Chapter 6

1271 Words
Ang kaharian ng Ishguria ay matatagpuan sa timog ng Iriantal, kaya naman medyo mainit ang klima rito. Magkanoon man, marami ang halaman at prutas na tumutubo rito na hindi makikita sa iba pang parte ng Iriantal. Marami ring minahan ang Ishguria kaya hindi maitatanggi na mayaman ang kahariang ito. Binubuo ng apat na malalaking grupo ng isla, anim na rehiyon, 150 na siyudad at 64 na probinsiya ang kaharian ng Ishguria. Ang kapitolyo ng kahariang ito ay tinawag na El Runa at dito nakatayo ang palasyo. Dahil na rin malaki ang tiwala at tapat ang mga Nindertal na nakatira sa kahariang ito, idagdag pang abot langit ang respeto nila para sa batang hari na si Riviel Qurugenn, mababa ang bilang ng krimen na nangyayari sa lugar. Dito man nagmula ang grupo ng Barona, hindi naman sila gumagawa ng malalaking gulo sa kaharian at yun ay dahil: tahanan para sa kanila ang Ishguria. Isa pa, takot ang grupo sa Hari. Pero para kay Avanie isa itong tumatalbog na eyeball na gusto niyang ilagay sa garapon para titigan maghapon. Sakay ng isang lumang karwahe kasama ng tatlong kawal at isang masungit na kutsero, papunta na sila ngayon sa El Runa. Kanina pa sumasakit ang puwetan at likod ng dalaga dahil mas pinili ng hari na dumaan sa isang sikretong ruta kung saan mabato ang daan. "Matagal pa ba?" nahihilong tanong niya sa kutsero. "Isang oras pa bago natin marating ang El Runa kaya manahimik ka diyan!" naiinis na sagot nito. "Ang sungit mo naman manong." "Pang-isang daan beses mo nang sinabi yan." "Dalawang beses lang kasi kayo sumagot." Hindi siya hinayaang makaalis ni Riviel, nagpasya itong isama siya sa palasyo nito para doon ikulong. Mas mabuti na rin para kay Avanie na dinala siya ni Riviel, sa ganitong paraan hindi na niya po-problemahin ang pagpunta sa El Runa. Ang kailangan niya na lang isipin ay kung pa'no makakatakas. "Binibini," tawag ng isang kawal kay Avanie. "Tingnan mo, matatanaw na mula rito ang El Runa." Mabilis naman siyang sumilip sa bintana ng karwahe at kulang na lang mapanganga siya sa ganda ng nakikita. Makapal at patulis ang hugis ng pader na nakapalibot sa buong El Runa, may nakadikit na malalaking kumikinang na asul na bato sa pader na may tatlong metro ang layo sa bawat isa. Nakapunta na siya sa Ishguria dati at ang alam niya, sa mga batong yon kumukuha ng Shi ang barrier na pumo-protekta sa kapitolyo. Sa lahat ng kaharian sa Iriantal, Ishguria at Rohanoro lang ang meron nito. At bawat isang bato ay lampas isang daang libong taon na ang tanda. Sa loob ay kitang-kita ang mga nagtataasang imprastraktura na malamang ay gawa rin sa mga mamahaling metal dahil kumikinang ang mga yon, marami ring makikitang mga sasakyang panghimpapawid na umiikot sa paligid ng kapitolyo. Nakapalibot naman sa labas ng pader ang mga maliliit na bahay na gawa sa kawayan at makapal na dahon. Sigurado si Avanie na maliliit na tribu ang mga yon. "Bakit may tribu rito?" "Ang tribu ng Yesu. Mula sila sa kanluran pero nang makita ng Hari ang nakakaawang kalagayan nila, nagpasya siyang patirahin ang mga ito sa labas ng El Runa. Kinuha kasi ng kaharian ng Asteloma ang lupain na tinitirahan ng mga Yesu, nagkaroon ng labanan sa lupain at libo ang mga Yesung namatay," paliwanag ng isa sa mga kawal. Tuluyang nakalapit sa entrada ng El Runa ang sinasakyan nila Avanie. Ang mga Yesu na may kanya-kanyang ginagawa ay pansamantalang tumigil at lumapit para magbigay galang sa hari, may yumukod pero mas marami ang nagbigay ng mga prutas, gulay at kung anu-ano pang pagkain. Halatang masaya ang mga ito sa pagbabalik ng kanilang Hari. Tumingala si Avanie. May malaking rebulto ng dalawang babae na gawa sa marmol ang nakatayo sa entrada. Ang isa ay hawak ang araw samantalang buwan naman ang sa isa pa. Maganda pa rin ito subalit hindi na naitago ang katandaan at kitang-kita yon sa maliliit na crack sa katawan ng dalawang rebulto. 'Ang laki na nang ipinagbago simula nung huli akong bumisita rito.' Noong hindi pa naitatayo ang El Runa, puro puno lang ang nakapalibot sa palasyo ng Ishguria subalit sa paglipas ng panahon, mga Nindertal galing sa iba't-ibang kaharian ay nagsimula nang dumayo rito kaya naman naisipan ng mga nakaraang Hari na i-develop ang lugar sa paligid ng palasyo. ✴✴✴ Isinama ni Haring Riviel sa palasyo si Avanie at bilang parusa ikinulong siya nito sa itaas ng lumang tore na walang ibang laman kundi isang maliit at lumang tulugan. Para kay Avanie, mas malala pa rin ang pagkakakulong niya sa loob ng itlog pero hindi niya pa rin mapigilang mag reklamo. Hindi pa rin makatarungang ikulong siya sa loob ng tore gayung wala naman talaga siyang kasalanan! "Ikinulong na nga ako, itinali pa mga kamay ko. Binigyan nga ako ng malaking kwarto nasa tore naman! Ama, ina kung nasaan man kayo ngayon hinihiling ko na parusahan niyo ang pisting hari na 'yon!" Reklamo niya habang tinatanggal ang pagkakatali sa kamay. Paano na? Hindi siya makakapag-imbestiga kung narito siya sa tore at nakakulong! Masiyado na siyang maraming nasasayang na oras kaya kailangan niya ng kumilos! Tumayo siya mula sa kama at tinungo ang nag-iisang bintana roon. Malaki pa rin ang buwan ngunit hindi na ito kasing bilog kagaya kagabi. Sumilip siya at tinanaw ang mga puno sa ibaba. Hindi niya alam na malayo pala ang palasyo sa hangganan. Maaga silang umalis pero inabot pa rin sila ng gabi sa pagpunta rito. Inilipat niya ang tingin sa mga dama at katulong na abalang-abala pa rin sa kanya kanyang gawain. Tumingin siya sa gawing kanan. Nakita niya ang Hari kausap si Regenni sa veranda ng ikalawang palapag ng palasyo. Sa harap nito ay isang lamesang nag-uumapaw sa pagkain. "Buti pa kayo may kinakain ako wala!" Nagugutom na siya. Hindi niya tuloy mapigilang maglaway habang tinitingnan ang sandamakmak na pagkain sa lamesa nila Riviel. Wala sa loob na napatingin si Avanie sa may parte ng palasyo na puro puno. May tunog na nagmulula roon. Bahagya siyang umuklo para marinig pang maigi. "Asintahin mo ang puso niya para tiyak ang kamatayan," anang isang boses. "Walang problema. Ako ang bahala. Sisiguruhin ko na hindi na sisikatan pa ng araw ang hari na 'yan! Isang palaso lang ang katapat niya," sabi nito sabay tawa ng malakas. 'Mga kaaway? Pero paano nakapasok?' Malayo ang mga ito sa kinaroroonan ng hari kaya hindi nila ito naririnig. Subalit malinaw itong naririnig ni Avanie kahit ilang metro ang layo ng mga ito sa kanya. Ang akala niya normal lang para sa lahat ng nilalang sa Iriantal ang magkaroon ng matalas na pandinig, pero ang hindi niya alam bihira lang ang mga nilalang na may ganoong kapangyarihan. Tumingin uli siya sa ibaba. Hindi siya maririnig ng mga nasa ibaba kahit pa sumigaw siya ng malakas. Nasa panganib ang buhay ng tangang Haring yon at hindi nito alam! "Anong gagawin ko?" Pinisil niya ang kamay at nag-aalalang tumingin sa direksyon ng dalawang nindertal na nag-uusap sa veranda. Sa may di kalayuan, ilang metro ang layo mula sa mga kalaban ay nagtatago rin sa malaking puno si Feer at Fahnee. Nakahanda ng sumugod si Fahnee subalit pinigilan uli ito ni Feer. "Tingnan natin kung anong gagawin niya." "Pero..." "Maghintay ka lang." Narinig ni Avanie ang pagbanat sa tali ng pana. Assassin ang mga Nindertal na ito at sigurado siya na sasakto yon kahit gaano pa kalayo. Kahit palabasin niya pa ang kambal na Dal ngayon hindi aabot ang dalawa sa kinaroroonan ng mga kaaway. Wala na siyang ibang pagpipilian. Tumayo siya sa bintana at tinantiya ang bilis na gagamitin para maabutan ang palaso. Nang mai-kondisyon niya na ang katawan ay huminga siya ng malalim. "Satari, Fegari! Narinig niyo ko. Hulihin niyo ang dalawang yon!" Lumiwanag ang kwintas, hindi na nag-atubili ang kambal nang makalabas ang mga ito. Lumipad ang dalawa patungo sa kinaroroonan ng mga assassin. Kasabay no'n ay narinig niyang napakawalan na ang palaso. Tumalon na rin siya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD