Chapter 3

2060 Words
"Whew! Akala ko hindi ko na matatakasan si Chance. Makulit pa naman ang isang 'yon." Pa'no kaya siya nito nasundan nang ganoon kabilis? Sa pagkakaalam niya hindi mapapansin kaagad ni Yushka-dia ang ginawa niyang ilusyon—o baka naman may ideya na si Chance bago pa siya umalis ng Eldeter? Sabagay, malakas at magaling si Chance pagdating sa mga ganitong bagay. Talo nga lang ito kay Edamame. Uh... Lagot! NAKALIMUTAN NIYA SI EDAMAME! Naku naman! Paniguradong gagamitin ni Chance sa kanya si Edamame para lang mapabalik siya sa mansiyon ni Draul. "Wag kang mag-alala Edamame, maghintay ka lang. Babalik ako agad." "Avanie!" Napalingon si Avanie sa tumawag sa kanya. Nakita niya ang isang may kaliitang babae na may malalim na asul na buhok. Nakangiti ito na lalong nagpatingkad sa maamo nitong mukha. Palapit na ito sa kanyang kinatatayuan. Si Farfalla. Ang matalik niyang kaibigan. Anak si Farfalla ng isang mananahi sa Pentorel at nagkakilala sila tatlong buwan na ang nakakalipas nang magdala ang nanay nito ng mga damit sa mansyon. No'ng una ayaw niya rito dahil iyakin kahit dalaga na pero di nagtagal, nalaman niyang mabait na Nindertal ito at talagang maaasahan. "Parang alam ko na kung pa'no ko nahanap ni Chance agad." Sa tuwing umaalis kasi siya ng Eldeter madalas inuuna niya munang dalawin si Farfalla kaya malamang na nakabisado na nito ang mga destinasyon niya pag nawawala siya. Tch. "Anong nangyari? May nalaman ka ba?" tanong niya nang makalapit ito. "Pasensiya na pero wala e, halos lahat ng Nindertal dito sa Pentorel walang alam tungkol doon." Humalukipkip si Avanie. "Mukhang mahihirapan tayo sa paghahanap ng kahit ano tungkol sa Rohanoro. Ang alam ng lahat dito alamat lang ang kahariang 'yon," napahinga siya ng malalim. "Pero hindi tayo pwedeng sumuko. Sigurado akong meron ditong nakakaalam tungkol sa nangyari may ilang daang libong taon na'ng nakakalipas." Muli na silang naglakad palabas ng Augwen. Kahit na walang nakita si Farfalla, hindi ibig sabihin no'n na wala na siyang mahahanap na kahit ano. "Itutuloy mo pa rin ba ang pagpunta mo sa Ishguria?" tanong nito. "Kailangan. Kung wala dito sa Pentorel ang nakakaalam, maghahanap ako sa Ishguria." Si Farfalla naman ang huminga ng malalim. "Hindi ko alam kung bakit gustung-gusto mong malaman ang nangyari sa kaharian ng Rohanoro. Para sa'kin kasi alamat lang ang kaharian na yon at wala ng iba pa. Nagkataon lang siguro na nagkaroon ng malaking lugar sa pagitan ng Asteloma at Eldeter pero walang makapagsasabi na mayroon ngang nakatayong kaharian doon dati." "Kaya nga natin inaalam 'di ba? Hindi tayo pwedeng maniwala na lang sa sinasabi ng iba. Hahanapin ko ang katotohanan sa pagkawala ng kaharian na 'yon." "Bakit ba masiyado kang nahuhumaling sa kaharian na yon ha?" kunot noong tanong ni Farfalla. "Hindi ako naniniwalang nagkataon lang na mayroong malaking bakanteng espasyo sa pagitan ng Asteloma at Eldeter. Masiyadong malaki iyon, ang nakapagtataka pa ay kung bakit hindi pinaghatian ng dalawang kaharian ang malaking lugar na 'yon." Pinaglaruan ni Avanie ang hawak na mansanas. Sayang kung hindi sana siya nagbayad ng malaki sa masungit na manang e di sana taltlo ang mansanas niya ngayon. "Idagdag pang ang isa sa nabanggit na kaharian ay tinitirahan ng mga luko-loko at masasamang nilalang." "Sa bagay may punto ka. Sakim ang mga nilalang sa Asteloma pero hindi nila inaangkin ang lugar na yon. Pero bakit?" "Hindi ko rin alam. Kung makakaya ko lang sana pumunta sa Asteloma para magtanong-tanong gagawin ko." Nanlalaki ang mga matang tiningnan siya ni Farfalla. "Nababaliw ka na ba? Ikaw na mismo ang nagsabi, masasama ang mga nilalang na nakatira roon. Alam kong gusto mong malaman kung anong nangyari sa kaharian ng Rohanoro Avanie, pero baliw lang ang gustong pumunta sa Asteloma. Papakamatay ka na? Tara! Tutulak na lang kita sa bangin!" "Sira! Kung kaya ko nga 'di ba? Wala akong sinabing pupunta nga ako." "Akala ko pupunta—" "Ssshh..." huminto siya sa paglalakad. May nararamdaman siyang sumusunod sa kanila. "May sumusunod." Inilabas ni Avanie ang maliit na salamin mula sa bulsa niya at nagkunwaring nananalamin. Mula sa salamin ay nakita niya ang balikat ng isang Nindertal na sumusunod sa kanila. Nagtatago ito sa likod ng may kalakihang puno at may bitbit na espada. Duda siya na mga tauhan ito ni Draul. Alam kasi ng Duke na hindi nito mahuhuli si Avanie gamit ang mga simpleng Nindertal lang kaya nga si Chance o di kaya'y si Feer ang inuutusan nito para hanapin siya. "Avanie." Kinakabahang kumapit sa braso niya si Farfalla. "Huwag kang papahalata na alam nating sumusunod sila. 'Pag sinabi kong takbo... tumakbo ka na." "Paano ka?" Kung kanina kinakabahan lang, ngayon tila maiiyak na ito. "Wag mo kong alalahanin, kaya ko ang sarili ko. Takbo na." "Pero—" "Tumakbo ka na!" Nagulat si Farfalla sa pagsigaw niya. Naluluhang tumakbo ito patungo sa direksyon na pinanggalingan nila kanina. Samantala, tumakbo naman siya papunta sa kagubatan. Tanghaling tapat kaya hindi siya natatakot na tumakbo sa gubat. Makikita niya ang daanan kaya maaari niyang iligaw kung sinoman yo'ng sumusunod. Pero kung bigo siyang iligaw ang mga humahabol, maaari naman niya itong labanan. Pinatunog ni Avanie ang mga buto sa kamay. Hindi na rin siguro masama kung mag ensayo siya ng kaunti ngayong araw. Tumakbo siya nang tumakbo hanggang sa maabot niya ang isang clearing. Sa pagkakataong 'yon alam niyang napapalibutan na siya. Walang kwenta kung iligaw niya pa ang mga ito. Mabibilis tumakbo ang mga humahabol at mukhang alam ng mga ito ang pasikut-sikot sa gubat. Humanda si Avanie at pinakiramdaman ang paligid. Lumabas ang isa, tumalon galing sa itaas at iwinasiwas ang hawak nitong palakol. Mabilis siyang nakailag at binunot niya na rin ang kutsilyo na nakalagay sa kanang bewang niya saka mabilis na sinalag ang isa pa na nanggaling sa kaliwa. "Ginugulat mo ba 'ko? Pasensiya na, kulang sa impact!" sigaw niya sabay tadyak dito. "Uhgwak!" natumba ang lalaki at namilipit sa sakit. "Hindi ako umaasa na magkakaroon ng balanse sa mundong ito pero apat na lalaki laban sa isang babae? Hindi naman ata patas 'yon!" Tumalon siya at naglambitin sa isang sanga ng puno at sinipa ang isang papalapit sa kanya. Tumilapon ito sa malayo. "Wew! Salamat sa ensayo!" Kung pakikipaglaban lang ang pag-uusapan mas maraming experienced si Avanie dahil mula pagkabata tinuruan na siya kung pa'no makipaglaban at tamang pag gamit ng espada. Ayon kasi kay Draul dapat alam niya kung pa'no protektahan ang sarili dahil hindi sa lahat ng oras nandiyan ang mga ito para bantayan siya. Sa kasamaang palad... kutsilyo lang ang nadala niya. Kung sakaling dinala niya ang espada sa silid aklatan kung saan sila laging nag-aaral ni Yushka-dia malamang na maghinala ito. 'Ang malas ko talaga ngayong araw' Nainis na ata ang mga ito kay Avanie kaya sabay sabay nang sumugod ang tatlo. Lahat ng mga ito may dalang armas at nakaamba na sa kanya. Yumukod si Avanie at tinisod ang isang may hawak na palakol dahilan para matumba ito at mabitiwan ang hawak. Kinuha niya 'yon at inihagis sa lalaking palapit na sa kanya. Nailagan nito ang palakol pero hindi ang dulo ng kutsilyo niya na inihampas niya rito. Gamit ang Maji dinoble niya ang bigat ng hawak na kutsilyo kaya mas mataas ang pinsala sa tatamaan. "Pasensiya na, ginusto mo 'yan e! Walang personalan, ayoko lang masaktan!" Yumuko uli siya para kumuha ng malaking bato na ibinato niya naman sa isa pa. Sapul sa ulo, tulog. "Ipagdarasal kita bukas!" At para naman sa panghuli... saktong paglapit ng lalaki ay naitapat niya na sa lalamunan nito ang talim ng kutsilyo niya. "Matira matibay? Susuko ka at sasabihin mo sa'kin kung anong kailangan niyo o uuwi kang puro galos ang katawan at dahon lang ang suot?" "P-Patawad! Pero m-may nag-utos lang sa amin na patayin ang kahit sinong interesado sa kaharian ng Rohanoro," nanginginig na turan ng lalaking kulay blonde ang buhok. Payat ito kaya nakakabilib na kaya nitong kumilos nang mabilis. Hinawakan niya ito sa damit at hinatak palapit. "Sino?" "H-Hindi po namin alam. Ang mga nakakataas lang po sa grupo namin ang nakakakilala sa kanila." Kitang kita sa mata nitong kulay green ang takot. "Heh... sasapakin kita at sasabihin mo ang totoo o sasapakin kita at sasabihin mo ang totoo?" "Totoo po ang sinasabi ko! Ayoko nang mabugbog!" "Dapat naisip mo yan bago mo 'ko sinugod." Sa itsura ng lalaking ito, malamang na hindi siya nito kilala. Isa pa, sinabi nitong 'kahit sino'. Napabuga na lang siya ng hangin. "Nasaan sila?" "N-Nasa kaharian ng Ishguria." Lumunok ito. "May kinalaman ang Hari ng Ishguria?" tanong ni Avanie sa sarili na narinig ng lalaki. "W-Wala po! Mukha lang mangangain ng Nindertal ang mahal na Hari p-pero sigurado po ako na wala siyang kinalaman sa mga nag-uutos sa amin," nanginginig na sabi nito. "Gaano ka kasigurado sa sinasabi mo hijo?" "Sigurado po ako dahil narinig ko sa pinuno namin na galit sa Hari ng Ishguria ang nag-uutos sa'min." Napasipol si Avanie. "Ang Hari lang ng Astruria ang alam kong may galit sa mukhang nangangain ng Nindertal na hari niyo." Binitiwan niya ang kawawang lalaki. Bernon Zeis. Ang tinitingalang Hari ng Asturia na malaki ang galit sa batang Hari ng Ishguria na si Riviel Qurugenn. Walang nakakaalam ng dahilan kung bakit mainit ang dugo nito sa batang Hari. Kilala sa pagiging notorious si Bernon. Hindi nito pinapatawad ang mga kaaway at gusto nitong nakukuha ang lahat ng gusto. Maraming tumitingala rito at lalong marami ang kaaway. Pero, dahil malakas si Bernon, bihira ang may lakas ng loob na labanan ito ng harapan. Pwera sa Hari ng Ishguria na walang kapantay pagdating sa katigasan ng ulo. "B-B-B-Binibibi!" BINI...BIBI??? "Binibibi? Nakalunok ka ba ng bato? 'Wag kang matakot sa'kin di kita kakainin!" Ngumiti na rin ito. "Binibini, hindi ko akalaing ganyan kayo kalakas. Sa malayo kasi mukha kayong katulong." 'Hindi ko itatanggi yan' "Hindi po namin gustong patayin kayo. Gusto lang namin na takutin kayo." Gusto siyang takutin? E, sa asar ng mga ito sa kanya desidido na silang wakasan ang buhay niya! Kung ganun ang pananakot pa'no pa ang pagpatay? "Wala na akong pakialam. Pero salamat na rin sa inyo, wala na rito ang matalik na kaibigan ko. Hindi ko talaga alam kung paano ko sasabihin sa kanya na hindi ko na siya isasama papunta sa Ishguria." Ibinalik niya sa lagayan ang kutsilyo niya. "Pupunta ka ng Ishguria?" tanong no'ng isa na tinadyakan niya kanina. Hinihimas-himas pa nito ang nasaktang tiyan. "Oo, kailangan kong makarating doon bago pa ako maubusan ng pera." Inihagis ni Avanie sa isa pang lalaki ang dala niyang gamot. Nasalo naman agad nito iyon. "Inumin mo 'yan para matanggal ang sakit." Kahit na nakakalimutan ni Avanie na magdala ng pera, hindi naman niya nakakalimutang magdala ng gamot kahit saan siya magpunta. Minsan ang mga gamot na dala niya ay ibinibigay niya lang sa mga nindertal na nakikita niyang nangangailangan. 'Kahit masama ang ugali ko, alam kong may bait pa rin akong itinatago.' Tumango siya. Kuntento sa naiisip. "Salamat." Agad nitong ininom ang gamot. "Anong salamat? Tatlumpung orie ang kapalit niyan. Hindi, kulang ang tatlumpong Orie, samahan mo na rin ng apat na mansanas." Inilahad niya ang kamay. Hinihingi ang bayad ng kaharap. "P-Pero wala akong dalang mansanas." "Hmm... sige na, pwede na yan. Kaya lang tandaan mo may utang ka sa'kin." Nanlalatang nag-abot naman ito ng pera. "Pasensiya na pero kailangan ko lang talaga ng pera." "Ako nga pala si Urdu ito naman po si Asker," turan no'ng lalaking blonde sabay turo sa lalaking inabutan niya ng gamot. "Ang isa namang 'yon ay si Nero." Ang lalaking hinagisan niya ng palakol ang tinutukoy ni Urdu. "At si Vack naman po yung pinatulog niyo. Ang lakas niyo binibini, hanga ako dahil bihira lang ako makakita ng babaeng kasing lakas niyo." "'Wag mo na akong tawaging binibini, masakit sa tenga. Avanie Larisla ang pangalan ko. Tawagin mo na lang akong Avanie." "Avanie..." sambit nito. Napangiti na lang siya sa sinabi ni Urdu. Matagal na rin no'ng huling marinig Avanie ang pangalan niya na sinambit ng ibang nindertal. Nakita niyang namula ang mukha ni Urdu. "Ayoko nang pahabain pa ang usapang ito. Kailangan ko nang umalis bago pa kumagat ang dilim dito sa gubat." "May alam po kaming daanan patungo sa hangganan ng Pentorel," sabi ni Nero. "Kung gusto niyo sasamahan namin kayo roon." "Bakit niyo naman gagawin 'yon?" dudang tanong niya. Ibinagsak ni Urdu ang hawak nitong espada tapos ay malungkot na yumuko. "Nangako po kasi kaming apat na ito na ang huling beses na gagawin namin ang bagay na 'to. Hindi namin alam kung bakit kailangan naming pumatay para lang pagtakpan ang maalamat na kaharian." "May punto ka," iyon na lang ang nasabi niya. Subalit alam niya ang totoo... gusto rin ng mga lalaking ito na malaman ang katotohanan sa likod ng alamat kaya sila pumayag na gawin ang bagay na ito. Nagsimula na siyang maglakad. "Bahala kayo kung gusto niyo akong samahan." Agad na binuhat ng mga ito ang kasamahang tulog pa rin.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD