Chapter 4

2115 Words
Ibinaba ng lalaking may platinum blonde na buhok ang hawak niyang papel sa lamesa at tinanggal ang suot na salamin, saka sumandal sa upuan at tiningala ang kisame. Abala siya sa pagbabasa ng mga ulat tungkol sa Eryle: ang siyudad sa silangang bahagi ng Eldeter na pinamamahalaan niya. Kahit na walang ga'nong problema sa mga nasabing ulat, hindi pa rin mapalagay si Draul. Hindi naman kasi ang lugar ng Eryle ang iniisip niya kundi ang makulit niyang alaga. Kung titingnan mabuti, mukhang nasa 30's lang ang edad ni Draul pero ang totoo mas matanda siya kaysa sa inaakala ng karamihan. Higit pa sa isang daang libong taon na siyang nabubuhay, gayunman ni hindi man lang tumanda ang kanyang itsura. Kumpara sa mga Nindertal na namumuno sa mga bansa sa Iriantal, di hamak na mas maraming alam si Draul subalit dahil na rin kailangan niyang itago na isa siyang Kaivan, kailangan niyang magpanggap na tanga kung minsan. Bumuntong hininga siya. Kung hindi lang delikado sa labas wala naman siyang balak pigilan si Avanie sa pag-alis ng mansiyon. Ngunit dahil marami ang maaaring magka-interes dito, wala nang ibang pagpipilian kundi ang maghigpit sa dalaga kahit pa labag 'yon sa kagustuhan niya. Bilang isang Kaivan wala siyang karapatan na pagbawalan ang isang Lunarian at malinaw na ang ginagawa niya ay labag sa batas nilang mga tagabantay. Mabuti na lang at pareho sila ng iniisip ng mga kapwa niya Kaivan kaya para sa iba, walang masama sa ginagawa niya. Narinig niyang bumukas ang pintuan pero hindi siya kumilos sa kinauupuan. "Draul." "Anong problema Feer? May balita na ba tungkol kay Avanie-hana?" "Nakatanggap ako ng balita na papunta na siya ngayon sa kaharian ng Ishguria." "Ishguria..." tumuwid nang upo si Draul at sinimulang ayusin ang mga nagkalat na papel sa kanyang lamesa. "Mataas ang tiyansa na makasalubong niya ang grupo ng Barona." "Iyon... 'yon ang dahilan kung bakit ako nagpunta rito ngayon. Kasama ni Avanie-hana ang ilang miyembro ng grupong Barona. Kasalukuyan silang naglalakad papunta sa hangganan ng Pentorel." Ang grupo ng Barona ang sinasabing pinakamalaking grupo ng magnanakaw na nagkalat sa kaharian ng Ishguria. Noong mga nakaraang taon hindi na lang pagnanakaw ang ginagawa ng mga ito. Pinapaslang na rin ng mga ito ang mga Nindertal na nagkakainteres sa maalamat na kaharian. Alam ni Draul na si Bernon ang nasa likod no'n kaya naman inumpisahan niya nang imbestigahan ang hari ng Asturia. Maraming pangyayaring kaugnay ang pangalan ni Bernon subalit hindi siya maaaring basta na lang sumugod nang walang matibay na ebidensiya dahil siguradong mapupunta lang ang lahat ng ginagawa niya sa wala. At ngayon ngang papunta si Avanie sa kaharian ng Ishguria, hindi malayong masangkot ito sa gulo sa pagitan ng dalawang Hari. Kapag nangyari 'yon tiyak na magiging malaki ang problema sa panig nila. "Bantayan mong mabuti. Wag kang magpapakita sa kamahalan hanggat hindi kailangan. At lalong h'wag kang gagawa ng desisyon na maaaring maglagay sa kanya sa panganib. Isama mo si Fahnee." "Naiintindihan ko." Napabuga ng hangin si Draul nang makalabas si Feer. Mukhang may mga bagay talaga na hindi nila kayang iwasan. ✴✴✴ Mahigit apat na oras naglakad sina Avanie at ang grupo ni Urdu bago maabot ang sinasabi ni Nero na hangganan.  "Nandito na po tayo. Ito ang hangganan ng kaharian ng Ishguria." Napanganga na lang si Avanie nang makita niya ang tinutukoy na daan. Isang malawak na ilog na may laking isang daang metro pala ang kailangang tawirin para makapunta sa kaharian ng Ishguria. "Hoy ikaw! Bakit hindi mo sinabing ilog ang kailangang daanan para makapunta sa kabilang kaharian?" asar na tanong niya kay Nero. "Mukha ba akong isda sa'yo ha? Ha?" "Hindi naman po kasi kayo nagtanong," Nakayukong sagot ni Nero. 'Oo nga naman... tanga Avanie! Tanga!'  "Paano tayo tatawid ngayon?" "Kami po ang bahala!" turan ni Asker bago tumakbo sa kung saan. Mula sa makapal na halamanan ay may nahugot itong isang maliit na Bangka. "Madalas kaming tumawid sa dalawang kaharian kaya may Bangka kami rito. Kaya lang, dalawa lang po ang kayang isakay ng bangkang ito." "Dalawa? Paano iyong iba?" "Meron pang isang bangkang nakakubli roon kaya wag niyo na kaming alalahanin. Mauna na lang kayo roon," sabi ni Nero. Sumakay na si Avanie sa Bangka kasama si Urdu, sila Nero naman sa kabila. Mabuti na lang at nakahanap siya ng ibang masasakyan papuntang Ishguria dahil hindi na talaga kakasya ang pera niya kahit pambayad man lang sa sasakyan. "Bakit niyo ginustong sumali sa grupong 'yon?" tanong niya kay Urdu nang medyo malayo na sila sa pangpang. Nakikita niya ang Bangka nina Nero na sumusunod lang sa kanila. "Noong una kasi nangako sila na babayaran kami para lang patahimikin ang mga taong naghahanap sa nawawalang kaharian. Pero nang lumaon, wala na kaming natatanggap mula sa kanila. May kutob nga kami na ginamit lang ang grupo namin para pagtakpan ang isang krimen," Anito habang panay ang pagsagwan. "Anong ibig mong sabihin?" "Nagkaroon ng usap-usapan noon na nabuntis ng isang kawani ng palasyo ang mahal na reyna ng Asturia. Isang araw matapos kumalat ang usap-usapan nakatanggap kami ng utos mula sa aming pinuno. Binayaran niya kami ng malaki para patahimikin ang mga nindertal naghahanap sa nawawalang kaharian. At dahil nga gusto ng ibang mga Nindertal na pag-usapan ang alamat tungkol sa Rohanoro marami ang napatay. Natabunan no'n ang balita tungkol sa mahal na Reyna. Pinalabas pa ng hari na may sumpa ang kahariang iyon at nilason ng mga aklat ang isip ng reyna. Kaya simula no'n wala nang naglakas loob na pag-usapan ang nawawalang kaharian." Kunot noong tiningnan niya si Urdu. "Nagawa ni Bernon na pag-ugnayin ang dalawang magkaibang kaso? Iniwasan ng pag-usapan ang mahal na reyna dahil ikinonekta ng hari ang kaso ng reyna sa nawawalang kaharian?" Tumango ito. "Kapag pinag-usapan ang reyna para na rin pinag-usapan ang nawawalang kaharian." 'Hindi maganda ang kutob ko dito.' Tumahimik si Avanie at kinain na lang ang dala niyang mansanas. Iniisip niya kung may kinalaman ba ang ibang kaharian sa pagkawala ng Rohanoro. Mukhang hindi magka-ugnay ang kaso ng reyna at Rohanoro pero bakit ginawa 'yon ng Hari ng Asturia? Tila may pinaplano si Bernon at wala siyang ideya kung anuman 'yon. "Nandito na tayo." Itinali ni Urdu ang lubid sa may di kalayuang puno para hindi anurin ang Bangka. "Mula rito isang kilometro ang layo bago mo marating ang isang maliit na bayan. Bukas kahit gabi ang pamilihan kaya tiyak akong matutunton mo agad ito." "Salamat." Kinuha ni Avanie ang pitaka niya at ibinalik kay Urdu ang ibinayad ni Asker kanina para sa gamot. "Hindi ko na kailangan 'yan." "Avanie..." Maglalakad na sana siya paalis nang mula sa kung saan ay may tumira ng pana, tumama ang palaso sa kahoy na bangka. Nasundan pa iyon ng dalawa hanggang sa hindi na mabilang ang mga palaso na tumatama sa Bangka. Sinenyasan ni Urdu ang isa pang Bangka na h'wag munang tumuloy at bumalik na lang. Nagtago silang dalawa sa may gilid ng bangka para hindi matamaan ng mga palaso. "A-Anong nangyayari? May nagbabantay ba dito sa hangganan?" "Wala! Malayang nakakapasok dito ang mga nilalang galing sa Pentorel. Mukhang nasa may di kalayuan lang ang mahal na Hari kaya may mga alertong bantay! Hindi naman siguro nila tayo papatayin. Hala! Ang bangka ko butas na!" "Leshe! Anong hindi papatayin? E, heto nga't pinapaulanan tayo ng palaso! Kung hindi pa pagpatay ang tawag mo dito pa'no pa pala pumatay ng mga nilalang ang mga taga Ishguria?! Binabalatan ng buhay?" Isiniksik ni Avanie nang todo ang katawan sa gilid ng Bangka. "Pag sinabi kong takbo... tatakbo tayo!" "Hala! Madadakip tayo!" "Madakip na kung madakip! Mas maganda kung maihaharap nila ako sa Hari! Mabigwasan ko lang yung haring nangangain ng Nindertal masaya na ko!" "T-Teka Avanie—" "Takbo!" Bago pa makapag protesta si Urdu ay nahatak na ito ni Avanie papasok sa kagubatan.  Nabitiwan niya nga lang ito at napalihis siya ng daan. Huli na para bumalik. Mukhang nahuli na nila si Urdu, ang kailangan niya na lang gawin ay makaalis sa lugar na iyon... takbo siya nang takbo, hindi niya na alam kung saan siya papunta. Dumidilim na kaya hindi niya na gaanong Makita ang daan. May nakita siyang liwanag sa may di kalayuan at mukhang may bahay roon... Tinakbo niya ang liwanag pero nagkamali ata siya ng dinaanan... dahil noong oras na nandoon na siya sa may liwanag ay saka naman siya nahulog sa isang sapa. Teka? Sapa nga ba? Mainit ang tubig... parang isang mainit na bukal! Agad siyang napatayo. Hanggang bewang lang niya ang tubig pero dahil napasubsob siya, basa na ngayon ang kanyang buong katawan. Luminga si Avanie sa paligid. Mausok, wala siyang makita kaya hindi siya nakapag handa nang biglang may yumakap sa kanya mula sa likod at tinutukan siya ng patalim sa leeg. "Isang maling galaw mo lang itatarak ko ang patalim na ito sa leeg mo. Lapastangan... binabalak mo ba akong patayin? Pasensiya na pero mukhang mauunahan kita," sabi ng isang lalaki sa mababang tinig na nagdulot ng kilabot sa kanyang buong katawan. Ha? Ano daw? PATAYIN?? TEKA WALA SIYANG BALAK NA GANO'N AT KUNG MERON MAN HINDI SIYA ANG TIPONG BASTA NA LANG SUMUSUGOD! "Sumagot ka! Sino ka at sino ang nagpadala sa'yo rito?" "Huminahon ka lang Riviel, tinatakot mo ang munting binibini," Turan ng isang nakangiting lalaki na lumitaw galing sa usok. At oh la! Nakatapi lang ito ng tuwalya sa ibaba. "......" Bakit ba siya napasok sa ganitong sitwasyon? "Hindi ito ang tamang oras para rito! Kailangan kong iligtas si Urdu at bigwasan ang panget na Haring 'yon!" Hindi alam ni Avanie kung kailan pero pagkurap niya dalawang patalim na ang nakatutok sa leeg niya. Inobserbahan niya ang sitwasyon. Isang lalaki sa likod at isang lalaki sa harap. Kung tatakas siya kakailanganin niyang gumamit ng dahas dahil siguradong hindi siya paaalisin ng mga ito basta-basta. Walang dudang malakas ang dalawang ito at kung titingnan talagang lugi siya. Kaya niyang pabagsakin ang dalawa pero hindi siya sigurado sa pinsalang maaari niyang maidulot sa pakikibalaban sa mga ito. 'Kailangang mag-ingat.' "Sinong sinabi mong bibigwasan mo?" tanong ng lalaki na kanina lang ay nakangiti pero ngayon ay nakakatakot na ang itsura. Para itong nakakita ng isang masarap na karne at gusto nitong kainin. 'Magiging tapat na po ako... yung lalaking nasa likod ko nakahubad at ramdam ko ang init ng katawan niya sa likod ko. Yung lalaking nasa harap ko tuwalya lang ang saplot sa katawan at ngayon ay malapit na malapit na siya sa'kin.' "Hindi pa rin patas.... PAKAWALAN NIYO NGA AKO!!" "Tanga lang ang nilalang na magpapakawala sa isang espiyang kagaya mo!" turan ng lalaking nasa likod niya. 'At napagkamalan akong espiya.' Marahas na napabuga siya ng hangin. "Hindi ako espiya, pwede ba? Walang tangang espiya ang bigla na lang lulusong sa nililiguan ng papaslangin niya na walang kahit anong armas at hindi inaalam kung may mga bantay ba." "Sa palagay mo ba paniniwalaan ko 'yan?" sabi pa ng lalaking nasa likod niya. Mga nindertal nga naman, kahit magpaliwanag ka pa ng magpaliwanag yung gusto lang nilang paniwalaan ang paniniwalaan nila. Ano pang magagawa niya kung buo na ang pasya ng mga ito na isa nga siyang espiya? Kahit na sumayaw pa siya sa harap hanggat walang ebidensiya hindi siya paniniwalaan ng dalawang 'to. "E 'di h'wag kang maniwala. Pinipilit ba kita?" "Lapastangan!" sigaw nang lalaki sa harap. 'Ito na ang pangalawang beses na narinig ko ang salitang yan. Masakit din pala sa pakiramdam kapag paulit-ulit.' "Hindi ka ba marunong gumalang? Hindi mo ba alam na isang hari ang kausap mo?" dagdag pa nito. "Hari? Sinong Hari?" itinuro ni Avanie ang lalaki sa likuran niya na may hawak pa ring patalim na nakatutok sa leeg niya. "Ito? Hari ng ano? Pwede ba ha? O e ano ngayon kung siya ang Hari? Nasa likod ko pa rin siya at wala siyang kahit anong suot! At sa palagay mo iisipin ko pa ang paggalang kung sa isang galaw ko lang buhay ko na ang kapalit? Maraming salamat sa sinabi mo ha? Ngayon alam ko na siya pala ang Hari ng Ishguria." Bumuwelo siya para makatalon paitaas. Nang magawa niya 'yon ay sinubukan niyang sipain ang lalaki sa likod pero nasalag nito ang binti niya gamit lang ang kamay nito. 'Malakas siya!' Bumagsak si Avanie sa tubig, agad namang kumilos ang Hari para hawakan siya sa magkabilang braso mula sa likuran. Sinubukan niyang magpumiglas subalit masiyadong malakas ito. "PAKAWALAN NIYO NA NGA AKO! Hindi nga ako espiya! Ayokong gumamit ng dahas para lang makawala sa inyo at tiyaka..." bigla siyang nakaramdam ng malakas na kaba sa dibdib, kasunod ay ang panghihina ng buong katawan. Isa lang ang ibig sabihin nito. Bumibigat na ang talukap ng mga mata niya. "At tiyaka... wala... akong..." tumingin siya sa kalangitan. Hindi niya makita... tumingin siya sa likod niya, nagtama ang tingin nila ng lalaking may hawak sa kanya at doon niya lang nasilayan ang magandang mata nito. Pinaghalong kulay ng pula at itim na lalong tumingkad dahil sa pagtama ng ilaw na nagmumula sa di kalayuang lampara. Lumihis ang tingin niya at mula sa likod ng lalaki ay nakita niya ang bilog na bilog na buwan. "Ba-Bakit hindi ko napansin agad...." tuluyan na siyang nawalan ng malay.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD