Chapter 5

2824 Words
Mula sa pagkakahawak ni Riviel ay bumigat ang katawan ng babae. Sa palagay niya nawalan ito ng malay, ngunit hindi siya dapat pakasiguro. Baka niloloko lang sila ng babaeng ito. Sinipat ito ng pinsan niyang si Regenni. "Anong nangyari?" kunot noong tanong niya. "Mukhang nawalan siya ng malay kamahalan. May ginawa ka ba?" Umiling siya. "Ni hindi pa dumarampi sa leeg niya ang dulo ng hawak kong patalim." Nakita niyang lumapit ang mga sundalong nagbabantay di kalayuan. Nagtataka sa kung anong nangyari. "May problema po ba kamahalan?" "Bumalik na kayo, ayos na ang lahat dito." "Opo!" sagot ng mga ito at nagmamadaling umalis. "Marahil ay hindi na nakayanan ng kanyang katawan ang matinding pagod kaya nawalan siya ng malay." Komento pa ni Regenni. "Anong gagawin natin sa kanya?" naiiritang tanong niya sa pinsan. "Hindi natin siya pwedeng iwan na lang dito. Magkakasakit siya." "Hindi ako magpapatuloy ng isang espiya dito sa bahay pahingahan ko!" "Sinabi na niyang hindi siya isang espiya." "Halos lahat ng kriminal hindi inaamin ang tunay nilang katauhan." "Bitiwan mo na siya kung gano'n," hamon ni Regenni. Pero lumipas na ang ilang Sandali hindi pa rin ito binibitiwan ni Riviel. Tiningnan niya ang babae. Hindi niya nakikita ang mukha nito dahil nakayuko ito patalikod sa kanya. Mahaba ang itim na buhok nito at mapayat. Subalit hindi sapat ang kapayatan ng babaeng ito para bigyan ng kasagutan ang tanong sa isip ng hari. 'Bakit ang gaan niya? Tila ba wala na itong timbang.' Binuhat niya ito at doon lang nahantad ang mukha nito. Bilugan ang hugis ng mukha ng dalagita. Maputi, may katangusan ang ilong at may kakapalang labi. Pangkaraniwan lang ang mukha ng babaeng ito at hindi maihahanay sa ganda ng mga prinsesang nakilala niya. "Maghanda ka ng kwarto para sa kanya." Hindi niya ito maaaring iwan sa labas dahil kargo ng konsiyensya niya kapag nagkasakit ito at namatay. Isa pa, sa itsura at pananamit ng babae hindi nga ito mukhang espiya, mukha itong katulong. Subalit hindi pa rin siya kampante. Hihintayin niya na lang itong magising at doon niya sisimulan ang pagtatanong. "Sinasabi ko na nga ba't mabait ka!" "Tumahimik ka kung ayaw mong dito sa labas matulog." "Masusunod kamahalan." Natatawang turan ni Regenni. ✴✴✴ Mainit na sinag ng araw ang dumampi sa mukha ni Avanie. Ilang buwan na rin noong huli siyang makaramdam ng ganito. Sa tuwing sasapit kasi ang umaga, alam niyang darating na si Feer. Hindi pa sumisikat ang araw inuutusan na nito ang alagang si Lou para gisingin siya, kaya sa tuwing magmumulat siya ng mata laging ang bungo ni Lou ang bumubungad sa kanya. Ang tahimik... huni lang ng mga ibon ang maririnig sa buong silid. Umaga na... Umaga na? Umaga na! Agad siyang napadilat at napabangon sa hinihigaan para lang malaman na nasa isang di pamilyar na lugar siya. Malaki ang kamang tinutulugan niya, malaki ang kwartong tinutuluyan niya. Sa gitna ng kwarto ay may nakalatag na malaking carpet, sa gilid naman ay may nag-iisang sofa katabi ng shelf ng mga libro. Isang malaking bintana na napapalamutian ng napakagandang kurtina naman ang katabi ng shelf at tanaw mula roon ang kulay luntiang mga puno at halaman. "Nasaan ako?" "Ito ang bahay pahingahan ng Hari." Sabat ng isang tinig. Paglingon niya ay nakita niya ang isang lalaking nakahalukipkip at nakasandal sa hamba ng pintuan. Naalala niya ito. Ito yung lalaking nakahubad sa harap niya kagabi bago siya nawalan ng malay. "Pinapasok niya ako kahit na pinagdududahan niya akong isang espiya?" "Mahirap man paniwalaan pero mabait talaga ang Hari ng Ishguria." Tuluyan na itong pumasok at umupo sa nag-iisang sofa roon. Dahil madilim kagabi hindi niya napansin na mahaba pala ang kulay violet na buhok ng lalaki. Ngayon lang siya nakakita ng lalaking may sobrang habang buhok na halos sumayad na sa sahig. Di kaya takot itong magpagupit ng buhok? Violet din ang kulay ng mga mata nito pero hindi iyon kasing ganda nung sa hari. Kapag namatay ang Haring iyon hihilingin niya na ipa-preserba ang mga mata nito. "Ako si Regenni Sulaire, ang pinakamahusay na Knight sa kaharian ng Ishguria at kanang kamay ni Haring Riviel Qurugenn. Ako rin ang nagdala sa'yo rito. Siguro naman handa ka ng sagutin ang mga itatanong ko sa'yo." Siyempre, inaasahan na ito ni Avanie. Sa panahon ngayon wala nang nagpapatuloy ng libre. Patutuluyin ka lang nila kapag may kailangan sila sa'yo. Buti nga kung gano'n dahil magdududa talaga siya kapag sinabi nilang libre ang lahat! "Bago ko sagutin ang tanong mo, sagutin mo muna ang isang katanungan ko." "Ano 'yon?" "May pinatay ba kayo kagabi?' "Iyong isang lalaking nahuli ba ang tinutukoy mo?" tumango si Avanie. "Dinala siya sa himpilan matapos malaman na kasali ito sa miyembro ng Barona." "Barona?" "Oh... hindi mo sila kilala pero magkakasama kayong tumawid sa hangganan?" tanong nito "Barona ang tawag sa grupo ng mga magnanakaw na nagkalat dito sa Ishguria. Sila rin ang nasa likod ng mga magkakasunod na pagpatay sa mga Nindertal. Sa ngayon, pinipilit ng mga kawal ng palasyo na hulihin sila." "Pinapatay niyo ba sila?" Ngumiti ito. "Bakit naman namin gagawin yon? Labag 'yon sa batas. Kaysa patayin mas maganda kung mapapakinabangan sila sa loob ng kaharian kaya naisipan ni Haring Riviel na isali bilang kawal na magsisilbi sa Ishguria ang bawat nahuhuling miyembro ng Barona. Labing anim na oras na walang tigil na pagsasanay ang parusa sa unang limang buwan." MAS MASAHOL PA YON KESA SA PAGKAKAKULONG! "Sabihin mo, miyembro ka ba ng Barona?" Umiling siya. "Tinangka rin nila akong patayin." "Kung gano'n isa ka sa biktima," sabi nito na parang hindi pa rin kumbinsido. "Wala akong balak na patayin ang Hari niyo. Pero gusto ko siyang bigyan ng isang malakas na suntok dahil nasira ang mapayapang pagpunta ko rito nang paulanan kami ng mga kawal niya ng palaso sa may hangganan." "Humihingi ako ng despensa sa nangyari. Ngunit kasalanan niyo rin naman kung bakit kayo napaulanan ng palaso. Nagbigay ng paunawa ang pamunuan sa mga nilalang ng Pentorel at Ishguria na ipinagbawal muna ang pagpunta ng kahit sino sa may hangganan dahil narito nga ang hari." Natawa na lang si Avanie sa sinabi ni Regenni. Sa lahat naman ng pagkakataon, na tiyempohan pa niya ang namamahingang hari. Mabilis na kumilos si Regenni at sa isang iglap ay may nakatutok na namang espada sa leeg ni Avanie. "Hindi ka ba talaga espiya?" delikado ang tinig na tanong nito. Bumuntong hininga siya. Napapagod na siya. Kahapon hinabol siya nila Urdu para patayin. Tapos pinaulanan sila ng palaso ng mga kawal. Pagdating sa bukal tinutukan naman siya ng patalim at espada. Ngayong umaga meron na naman? Kailan ba matatapos to? "Kapag sinabi kong 'hindi' maniniwala ka ba?" "Depende sa sasabihin mo." Nagtaka si Avanie nang biglang nagliwanag ang suot niyang kwintas at mula roon ay may lumabas na dalawang orb na lumapag sa magkabilang gilid ni Regenni. Pagkatapos ng ilang Sandali ay naging nilalang ang dalawang orb. Nilalang na may parehong mukha. Kambal na lalaki. Kulay blue violet ang buhok ng dalawang nilalang at may mga matang kulay abo. Parehong nakasuot ng malaking sombrero ang dalawa at gaya ng sa mga Djinn ang pants ng mga ito na may mahabang tela sa magkabilang gilid na kulay turquoise. Para naman sa pang-itaas ay kulay puti na may halong gintong linings ang suot ng kambal at parehong maluluwag ang sleeve. Meron din tig-isang suot na hikaw na hugis krus ang dalawa. Isa sa kanan at isa sa kaliwa. Tinutukan ng mga ito ng malaking espada si Regenni na nakatayo sa harap niya. "Sino ka para tutukan ng espada ang aming amo?" walang emosyon na sabi ng isa sa kambal. "Mas nakakataas ka ba sa kanya ha?" tanong naman ng isa pa. "A-Anong? S-Sino kayo?" gulat na gulat na tanong ni Regenni. "Wag kang magtatangkang sumigaw, kung hindi papatayin ka namin," nakangiting turan ng isa habang nasa leeg ni Regenni ang hawak nitong malaking espada. "Mukhang magsasaya tayong dalawa ngayong araw Satari. Ilang paslang ba ang hatol natin sa isang ito?" "Mabigat ang parusa sa panunutok ng espada sa ating amo Kuya Fegari. Ang pinakamabigat ang hatol ko," walang emosyon na sabi naman ng isa pa. "Susugatan ang katawan niya tapos pagagalingin gamit ang kapangyarihan tapos susugatan uli. Ulitin ng limang libong beses hanggang sa magmakaawa siyang mamatay na lang pero hindi natin siya hahayaang mamatay ng walang permiso. Ito ang pinakamabigat na parusa HAHAHAHAHA!!!" Kung tahimik at walang emosyon si Satari, kabaliktaran naman si Fegari. "Dal Satari, Dal Fegari. Ibaba niyo ang mga armas niyo ngayon din," mahinahon na turan ni Avanie na agad namang sinunod ng kambal. Sa isang iglap ay naglahong parang bula ang malalaking sandata ng mga ito. "Kamahalaaaa~aan!!" agad na lumapit sa kanya si Fegari at yumakap nang mahigpit. "Bakit hindi niyo man lang kami tinawag kagabi? Alalang alala kami ni Satari dahil walang nagbabantay sa inyo!" "Tama si Kuya Avanie-Hana, delikado para sa inyo ang matulog ng walang bantay lalo na kapag bilog ang buwan." Napangiwi na lang siya ng marinig ang katagang 'Hana'. Idinudugtong iyon sa pangalan ng mga maharlikang babae sa mundo ng Iriantal at Hono naman sa lalaki. Pero hindi para sa kanya yon dahil hindi naman siya maharlika. "Hindi naman ako naging halimaw 'di ba?" Pagbibiro niya sa dalawa. "Paano nga pala kayo nakalabas? Hindi ko naman kayo tinawag 'ah!" Kagaya ni Draul, Feer at Chance, kasama rin sa tagapagbantay niya ang kambal na Dal. Pero kumpara sa naunang tatlo mas sumusunod ang mga ito sa kanya. Kaya lang, labag rin sa loob ng dalawa ang ginawa niyang pagkukulong sa mga ito sa loob ng kwintas at makakalabas lang sila kapag tinawag niya. Kailangan niyang gawin 'yon para hindi siya mahuli kaagad. "Ah! Narito kami ngayon sa aming kaharian kaya malakas ang kapangyarihan namin. Pwede kaming lumabas kahit na hindi niyo pa kami tawagin. At dahil nag-aalala kami sa kalagayan niyo ngayon hindi muna kami babalik sa loob ng kwintas!" "Ha? T-Teka! Hindi pwedeng narito lang kayo sa labas! Mas lalong magiging delikado para sa'kin!" "Tama si Avanie-Hana kuya. Ang mabuti pa bumalik na tayo, inaantok pa ko." "Hindi ko iiwan ang kamahalan dito!" Parang batang maktol ni Fegari. "Wala akong tiwala sa Ika labing pitong hari! Tinutukan niya ng patalim ang kamahalan! Dapat siyang parusahan!" "Hindi niyo kailangang mag-alala sa'kin ng husto. Kaya ko ang sarili ko. Isa pa, sa itsura ng isang ito..." tiningnan niya si Regenni at muntik na siyang matawa sa itsura ng mukha nito na ngayon ay kulay suka na. "Mukhang wala naman silang magagawa kapag nagpasya akong umalis." Napakamot na lang sa ulo niya si Fegari at inakbayan ang kakambal. "Kung iyon po ang gusto niyo masusunod kamahalan." Lumuhod ang dalawa at sabay rin naglaho. Tiningnan niya si Regenni na tulala pa rin sa isang tabi. Pumitik siya sa ere para kuhanin ang pansin nito. Tila noon lang nito naalala na buhay pa ito at wala pa sa daigdig ng mga patay. "Ano ang mga iyon?!!" gulantang na tanong nito nang makabawi. "Baka multo? Masama ka daw kasi kaya minumulto ka." "M-M-M-M-M-Mu-Mul-Multo??!!!" Ibinalik nito ang espada sa lalagyan at mabilis pa sa alas kuwatrong lumabas ng kwarto. "Anong nangyari dun? Hindi kaya... takot siya sa multo?" Humagalpak ng tawa si Avanie at marahang tumayo. Akalain mo nga naman. Ang matapang na lalaking kaharap niya kanina ay agad na tumiklop ng dahil lang sa multo? Nagkibit balikat na lang siya. Mabaho na ang damit niya kaya naghanap siya ng ibang maisusuot. May nakita siyang damit panlalaki sa loob ng aparador, kinuha niya yon tapos ay dumiretso sa banyo. "Pahiram ako ah, wala pa akong malinis na damit e." Habang naliligo ay iniisip niya ang mga ikinuwento ni Urdu. Paano nga kung may kinalaman ang hari ng Asturia sa pagkawala ng Rohanoro? Paano niya 'yon mapapatunayan? Ano rin ba ang kailangan niyang gawin? Isa pa, kung iisiping mabuti, napaka-imposibleng mawala ang isang rehiyon sa isang iglap lang. Bukod sa diyos meron pa bang ibang nilalang na may kapangyarihang magpalaho ng isang malawak na lupa? Hindi lang ang palasyo ang nawala kundi isang buong rehiyon! 'Imposibleng walang bakas. Kahit anong pagtatakip pa ang gawin ng may kagagawan nito, tiyak ako na may bakas siyang hindi naitago.' Kahit anong mangyari hindi siya titigil sa paghahanap. Bubuksan na sana niya ang pintuan ng banyo nang biglang may nagbukas rin no'n mula sa labas. Malakas ang pwersa kaya pati siya nahatak. Bagsak siya sa sahig. "Aray...." gaano ba ka-atat gumamit ng banyo ang nagbukas ng pinto? Parang kulang na lang tadyakan nito yon makapasok lang. Pisti! Ang sakit ah! Nang tingnan niya kung sino ang habas na nagbukas ng pinto ay nakita niya ang Hari. Nakatingin ito sa kanya. 'Hindi ko ata gusto ang kahihinatnan nito.' Mukhang hindi nagpunta sa kwarto si Riviel para mangamusta. "Kayo pala kamahalan. Masakit po ba ang tiyan niyo kaya nagmamadali kayong makapasok ng banyo? Sige po pasok na kayo!" Dali-dali siyang gumapang palayo pero wala rin... nahawakan agad nito ang isang paa niya at hinila siya pabalik. Hindi pa nakontento. Ibinitin pa talaga siya nito ng pabaliktad. Sa lakas ni Riviel nagawa nitong ibitin si Avanie ng walang kahirap-hirap. "O-Oy!" "Anong ginawa mo kay Regenni? Bakit hindi siya nagsasalita at namumutla rin ang buong mukha niya!" Mataas ang boses na tanong nito. "Ha?? Wala akong ginagawa sa kanya. Siya nga ang nanutok ng espada kanina e!" Iginalaw-galaw nito ang paa niya. Ang nangyari tuloy dumuduyan siya ng dumuduyan sa ibaba. "Itigil niyo 'yan kamahalan! Nahihilo ako!" "Hindi kita ibaba hanggat hindi mo sinasabi sa'kin ang ginawa mo kay Regenni! At sino ka para utusan ako dito pa mismo sa kaharian ko?" "Wala nga akong ginawa sa kanya! Sinabi ko lang na may multo tapos yon! Nagmamadali na siyang lumabas at umalis! Nagsasabi ako ng totoo itaga mo pa sa bato at sa bumbunan mo wala talaga akong ginawang masama sa kanya!" Sensiya na pero hindi niya sasabihin na tinutukan ito ng kambal na Dal ng patalim! "Multo?" Itinigil nito ang pagduyan sa kanya. "Kaya naman pala." Akala niya tapos na ito pero itinaktak naman siya nito. "Hindi siya magkakaganoon kung hindi siya nakakita ng isa! Gumamit ka ba ng maji ha? Isa ka bang espiya? Sumagot ka!" 'Markado ka na sa'kin hari ka! Hindi na kita palalampasin!' Hilong hilo na si Avanie! Lahat na ata ng dugo niya napunta na sa ulo. "Oo na! Oo na! Gumamit nga ako ng maji!" Huminto ito sa pagtaktak sa kanya at ibinagsak siya sa sahig. 'Napaka walang modo ng Haring 'to 'ah! Ang sakit! Kapag ako nagkaroon ng pagkakataon hihiwain ko katawan niya at ititira lang ang mata!' "Isinumpa mo ba si Regenni?" tanong nito. Kahit na nihihilo kitang-kita pa rin ni Avanie ang Hari na nakatayo ito sa harapan niya. Kumpara kagabi mas nakita niya na ito ng mabuti. Maputi ang kulay ng balat. Green ang kulay ng kapa nito na nakasabit lang sa kaliwang balikat. Pormal ang suot na kulay puting suit na may gold linings kahit saan. Sa loob naman ay itim na polo na may pulang kurbata. Tatlo rin ang hikaw nito sa kanang tenga. Bumagay sa pulang mata nito ang suot na suit. Ito yung tipong paglalawayan ng mga prinsesa sa iba't-ibang kaharian. Kumbaga perpektong maging kapareha ng mga prinsesang mahilig sa gwapo at naghahanap ng mapapakasalan. Para naman kay Avanie ito yung tipong pwedeng ilagay sa garapon at lagyan ng maraming pormalin at ilagay sa ibabaw ng cabinet para palamuti. Hindi yung kabuoan nito ang tinutukoy niya. Yung MATA! 'SANA NAGING MATA NA LANG SIYA!!' "Hindi ko siya isinumpa! Ginawa ko lang yon para protektahan ang sarili ko dahil tinutukan niya ako ng espada kanina. Sana noong nawalan ako ng malay kagabi, iniwan niyo na lang ako sa labas. Nandito nga ako kriminal naman ang tingin sa'kin." "Kargo ng konsiyensiya ko kapag namatay ka." 'Ano daw??? May narinig akong konsiyensiya... sino daw ang may konsiyensiya? Siya?' "May konsiyensiya ka pa pala ng lagay na yan? E, halos mailuwa ko na lamang loob ko, hindi mo pa rin ako tinigilan kakataktak!" 'Sinasabi ko na, sinasabi ko na! Brutal talaga ang haring 'to!' "Hindi pa rin ako naniniwalang hindi ka espiya." "At lalo namang hindi ako naniniwalang isa kang mabait na hari." Kahit na umiikot ang paningin, tumayo pa rin si Avanie at sinalubong ang tingin ng kaharap niya. Ilang segundo pa ay nakaramdam siya ng pagbaliktad ng sikmura. Hindi niya na napigilan pa kaya hayun... Nasukahan niya ang hari ng Ishguria. "Aah! Lapastangan ka!" Itinulak siya nito palayo. "Tingnan mo ang ginawa mo sa kasuotan ko!" "Patawad... k-kasalanan mo naman yan eh!" Parang lasing na sabi ni Avanie. Hinang-hina ang pakiramdam niya. Wala na nga siyang kinain sa loob ng isang araw, nailabas niya pa yung mansanas na kinain niya kahapon. "SA TINGIN MO BA PALALAMPASIN KO PA ANG GINAWA MONG 'TO??? IKAW LAPASTANGANG BABAE! HANGGA'T HINDI NAPAPATUNAYAN NA HINDI KA ESPIYA IKUKULONG KITA SA LOOB NG PALASYO KO! NAIINTINDIHAN MO BA HA??" Samantala... Sa may di kalayuang puno ay nagmamasid lang si Feer at ang batang babaeng si Fahnee. Nakikita nila kung anong nangyayari at base sa itsura ni Fahnee na mukhang handa ng pumatay, asar na asar na ito sa nakikita. Hinawakan ito ni Feer sa balikat. "Diyan ka lang. Kontrolin mo ang galit mo kung hindi, mapapahamak ang mahal na prinsesa." Humigpit ang hawak ni Fahnee sa dala nitong staff at tumango bilang pag sagot. "Magiging ayos lang kaya siya Feer? Nagugutom na siya." "Alam ko." Kahit siya ay gusto na ring kunin si Avanie at ibalik sa mansiyon. "Pero ang tanging utos lang ni Draul ay obserbahan ang nangyayari. Kapag sumugod tayo, hindi lang ang Hari ng Ishguria ang maaaring magka-interes sa prinsesa. Matutunugan din ito ni Bernon." Pagkasabi no'n ay naghagis ng isang patalim na may lason si Feer sa gilid nila. Mabilis na pumunta iyon sa katabing puno at tumama sa leeg ng isang nindertal na nakasuot ng itim na nagtatago rin sa itaas ng puno. Nalaglag ito sa lupa. Hindi na humihinga. Marahil ay isa ito sa mga ipinadalang assassin ni Bernon para patayin ang Hari ng Ishguria. "Maraming assassin sa paligid. Ang mabuti pa, sila na lang ang pagtuunan natin ng pansin."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD