?'
Napansin niyang maliit ang mga tenga nito. Hindi nga siguro siya narinig.
"Patawad. Di ko sinasadyang banggain ka."
"Sa tingin mo makukuntento ako sa paghingi mo ng tawad?"
HaA? Ano pa bang gusto ng nilalang na ito? Magtanghal siya sa harap nito ganon? Di naman ito mukhang nasaktan. Mas masakit pa nga yung pagkakabagsak niya sa semento.
Tumayo siya at pinagpagan ang damit. "Anong gusto mong gawin ko para makuha ko ang tawad mo?"
"Simple lang Avanie-hana. Bumalik ka sa Eldeter at ituloy mo ang pag-aaral mo." Pagkasabi no'n ay lumabas mula sa likuran ang isang lalaking may light brown na buhok at nakasuot ng bonet. Sakto lang ang pangangatawan nito, nakasuot ng half sleeve na puting damit na pinatungan ng makulay na chaleco at itim na short naman sa pang-ibaba.
Chance!
Patay! Nasa ilalim pala ito ng manipulation ni Chance! Kailangan niya na talagang makatakas! Hindi lang parusa ang aabutin niya kapag nahuli siya at maibalik sa mansiyon ni Draul. Baka ikulong na talaga siya nito para hindi na siya makatakas kahit kailan!
"Hindi ako babalik hanggat wala akong nalalaman tungkol sa Rohanoro! Edamame labas!"
"Bunya!"
Biglang lumitaw ang isang maliit na nilalang sa harap ni Chance.
Isang Mink.
Mga maliliit na halimaw na ginagamit ng mga Maji user dahil kaya rin ng mga itong maglabas ng Shi. Kumpara sa karaniwang hayop, kayang mag-evolve ng mga mink sa mas malakas na anyo depende sa paggamit nito ng Shi. Mas malakas na paggamit ng Shi mas mabilis ang pag laki ng mga ito.
Mukhang bola na kulay puti ang mink na lumitaw sa harapan ni Chance. Mataba ito at maliliit ang tenga, may maliit na bibig, mahabang whiskers at lumilipad.
Ilang segundo munang nagtitigan ang dalawa bago ibinuka ni Edamame ang bibig at isinubo ng buo ang ulo ni Chance.
"Nom nom!"
"Hmmmmdhdhdunappph!" bool! Hindi niya inaasahan ito! Kapag hindi niya 'to natanggal kagad paniguradong matatakasan siya ni Avanie!
Sinubukan niyang gamitin ang manipulation pero hindi ito gumagana! Ang baho sa loob ng bibig nito at hindi siya makahinga!
Kinurot ni Chance ng ubod lakas sa magkabilang tagiliran si Edamame. Nasaktan ang Mink kaya bumuka ang bibig nito at nakawala siya pero nang makabawi ay akmang kakainin uli nito ang ulo niya pero mabilis siyang nakailag kaya bonet niya lang yung nakagat ni Edamame.
Luminga siya sa paligid. 'Tsk! Nawala na!'
Isang mahaba-habang habulan na naman ang magaganap. Dagli niyang inihanda ang skateboard niya at mabilis na pinasibad 'yon.
Pinaangat niya ang skateboard gamit ang Shi para iwasan ang mga Nindertal sa daan.
Dumadaan siya sa kahit saan basta maluwag at bawat pag galaw niya ay siya namang higpit nang kagat ni Edamame sa ulo niya.
"Oy! Wala ka bang balak bumitaw? Magbawas ka naman ng timbang ang bigat mo!"
"Bunya! Bunya! Grrrrrr!"
"Ayaw mo talaga? Sige higpitan mo ang kapit mo diyan, di ko kasalanan pag nahulog ka!"
Tinalon ni Chance ang isang barandilya papunta sa bubong ng isang bahay at doon niya nakita si Avanie na tumatakbo sa bubongan. Binilisan niya pa ang pagpapatakbo. Pagewang-gewang siya sa ere dahil sa pag-iwas sa mga bagay na maari niyang matamaan.
Lumingon si Avanie. Malapit na sa kanya si Chance! Pumitik siya sa ere, agad na napalibutan ng mga bilog na kulay itim si Chance na di nagtagal ay isa-isang sumabog.
"Natamaan ko ba?" pero ilang sandali lang lumabas ito mula sa makapal na usok.
"Patay ka na talaga kapag nahuli kita Avanie-hana!"
"Tch!" bakit ba niya naisipan na gamitan ito ng mahinang Maji? Alam niya naman na hindi 'yon tatalab dito. "Kung gusto mong umuwi, umuwi ka mag-isa mo!" sigaw niya habang panay pa rin ang takbo at talon sa bubongan.
Itinaas ni Chance ang kanang kamay at nagsimulang gumalaw ang mga bloke na tinatapakan ni Avanie. Kinontrol niya yon papalapit sa kanya para maabutan niya ito pero tinalunan lang nito ang lahat ng 'yon! Sunod niyang minanipula ang isang lamesa na nakita niya sa ibaba. Binuhat niya ito at iniharang sa dadaanan ni Avanie subalit mabilis itong nakatalon paibaba.
Agad siyang sumunod pero pagbaba niya isang sako ng harina ang sumalubong sa kanya at sumabog 'yon. Hinawi niya ang nagkalat na harina sa hangin pero wala na ni anino ni Avanie.
'Bool! Natakasan ako! Patay na naman ako nito kay Draul.'
Tumakbo siya palabas ng eskinita at tumingin sa buong paligid. Nagkalat ang mga Nindertal kahit saan kaya hindi niya ito mahahanap nang gano'n kadali. Napakamot na lang siya sa noo at napapabuntong hininga na naglakad palayo.
Ang hindi niya alam, nagtatago lang si Avanie sa tabi ng isang drum ilang hakbang lang ang layo sa kanya.
'Tingin ko ngayon palang kailangan ko ng mag-isip ng dahilan para hindi ako matusta ng buhay.'
"Grrrr!" ungol ni Edamame.
"Urgh! Muntik ko ng makalimutan ang isang 'to!"
Teka...
Hmmmm...
Ting!
Unti-unti siyang napangisi. Nakakuha siya ng hostage.
"Masarap ba ang ulo ko Edamame?" umungol ito bilang pagsagot. "Hehe... wag kang bibitaw kung hindi hahabulin ko uli ang amo mo."
"Bunya!"